Miyerkules, Hunyo 12, 2019

Pahayag ng KPML sa Araw daw ng "Kalayaan"


PAHAYAG NG KPML SA ARAW DAW NG "KALAYAAN"
Hunyo 12, 2019

Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

"KALAYAAN", HINDI LANG MULA SA MANANAKOP
KUNDI KALAYAAN MULA SA SISTEMANG BULOK

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospusong nakikiisa sa lahat ng mapagmahal sa kalayaan at taasnoong nakikibaka upang kamtin ang tunay na kalayaan na hanggang ngayon ay hindi pa rin natin nakakamit.

Ipinahayag ni Emilio Aguinaldo noong Hunyo 12, 1898 ang “kalayaan” ng Pilipinas. Dahil dito, tinagurian ang Pilipinas na unang nagkamit ng kalayaan sa Asya mula sa pananakop ng mga dayuhan. Ang pagdiriwang naman ng “Araw ng Kalayaan” tuwing Hunyo 12 ay idineklara noong 1962 ni dating Pangulong Diosdado Macapagal mula sa dating petsa ng “Araw ng Kalayaan” na Hulyo 4, ang ipinamigay na “kalayaan” ng mga Kano, at ngayon ay kinikilala naman na Fil-Am Friendship Day. Pero gaano nga ba katotoo ang sinasabing kalayaang ito at dapat ipagdiwang ang Hunyo 12? Totoo nga bang lumaya ang Pilipinas noong Hunyo 12, 1898?

Isang dokumentong nilagdaan ng maraming Pilipino noong mismong Hunyo 12, 1898 ang magpapatunay na peke ang kasarinlan ng bansang Pilipinas na idineklara noong araw na iyon. Ang dokumentong iyon, na kilala sa tawag na Acta de Independencia, ay nilagdaan ng mahigit 90 katao. Ayon sa dokumentong iyon, lumaya ang Pilipinas sa EspaƱa upang magpailalim naman sa bansang Amerika. Ito ba ang kalayaan? Narito ang patunay:

"And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands..."

Ikalawa, ang mga kulay ng iwinawagayway na bandila ng ating bansa ay batay mismo sa kulay ng watawat ng Amerika bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga kabig ni Aguinaldo sa imperyalistang bansang iyon. Bakit nila ito ibinatay sa kulay ng watawat ng America, at bakit kinakailangang isulat pa nila ito? Kung ganoon, hindi totoo ang mga itinuro sa eskwelahan na ang mga kulay ng watawat ng Pilipinas ay sumasagisag sa katapangan (pula), kapayapaan (puti), katarungan (bughaw), at demokrasya (dilaw). Narito ang patunay:

"and the colors of Blue, Red, and White, commemorating the flag of the United States of America, as a manifestation of our profound gratitude towards this Great Nation for its disinterested protection which it lent us and continues lending us."

Hanggang ngayon, ito ang salalayan ng kasarinlan ng Pilipinas. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang ating pamahalaan sa pangangayupapa sa Amerika. Sa ngayon ay hindi pa rin malaya ang Pilipinas, dahil bulok pa rin ang sistemang kanyang kinalalagyan. Ang nais natin ay tunay na kalayaan, kaya patuloy tayong kumilos upang kamtin ang tunay na kalayaang iyon.

Kalayaan mula sa salot na kontraktwalisasyon. Pinapalaganap ang kontraktwalisasyon para baratin ang sahod, tanggalan ng benepisyo at hindi maging regular ang mga manggagawa. Karapatan ng manggagawa ang security of tenure o seguridad sa trabaho, kaya dapat maging regular siya sa trabaho.

Kalayaan mula sa katiwalian. Napakaraming mga kurakot sa pamahalaan, at uso ang lagay sa maraming transaksyon sa gobyerno. Dapat nang matigil ang graft and corruption.

Kalayaan mula sa trapong pulitika at dinastiya. Halos bawat lalawigan sa ating bansa ay pinaghaharian ng isang pamilya. Duterte sa Davao, Marcos sa Ilocos Norte. Singson sa Ilocos Sur. Abalos sa Mandaluyong. Cayetano sa Taguig. At marami pang iba.

Kalayaan mula sa kagutuman. Naisabatas ang rice tariffication na wala nang suporta sa ating magsasaka dahil mag-iimport na lang ng bigas ang ating pamahalaan.

Kalayaan mula sa tokhang at droga. Maraming dukha't bata ang napaslang dahil War on Drugs, at kasama sa mga napaslang sina Danica Mae Garcia, 5 taong gulang, at Althea Barbon, 4 na taong gulang.

Kalayaan mula sa kahirapan. Marami pa rin ang naghihirap sa kabila ng kanilang kasipagan sa trabaho tulad ng mga magsasaka at manggagawang gumagawa ng ekonomya ng bansa.

Kalayaan mula sa kawalang katarungan. Maraming mamamayan ang hindi pa rin natatagpuan ang kanilang mga mahal sa buhay sapagkat dinukot at naging desaparesido. Maraming pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay dahil tinokhang.

Kalayaan mula sa bulok na sistema ng lipunan. Panahon nang palitan ang bulok na sistemang siyang dahilan ng lalong pagyaman ng mga mayayaman at lalong paghihirap ng mga mahihirap.

Kailangan natin ng tunay na kalayaan upang masagip ang mga susunod na henerasyon mula sa kuko ng kapitalistang pagsasamantala at elitistang paghahari.

Pahayag ng KPML sa World Day Against Child Labor


PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY AGAINST CHILD LABOR
Hunyo 12, 2019

Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

KARAPATAN NG MGA BATA AY IGALANG!
CHILD LABOR SA BANSA AY WAKASAN!

Ang Hunyo 12 ng bawat taon ay World Day Against Child Labor, at kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakikisa sa lahat ng samahang nananawagang itigil na ang Child Labor o ang pagtatrabaho ng mga bata. Ang mga bata ay dapat nasa paaralan, at hindi nasa mga pabrika, kabukiran, o saanmang pook ng trabaho. Sa mura nilang edad ay dapat tinatamasa nila ang mga nararapat sa kanilang edad tulad ng edukasyon at kalayaang makapaglaro.

Inilunsad ng International Labor Organization (ILO)ang World Day Against Child Labor noong 2002 upang makapaghatid ng pansin at sumali sa mga pagsisikap na labanan ang child labor. Pinagsasama-sama ng araw na ito ang mga pamahalaan, lokal na awtoridad, sibil na lipunan at internasyonal, manggagawa at iba't ibang samahan upang ipamalay sa marami ang problema sa pagtatrabaho ng mga bata at itakda ang mga patnubay upang tulungan ang mga batang manggagawa.

Ayon sa data ng ILO, daan-daang milyong batang babae at lalaki sa buong mundo ang nasasangkot sa trabaho na nagtatakwil sa kanila na makatanggap ng sapat na edukasyon, kalusugan, paglilibang at mga pangunahing kalayaan. Ito'y lumalabag sa kanilang mga karapatan bilang bata. Sa mga batang ito, higit sa kalahati ay nakalantad sa pinakamalalang paraan ng pagtatrabaho ng bata. Ang mga pinakamasamang uri ng pagtatrabaho ng bata ay kinabibilangan ng trabaho sa mga mapanganib na kapaligiran, pang-aalipin, o iba pang anyo ng sapilitang paggawa, mga ipinagbabawal na gawain tulad ng trafficking sa bawal na gamot at prostitusyon, pati na rin ang pakikilahok sa armadong tunggalian.

Ang pagtatrabaho ng bata ay gawaing nag-aalis sa mga bata sa kanilang pagkabata at nakakapinsala ito sa pag-unlad ng kanilang pisikal at mental. Sa Pilipinas, mayroong 2.1 milyong mga child laborers na may edad na 5-17 taong gulang batay sa 2011 Survey on Children of the Philippine Statistics Authority (PSA). Mga 95 porsiyento ng mga ito ay nasa mapanganib na gawain. Animnapu't siyam na porsiyento ng mga ito ay nasa edad na 15-17 taong gulang, na karamihan ay nakalantad sa mapanganib na gawain.

Ang mga bata ay nagtatrabaho sa mga bukid at plantasyon, sa mapanganib na mga mina, sa mga kalye, sa mga pabrika, at sa mga pribadong tahanan bilang mga domestic worker ng bata. Nasa agrikultura karamihan ng mga batang manggagawa na nasa 58 porsyento.

Isa ang KPML sa may programa para sa mga bata. Sa katunayan, naglabas ng Agenda ng mga Bata at Kabataang Manggagawa ang KPML noong 2009. Nais din naming ipaalala sa pamahalaan, lalo na sa mga awtoridad ng batas, ang Convention on the Rights of the Child ng United Nations (UNCRC) bilang salalayan at gabay nila sa pagtrato sa mga bata. Narito ang Agendang inilabas ng KPML noong 2009.

AGENDA NG MGA BATA AT KABATAANG MANGGAGAWA
(Child Laborer and Young Worker's Agenda)

Karapatang Mabuhay at Umunlad
- Maayos na bahay, may ilaw, malinis na tubig, at walang demolisyon
- Libreng pa-check up at gamot
- Bigyan ng trabaho o pagkakakitaan ang aming magulang
- Makapag-aral at makabalik sa paaralan (pormal o di-pormal)
- Tulungan kami ng Dep Ed sa mga problema sa eskwelahan
- Scholarship para sa mahirap
- May malinis, maayos na tambayan o palaruan
- Malaman ang aming karapatan
- Malaman ang Reproductive Health

Karapatang Makilahok
- Magkaroon ng isang kinatawang bata sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC)
- Maglunsad ng mga pakikipag-usap, dayalogo, negosasyon sa mga opisyal ng gobyerno na may programa para sa mga bata at kabataan
- Tuluy-tuloy na pagtatayo at pagkokonsolida ng mga samahan ng bata at kabataang manggagawa
- Paglulunsad ng mga gawain o aktibidad para sa pagsusulong ng adbokasya ng mga bata at kabataan na may kaugnayan sa kanilang isyu at kahilingan na mayroong pagsang-ayon ng komunidad

Karapatang Maproteksyunan
- Walang diskriminasyon o panlalait
- Walang pananakit, pambubugbog at pagmumura
- Maproteksyunan laban sa pangre-rape
- Maproteksyunan laban sa eksploytasyon o pagsasamantala
- Ipaalam sa bawat barangay at ipatupad ang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC)
- Iligtas kami sa lahat ng kalamidad
- Mabigyan ng pag-aaral ang mga magulang at isama ang aming magulang na magtitiyak ng aming proteksyon

Pinakamabuti para sa mga Bata
- Regular na konsultasyong pisikal at sikolohikal para sa aming mga bata at kabataan
- Maglunsad ng mga aktibidad o pagsasanay na makatutulong sa paglalabas ng iba't ibang talento o kakayanan bilang bata at kabataan
- Sa panahon ng pagsasamantala o pang-aabuso sa bata, hayaang mabigyan ng malayang pananaw o desisyon na pinakamainam para sa mga bata
- Maging bahagi ang mga bata at kabataan sa pagdedesisyon na maipahayag ang kanilang pananaw sa mga pulong at konsultasyon sa loob at labas ng tahanan na may kinalaman sa kanilang pag-unlad

Nawa ngayong Hunyo 12, 2019,at sa mga Hunyo 12 pang darating, patuloy nating ipanawagang itigil na ang child labor sa iba't ibang panig ng daigdig, lalo na sa ating bansa. Igalang natin ang karapatan ng mga bata at tiyaking tinatamasa nila ang mga karapatan nila bilang bata. Wakasan na ang child labor!

Lunes, Hunyo 10, 2019

11 issues ng Taliba ng Maralita

May 11 issues na ng Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML.
20 pages, P10 per issue. Get your copy now! Collector's item.











Linggo, Hunyo 9, 2019

Pahayag ng KPML hinggil sa welga ng manggagawa ng ZAGU


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA WELGA NG MANGGAGAWA SA ZAGU

Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

HUWAG TANGKILIKIN ANG ZAGU
HANGGA'T GINIGIPIT ANG OBRERO

SALOT NA KONTRAKTWALISASYON, WAKASAN!
KONTRAKTWAL NA MANGGAGAWA NG ZAGU AY GAWING REGULAR!

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospuso't taas-kamaong nakikiisa sa laban ng mga manggagawa ng kumpanyang Zagu sa kanilang welga laban sa union busting at kontraktwalisasyon.

Matagal nang isyu ng manggagawa sa iba't ibang pabrika, kumpanya o pagawaan ang isyu ng kontraktwalisasyon, na ito'y mali. Iba’t iba ang mukha at katawagan ng kontraktwalisasyon sa bansa. Ang ilan dito ay outsourcing, casual, apprentice, job order, seasonal workers, at project-based pero pare-pareho ang kalagayan. Pinapalaganap ang kontraktwalisasyon para baratin ang sahod, tanggalan ng benepisyo at hindi maging regular ang mga manggagawa. Karapatan ng manggagawa ang security of tenure o seguridad sa trabaho, kaya dapat maging regular siya sa trabaho.

Subalit dahil siya ay kontraktwal, bentahe para sa mga kapitalista't may-ari ng kumpanya ang ganitong kalagayan upang maibsan ang gastusin ng kumpanya at makapagkamal pa ng mas malaking kita. Sa bahagi ng mga manggagawa, ang kontraktwalisasyon ay salot, dahil walang seguridad sa trabaho ang mga manggagawa. Kaya mahalaga ang pagkakabuo ng unyon ng manggagawa sa ZAGU - ang ORGANIZA - SUPER - BMP sapagkat ito ang magbubuklod ng lakas ng mga manggagawa ng ZAGU upang isulong ang kanilang mga karapatan at labanan ang kontraktwalisasyon.

Karamihan ng mga manggagawa ng ZAGU ay mga maralita tulad namin. Nabubuhay na isang kahig, isang tuka o napipilitang sumabak sa hirap upang magtrabaho, subalit kakarampot ang benepisyo, dumaranas ng hindi makataong kalagayan sa paggawa at pinagkakaitan ng kanilang batayang karapatan sa paggawa, tulad ng pag-oorganisa ng unyon at pinananatili silang kontraktwal.

Ayon sa pananaliksik, ang kumpanyang Zagu, na pag-aari ni Genevieve Lim Santos, ay magdiriwang ng kanilang ika-20 anibersaryo sa Hunyo 20. Ito ay may higit sa 500 mga tindahan sa buong bansa.

Sa website ng Zagu (www.zagushakes.com) ay nakasulat bilang Company Objectives ay (a) To promote, protect and maintain its image at all times; (b) To make sure that each employee provides quality products and offer excellent service to all customers, at may apat pang layunin. Mas nakatuon sila sa imahe ng kanilang kumpanya kaysa kalagayan ng kanilang manggagawa.  

Habang sa Company Principles ay nakatala: (a) Proper attitude is more important than skills; (b) Be open to Constructive Criticisms; (c) In life, there will always be problems. It is a continuous learning process wherein we learn to constantly adjust; (d) The Company will not adjust to anybody because the company believes in protecting rather than sacrificing the welfare of the majority; (e) Mutual respect and understanding is expected from each one; (f) To make work easier for the employees. Kung "Proper attitude is more important than skills", bakit patuloy pa ring kontraktwal ang mga manggagawa at hindi nila ito gawing regular? Bakit ang attitude nila sa manggagawa ay ang isyu ng union busting?

Anila, "because the company believes in protecting rather than sacrificing the welfare of the majority", ang mayorya ng kanilang manggagawa ay kontraktwal. Kung nais nilang protektahan ang mayorya ng kanilang manggagawa, dapat gawin nilang regular ang mga manggagawa nila. Subalit hindi nila ito gagawin dahil sila'y mga tusong negosyanteng nais magkamal ng tubo kahit dehado ang kanilang mga manggagawa.

May karapatan ang mga manggagawa ng ZAGU na kolektibong makipagtawaran at makipagnegosasyon, magwelga at magdaos ng iba pang anyo ng sama-samang pagkilos na magsusulong ng kanilang mga karapatan at interes. Dapat ding itaguyod ang karapatan ng mga manggagawa upang kamtin nila ang seguridad sa trabaho. Kaya dapat lang labanan at wakasan na ang kontraktwalisasyon at tiyakin ang karapatan ng lahat na magkatrabaho.

Sa ngayon, dapat iboykot ng mamamayan ang mga produkto ng ZAGU, habang nagpapatuloy ang welga ng manggagawa, at habang hindi pa ginagawang regular ang mga manggagawang kontraktwal.

Mga manggagawa't maralita, halina't ipakita natin ang ating pakikiisa sa marangal na layunin ng mga manggagawa ng ZAGU - ang maging regular na manggagawa ang lahat ng kontraktwal na manggagawa ng ZAGU. Tinatawagan namin ang mga manggagawa mula sa iba't ibang kumpanya, pati na ang mga mamamayang tumatangkilik sa mga produkto ng ZAGU, na makiisa sa panawagang ito, at iboykot lahat ng produkto ng ZAGU!

Sabado, Hunyo 8, 2019

Pahayag ng KPML sa Daigdigang Araw ng Karagatan (World Ocean's Day)


PAHAYAG NG KPML SA DAIGDIGANG ARAW NG KARAGATAN
(WORLD OCEAN'S DAY), Hunyo 8, 2019

Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang pangulo, KPML

KARAGATAN MAN AY MAY KARAPATAN
HUWAG NATIN ITONG GAWING BASURAHAN

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospusong nakikiisa sa lahat ng samahan at indibidwal sa paggunita ng Daigdigang Araw ng Karagatan (World Ocean's Day).

Ang World Oceans Day ay ginaganap tuwing ika-8 ng Hunyo. Ang konsepto ay orihinal na iminungkahi noong 1992 ng International Center for Ocean Development (ICOD) ng Canada at ng Ocean Institute of Canada (OIC) sa Earth Summit - UN Conference on Environment and Development (UNCED) sa Rio de Janeiro, Brazil. Ang Brundtland Commission, ang World Commission on Environment and Development, ay nagbibigay ng inspirasyon para sa isang pandaigdigang araw ng karagatan. Sinabi ng 1987 Brundtland Report na ang sektor ng karagatan ay kulang sa malakas na boses kumpara sa iba pang mga sektor. Sa unang World Oceans Day noong 1992, ang layunin ay upang isentro ang isyu ng karagatan sa mga talakayan at patakaran sa pagitan ng mga pamahalaan at mga NGO at upang palakasin ang tinig ng mga nasa karagatan at baybayin sa buong mundo.

Mula noong 2002, nagkaroon ng isang pinagsamang pagsisikap upang itaguyod ang World Oceans Day bilang isang natatanging pagkakataon upang ipagdiwang ang karagatan, ang ating mga koneksyon, at gumawa ng tunay na pagbabago. Ang Ocean Project, na nakikipagtulungan sa mga nangungunang organisasyon mula sa lahat ng sektor, kabilang ang World Ocean Network, Association of Zoos and Aquarium, at marami pang iba sa kanyang network ng 2,000 na organisasyon, ay nagtataguyod ng World Oceans Day mula pa noong 2002 at kasama ang World Ocean Network humantong sa isang apat na taon ng kilusan ng pandaigdigang petisyon upang matiyak ang opisyal na pagkilala ng Un. Bawat taon mayroong higit pang mga organisasyon sa buong mundo na nagmarka ng World Oceans Day.

Noong 2008, ang United Nations General Assembly ay nagpasa ng resolusyon na opisyal na kinikilala ang Hunyo 8 bilang "World Oceans Day", at epektibo noong 2009, sa pamamagitan ng Resolution 63/111 (talata 171). Samakatuwid, ang United Nations Division for Ocean Affairs and the Law of the Sea, Office of Legal Affairs ay nagtataguyod ng pagdiriwang ng International Day para sa United Nations.

Sa ating bansa, dapat nating gunitain o ipagdiwang ang Ocean's Day dahil napapaligiran tayo ng karagatan. Subalit maraming nais mang-agaw ng ating karagatan, tulad ng Tsina na nais sakupin ang West Philippine Sea. Dagdag pa, marami nang namatay na balyena sa ating karagatan at sa iba pang panig ng mundo, na ang laman ng tiyan ay pulos basurang plastik. Sino ang dapat sisihin sa mga nangyayaring ito. Mga nakuhang basura ay mga single use plastics at mga upos ng sigarilyo na naglulutangan sa dagat dahil ginawang basurahan ng tao ang karagatan. Ito'y isang malaking kamalian.

Kaya kami sa KPML ay mahigpit na nananawagan sa lahat ng mamamayan na huwag nating gawing basurahan ang ating karagatan. Kung kakayanin, sumama tayo sa mga ginagawang clean-up drive sa ating mga karagatan. At kung hindi man tayo makasama sa mga aktibidad tulad ng clean up drive, maging responsable sana tayo sa ating mga basura, at tiyaking huwag na tayong makapag-ambag pa sa dumaraming palutang-lutang na basura sa dagat. Protektahan natin ang kalikasan. Protektahan natin ang ating mga karagatan, pati na mga ilog, lawa at sapa.

Miyerkules, Hunyo 5, 2019

Pahayag ng KPML sa Daigdigang Araw ng Kapaligiran (World Environment Day)


PAHAYAG NG KPML SA DAIGDIGANG ARAW NG KAPALIGIRAN
(WORLD ENVIRONMENT DAY), HUNYO 5, 2019

Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

KAYDUMI NA NG POLUSYON SA HANGIN
KAPALIGIRAN AY DAPAT NANG LINISIN

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay lubos na nakikiisa sa mamamayan ng iba't ibang panig ng mundo sa pagdiriwang ng Daigdigang Araw ng Kapaligiran (World Environment Day) tuwing ikalima ng Hunyo. Ang tema ngayong taon ay "Polusyon sa Hangin (Air Pollution).

Sinabi nga ni Sekretaryo Heneral AntĆ³nio Guterres ng United Nations: "Panahon na ng tiyak na pagkilos. Malinaw ang aking mensahe sa mga pamahalaan: buwisan ang polusyon, wakasan na ang subsidyo sa mga fossil fuel, at itigil ang pagtatayo ng mga bagong coal plants. Kailangan natin ng luntiang ekonomiya, hindi isang malabong ekonomiya. (It is time to act decisively. My message to governments is clear: tax pollution; end fossil fuel subsidies; and stop building new coal plants. We need a green economy not a grey economy.)" — Secretary-General, AntĆ³nio Guterres

Ipinagdiriwang ang World Environment Day (WED) tuwing ikalima ng Hunyo bawat taon bilang salalayan ng United Nations upang itaguyod ang kamalayan at pagkilos para sa proteksyon ng ating kalikasan at kapaligiran. Itinatag ang taunang pagdiriwang na ito ng UN General Assembly noong 1972 sa unang araw ng Stockholm Conference hinggil sa Human Environment, na nagreresulta sa maraming talakayan hinggil sa ugnayan ng tao at ng kapaligiran. Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1974 ang unang WED ay ginanap sa temang "Only One Earth". Layunin nitong pataasin ang kamalayan ng tao sa iba't ibang sumusulpot na isyu ng polusyon, pag-iinit ng mundo, sustenableng paggamit ng kalikasan, at marami pang isyung pangkapaligiran. Inoorganisa ng UN Environment Programme (UNEP, o UN Environment) ang mga aktibidad para sa araw na ito.

Gayundin naman, kasabay ng araw na ito ang  International Day for the Fight against Illegal, Unreported and Unregulated Fishing (A/RES/72/72), na deklarado din ng UN na gunitain tuwing Hunyo 5.

Sa ating bansa, maraming coal-fired power plants at may mga aplikasyon pa na magtayo ng mahigit dalawampu pang coal-fired power plants. Nag-iinit na ang mundo, na malaking dahilan ay ang mga usok sa coal-fired power plants. Matindi rin ang ibinubugang abo ng mga sasakyan at usok mula sa mga pabrika. Kaya nakikiisa rin ang KPML sa iba't ibang organisasyong nananawagan ng pagtigil sa paggamit ng fossil fuels at coal-fired power plants, tulad ng GreenPeace, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), No Burn Pilipinas, EcoWaste Coalition, Health Care Without Harm, GAIA, atbp..

May mga banta pa ng muling pagtatayo ng mga incinerator na labag sa ating mga batas, tulad ng Philippine Clean Air Act (RA 8749) at Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003). At tutol tayo, kasama ang iba pang makakalikasang samahan, sa pagkakaroon ng waste-to-energy o incinerator sa ating bansa, dahil malaki ang masamang epekto nito sa ating kalusugan at sa kapaligiran.

Kaya mahigpit nating hinihikayat ang pamahalaan, mga NGO, people's organizations, mga samahang pagkomunidad, at mga indibidwal, na makiisa at makilahok sa iba't ibang aktibidad na nagtataguyod ng kapakanan ng ating Inang Kalikasan.

Huwag magsunog ng mga basura. Huwag magtapon ng basura sa karagatan. Ayusin ang mga basura at ibukod ang nabubulok sa hindi nabubulok. At ibahagi natin ang mga naibahagi sa ating kaalaman sa ating kapwa upang mas marami pa tayong nagtutulong-tulong upang pangalagaan ang ating kapaligiran.

Tayo man ay dukha, may dignidad tayong inaalagaan. At may daigdig tayong tahanan na dapat nating proteksyunan.

Martes, Hunyo 4, 2019

Pahayag ng KPML sa International Day of Innocent Children Victims of Aggression


PAHAYAG NG KPML SA DAIGDIGANG ARAW NG MGA INOSENTENG BATANG BIKTIMA NG AGRESYON
Hunyo 4, 2019

Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

IGALANG ANG KARAPATAN NG MGA BATA!
KATARUNGAN SA MGA BATANG TINOKHANG!

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng mga inosenteng batang pinagmalupitan, binubugbog, at yaong mga napaslang dahil sa War on Drugs. Katarungan ang aming hinihingi para sa kanila. Katarungan dahil may kinabukasan pa sana silang kakaharapin subalit ang mga karanasan nila ng kalupitan ay malaki ang epekto sa kanila, at yaong mga pinaslang ay nawalan na ng pagkakataong kamtin ang kanilang magagandang panagarap pagkat wala na silang buhay.

Ang International Day of Innocent Children Victims of Aggression ng United Nations ay ginugunita tuwing Hunyo 4 bawat taon. Ang layunin ng araw na ito ay upang mabatid natin ang mga pasakit na nararanasan ng mga bata sa buong mundo na biktima ng pang-aabusong pisikal, mental at emosyonal. Pinatutunayan ng araw na ito ang pagtaya ng UN na protektahan ang mga karapatan ng mga bata.

Ayon sa kasaysayan, noong Agosto 19, 1982, sa espesyal na sesyon hinggil sa usaping Palestino, nagulat ang General Assembly ng UN sa malaking bilang ng mga inosenteng batang Palestino at Lebanes na biktima ng pagsalakay ng Israel. At sa pulong na iyon ay pinagpasyahang gunitain ang Hunyo 4 ng bawat taon bilang International Day of Innocent Children Victims of Aggression. Ayon sa UN, ang pang-aabuso sa mga bata ay kinabibilangan ng:

(a) Mahigit sa dalawang milyong bata ang napatay sa digmaan sa huling dalawang dekada.
(b) Mga 10 milyong mga batang refugee ang nasa pangangalaga ng UN Refugee Agency (UNHCR).
(c) Sa Latin America at sa rehiyon ng Caribbean halos 80 libong bata ang namamatay taun-taon mula sa karahasan sa loob ng pamilya.

Dito sa Pilipinas, maraming mga inosenteng bata ang napaslang dahil sa War on Drugs ng pamahalaan. Isa na rito si Kian Delos Santos na pinaslang sa Caloocan. Ang mga pumaslang sa kanya'y nakasuhan naman at nasentensyahan ng murder makalipas ng ilang taon. Nariyan ang mga pangalang SaniƱo Butucan, pitong taong gulang, Danica Mae Garcia, limang taong gulang, at Althea Barbon, apat na taong gulang. Sa edad ba nila'y makakapagbenta ba sila ng droga para paslangin na lamang?

Ayon sa ulat ng Inquirer, "hindi bababa sa 74 na menor de edad ang napatay sa mga operasyon ng pulisya at pag-atakeng vigilante mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2017, ayon sa isang grupong tagapagtaguyod na nagsasagawa ng bilang ng mga kabataang biktima ng War on Drugs ng administrasyong Duterte. Sa kabila ng kanilang edad, nakalinya sila bilang mga puntirya, hindi lamang "collateral damage," ayon sa Children's Legal Rights and Development Center (CLRDC)."

Isa ang KPML sa may programa para sa mga bata. Sa katunayan, naglabas ng Agenda ng mga Bata at Kabataang Manggagawa ang KPML noong 2009, at isa sa agendang ito ay: Karapatang Maproteksyunan. Nais din naming ipaalala sa pamahalaan, lalo na sa mga awtoridad ng batas, ang Convention on the Rights of the Child ng United Nations (UNCRC) bilang salalayan at gabay nila sa pagtrato sa mga bata.

Kaya sa pagkakataong ito, ipinahahayag namin ang aming pagkadismaya at galit sa mga nangyayaring pagpaslang sa mga inosenteng bata sa ngalan ng digmaan laban sa droga. Nawa'y magkaroon ng katarungan ang mga inosenteng batang ito na nawalan ng kinabukasan at buhay dahil lamang sa panggigigil ng estado sa kawalan ng tamang proseso ng batas at mapaslang ang kanilang mga puntirya ng walang due process.

Nananawagan kami sa ating mga kababayan na magsindi ng kandila sa Hunyo 4, 2019, saanman sila naroroon, bilang paggunita sa International Day of Innocent Children Victims of Aggression.

Mga pinagbatayan ng ilang datos: