Miyerkules, Hunyo 12, 2019

Pahayag ng KPML sa World Day Against Child Labor


PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY AGAINST CHILD LABOR
Hunyo 12, 2019

Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

KARAPATAN NG MGA BATA AY IGALANG!
CHILD LABOR SA BANSA AY WAKASAN!

Ang Hunyo 12 ng bawat taon ay World Day Against Child Labor, at kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakikisa sa lahat ng samahang nananawagang itigil na ang Child Labor o ang pagtatrabaho ng mga bata. Ang mga bata ay dapat nasa paaralan, at hindi nasa mga pabrika, kabukiran, o saanmang pook ng trabaho. Sa mura nilang edad ay dapat tinatamasa nila ang mga nararapat sa kanilang edad tulad ng edukasyon at kalayaang makapaglaro.

Inilunsad ng International Labor Organization (ILO)ang World Day Against Child Labor noong 2002 upang makapaghatid ng pansin at sumali sa mga pagsisikap na labanan ang child labor. Pinagsasama-sama ng araw na ito ang mga pamahalaan, lokal na awtoridad, sibil na lipunan at internasyonal, manggagawa at iba't ibang samahan upang ipamalay sa marami ang problema sa pagtatrabaho ng mga bata at itakda ang mga patnubay upang tulungan ang mga batang manggagawa.

Ayon sa data ng ILO, daan-daang milyong batang babae at lalaki sa buong mundo ang nasasangkot sa trabaho na nagtatakwil sa kanila na makatanggap ng sapat na edukasyon, kalusugan, paglilibang at mga pangunahing kalayaan. Ito'y lumalabag sa kanilang mga karapatan bilang bata. Sa mga batang ito, higit sa kalahati ay nakalantad sa pinakamalalang paraan ng pagtatrabaho ng bata. Ang mga pinakamasamang uri ng pagtatrabaho ng bata ay kinabibilangan ng trabaho sa mga mapanganib na kapaligiran, pang-aalipin, o iba pang anyo ng sapilitang paggawa, mga ipinagbabawal na gawain tulad ng trafficking sa bawal na gamot at prostitusyon, pati na rin ang pakikilahok sa armadong tunggalian.

Ang pagtatrabaho ng bata ay gawaing nag-aalis sa mga bata sa kanilang pagkabata at nakakapinsala ito sa pag-unlad ng kanilang pisikal at mental. Sa Pilipinas, mayroong 2.1 milyong mga child laborers na may edad na 5-17 taong gulang batay sa 2011 Survey on Children of the Philippine Statistics Authority (PSA). Mga 95 porsiyento ng mga ito ay nasa mapanganib na gawain. Animnapu't siyam na porsiyento ng mga ito ay nasa edad na 15-17 taong gulang, na karamihan ay nakalantad sa mapanganib na gawain.

Ang mga bata ay nagtatrabaho sa mga bukid at plantasyon, sa mapanganib na mga mina, sa mga kalye, sa mga pabrika, at sa mga pribadong tahanan bilang mga domestic worker ng bata. Nasa agrikultura karamihan ng mga batang manggagawa na nasa 58 porsyento.

Isa ang KPML sa may programa para sa mga bata. Sa katunayan, naglabas ng Agenda ng mga Bata at Kabataang Manggagawa ang KPML noong 2009. Nais din naming ipaalala sa pamahalaan, lalo na sa mga awtoridad ng batas, ang Convention on the Rights of the Child ng United Nations (UNCRC) bilang salalayan at gabay nila sa pagtrato sa mga bata. Narito ang Agendang inilabas ng KPML noong 2009.

AGENDA NG MGA BATA AT KABATAANG MANGGAGAWA
(Child Laborer and Young Worker's Agenda)

Karapatang Mabuhay at Umunlad
- Maayos na bahay, may ilaw, malinis na tubig, at walang demolisyon
- Libreng pa-check up at gamot
- Bigyan ng trabaho o pagkakakitaan ang aming magulang
- Makapag-aral at makabalik sa paaralan (pormal o di-pormal)
- Tulungan kami ng Dep Ed sa mga problema sa eskwelahan
- Scholarship para sa mahirap
- May malinis, maayos na tambayan o palaruan
- Malaman ang aming karapatan
- Malaman ang Reproductive Health

Karapatang Makilahok
- Magkaroon ng isang kinatawang bata sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC)
- Maglunsad ng mga pakikipag-usap, dayalogo, negosasyon sa mga opisyal ng gobyerno na may programa para sa mga bata at kabataan
- Tuluy-tuloy na pagtatayo at pagkokonsolida ng mga samahan ng bata at kabataang manggagawa
- Paglulunsad ng mga gawain o aktibidad para sa pagsusulong ng adbokasya ng mga bata at kabataan na may kaugnayan sa kanilang isyu at kahilingan na mayroong pagsang-ayon ng komunidad

Karapatang Maproteksyunan
- Walang diskriminasyon o panlalait
- Walang pananakit, pambubugbog at pagmumura
- Maproteksyunan laban sa pangre-rape
- Maproteksyunan laban sa eksploytasyon o pagsasamantala
- Ipaalam sa bawat barangay at ipatupad ang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC)
- Iligtas kami sa lahat ng kalamidad
- Mabigyan ng pag-aaral ang mga magulang at isama ang aming magulang na magtitiyak ng aming proteksyon

Pinakamabuti para sa mga Bata
- Regular na konsultasyong pisikal at sikolohikal para sa aming mga bata at kabataan
- Maglunsad ng mga aktibidad o pagsasanay na makatutulong sa paglalabas ng iba't ibang talento o kakayanan bilang bata at kabataan
- Sa panahon ng pagsasamantala o pang-aabuso sa bata, hayaang mabigyan ng malayang pananaw o desisyon na pinakamainam para sa mga bata
- Maging bahagi ang mga bata at kabataan sa pagdedesisyon na maipahayag ang kanilang pananaw sa mga pulong at konsultasyon sa loob at labas ng tahanan na may kinalaman sa kanilang pag-unlad

Nawa ngayong Hunyo 12, 2019,at sa mga Hunyo 12 pang darating, patuloy nating ipanawagang itigil na ang child labor sa iba't ibang panig ng daigdig, lalo na sa ating bansa. Igalang natin ang karapatan ng mga bata at tiyaking tinatamasa nila ang mga karapatan nila bilang bata. Wakasan na ang child labor!

Walang komento: