Miyerkules, Hunyo 12, 2019

Pahayag ng KPML sa Araw daw ng "Kalayaan"


PAHAYAG NG KPML SA ARAW DAW NG "KALAYAAN"
Hunyo 12, 2019

Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

"KALAYAAN", HINDI LANG MULA SA MANANAKOP
KUNDI KALAYAAN MULA SA SISTEMANG BULOK

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospusong nakikiisa sa lahat ng mapagmahal sa kalayaan at taasnoong nakikibaka upang kamtin ang tunay na kalayaan na hanggang ngayon ay hindi pa rin natin nakakamit.

Ipinahayag ni Emilio Aguinaldo noong Hunyo 12, 1898 ang “kalayaan” ng Pilipinas. Dahil dito, tinagurian ang Pilipinas na unang nagkamit ng kalayaan sa Asya mula sa pananakop ng mga dayuhan. Ang pagdiriwang naman ng “Araw ng Kalayaan” tuwing Hunyo 12 ay idineklara noong 1962 ni dating Pangulong Diosdado Macapagal mula sa dating petsa ng “Araw ng Kalayaan” na Hulyo 4, ang ipinamigay na “kalayaan” ng mga Kano, at ngayon ay kinikilala naman na Fil-Am Friendship Day. Pero gaano nga ba katotoo ang sinasabing kalayaang ito at dapat ipagdiwang ang Hunyo 12? Totoo nga bang lumaya ang Pilipinas noong Hunyo 12, 1898?

Isang dokumentong nilagdaan ng maraming Pilipino noong mismong Hunyo 12, 1898 ang magpapatunay na peke ang kasarinlan ng bansang Pilipinas na idineklara noong araw na iyon. Ang dokumentong iyon, na kilala sa tawag na Acta de Independencia, ay nilagdaan ng mahigit 90 katao. Ayon sa dokumentong iyon, lumaya ang Pilipinas sa EspaƱa upang magpailalim naman sa bansang Amerika. Ito ba ang kalayaan? Narito ang patunay:

"And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands..."

Ikalawa, ang mga kulay ng iwinawagayway na bandila ng ating bansa ay batay mismo sa kulay ng watawat ng Amerika bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga kabig ni Aguinaldo sa imperyalistang bansang iyon. Bakit nila ito ibinatay sa kulay ng watawat ng America, at bakit kinakailangang isulat pa nila ito? Kung ganoon, hindi totoo ang mga itinuro sa eskwelahan na ang mga kulay ng watawat ng Pilipinas ay sumasagisag sa katapangan (pula), kapayapaan (puti), katarungan (bughaw), at demokrasya (dilaw). Narito ang patunay:

"and the colors of Blue, Red, and White, commemorating the flag of the United States of America, as a manifestation of our profound gratitude towards this Great Nation for its disinterested protection which it lent us and continues lending us."

Hanggang ngayon, ito ang salalayan ng kasarinlan ng Pilipinas. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang ating pamahalaan sa pangangayupapa sa Amerika. Sa ngayon ay hindi pa rin malaya ang Pilipinas, dahil bulok pa rin ang sistemang kanyang kinalalagyan. Ang nais natin ay tunay na kalayaan, kaya patuloy tayong kumilos upang kamtin ang tunay na kalayaang iyon.

Kalayaan mula sa salot na kontraktwalisasyon. Pinapalaganap ang kontraktwalisasyon para baratin ang sahod, tanggalan ng benepisyo at hindi maging regular ang mga manggagawa. Karapatan ng manggagawa ang security of tenure o seguridad sa trabaho, kaya dapat maging regular siya sa trabaho.

Kalayaan mula sa katiwalian. Napakaraming mga kurakot sa pamahalaan, at uso ang lagay sa maraming transaksyon sa gobyerno. Dapat nang matigil ang graft and corruption.

Kalayaan mula sa trapong pulitika at dinastiya. Halos bawat lalawigan sa ating bansa ay pinaghaharian ng isang pamilya. Duterte sa Davao, Marcos sa Ilocos Norte. Singson sa Ilocos Sur. Abalos sa Mandaluyong. Cayetano sa Taguig. At marami pang iba.

Kalayaan mula sa kagutuman. Naisabatas ang rice tariffication na wala nang suporta sa ating magsasaka dahil mag-iimport na lang ng bigas ang ating pamahalaan.

Kalayaan mula sa tokhang at droga. Maraming dukha't bata ang napaslang dahil War on Drugs, at kasama sa mga napaslang sina Danica Mae Garcia, 5 taong gulang, at Althea Barbon, 4 na taong gulang.

Kalayaan mula sa kahirapan. Marami pa rin ang naghihirap sa kabila ng kanilang kasipagan sa trabaho tulad ng mga magsasaka at manggagawang gumagawa ng ekonomya ng bansa.

Kalayaan mula sa kawalang katarungan. Maraming mamamayan ang hindi pa rin natatagpuan ang kanilang mga mahal sa buhay sapagkat dinukot at naging desaparesido. Maraming pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay dahil tinokhang.

Kalayaan mula sa bulok na sistema ng lipunan. Panahon nang palitan ang bulok na sistemang siyang dahilan ng lalong pagyaman ng mga mayayaman at lalong paghihirap ng mga mahihirap.

Kailangan natin ng tunay na kalayaan upang masagip ang mga susunod na henerasyon mula sa kuko ng kapitalistang pagsasamantala at elitistang paghahari.

Walang komento: