PAHAYAG NG KPML SA DAIGDIGANG ARAW NG KAPALIGIRAN
(WORLD ENVIRONMENT DAY), HUNYO 5, 2019
Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML
KAYDUMI NA NG POLUSYON SA HANGIN
KAPALIGIRAN AY DAPAT NANG LINISIN
Sinabi nga ni Sekretaryo Heneral António Guterres ng United Nations: "Panahon na ng tiyak na pagkilos. Malinaw ang aking mensahe sa mga pamahalaan: buwisan ang polusyon, wakasan na ang subsidyo sa mga fossil fuel, at itigil ang pagtatayo ng mga bagong coal plants. Kailangan natin ng luntiang ekonomiya, hindi isang malabong ekonomiya. (It is time to act decisively. My message to governments is clear: tax pollution; end fossil fuel subsidies; and stop building new coal plants. We need a green economy not a grey economy.)" — Secretary-General, António Guterres
Ipinagdiriwang ang World Environment Day (WED) tuwing ikalima ng Hunyo bawat taon bilang salalayan ng United Nations upang itaguyod ang kamalayan at pagkilos para sa proteksyon ng ating kalikasan at kapaligiran. Itinatag ang taunang pagdiriwang na ito ng UN General Assembly noong 1972 sa unang araw ng Stockholm Conference hinggil sa Human Environment, na nagreresulta sa maraming talakayan hinggil sa ugnayan ng tao at ng kapaligiran. Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1974 ang unang WED ay ginanap sa temang "Only One Earth". Layunin nitong pataasin ang kamalayan ng tao sa iba't ibang sumusulpot na isyu ng polusyon, pag-iinit ng mundo, sustenableng paggamit ng kalikasan, at marami pang isyung pangkapaligiran. Inoorganisa ng UN Environment Programme (UNEP, o UN Environment) ang mga aktibidad para sa araw na ito.
Gayundin naman, kasabay ng araw na ito ang International Day for the Fight against Illegal, Unreported and Unregulated Fishing (A/RES/72/72), na deklarado din ng UN na gunitain tuwing Hunyo 5.
Sa ating bansa, maraming coal-fired power plants at may mga aplikasyon pa na magtayo ng mahigit dalawampu pang coal-fired power plants. Nag-iinit na ang mundo, na malaking dahilan ay ang mga usok sa coal-fired power plants. Matindi rin ang ibinubugang abo ng mga sasakyan at usok mula sa mga pabrika. Kaya nakikiisa rin ang KPML sa iba't ibang organisasyong nananawagan ng pagtigil sa paggamit ng fossil fuels at coal-fired power plants, tulad ng GreenPeace, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), No Burn Pilipinas, EcoWaste Coalition, Health Care Without Harm, GAIA, atbp..
May mga banta pa ng muling pagtatayo ng mga incinerator na labag sa ating mga batas, tulad ng Philippine Clean Air Act (RA 8749) at Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003). At tutol tayo, kasama ang iba pang makakalikasang samahan, sa pagkakaroon ng waste-to-energy o incinerator sa ating bansa, dahil malaki ang masamang epekto nito sa ating kalusugan at sa kapaligiran.
Kaya mahigpit nating hinihikayat ang pamahalaan, mga NGO, people's organizations, mga samahang pagkomunidad, at mga indibidwal, na makiisa at makilahok sa iba't ibang aktibidad na nagtataguyod ng kapakanan ng ating Inang Kalikasan.
Huwag magsunog ng mga basura. Huwag magtapon ng basura sa karagatan. Ayusin ang mga basura at ibukod ang nabubulok sa hindi nabubulok. At ibahagi natin ang mga naibahagi sa ating kaalaman sa ating kapwa upang mas marami pa tayong nagtutulong-tulong upang pangalagaan ang ating kapaligiran.
Tayo man ay dukha, may dignidad tayong inaalagaan. At may daigdig tayong tahanan na dapat nating proteksyunan.
1 komento:
ingatan at panatiliin malinis ang ating kapaligiran!!! Sakit.info
Mag-post ng isang Komento