Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML
HUWAG TANGKILIKIN ANG ZAGU
HANGGA'T GINIGIPIT ANG OBRERO
SALOT NA KONTRAKTWALISASYON, WAKASAN!
KONTRAKTWAL NA MANGGAGAWA NG ZAGU AY GAWING REGULAR!
Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospuso't taas-kamaong nakikiisa sa laban ng mga manggagawa ng kumpanyang Zagu sa kanilang welga laban sa union busting at kontraktwalisasyon.
Matagal nang isyu ng manggagawa sa iba't ibang pabrika, kumpanya o pagawaan ang isyu ng kontraktwalisasyon, na ito'y mali. Iba’t iba ang mukha at katawagan ng kontraktwalisasyon sa bansa. Ang ilan dito ay outsourcing, casual, apprentice, job order, seasonal workers, at project-based pero pare-pareho ang kalagayan. Pinapalaganap ang kontraktwalisasyon para baratin ang sahod, tanggalan ng benepisyo at hindi maging regular ang mga manggagawa. Karapatan ng manggagawa ang security of tenure o seguridad sa trabaho, kaya dapat maging regular siya sa trabaho.
Subalit dahil siya ay kontraktwal, bentahe para sa mga kapitalista't may-ari ng kumpanya ang ganitong kalagayan upang maibsan ang gastusin ng kumpanya at makapagkamal pa ng mas malaking kita. Sa bahagi ng mga manggagawa, ang kontraktwalisasyon ay salot, dahil walang seguridad sa trabaho ang mga manggagawa. Kaya mahalaga ang pagkakabuo ng unyon ng manggagawa sa ZAGU - ang ORGANIZA - SUPER - BMP sapagkat ito ang magbubuklod ng lakas ng mga manggagawa ng ZAGU upang isulong ang kanilang mga karapatan at labanan ang kontraktwalisasyon.
Karamihan ng mga manggagawa ng ZAGU ay mga maralita tulad namin. Nabubuhay na isang kahig, isang tuka o napipilitang sumabak sa hirap upang magtrabaho, subalit kakarampot ang benepisyo, dumaranas ng hindi makataong kalagayan sa paggawa at pinagkakaitan ng kanilang batayang karapatan sa paggawa, tulad ng pag-oorganisa ng unyon at pinananatili silang kontraktwal.
Ayon sa pananaliksik, ang kumpanyang Zagu, na pag-aari ni Genevieve Lim Santos, ay magdiriwang ng kanilang ika-20 anibersaryo sa Hunyo 20. Ito ay may higit sa 500 mga tindahan sa buong bansa.
Sa website ng Zagu (www.zagushakes.com) ay nakasulat bilang Company Objectives ay (a) To promote, protect and maintain its image at all times; (b) To make sure that each employee provides quality products and offer excellent service to all customers, at may apat pang layunin. Mas nakatuon sila sa imahe ng kanilang kumpanya kaysa kalagayan ng kanilang manggagawa.
Habang sa Company Principles ay nakatala: (a) Proper attitude is more important than skills; (b) Be open to Constructive Criticisms; (c) In life, there will always be problems. It is a continuous learning process wherein we learn to constantly adjust; (d) The Company will not adjust to anybody because the company believes in protecting rather than sacrificing the welfare of the majority; (e) Mutual respect and understanding is expected from each one; (f) To make work easier for the employees. Kung "Proper attitude is more important than skills", bakit patuloy pa ring kontraktwal ang mga manggagawa at hindi nila ito gawing regular? Bakit ang attitude nila sa manggagawa ay ang isyu ng union busting?
Anila, "because the company believes in protecting rather than sacrificing the welfare of the majority", ang mayorya ng kanilang manggagawa ay kontraktwal. Kung nais nilang protektahan ang mayorya ng kanilang manggagawa, dapat gawin nilang regular ang mga manggagawa nila. Subalit hindi nila ito gagawin dahil sila'y mga tusong negosyanteng nais magkamal ng tubo kahit dehado ang kanilang mga manggagawa.
May karapatan ang mga manggagawa ng ZAGU na kolektibong makipagtawaran at makipagnegosasyon, magwelga at magdaos ng iba pang anyo ng sama-samang pagkilos na magsusulong ng kanilang mga karapatan at interes. Dapat ding itaguyod ang karapatan ng mga manggagawa upang kamtin nila ang seguridad sa trabaho. Kaya dapat lang labanan at wakasan na ang kontraktwalisasyon at tiyakin ang karapatan ng lahat na magkatrabaho.
Sa ngayon, dapat iboykot ng mamamayan ang mga produkto ng ZAGU, habang nagpapatuloy ang welga ng manggagawa, at habang hindi pa ginagawang regular ang mga manggagawang kontraktwal.
Mga manggagawa't maralita, halina't ipakita natin ang ating pakikiisa sa marangal na layunin ng mga manggagawa ng ZAGU - ang maging regular na manggagawa ang lahat ng kontraktwal na manggagawa ng ZAGU. Tinatawagan namin ang mga manggagawa mula sa iba't ibang kumpanya, pati na ang mga mamamayang tumatangkilik sa mga produkto ng ZAGU, na makiisa sa panawagang ito, at iboykot lahat ng produkto ng ZAGU!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento