Huwebes, Enero 30, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa ika-50 anibersaryo ng makasaysayang FQS


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA IKA-50 ANIBERSARYO 
NG MAKASAYSAYANG FIRST QUARTER STORM
Enero 30, 2020

Taas-kamaong nagpupugay ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga nakibaka at bahagi ng makasaysayang First Quarter Storm o Sigwa ng Unang Sangkapat. Ang FQS ay naganap noong Enero hanggang Marso 1970, ayon sa kasaysayan. Naganap iyon dahil sa walang humpay na pagkilos at pagdaraos ng malawakang demontrasyon na pinangungunahan aktibistang estudyante. Tinuligsa nila noon ang kutsabahan ng mga politiko dahil sa malapit nang maganap noong Kumbensiyong Konstitusyonal at dahil sa panukalang magbibigay ng karapatan kay dating Pangulong Marcos upang tumakbo sa ikatlong termino.

Ang FQS ang isa sa mga dahilan ng pagdeklara ni Marcos ng martial law noong 1972. Noong Enero 26, 1970, nagrali sa labas ng Malakanyang ang mga estudyante matapos ang talumpati ni Marcos sa Kongreso. Nagsimula umano ang kaguluhan nang papasakay na si Marcos sa kaniyang limosin nang may nagtapon ng isang munting effigi ng buwaya. Hindi naman natamaan si Marcos subalit rumesponde ang mga pulis at pinagpapalo ng batute ang mga aktibista.

Sumunod dito'y naglunsad ng mga kilos-protesta sa iba't ibang paaralan na tumungo sa isang malakawang martsa ng mga estudyante mula Plaza Miranda hanggang Malakanyang. Sinalubong ang mga raliyista ng mga militar at pulis. Nagkaroon ng karahasan, dahil nagpang-abot ang mga pulis at miltar, at ang mga estudyanteng raliyista. Namatay umano ay apat na estudyante at maraming nasugatan.

"Makibaka, Huwag Matakot!" ang kanilang hiyaw, at hanggang ngayon, ito pa rin ang panawagan ng mga maralita. Makibaka, Huwag Matakot! Sulong mga kapatid, ipaglaban at itayo ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao! Sulong tungong sosyalismo!

Miyerkules, Enero 29, 2020

Pahayag ng KPML laban sa rebisyon ng mga history books

PAHAYAG NG KPML LABAN SA REBISYON NG MGA HISTORY BOOKS
Enero 29, 2020

HUWAG SALAULAIN ANG KASAYSAYAN!
ILANTAD NATIN AY KATOTOHANAN!

Sa isang balita sa pahayagang Philippine Daily Inquirer, na may petsang Enero 11, 2020 ay mababasa ang balitang ito: "Tañada on Marcos’ bid to revise history books: ‘We must not let the lies prevail’ "

Ayon kay human rights lawyer Erin Tañada, ang panawagan ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na muling sulatin ang mga teksbuk pangkasaysayan ay isang maliwanag na isang pagtatangka upang rebisahin ang kasaysayan o historical revisionism, katagang pumapatungkol sa pagmamali ng nakasulat na kasaysayan upang pabanguhin ang pangalan ng kanilang angkan. Gayong ang kanyang ama ang dahilan ng malagim na diktadura noon.

“This is a clear move at historical revisionism and another desperate attempt by the Marcoses to erase the memory of the horrors of Martial Law and absolve the sins of their father.”

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa samba-yanang Pilipinong naniniwalang hindi dapat baguhin ang kasaysayan. Nang ilibing si dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, isa ang KPML sa agad na nagprotesta dahil hindi naman bayani ang diktador. Patuloy naming haharangin ang anumang pagtatangka ng mga Marcos na baligtarin ang kasaysayan upang bumango ang kanilang pangalang may bahid ng dugo ng mga biktima ng karahasan noong panahon ng batas-militar.  

Hindi kami papayag na baligtarin at babuyin ng mga Marcos ang ating kasaysayan. Patuloy kaming magmamatyag at kung kinakailangan ay agarang kumilos laban sa sinumang sasalaula sa kasaysayan ng ating bayang tinubuan. No to historical revisionism!

Martes, Enero 28, 2020

Dapat climate resilient ang On-Site, In-City or Near-City Resettlement Bill

DAPAT CLIMATE RESILIENT ANG ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT BILL
Munting saliksik ni Greg Bituin Jr.

May mga nakasalang na panukalang batas sa Senado at Kongreso hinggil sa relokasyon ng mga maralita na on-site (ang relokasyon ay sa mismong kinatitirikan ng kanilang tahanan), in-city (ang relokasyon ay sa loob lang ng lungsod kung saan sila naroon) or near-city (sa pook na katabi ng kinapapaloobang lungsod). May Senate Bill si Senadora Grace Poe (SBN 582) at Senadora Risa Hontiveros (SBN 167). 

Mayroong katumbas na panukalang batas sa Kongreso sina Rep. Kiko Benitez (HB00042), Kit Belmonte (HB00156), Alfred Vargas (HB00236), Yul Servo (HB03227), Francis Abaya (HB04245), at Rufus Rodriguez (HB02564).

Sa ating Saligang Batas ay nakasaad sa Seksyon 9 at 10 ng Artikulo XIII ang karapatan sa pabahay. Dahil dito'y naisabatas ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA). Subalit makalipas ang halos tatlong dekada, hindi pa rin ganap na naisasakatuparan ang disente at abotkayang pabahay sa maralita. Tinatayang nasa 6.8 milyon ang backlog sa housing sa taon 2022.

Dahil dito, nangangailangan pa rin ng pabahay ang maraming maralita. Kaya nagsulputan ang mga planong on-site, in-city at near-city na resettlement o relokasyon ng pabahay. Subalit sa kanilang mga panukala, kailangan itong pag-aralan pang mabuti dahil hindi sapat ang on-site na pabahay kung binabaha ang lugar tulad sa Malabon o Navotas.

Dapat kahit ang mga panukalang batas sa pabahay ay maging climate resilient, batay sa adaptation, na dahil may mga senaryo nang lulubog ang maraming lugar sa taon 2030 pag hindi naagapan ang climate change na nagaganap. Ayon sa mga siyentipiko, dapat na masawata ang lalo pang pag-iinit ng mundo, na huwag itong umabot sa 1.5 degri Centigrade, dahil kung hindi maraming lugar ang lulubo sa tubig. Basahin nyo at pag-aralan ang ulat ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change), at ng IPCC (Intergovernmental Panel on Climate Change), na noong Oktubre 2018 ay nagsabing may labingdalawang taon na lang tayo upang masawata ang 1.5 degri C. Dahil kung hindi, lulubog ang maraming lugar.

At pag lumubog ang maraming lugar sa tubig, nang halos anim na talampakan dulot ng 1.5 degri C na lalo pang pag-iinit ng mundo, ano pang esensya ng on-site at in-city relocation? Titira ka pa ba sa on-site relocation na ibinigay sa iyo kung alam mo namang lulubog ito.

Ang dapat pag-aralan, pagdebatihan, at isabatas ay ang isang Public Housing Act, kung saan ang pabahay ay hindi pribadong pag-aari kundi babayaran lang ang gamit nito, hindi upa.

Ang mga pag-aaral na ito hinggil sa klima at pabahay ay mula sa pakikipagtalakayan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga grupo tulad ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). May mga mapa pang ipinakita kung ano ang mga lugar na lulubog sa ganitong taon pag hindi binago ng mga mayayamang bansa ang kanilang paggamit ng enerhiya. Pag patuloy pa sila sa paggamit ng coal-fired power plants at mga enerhiyang mula sa fossil, lalong mag-iinit ang mundo, at pag lumampas na tayo sa limit na 1.5 degri Centigrade, hindi na tayo makakabalik pa sa panahong mababa sa 1.5.

Kaya dapat maipasok din sa mga panukalang batas sa pabahay na mabago na rin ang ating sistema ng enerhiya, at huwag nang umasa pa sa fossil fuel kundi sa renewable energy.

Kailangang maging aktibo rin tayong maralita sa usapin ng klima, climate change at climate justice, at manawagan tayo sa mga mayayamang bansa na bawasan na ang paggamit ng coal plants at gumamit na tayo ng renewable energy.

Sa madaling salita, dapat nakabatay din sa usaping pangklima ang on-site, in-city, at near-city resettlement bill. Para kung sakaling lumubog na ang mga bahaing lugar, may opsyon ang mga maralita. Hindi na uubra ang on-site relocation sa lulubog na mga lugar. Baka hindi na rin umubra ang in-city at near-city relocation sa kalaunan. Dapat ay climate resilient na batas para sa pabahay ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2020, pahina 9-9

Miyerkules, Enero 22, 2020

Pahayag ng KPML sa ika-33 anibersaryo ng Mendiola Massacre


KATARUNGAN SA MGA BIKTIMA NG MENDIOLA MASSACRE

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nananawagan ng katarungan para sa lahat ng biktima ng Mendiola massacre noong Enero 22, 1987. Isa ang KPML sa mga grupong nakasaksi sa karumal-dumal na krimeng iyon ng administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino. Labingtatlong magsasaka ang napaulat na namatay sa pagkilos na iyon, dahil pinagbabaril ng mga pulis at military ng administrasyon doon sa makasaysayang tulay ng Mendiola.

Ayon sa ulat, kasama ang ilang mga lider ng KPML sa naganap na pagkilos na nagdulo sa Mendiola massacre. Ayon sa wikipedia: "On January 22, 1987, the farmers decided to march to Malacañang Palace in order to air their demands instead of negotiating with Heherson Alvarez. Marching from the Quezon Memorial Circle, Tadeo's group was joined by members of other militant groups: Kilusang Mayo Uno (May One Movement), Bagong Alyansang Makabayan (New Patriotic Alliance), League of Filipino Students and Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (Unity Congress of the Urban Poor). At 1:00 in the afternoon, the marchers reached Liwasang Bonifacio and held a brief presentation. At around the same time, anti-riot personnel under the command of Capital Regional Command commander Gen. Ramon Montaño, Task Force Nazareno under the command of Col. Cesar Nazareno and police forces under the command of Western Police District Chief Brig. Gen. Alfredo Lim were deployed around the vicinity of Malacañang."
mula sa https://en.wikipedia.org/wiki/Mendiola_massacre

Muli, bilang pag-alala sa mga biktima ng Mendiola massacre: Katarungan sa lahat ng mga pinaslang sa Mendiola!

Sabado, Enero 18, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa deadline na Pebrero 1, 2020 ng NHA Memo 23


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA DEADLINE NA PEBRERO 1, 2020 NG NHA MEMO 23
Enero 18, 2020

Sa Pebrero 1, 2020 ay tapos na ang labingwalong buwang palugit na ibinigay ng National Housing Authority (NHA) mula Agosto 1, 2018 hanggang Pebrero 1, 2020 hinggil sa mga hindi nakapagbayad ng kanilang pabahay lalo yaong nasa low cost housing, batay sa NHA Memo 23. Ang nasabing memo ay ibinatay sa Republic Act 9507 o Socialized and Low Cost Housing Loan Restructuring and Condonation Act of 2008.

Sa mga hindi nakapagbayad, anong gagawin? Basta na lang ba sila palalayasin? Ipa-padlocked na ba agad ng NHA ang kanilang mga bahay?

Isa ito sa mga dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan, pagkat marami nang nakakuha ng bahay ang nawalan ng trabaho kaya hindi na makapagpatuloy ng bayad. Marami na ang mawawalan ng bahay, na tiyak na apektado ang kanilang mga anak, at ang buong pamilya. 

Nang magpasa ng NHA Memo 23, hindi ito nabalitaan ng mga maralita, buti’t nasaliksik natin ito. Dapat maghanda ang mga mara-litang tatamaan ng pagtatapos ng nasabing memo sa Pebrero 1, 2020.
 

Martes, Enero 14, 2020

Pahayag ng KPML sa World Logic Day


PAHAYAG NG KPML SA WORLD LOGIC DAY
Enero 14, 2020

WALANG LOHIKA SA DEMOLISYON AT MATAAS NA BAYARIN!
MGA POLISIYANG PAHIRAP SA MARALITA’Y DAPAT TANGGALIN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang o paggunita sa World Logic Day (Pandaigdigang Araw ng Lohika) na idineklara ng United Nations na maganap tuwing ika-14 ng Enero taun-taon mula 2019. Kaya ngayong 2020 ang ikalawang taon ng pagdiriwang nito.

Subalit bilang mga maralita ay maitatanong natin marahil: Nasa lohika ba ng karapatang pantao ang pagdemolis ng mga bahay ng maralita? Nasa lohika ba na basta mo palalayasin ang mga maralita nang hindi muna nasa maayos na kalagayan ang lugar na paglilipatan sa kanila kung mayroon man? Ano nga ba ang esensya ng pagdiriwang ng World Logic Day, at ano ang maitutulong nito sa atin bilang mga maralita?

Sa anumang pakikibaka ng mga maralita, iniisip din natin ang lohika ng ating bawat galaw sapagkat nakasalalay dito ang ating estratehiya’t taktika upang magwagi tayo sa laban, tulad ng demolisyon. Para sa mga kapitalista’t naghaharing uri sa lipunan, lohikal lang sa kanila na itaboy tayo dahil masakit tayo sa kanilang mga mata. Subalit para sa tulad nating dukha, hindi ito lohikal, dahil hindi makatao, at niyuyurakan nito ang ating dignidad bilang tao.

Wasto lang na ipagdiwang ang World Logic Day, upang maunawaan natin kung bakit ganito ang lipunang ating ginagalawan at kinasadlakan.

Pahayag ng KPML hinggil sa bulkang Taal


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA ASHFALL AT ANG BANTANG PAGPUTOK NG BULKANG TAAL SA BATANGAS
Enero 14, 2020

MAGTULUNGAN AT MAGBAYANIHAN
SA GITNA NG NAPIPINTONG KALAMIDAD

Bumuga ng gabok ang bulking Taal, at maraming pamayanan sa gilid ng bulkan ang natabunan ng gabok. Kaya nagbayanihan ang marami nating kababayan upang saklolohan ang mga naapektuhan nito. At dahil sa gabok, marami ang bumili ng pantakip sa ilong, o mga facemask kaya agad nagkaubusan nito sa mga botika. 

Nagpadala ng libreng gulay ang mga taga-Benguet. Nagpadala ng mga kahon-kahong delata, pagkain at mga damit para sa mga nasalanta. Subalit sa kabila ng kalagayang ito, marami ang nagsamantala kaya nagmahal agad ang mga facemask. Ang halagang sampung pisong facemask ay pumalo sa dalawang daang piso. Ganito na ba kaganid ang mga kapitalista sa ating bansa? Dahil nagkakaubusan ay tinaasan nila ng sampung doble ang presyo upang agad silang kumabig ng limpak-limpak na tubo! Mgg ganid na kapitalista!

Ang mga nasalanta ay ating tulungan bilang pagpapahayag ng ating bayanihan at pakikipagkapwa. Kaya kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nagtutulong-tulong upang may maiabot kahit paano sa ating mga kapatid na nasalanta. Tulad ng pagbibigay din nila sa amin ng tulong nang kami naman ang nasalanta ng bagyo tulad ng Ondoy. Halina’t tayo’y tumulong at magtulungan, lalo na’t nagbabanta ang pagsabog ng bulkang Taal.

Huwebes, Enero 9, 2020

3 Senate Bills & 9 House Bills on Housing in the 18th Congress

TATLONG SENATE BILL AT SIYAM NA HOUSE BILL HINGGIL SA PABAHAY ANG NAKASALANG NGAYON SA 18TH CONGRESS
Sinaliksik ng KPML Research Team

May tatlong Senate Bill at siyam na House Bill hinggil sa pabahay na dapat aralin din ng maralita. Maglalagay ba tayo ng komite na mag-aaral ng mga panukalang batas na ito? Sino ang ating lobbying officer? Ang mga ito'y matatagpuan sa website ng Senado at Kongreso sa https://www.senate.gov.ph at sahttp://www.congress.gov.ph/legisdocs.

Sa senado, dalawang babae ang may panukala ng On-Site or Near-City Resettlement Act, ang Senate Bill No. 582 ni Senadora Grace Poe at Senate Bill No. 167 ni Senadora Risa Hontiveros. Si Senador Francis Tolentino naman ay may Senate Bill No. 1053, na ang panukala ay Local Human Settlement and Housing Officer Act of 2019.

Sa Kongreso, may siyam na panukala hinggil sa karapatan ng mamamayan sa pabahay. Anim dito ay hinggil sa On-Site or Near-City Strategy for Informal Settlers. Dalawang panukalang batas naman hinggil sa mga naapektuhan ng demolisyon sa mga  mapanganib na lugar o danger areas. At isa naman ang tumutukoy naman sa mga homeless citizens.

Mahahaba ang pamagat ng kanilang mga panukalang batas, kaya hinalaw lang natin sa artikulong ito yaong mga importanteng sinasaad ng kanilang panukalang batas. Halina't tunghayan natin ang mga ito:

Senate Bill No. 582
ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT ACT OF 2019
Filed on July 17, 2019 by Poe, Grace

Senate Bill No. 167
ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT PROGRAM ACT
Filed on July 2, 2019 by Hontiveros, Risa

Senate Bill No. 1053
LOCAL HUMAN SETTLEMENTS AND HOUSING OFFICER ACT OF 2019
Filed on September 16, 2019 by Tolentino, Francis "Tol" N.

HB00042
AN ACT ESTABLISHING A LOCAL GOVERNMENT RESETTLEMENT PROGRAM THAT IMPLEMENTS AN ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY STRATEGY FOR INFORMAL SETTLER FAMILIES
Principal Author/s: BENITEZ, JOSE FRANCISCO "KIKO" B.

HB00156
AN ACT ESTABLISHING A LOCAL GOVERNMENT RESETTLEMENT PROGRAM THAT IMPLEMENTS AN ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY STRATEGY FOR INFORMAL SETTLER FAMILIES
Principal Author/s: BELMONTE, JOSE CHRISTOPHER Y.

HB00236
AN ACT ESTABLISHING AN ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT PROGRAM FOR INFORMAL SETTLER FAMILIES
Principal Author/s: VARGAS, ALFRED

HB03227
AN ACT ESTABLISHING A LOCAL GOVERNMENT RESETTLEMENT PROGRAM THAT IMPLEMENTS AN ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY STRATEGY FOR INFORMAL SETTLER FAMILIES
Principal Author/s: NIETO, JOHN MARVIN "YUL SERVO" C.

HB04245
AN ACT ESTABLISHING AN ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT PROGRAM FOR INFORMAL SETTLER FAMILIES
Principal Author/s: ABAYA, FRANCIS GERALD AGUINALDO

HB04869
AN ACT ESTABLISHING A LOCAL GOVERNMENT RESETTLEMENT PROGRAM THAT IMPLEMENTS AN ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY STRATEGY FOR INFORMAL SETTLER FAMILIES
Principal Author/s: RODRIGUEZ, RUFUS B.

HB02564
AN ACT PROVIDING FOR THE RESETTLEMENT, AID AND REHABILITATION SERVICES FOR THE UNDERPRIVILEGED AND HOMELESS CITIZENS AFFECTED BY THE DEMOLITION OF HOUSES/DWELLINGS ALONG DANGER AREAS
Principal Author/s: CASTELO, PRECIOUS HIPOLITO

HB04902
AN ACT PROVIDING FOR THE RESETTLEMENT, AID AND REHABILITATION SERVICES FOR THE INFORMAL SETTLERS AFFECTED BY THE DEMOLITION OF HOUSES / DWELLINGS ALONG DANGER AREAS
Principal Author/s: NIETO, JOHN MARVIN "YUL SERVO" C.

HB03041
AN ACT ESTABLISHING A COMPREHENSIVE RESETTLEMENT PROGRAM FOR THE UNDERPRIVILEGED AND HOMELESS CITIZENS
Principal Author/s: AGUINALDO, NAEALLA BAINTO

* Nalathala ang artikulong ito sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2020, mp. 6-7.

Martes, Enero 7, 2020

Pahayag ng KPML sa Welga ng Manggagawa ng Cosmic


PAHAYAG NG KPML SA WELGA NG MANGGAGAWA NG COSMIC
Enero 7, 2020

GAWING REGULAR ANG MGA MANGGAGAWA NG COSMIC!
HALINA’T SUPORTAHAN ANG WELGA NG MANGGAGAWA!

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit at taas-kamaong nakikiisa sa pakikipaglaban ng mga nakawelgang manggagawa ng Cosmic sa Lungsod ng Caloocan upang maging regular ang mga manggagawang kontraktwal. Ang unyon ng mga manggagawa ng Cosmic ay pinamumunuan ni Ka Rico Marcellana, na siyang pangulo ng unyon.

Nakawelga ang mga manggagawa ng Cosmic dahil sa unfair labor practice, at tinanggal ang mga opisyales ng unyon dahil isa sa ipinaglaban nila ang pagiging regular ng mga kontraktwal na manggagawa. Sa ngayon, hindi pa rin natitinag ang lakas ng loob nilang ipaglaban ang karapatan nilang mag-unyon at maregular.

Bumisita sa picketline sa 7 Lugmoc st., NY Compound, Bagbaguin, Caloocan. Maaari ring kumontak sa 0995 581 8650 para sa suporta at pagbibigay ng donasyon sa mga nakawelgang manggagawa. Mabuhay ang mga manggagawa ng Cosmic! Mabuhay ang uring manggagawa!

#StopUnionBusting
#ReinstateAndRegularizeAllCosmicWorkers
#WorkersUprising2020

Lunes, Enero 6, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa pag-atake ng U.S. sa Iran


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA PAG-ATAKE NG U.S. SA IRAN
Enero 6, 2020

Kapayapaan at isang lipunang walang pagsasamantala ang pangarap ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Subalit ang naganap na pag-atake ng Amerika, sa utos ni Pangulong Donald Trump, na naging sanhi upang mapaslang si Iranian Lieutenant General Qassem Soleimani sa Baghdad ng mga military drone ng Amerika nitong Enero 3, 2020 ay hindi lamang isang akto ng digmaan ng Washington laban sa Tehran. Ang ganitong hakbang ay isang hangal na reaksyon ng Estados Unidos bilang isang imperyalistang bansa laban sa nangungunang heneral at maestrong estratehista ng Iran.

Isang masalimuot na suliranin ito sa Gitnang Silangan, na dapat pagtuunan natin ng pansin, dahil baka idulot nito ay World War III. Dapat itong mapigilan. Subalit ano nga ba ang nais ng Amerika? Ang manatili sa kapangyarihan? Ang manguna pa rin sa larangan ng militar at ekonomya? Isa sa mga pinakahuling pamana ni Gen. Soleimani ay ang pag-aktibo ng Iranian Corridor, na isang estratehikong plano ng depensa na isinasagawa at pinatutupad ang kalibradong opsyon para sa mga layuning kontra-imperyalista ng patakarang panlabas ng Tehran. 

Ngunit muli, marahil ay nais lamang ng White House na isabotahe ang isa pang inisyatibo ng Iran para sa isang potensyal na tagumpay sa diplomasya para sa kapayapaan, at sa ngayon ay kasama ang Riyadh, Saudi Arabia, na matagal nang karibal ng Tehran sa rehiyon. Kung ito ang kaso, inihudyat na ng mga Amerikano na nais lamang nilang mapanatili ang status quo sa rehiyon para sa sariling makitid na kalamangan ng Washington, partikular ang kanilang matatag na pag-akses sa langis, merkado at base militar.

Sabado, Enero 4, 2020

Pahayag ng KPML sa World Braille Day


PAHAYAG NG KPML SA WORLD BRAILLE DAY
Enero 4, 2020

Taospusong nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga bulag o hindi nakakakita sa pagdiriwang ng World Braille Day tuwing ika-4 ng Enero.

Tinatantya ng World Health Organization na 36 milyong katao sa buong mundo ang nabubuhay nang may pagkabulag at 216 milyong tao ang may katamtaman hanggang sa malubhang kapansanang biswal. Ang mga taong may kapansanan sa paningin ay mas malamang matindi ang danas na kahirapan at di pantay na trato, na dapat matugunan.

Ang World Braille Day, na ipinagdiriwang mula noong 2019, ay idineklara upang madagdagan ang kamalayan ng tao sa kahalagahan ng Braille bilang paraan ng komunikasyon sa buong pagsasakatuparan ng mga karapatang pantao para sa mga bulag at mga taong may bahagyang nakikita. Ang Braille ay isang pandamang representasyon ng mga alpabeto at numero na simbolong ginagamit ang anim na tuldok upang kumatawan sa bawat titik at bilang, at maging mga simbolo ng musika, matematika at pang-agham. Ang Braille (pinangalanan sa imbentor nito noong ika-19 na siglo ng Pransya, si Louis Braille) ay ginagamit ng bulag at mga taong di gaanong nakakakita na basahin ang parehong mga libro at  mga nakalimbag sa visual font. Mahalaga ang Braille sa konteksto ng edukasyon, kalayaan sa pagpapahayag at opinyon, pati na rin ang pakikisalamuha sa lipunan, tulad ng makikita sa Artikulo 2 ng Convention on the Rights of Persons with Disabilities.