PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA PAG-ATAKE NG U.S. SA IRAN
Enero 6, 2020
Kapayapaan at isang lipunang walang pagsasamantala ang pangarap ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Subalit ang naganap na pag-atake ng Amerika, sa utos ni Pangulong Donald Trump, na naging sanhi upang mapaslang si Iranian Lieutenant General Qassem Soleimani sa Baghdad ng mga military drone ng Amerika nitong Enero 3, 2020 ay hindi lamang isang akto ng digmaan ng Washington laban sa Tehran. Ang ganitong hakbang ay isang hangal na reaksyon ng Estados Unidos bilang isang imperyalistang bansa laban sa nangungunang heneral at maestrong estratehista ng Iran.
Isang masalimuot na suliranin ito sa Gitnang Silangan, na dapat pagtuunan natin ng pansin, dahil baka idulot nito ay World War III. Dapat itong mapigilan. Subalit ano nga ba ang nais ng Amerika? Ang manatili sa kapangyarihan? Ang manguna pa rin sa larangan ng militar at ekonomya? Isa sa mga pinakahuling pamana ni Gen. Soleimani ay ang pag-aktibo ng Iranian Corridor, na isang estratehikong plano ng depensa na isinasagawa at pinatutupad ang kalibradong opsyon para sa mga layuning kontra-imperyalista ng patakarang panlabas ng Tehran.
Ngunit muli, marahil ay nais lamang ng White House na isabotahe ang isa pang inisyatibo ng Iran para sa isang potensyal na tagumpay sa diplomasya para sa kapayapaan, at sa ngayon ay kasama ang Riyadh, Saudi Arabia, na matagal nang karibal ng Tehran sa rehiyon. Kung ito ang kaso, inihudyat na ng mga Amerikano na nais lamang nilang mapanatili ang status quo sa rehiyon para sa sariling makitid na kalamangan ng Washington, partikular ang kanilang matatag na pag-akses sa langis, merkado at base militar.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento