PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA ASHFALL AT ANG BANTANG PAGPUTOK NG BULKANG TAAL SA BATANGAS
Enero 14, 2020
MAGTULUNGAN AT MAGBAYANIHAN
SA GITNA NG NAPIPINTONG KALAMIDAD
Bumuga ng gabok ang bulking Taal, at maraming pamayanan sa gilid ng bulkan ang natabunan ng gabok. Kaya nagbayanihan ang marami nating kababayan upang saklolohan ang mga naapektuhan nito. At dahil sa gabok, marami ang bumili ng pantakip sa ilong, o mga facemask kaya agad nagkaubusan nito sa mga botika.
Nagpadala ng libreng gulay ang mga taga-Benguet. Nagpadala ng mga kahon-kahong delata, pagkain at mga damit para sa mga nasalanta. Subalit sa kabila ng kalagayang ito, marami ang nagsamantala kaya nagmahal agad ang mga facemask. Ang halagang sampung pisong facemask ay pumalo sa dalawang daang piso. Ganito na ba kaganid ang mga kapitalista sa ating bansa? Dahil nagkakaubusan ay tinaasan nila ng sampung doble ang presyo upang agad silang kumabig ng limpak-limpak na tubo! Mgg ganid na kapitalista!
Ang mga nasalanta ay ating tulungan bilang pagpapahayag ng ating bayanihan at pakikipagkapwa. Kaya kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nagtutulong-tulong upang may maiabot kahit paano sa ating mga kapatid na nasalanta. Tulad ng pagbibigay din nila sa amin ng tulong nang kami naman ang nasalanta ng bagyo tulad ng Ondoy. Halina’t tayo’y tumulong at magtulungan, lalo na’t nagbabanta ang pagsabog ng bulkang Taal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento