Huwebes, Enero 30, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa ika-50 anibersaryo ng makasaysayang FQS


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA IKA-50 ANIBERSARYO 
NG MAKASAYSAYANG FIRST QUARTER STORM
Enero 30, 2020

Taas-kamaong nagpupugay ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga nakibaka at bahagi ng makasaysayang First Quarter Storm o Sigwa ng Unang Sangkapat. Ang FQS ay naganap noong Enero hanggang Marso 1970, ayon sa kasaysayan. Naganap iyon dahil sa walang humpay na pagkilos at pagdaraos ng malawakang demontrasyon na pinangungunahan aktibistang estudyante. Tinuligsa nila noon ang kutsabahan ng mga politiko dahil sa malapit nang maganap noong Kumbensiyong Konstitusyonal at dahil sa panukalang magbibigay ng karapatan kay dating Pangulong Marcos upang tumakbo sa ikatlong termino.

Ang FQS ang isa sa mga dahilan ng pagdeklara ni Marcos ng martial law noong 1972. Noong Enero 26, 1970, nagrali sa labas ng Malakanyang ang mga estudyante matapos ang talumpati ni Marcos sa Kongreso. Nagsimula umano ang kaguluhan nang papasakay na si Marcos sa kaniyang limosin nang may nagtapon ng isang munting effigi ng buwaya. Hindi naman natamaan si Marcos subalit rumesponde ang mga pulis at pinagpapalo ng batute ang mga aktibista.

Sumunod dito'y naglunsad ng mga kilos-protesta sa iba't ibang paaralan na tumungo sa isang malakawang martsa ng mga estudyante mula Plaza Miranda hanggang Malakanyang. Sinalubong ang mga raliyista ng mga militar at pulis. Nagkaroon ng karahasan, dahil nagpang-abot ang mga pulis at miltar, at ang mga estudyanteng raliyista. Namatay umano ay apat na estudyante at maraming nasugatan.

"Makibaka, Huwag Matakot!" ang kanilang hiyaw, at hanggang ngayon, ito pa rin ang panawagan ng mga maralita. Makibaka, Huwag Matakot! Sulong mga kapatid, ipaglaban at itayo ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao! Sulong tungong sosyalismo!

Walang komento: