Martes, Enero 14, 2020

Pahayag ng KPML sa World Logic Day


PAHAYAG NG KPML SA WORLD LOGIC DAY
Enero 14, 2020

WALANG LOHIKA SA DEMOLISYON AT MATAAS NA BAYARIN!
MGA POLISIYANG PAHIRAP SA MARALITA’Y DAPAT TANGGALIN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang o paggunita sa World Logic Day (Pandaigdigang Araw ng Lohika) na idineklara ng United Nations na maganap tuwing ika-14 ng Enero taun-taon mula 2019. Kaya ngayong 2020 ang ikalawang taon ng pagdiriwang nito.

Subalit bilang mga maralita ay maitatanong natin marahil: Nasa lohika ba ng karapatang pantao ang pagdemolis ng mga bahay ng maralita? Nasa lohika ba na basta mo palalayasin ang mga maralita nang hindi muna nasa maayos na kalagayan ang lugar na paglilipatan sa kanila kung mayroon man? Ano nga ba ang esensya ng pagdiriwang ng World Logic Day, at ano ang maitutulong nito sa atin bilang mga maralita?

Sa anumang pakikibaka ng mga maralita, iniisip din natin ang lohika ng ating bawat galaw sapagkat nakasalalay dito ang ating estratehiya’t taktika upang magwagi tayo sa laban, tulad ng demolisyon. Para sa mga kapitalista’t naghaharing uri sa lipunan, lohikal lang sa kanila na itaboy tayo dahil masakit tayo sa kanilang mga mata. Subalit para sa tulad nating dukha, hindi ito lohikal, dahil hindi makatao, at niyuyurakan nito ang ating dignidad bilang tao.

Wasto lang na ipagdiwang ang World Logic Day, upang maunawaan natin kung bakit ganito ang lipunang ating ginagalawan at kinasadlakan.

Walang komento: