Lunes, Mayo 25, 2020

Pahayag ng KPML sa International Week of the Disappeared

PAHAYAG NG KPML SA PANDAIGDIGANG LINGGO NG MGA NANGAWALA
(INTERNATIONAL WEEK OF THE DISAPPEARED)
Mayo 25, 2020

Taas-kamaong nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa iba't ibang samahan, tulad ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) at Asian Federation Against Involuntary Disappearances (AFAD), sa paggunita sa Pandaigdigang Linggo ng mga Nangawala (Mayo 24-30, 2020).

Karamihan sa mga pamilyang ito'y naghahanap ng katarungan sa kanilang mga mahal sa buhay na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Isa pang kwento nila ang nangyaring pagkawala ni Joseph "Dodong" Jimeda, na isang fish vendor na nagtungo lamang sa batilyo ng Navotas upang bumili ng isda, ngunit hindi na nagbalik. Hinanap siya ng kanyang pamilya ngunit hindi siya nakita. Mahigit isang linggo na pala siyang nakakulong at naaresto siya dahil wala siyang quarantine pass na inisyu ng Navotas. Isa lang siya sa daan-daan kundi man libong sinasabing lumabag sa direktiba hinggil sa enhanced community quarantine (ECQ).

Marami pang kwento ng pagkawala na hanggang ngayon ay di nakita. At ang kwento ni Dodong ay pagkawala ngunit natagpuan. Sana'y mabigyang katarungan ang lahat ng biktima ng sapilitang pagkawala! Katarungan para sa lahat ng desaparesidos!

Biyernes, Mayo 22, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day for Biological Diversity

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR BIOLOGICAL DIVERSITY (PANDAIGDIGANG ARAW NG SARIBUHAY)
Mayo 22, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Saribuhay o International Day for Biological Diversity. Ang paksa ngayong 2020 ay “Ang ating solusyon ay nasa kalikasan (Our solutions are in nature).”

Dahil nahaharap tayo sa matagal na kwarantina dulot ng COVID-19, nakikita nating nasa kalikasan nga ang ating solusyon o kalutasan sa marami nating kinakaharap na problema. Hindi na uubra na lagi na lang tayong aasa sa merkado para sa ating pagkain. Kailangan nating bumalik sa kalikasan. Maaari tayong magtanim kahit nasa kalunsuran. Urban gardening, ika nga. Pangalagaan ang kalikasan. Huwag nating hayaang ang himpapawid ay lumala sa polusyon dahil sa coal, pati mga kagubatan at karagatan ay palilibutan at tambakan ng mga plastik at upos ng sigarilyo. Nanaisin ba nating ang kinakain nating mga isdang kumain ng mga plastik at upos ang siya ring kakainin ng ating mga anak?

Panahon nang bumalik sa kalikasan, bilang pagharap sa sinasabing “new normal”. Nasa kalikasan at nasa ating kamay ang kinabukasan.

Biyernes, Mayo 15, 2020

Ang kalayaan sa pamamahayag

ANG KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG
Sinaliksik at sinulat ni Greg Bituin Jr.

Sa ating Konstitusyong 1987, Artikulo III, Seksyon 4, ay nasusulat: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances." ("Walang batas na dapat ipasa na pumipigil sa kalayaan sa pagsasalita, ng ekspresyon, o ng pamahayagan, o ang karapatan ng mga tao sa mapayapang pagtitipon at hilingin sa pamahalaan upang malunasan ang mga hinaing. - salin ni GBJ.)

Ito rin ang pinaninindigan ng ating publikasyong Taliba ng Maralita. Kaya patuloy tayong gumagawa, nagsusulat ng mga akda, at naglalathala ng ating pahayagan. Dahil ang kalayaan sa pamamahayag ay karapatan ng bawat mamamayan. Walang anumang batas ang dapat pumigil sa kalayaang ito.

Sapagkat patuloy ang pagdaloy ng komunikasyon, animo’y walang hanggang ang mga titik sa bawat pahina, patuloy ang daloy ng mga salita lagpas pa sa hangganan ng mga bansa. May mata ang balita, may tainga ang lupa, ayon nga sa isang kasabihang Pinoy. Kaya inaabot ng ating pahayagan ang mata at tainga ng kapwa dukha. Subalit may nais pumigil ng kalayaang ito, tulad ng naganap na pagsasara ng ABS-CBN, ang naganap na pagkapaslang sa mahigit 30 mamamahayag sa Maguindanao massacre noong 2009 at di mabilang na pagpaslang sa mga mamamahayag. Ilang titik lamang subalit makapangyarihan ang mga titik na nasa pahayagan.

Bilang mamamahayag ng Taliba ng Maralita, malaking pundasyon ng ating isinusulat ang mga salita. Kaya mabigat ang nakaatang na responsibilidad sa bawat salitang ating ipinahahayag. Kaya dapat maingat tayo upang hindi tayo mapahamak sa mga halibyong (o fake news), at talagang seryoso tayong ang bawat isinusulat natin ay batay sa tunay na pangyayari. Dahil hindi na natin mai-edit ang mga impormasyong isinulat natin pag ito’y nalathala na at naipamahagi na ang pahayagan sa kapwa maralita.

Subalit dapat nating gampanan ang ating misyon – ang magbalita, mag-ulat, magmulat at mambatikos kung kailangan. Mahalaga’y naninindigan ang Taliba ng Maralita sa katotohanan at pagmumulat sa mga kapwa dukha tungo sa pangarap nating lipunang makataong iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat mamamayan.

* Isinulat para sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at nalathala sa isyu nito ng Mayo 1-15, 2020, pahina 2.

Huwebes, Mayo 14, 2020

Ang Totoong Kahulugan ng MECQ/GCQ/MGCQ: HANAPBUHAY MAGIGING "HANAP-PATAY" DAHIL SA KAPALPAKAN NI DUTERTE SA COVID-19



BMP-PLM-SANLAKAS Polyeto MAYO 14, 2020
(Maari rin basahin dito: bit.ly/PolyetoMay142020)

Ang Totoong Kahulugan ng MECQ/GCQ/MGCQ:
HANAPBUHAY MAGIGING "HANAP-PATAY" DAHIL SA KAPALPAKAN NI DUTERTE SA COVID-19

DALAWANG buwan nang gutom at bilasa ang mamamayang pwersahang tumigil sa trabaho dahil sa lockdown. Kwarantina na una’y sa Kamaynilaan lamang hanggang sa sumaklaw sa buong Luzon, at kinalauna’y ipinataw sa buong kapuluan.

Ngayon, nag-anunsyo na ang Palasyo na paluluwagin ang mga restriksyon. Mula sa ECQ ay magiging MECQ, GCQ, MGCQ . Marami ang nag-akala makakahinga na sila ng maluwag. Tila sinasabi, “Sa wakas, makapaghahanapbuhay na. Mas mainam ang nagtatrabaho kaysa naghihintay sa walang kasiguruhang ayuda”.

Naiintindihan natin ang desperasyon ng maraming Pilipino. Subalit nagpapayo tayo ng paghuhunos-dili sa ating mga kauri at kababayan: huwag maging kampante at huwag maliitin ang banta ng COVID19.

Tayo ay nagtatrabaho para sa ating mga mahal sa buhay. Para tugunan ang kanilang pangangailangan. Maraming Pilipino - laluna sa sahurang manggagawa - ay ginagawang tiisin ang mababang sweldo, kontraktwalisasyon, at di-makataong kondisyon sa pagtatrabaho. Ito ang desperasyong inaasahan ng rehimeng Duterte at mga kapitalista para diumano’y “paandarin muli ang ekonomya”. Desperasyon para huwag nating pansinin ang peligrong dulot ng pandemyang COVID19, alang-alang sa kakarampot na sweldo habang nililikha natin ang tubo para sa kapitalista, ang interes para sa bangkero, ang renta para sa kapitalistang landlord at maging ang buwis para sa pamahalaan.

Nais nating ipaalala sa manggagawa’t mamamayan na kailangang patuloy na igiit ang "Kaligtasan, Kabuhayan, Kapakanan at Kapangyarihan para sa manggagawa't mamamayan". Kung hindi natin patuloy na ipaglalaban ang sumusunod na kahilingan, ang mangyayari sa atin ay HANAP-PATAY hindi hanapbuhay!

MASS TESTING, REKURSO AT PASILIDAD PANGKALUSUGAN: Nananatiling bulag tayong lahat sa totoong kalagayan sa kontaminasyon ng COVID19. Patuloy ang pagdami ng bilang ng kaso habang 'di maasahan ang datos na inilalathala. Sa kasalukuyan, mahigit 11,000 ang naitalang kaso ng COVID19 kung saan mahigit 2,000 pa lamang ang nakakarecover at 750 na ang namatay. Kinakailangang matukoy kung sino ang mga may-sakit para mabukod sila at mapigilan ang paghawa sa iba pa. Makupad pa ang inilulunsad na “mass testing” sapagkat tatlumpu (30) pa lamang ang DOH-accredited testing center sa bansa. Sa dalawang buwan na lumipas, 0.1% pa lamang ng buong populasyon ang dumaan sa naturang eksaminasyon. Asahan nating tataas pa ang bilang ng mga kaso habang tumataas ang kakayahan sa mass testing at pagluluwag para sa "ekonomya".

Nakakabahala ang magiging second at third wave ng kontaminasyon na maaring magdulot ng pagbagsak sa ating naghihingalo nang health care system. Kulang ang mga pasilidad pang-kwarantina. Nasa mahigit 11,000 lamang ang dedicated hospital beds, tiyak na kulang kung mangyayari ang second wave. Isang libo lamang ang kwarto para sa para sa malubhang mga kaso(ICU). Gayundin ang mechanical ventilator, na kailangang sa paghinga ng may malubhang pulmonya dulot ng COVID19. Napakarami ring ospital ang nagrereklamo sa kakulangan ng suplay sa PPE (personal protective equipment), na lubhang peligroso sa ating mga medical frontliner.

AYUDA SA LAHAT: Mananatili ang mga restriksyon sa ilalim ng MECQ, GCQ at MGCQ. Sa kabila nito, halos lahat ng industriya ay papayagan nang magbukas. Sa MECQ, kalahati (50%) lamang ng mga empleyado ang maaring pumasok sa pabrika, opisina, at iba pang lugar ng pagtatrabaho at di pa rin pahihintulutan ang pampublikong transportayon. Sa GCQ, ito ay nasa tatlo sa bawat apat na empleyado (75%). Sa MGCQ, papayagan ang panunumbalik sa full operation (100%).

Ibig sabihin, sa maraming establisyemento, ang ipapatupad ng mga employer ay rotasyon o pagbabawas ng araw ng trabaho sa isang linggo. May ilang industriya din ang siguradong magtatanggal ng manggagawa o magsasara gamit ang dahilan na pagkalugi.

Sa GCQ at MGCQ, papayagan ang pampublikong transportasyon ngunit limitado lamang ang maaring sumakay sa dahil sa physical distancing na tiyak kabawasan sa kita ng mga tsuper. Dagdag rito, ang mga lumang jeepney na hindi nagpailalim sa mga kooperatiba o korporasyon ay di na papayagang bumiyahe. Ang mga bus na di modernisado ang pagbabayad ay 'di rin makakabyahe. Samakatuwid, daan libong mga tsuper at konduktor ay wala pa ring kikitain. Bagsak din ang kita ng iba pang nasa informal sector - manininda sa bangketa at palengke, maliliit na mangangalakal, atbp., dahil bukod sa marami mananatiling ipagbabawal, ang kanilang kabuhayan ay karugtong ng ekonomikong aktibidad ng mga sumasahod na mababawasan o matatanggal sa trabaho.

Ang masakit, nabawasan o nawalan man ng kinikita, lahat tayo ay bubulagain ng due date ng mga nabibinbing bayarin dahil matatapos na ang ekstensyon sa pagbabayad ng upa, tubig, kuryente, internet, atbp. Ang masaklap pa, ang mga 'di nakatanggap at nakatanggap ng SAP sa labas ng Kamaynilaan, Cebu City at probinsya ng Laguna, ay di na bibigyan ng ikalawang bugso na malinaw na ipinangako ni Duterte at nakasaad sa kanyang Bayanihan o BAHO Act.

Samakatuwid, ang netong epekto nito ay pangkalahatang pagbagsak sa sahod at kita ng manggagawa, sa formal at informal sector. Makatarungang igiit pa rin “ayuda para salahat”. Hindi lamang dahil obligasyon ng gobyerno ang unahin ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Mas lalong higit, ang anumang muling pagpapaandar sa ekonomya ay dapat naikinukunsidera ang paggawa, nasiyang pangunahing panlipunan at pang-ekonomyang pwersa ng ating lipunan.

BALIK TRABAHONG LIGTAS: Sigurado tayong maraming employer ang lalabag sa inutos na mga patakaran para sa “occupational health and safety” ng kanilang mga manggagawa. Dagdag gastos kasi ang turing dito ng mga kapitalista. Kaya naman, krusyal na usapin sa balik-trabaho (hindi balik-probinsya dahil ang kalakhan ng trabaho ay nasa sentrong urban ng Region 3, Region 4A, NCR, Region 7, at iba pa) ay ang responsibilidad ng gobyerno na mapasunod ang mga may-ari ng negosyo sa patakaran at ang karapatan ng manggagawa na magreklamo sa magiging paglabag dito ng mga kapitalista. Subalit sa DO213 ng DOLE, sinuspinde ang lahat ng inspeksyon, hearing sa labor cases, atbp., sa buong panahon ng kwarantina. Dahil anuman sa MECQ, GCQ, o MGCQ ay quarantine areas, hindi makakapagreklamo ang mga manggagawa sa buong bansa!

Mga kauri at kababayan! Manatiling kritikal at mapagmatyag sa mga nangyayari sa lipunan. Huwag hayaang ang panunumbalik sa trabaho o paghahanapbuhay dahil sa MECQ, GCQ, MGCQ ay mauwi sa pangkakanya-kanya at pagsasawalang-kibo. Trilyon-trilyon ang pondo ng gobyerno para tugunan ang COVID19 (mula sa pagkonsentra ng pera sa Executive dulot ng BAHO Act hanggang sa bilyong dolyar na grant at loan na nakuha ng gobyerno sa World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB). Kung tayo ay mananahimik, ang napakalaking pondong ito ay mapapakinabangan ng mga burukrata sa gobyerno. At kahit hindi tayo nakinabang dito, tiyak na kasama ang manggagawa’t mamamayan sa pagbabayad at pagtustos sa naturang pondo sa anyo ng buwis. Ang siste, ginawang rason ang kalusugan ng mamamayan para magkamal ng pondo subalit hindi naman ginamit ang pondo para labanan ang salot na COVID19 na banta sa kalusugan ng mga Pilipino.

Ituloy ang pangangalampag para sa ating kaligtasan, kabuhayan, kapakanan at kapangyarihan. Mag-ingay at singilin ang rehimeng Duterte sa mga kapabayaan, kapalpakan, at karahasan nito sa manggagawa’t mamamayang Pilipino. #

MASS TESTING PAIGTINGIN!
AYUDA PARA SA LAHAT IPAGPATULOY!
BALIK-TRABAHONG LIGTAS PARA SA MANGGAGAWA!
SERBISYONG PANLIPUNAN HINDI PANGGIGIPIT at KARAHASAN!
PANAGUTIN ang REHIMENG DUTERTE!

BMP – PLM – SANLAKAS
Mayo 14, 2020

Linggo, Mayo 10, 2020

Pahayag ng KPML sa ika-123 anibersaryo ng kamatayan ng dakilang manggagawang si Gat Andres Bonifacio

PAHAYAG NG KPML SA IKA-123 ANIBERSARYO NG KAMATAYAN NG DAKILANG MANGGAGAWANG SI GAT ANDRES BONIFACIO
Mayo 10, 2020

Inaalala at ipinagdiriwang natin taun-taon tuwing Nobyembre 30 ang kaara-wan ng ating dakilang bayaning si Gat Andres Bonifacio. Di gaya ni Rizal, na inaalala sa araw ng kanyang kamatayan, Disyembre 30, hindi natin ganap na ginugunita ang kamatayan ni Bonifacio, sapagkat siya’y pinaslang, hindi ng mga kaaway ng bayan, kundi ng kanyang mga dapat ay kapanalig sa pagpapalaya ng ating bayan mula sa kamay ng mga mapagsamantala’t mananakop.  

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay patuloy na nakikibaka para sa kaginhawahan ng bayang tinubuan, batay din sa adhikain ng Supremo ng Katipunan na patuloy nating ipaglaban ang kapakanan ng bayan, tungo sa pagtatayo ng inaasam nating lipu-nang makataong walang mang-aapi, walang pribadong pag-aaring ugat ng kahirapan, at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Sabado, Mayo 9, 2020

Pahayag ng KPML sa ika-145 kaarawan ni Oriang

PAHAYAG NG KPML SA IKA-145 KAARAWAN NI ORIANG
Mayo 9, 2020

Ano kaya ang naiisip ni Gregoria “Oriang” de Jesus, na ipagdiriwang niya ang kanyang kaarawan sa bisperas ng masaklap na kamatayan ng kanyang kabiyak na si Gat Andres Bonifacio? 

Gayunman, lubos na nakikiisa kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan at naiambag sa sambayanan upang lumaya ang bayan mula sa kuko ng mapagsamantalang kaaway ng lupang tinubuan. Mabuhay ka, Oriang, at ang grupong Oriang, na samahan ng kababaihan at binuo ayon sa kanyang aral, ambag at halimbawa.

Miyerkules, Mayo 6, 2020

Pahayag ng KPML sa pagsasara ng ABS-CBN

PAHAYAG NG KPML SA PAGSASARA NG ABS-CBN
Mayo 6, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mahigit 11,000 manggagawa ng ABS-CBN na naapektuhan ng pagkawala ng kanilang trabaho, dulot ng pagsasara ng nasabing kumpanya. Naganap pa naman ito sa panahon ng pananalasa ng sakit na COVID-19, at kwarantina sa halos lahat ng panig ng bansa. 

Malaking kawalan sa impormasyon, at malaking kawalan sa kanilang pamilya, na sa panahong ito ay naganap ang pagkawala ng kanilang trabaho. Nawa’y mabigyang kalutasan agad ito upang hindi na madagdagan pa ang mga nawawalan ng trabaho. 

Sana’y maibalik agad ang prangkisa ng ABS-CBN, at patuloy na magkaisa ang kanilang manggagawa tungo sa isang lipunang makatao. 

Huwag silang pagipit sa pamahalaang nanggigipit.  Mabuhay ang mga manggagawa ng ABS-CBN! Mabuhay ang uring manggagawa!

Linggo, Mayo 3, 2020

Pahayag ng KPML sa World Press Freedom Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD PRESS FREEDOM DAY
Mayo 3, 2020

Taas-kamaong nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng nakikibaka upang ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag. Karapatan ng bawat isa, kahit mayaman o mahirap, ang makapagpahayag, mula pa nang tayo’y isilang.

Matatandaang idineklara ng United Nations General Assembly na World Press Freedom Day tuwing Mayo 3 ng bawat taon. ito'y upang magunita natin at madagdagan ang kamalayan ng bawat isa ng kalayaan sa pamamahayag, at paalalahanan ang mga gobyerno ng kanilang tungkuling igalang at protektahan ang kalayaan sa pamamahayag. Ito'y batay din sa Artikulo 19 ng Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao (1948) at pagmamarka ng anibersaryo ng Windhoek Declaration, isang pahayag ng malayang prinsipyo ng pamamahayag ng mga dyarista ng Africa sa Windhoek noong 1991.

Sabado, Mayo 2, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa mga kasamang hinuli dahil nagprotesta nitong Mayo Uno

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA MGA KASAMANG HINULI DAHIL NAGPROTESTA NITONG MAYO UNO
Mayo 2, 2020

Palayain sina kasamang Lito Rastica at Reynaldo Dulay, mga kasamang manggagawa mula sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino. Ito ang nagkakaisang panawagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Sila'y hinuli, gayong ipinagdiwang lang nila ang Araw ng Paggawa, at inobserbahan naman nila ang social distancing at naka-facemask. Ikinulong sila sa seldang masikip na walang social distancing. 

Karapatan ng manggagawang ipagdiwang ang kanilang araw. Sinunod nila ang social distancing. Hindi manggagawa ang kalaban kundi ang coronavirus. 

Muli, ang panawagan namin sa KPML: Palayain na sina Lito Rastica at Rey Dulay!

Biyernes, Mayo 1, 2020

Pahayag ng KPML sa Araw ng Paggawa

PAHAYAG NG KPML SA ARAW NG PAGGAWA
Mayo 1, 2020

FREE MASS TESTING NOW! AYUDA PARA SA MARALITA AT MANGGAGAWA, NGAYON NA!

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taas-kamaong nakikiisa sa lahat ng manggagawa sa buong daigdig sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Saanmang sulok ng mundo, saanmang sulok ng Pilipinas, binabati ng KPML ang lahat ng manggagawa sa kanilang natatanging araw. Mabuhay ang uring manggagawa!

Sa ngayong hindi tayo makakapunta sa Mendiola upang sama-samang kumilos ngayong dakilang araw ng uring manggagawa dahil sa lockdown o community quarantine, hindi tayo mapipigilang magdiwang at kumilos sa atin mang mga tahanan o komunidad upang gunitain ang mga sakripisyo ng mga naunang manggagawang nagpanalo ng otso oras na paggawa, tulad ng naganap na masaker sa Haymarket Square sa Chicago noong Mayo ng 1886. Ang pangyayaring ito ang nagbunsod ng pagdeklara ng Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Mabuhay ang uring manggagawa!