Linggo, Disyembre 27, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day of Epidemic Preparedness

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF EPIDEMIC PREPAREDNESS
Disyembre 27, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakikiisa sa mamamayan ng buog daigdig sa pagdiriwang ng kauna-unahang International Day of Epidemic Preparedness (Pandaigdigang Araw ng Paghahanda sa Epidemya) ngayong Disyembre 27, 2020. Sadyang napapanahon ang ganitong mga araw lalo na’t nasa panahon tayo ng pandemya o yaong pananalasa ng coronavirus na mas kilala sa COVID-19. Halina’t ating itaguyod ang kahalagahan ng kalusugan ng bawat mamamayan, maging sila man ay mahihirap at kalunos-lunos ang kalagayan, laban sa mga epidemya.

Kasabay nito, magsanay na tayo sa pang-araw-araw na aksyon na pag-iwas upang makatulong na maiwasan ang pagkalat ng virus: Maghinaw ng kamay nang madalas sa sabon at tubig nang hindi bababa sa 20 segundo. Kung hindi magagamit ang sabon at tubig, gumamit ng sanitizer ng kamay na nakabatay sa alkohol. Iwasan ang hawakan ang iyong mga mata, ilong, at bibig. Iwasan ang malapit na pakikipag-ugnay sa mga taong maysakit. Laging magsuot ng face mask at face shield.

Mahalagang palakasin ang pag-iwas sa epidemya sa pamamagitan ng paglalapat ng mga natutunan natin sa panahong ito ng COVID-19, kung paano maiiwasan ang pagtigil ng mga pangunahing serbisyo, at itaas ang antas ng kahandaan upang magkaroon ng pinakamaaga at sapat na tugon sa anumang epidemyang maaaring lumitaw.

Tingin din namin sa KPML na kinakailangan na ng isang bagong sistema, di lang sa usaping kalusugan, kundi sa lipunan sa pangkalahatan, na magtataguyod ng kapakanan ng tao para sa kapwa tao, at sistemang hindi na kailangan ang pagsasamantala ng tao sa tao.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, pahina 7.

Lunes, Disyembre 21, 2020

Pahayag ng KPML sa pagpaslang ng isang pulis sa mag-inang Gregorio

PAHAYAG NG KPML SA PAGPASLANG NG ISANG PULIS SA MAG-INANG GREGORIO
Disyembre 21, 2020

HUSTISYA SA MAG-INANG SONYA AT FRANK GREGORIO!
HUSTISYA SA MGA PINASLANG NG PULIS NA TARANTADO!

Mahigpit na kino-kondena ng buong Kongreso ng Pagka-kaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang pagpatay sa sibilyan at walang armas na mag-inang Sonya, 52, at Frank Gregorio, 25, nii Police   Senior   Master  

Sargeant Jonel Nuezca sa Purok 2, Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac noong Disyembre 20, 2020.

Isang video mula sa mobile phone ang nag-viral na nagpakita kay Nuezca sa harap mismo ng kanyang anak na babae ang pagbaril niya sa pamilya Gregorio.

Ayon sa panayam ng DZBB kay Police Lieutenant Colonel Noriel Rombaoa, "Pumunta doon para i-confront sila then naungkat na ang usapin sa right of way, hanggang napunta sa insidente na iyon. Parang na-trigger ang galit ng suspek nang magkasagutan iyong anak niya at ang biktimang matanda". Ang usapin ng right of way ay isa sa mga isyu ng KPML, lalo na sa usapin ng pakikibaka para sa karapatan sa pabahay. 

Kaya sa  pagpaslang sa mag-inang Gregorio, dapat tugunan din ng pamahalaan ang katiyakan sa right of way para sa mga naninirahan doon upang maging ganap na maayos at napapakinabangan ng masa.

Dalawa lamang ang mag-inang Gregorio sa libo-libong buhay na nawala dahil sa tokhang, dahil sa tindig at patakaran ng rehimeng Duterte mula nang ito’y umupo sa pwesto noong 2016. Dapat na tuligsain natin, kung hindi man mapigilan natin, ang walanghiya at walang katuturang kultura ng karahasang ipinamamana ng rehimeng Duterte sa sambayanan. Huwag nating hayaang makawala at makatakas sa pananagutang ito, hindi lang ang pulis na pumaslang, kundi ang nagpasimuno ng ganitong kutura ng karahasan. 

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2020, pahina 16.

Linggo, Disyembre 20, 2020

Pahayag ng KPML sa International Human Solidarity Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN SOLIDARITY DAY
Disyembre 20, 2020

MAKAURING PAGKAKAISA AT KAMALAYANG MAKAURI

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taas-kamaong nakikiisa sa mga maralita at manggagawa sa lahat ng bansa sa paggunita sa International Human Solidarity Day (Pandaigdigang Araw ng Pagkakaisa ng mga Tao). 

Ang mga manggagawa’t maralita, kasama ang iba pang mga aping sektor ng lipunan, ay dapat magkapitbisig, magtulungan, at magkaisa, upang labanan ang kahirapan, at itayo ang isang lipunang makatao na walang pagsasamantala ng tao sa tao. Ito’y sa pamamagitan ng makauring pagkakaisa at kamalayang makauri.

Dapat palawakin at palalimin ang ating makauring pagkakaisa kasama ng masang manggagawa. Kung mulat tayo sa layuning ito, sa bawat sandali ng ating pagkilos, di mangyayaring maiimbudo ang pag-oorganisa sa kaparaanan ng pag-uunyon, at siguradong ikokombina ito sa iba pang paraan. 

Hangga’t hindi umaabot ang kamalayan ng mga maralita sa kanilang pag-iral sa kapitalistang lipunan bilang kapatid-sa-uri ng uring mangaggawa, imposible ang kanilang malawak at matatag na pagkakaisa at pagkakaorganisa bilang isa sa pangunahing pwersa ng pagbabagong panlipunan. Kaya ang KPML ay nagsisikap upang maabot ng kasapian nito at ng iba pang maralita sa komunidad ang makauring pagkakaisa at pagkakaroon ng kamalayang makauri.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2020, pahina 6.

Biyernes, Disyembre 18, 2020

Pagpupugay at pagbati ng BMP sa ika-34 anibersaryo ng KPML

(Ang pahayag at ang litrato sa ibaba ay mula sa BMP page sa facebook.)

Bukluran ng Manggagawang Pilipino
December 18, 2020 at 11:18 AM

Pagpupugay at pagbati sa ika-34 anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Ang sektor ng maralitang lungsod ay kapatid-sa-uri ng mga manggagawa.

Komon ang ating kalagayan sa panahon ng pandemya, resesyon at kalamidad. Binabatbat ng mga krisis sa kalusugan, kabuhayan, at klima. Parehong walang pag-aari kundi ang sipag at tiyaga, bisig at isip, talino at diskarte. Ipinagsasakripisyo ngayong panahon ng krisis kahit hindi nabiyayaan sa dating pagsigla ng ekonomiya. Ipinagkakait ang pinakabatayang mga karapatan ng napakareaksyonaryong rehimeng nagpapanggap na maka-mahirap at para sa pagbabago. 

Iisa ang ating laban. Singilin ang bulok at palpak na gobyerno sa kabiguan nitong  proteksyunan ang taumbayan mula sa mga krisis. Ibagsak ang kapitalismo at ipundar ang lipunang tunay na makatao at makamanggagawa.



Sabado, Disyembre 12, 2020

Pahayag ng KPML sa International Universal Health Coverage Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL UNIVERSAL HEALTH COVERAGE DAY 
Disyembre 12, 2020

Ngayong panahon ng pananalasa ng COVID-19 sa iba’t ibang panig ng daigdig, kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit at taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng International Universal Health Coverage Day tuwing Disyembre 12. Nakakatuwa, internasyunal na, unibersal pa, subalit ganito inilarawan ito sa internet.

Noong Disyembre 12, 2012, ang United Nations General Assembly ay nag-endorso ng isang resolusyon na hinihimok ang mga bansa na mapabilis ang pag-unlad patungo sa universal health coverage (UHC) - ang ideya na ang bawat isa, saanman naroon ay dapat may akses sa kalidad at abot-kayang pangangalagang pangkalusugan - bilang priyoridad para sa pag-unlad sa internasyonal. Noong Disyembre 12, 2017, ipinahayag ng United Nations ang Disyembre 12 bilang International Universal Health Coverage Day (UHC Day) sa pamamagitan ng resolusyon 72/138. Nilalayon ng International Universal Health Coverage Day na itaas ang kamalayan sa pangangailangan para sa malakas na sistemang pangkalusugan at unibersal na saklaw ng kalusugan. Ang taon 2020 ay isang mahabang sandali ng pagtutuos para sa mga sistemang pangkalusugan sa buong mundo. Habang pinagninilayan ang panahon ng pananalasa ng COVID-19 sa daigdig, ipinakikita ang pang-araw-araw na katotohanang laksa-laksang kaso ng pandemya ang umuutas sa maraming buhay. Mas maraming mga nam
umuno kaysa dati ang nagbibigay ng pansin, at mas maraming tao kaysa dati na ang humihiling ng pagbabago. 

Sa ating bansa, naisabatas na ang R.A. 11223 o ang Universal Health Care Act noong Pebrero 20, 2019. Subalit paano ito magagamit ng mga mahihirap. Kaya sa isyembre 12, hilingin natin ang agarang aksyong pangkalusugan. Nakasalalay dito ang ating buhay, kabuhayan at kinabukasan.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 9.

Pahayag ng KPML sa International Year of Plant Health (IYPH)

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL YEAR OF PLANT HEALTH (IYPH)
Disyembre 12, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospusong nakikiisa sa pagdiriwang ng International Year of Plant Health) ngayong 2020. Isang malaking bagay na mayroon nang ganitong pagdiriwang lalo na ngayong nananalasa ang pandemya at kailangan ng mga mamamayang nawalan ng trabaho ang magtanim na ng kanilang mga kakainin upang makaligtas sa nakaambang gutom dulot ng pandemya.

Noong Disyembre 2018, pinagtibay ng Pangkalahatang Asembliya ng United Nations ang Resolusyong nagdeklara ng 2020 bilang International Year of Plant Health. Ang layunin ng IYPH ay upang taasan ang pandaigdigang kamalayan sa kung paano ang pagprotekta sa kalusugan ng halaman ay makakatulong na wakasan ang gutom, mabawasan ang kahirapan, maprotektahan ang kapaligiran, at mapalakas pag-unlad ng ekonomiya.

At dahil idineklara ng United Nations ang 2020 bilang International Year of Plant Health (IYPH), ito’y isang beses lang sa buong buhay na binigyang pagkakataon upang itaas ang pandaigdigang kamalayan sa kung paano makakatulong sa pagprotekta sa kalusugan ang mga halaman na wakasan ang gutom, bawasan ang kahirapan, protektahan ang kapaligiran, at palakasin ang pag-unlad ng ekonomiya.
 
* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 8.

Huwebes, Disyembre 10, 2020

Pahayag ng KPML sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao


PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN RIGHTS DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG KARAPATANG PANTAO)
Disyembre 10, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. Sa temang “Karapatan, Kagalingan, at Kaligtasan, Itaguyod! Wakasan ang Kahirapan, Panunupil at Inhustisya!”, kami sa KPML ay nagkakaisang itaguyod at ipagpatuloy ang laban ng mga maralita tungo sa pagtatayo ng isang lipunang makatao na walang pagsasamantala ng tao sa tao, pagpawi ng pribadong pag-aari bilang ugat ng kahirapan, at pagwawakas sa lipunang pinaghaharian ng iilan.

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, singilin natin ang lahat ng may kagagawan ng mga mapanligalig na mga pangyayaring unti-unting kumikitil sa ating dignidad bilang tao. Dapat tayong kumilos na tangan sa dibdib at puso ang adhika ng pagbabago, pagkakapantay-pantay, pagkakapatiran, karapatang pantao, sosyalismo!

Sa kabila ng pandemya kung saan pinagsusuot tayo ng face mask at face shield, dapat mag-social distancing ng isang metro ang pagitan, mag-alkohol, patuloy pa rin tayong nakikibaka upang maibsan ang gutom at kahirapan at maipagpatuloy ang ating layunin at adhikain para sa sambayanan. Hindi tayo titigil hangga't di naipagwawagi ang isang lipunan at sistemang makatao, kung saan pangunahin ang kapakanan ng kapwa tao at hindi ng tubo. Patuloy tayong makibaka hanggang sa tagumpay!

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 7.

Miyerkules, Disyembre 9, 2020

Balita Maralita: HLURB at NHA, niralihan ng maralita

BALITA MARALITA

HLURB AT NHA, NIRALIHAN NG MARALITA

Nagkakaisang kumilos ang mga maralita mula sa iba’t ibang samahan sa harapan ng mga ahensya ng pabahay ng Disyembre 9, 2020, isang araw bago ang Daigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Pinuntahan nila ang tanggapan ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road, at sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) sa Kalayaan Ave., sa Lungsod Quezon. Hapon naman ay nagtungo sila sa Senado. Ipinahayag nila ang mga isyu ng bayarin sa mga relokasyon, ang RA 9507 hinggil sa resruktura at kondonasyon, ang mga bantang demolisyon sa Manila Bay, ang mga isyu ng pribadong lupa, ang kawalan ng pagkakitaan dulot ng pandemya, ang manggagawa nawalan ng tahanan dahil nawalan ng trabaho dahil wala nang pang-upa, ang kalagayan sa relokasyon sa isyu ng pagsapribado ng tubig, atbp.

Lumahok sa aktibidad na ito ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Sanlakas, Zone One Tondo Organization (ZOTO), Piglas Maralita, ALMA - QC, Koalisyon Pabahay ng Pilipinas (KPP), at ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nagsasabing ibatay din sa kalagayan ng klima ang mga batas at patakaran hinggil sa pabahay. Inihalimbawa nila ang relokasyon sa Kasiglahan Village sa Montalban, Rizal na binaha dahil sa bagyo.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 12-13.

Pahayag ng KPML - Pagpapakawala ng Tubig sa Magat Dam; Pagbaha sa Cagayan at Isabela

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA PAGPAPAKAWALA NG TUBIG SA MAGAT DAM KAYA LUMUBOG ANG CAGAYAN AT ISABELA 
Disyembre 9, 2020

Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay lubos na nababahala sa nangyaring pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam kasunod ng pananalasa ng bagyong Ulysses na nagdulot naman ng malawakang pagbaha. Ano ba ang protocol sa pagpapakawala ng tubig sa dam? Nakita natin sa telebisyon ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam na sumalanta at nagpalubog sa rehiyon ng Cagayan Valley at Isabela. Libo-libong pamilya ang apektado at inilubog sa tubig ang kanilang mga bahay. Ang mga pag-ulang dinulot ng bagyong Ulysses ay nakatulong sa pagtaas ng tubig ng Magat Dam ngunit tumaas ang antas nito, na nagtulak sa dam upang palabasin ang labis na tubig. Ayon sa mga eksperto, ang labis na paglabas ng tubig ay nag-ambag sa pagbaha sa Rehiyon II. 

Ayon sa mga ulat, sinabi ng National Irrigation Administration (NIA) na sinunod nito ang protocol sa pagpapalabas ng tubig sa Magat Dam. Ayon naman sa PAGASA, naglabas sila ng mga babala sa pagbaha sa National Irrigation Administration ilang araw bago tumama ang Ulysses.

Dapat suriin ang kapasidad na nagdadala ng tubig ng mga dam at kundisyon sa naturang mga pasilidad sa mga lugar tulad niyon dahil malamang na nagbago ito sa mga nagdaang panahon. Nagbabago na ang klima, na kahit noong kasagsagan ng bagyong Rolly ay naulit ang pananalasa ng bagyong Ondoy ng Setyembre 26, 2009.

May climate emergency na dapat tugunan. Ayusin ang protokol hinggil sa pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam, lalo na’t may mga nananalasang matitinding bagyo. Itigil na ang pagpapakawala ng usok at maruruming enerhiya mula sa mga coal fired power plants, na nagdulot ng matitinding epekto sa klima, na siyang dahilan ng matitinding bagyo. Nawa’y makinig ang mga kinauukulan sa panawagang ito ng KPML.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 6.

Sabado, Disyembre 5, 2020

Pahayag ng KPML sa World Soil Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD SOIL DAY
Disyembre 5, 2020

Sa panahon nitong pandemya, marami na sa atin ang natuto nang magtanim. Kinilala na rin natin ang kahalagahan ng mga magsasaka. Ika nga, hindi natin kailangan ng mga doktor o abugado araw-araw, subalit kailangan natin ang magsasaka tatlong beses sa isang araw.

Kaya ngayong World Soil Day (Pandaigdigang Araw ng Lupa), kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay lubos na nakikiisa sa pagdiriwang ng araw na ito. Kaisa kami ng mga magsasaka sa pangangalaga ng ating mga lupang pinagtataniman ng mga gulay, palay, kawayan, puno, halaman, at iba pa, na dahilan upang tayo’y mabuhay ng malusog, di nagugutom, at may payapang puso’t isipan.

Saan ba nagsimula ang World Soil Day (WSD)? Ipinagdiriwang ang WSD taun-taon tuwing Disyembre 5 bilang paraan upang ituon ang pansin sa kahalagahan ng malusog na lupa at upang itaguyod para sa napapanatiling pamamahala ng mga mapagkukunan ng lupa. Ang araw a ito’y inirekomenda ng International Union of Soil Science (IUSS) noong 2002. Sa ilalim ng pamumuno ng Kaharian ng Thailand at sa loob ng balangkas ng Global Soil Partnership, suportado ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations) ang pormal na pagtatatag ng WSD bilang pandaigdigang plataporma ng pagpapalawak ng kamalayan tungkol sa lupa. Nagkaisa sa FAO Conference na iendorso ang World Soil Day noong Hunyo 2013 at hiniling ang opisyal na pagpapatibay nito sa 68th UN General Assembly. Noong Disyembre 2013, tumugon ang UN General Assembly sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Disyembre 5, 2014 bilang unang opisyal na World Soil Day.

Ang petsang Disyembre 5 ay bilang pagpupugay sa kaarawan ng yumaong H.M. Si Haring Bhumibol Adulyadej, Hari ng Thailand, na isa sa pangunahing tagapagtaguyod ng inisyatibang ito.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 5.