Miyerkules, Disyembre 9, 2020

Pahayag ng KPML - Pagpapakawala ng Tubig sa Magat Dam; Pagbaha sa Cagayan at Isabela

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA PAGPAPAKAWALA NG TUBIG SA MAGAT DAM KAYA LUMUBOG ANG CAGAYAN AT ISABELA 
Disyembre 9, 2020

Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay lubos na nababahala sa nangyaring pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam kasunod ng pananalasa ng bagyong Ulysses na nagdulot naman ng malawakang pagbaha. Ano ba ang protocol sa pagpapakawala ng tubig sa dam? Nakita natin sa telebisyon ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam na sumalanta at nagpalubog sa rehiyon ng Cagayan Valley at Isabela. Libo-libong pamilya ang apektado at inilubog sa tubig ang kanilang mga bahay. Ang mga pag-ulang dinulot ng bagyong Ulysses ay nakatulong sa pagtaas ng tubig ng Magat Dam ngunit tumaas ang antas nito, na nagtulak sa dam upang palabasin ang labis na tubig. Ayon sa mga eksperto, ang labis na paglabas ng tubig ay nag-ambag sa pagbaha sa Rehiyon II. 

Ayon sa mga ulat, sinabi ng National Irrigation Administration (NIA) na sinunod nito ang protocol sa pagpapalabas ng tubig sa Magat Dam. Ayon naman sa PAGASA, naglabas sila ng mga babala sa pagbaha sa National Irrigation Administration ilang araw bago tumama ang Ulysses.

Dapat suriin ang kapasidad na nagdadala ng tubig ng mga dam at kundisyon sa naturang mga pasilidad sa mga lugar tulad niyon dahil malamang na nagbago ito sa mga nagdaang panahon. Nagbabago na ang klima, na kahit noong kasagsagan ng bagyong Rolly ay naulit ang pananalasa ng bagyong Ondoy ng Setyembre 26, 2009.

May climate emergency na dapat tugunan. Ayusin ang protokol hinggil sa pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam, lalo na’t may mga nananalasang matitinding bagyo. Itigil na ang pagpapakawala ng usok at maruruming enerhiya mula sa mga coal fired power plants, na nagdulot ng matitinding epekto sa klima, na siyang dahilan ng matitinding bagyo. Nawa’y makinig ang mga kinauukulan sa panawagang ito ng KPML.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 6.

Walang komento: