PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN RIGHTS DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG KARAPATANG PANTAO)
Disyembre 10, 2020
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. Sa temang “Karapatan, Kagalingan, at Kaligtasan, Itaguyod! Wakasan ang Kahirapan, Panunupil at Inhustisya!”, kami sa KPML ay nagkakaisang itaguyod at ipagpatuloy ang laban ng mga maralita tungo sa pagtatayo ng isang lipunang makatao na walang pagsasamantala ng tao sa tao, pagpawi ng pribadong pag-aari bilang ugat ng kahirapan, at pagwawakas sa lipunang pinaghaharian ng iilan.
Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, singilin natin ang lahat ng may kagagawan ng mga mapanligalig na mga pangyayaring unti-unting kumikitil sa ating dignidad bilang tao. Dapat tayong kumilos na tangan sa dibdib at puso ang adhika ng pagbabago, pagkakapantay-pantay, pagkakapatiran, karapatang pantao, sosyalismo!
Sa kabila ng pandemya kung saan pinagsusuot tayo ng face mask at face shield, dapat mag-social distancing ng isang metro ang pagitan, mag-alkohol, patuloy pa rin tayong nakikibaka upang maibsan ang gutom at kahirapan at maipagpatuloy ang ating layunin at adhikain para sa sambayanan. Hindi tayo titigil hangga't di naipagwawagi ang isang lipunan at sistemang makatao, kung saan pangunahin ang kapakanan ng kapwa tao at hindi ng tubo. Patuloy tayong makibaka hanggang sa tagumpay!
* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 7.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento