ALTERNATIBONG ADYENDA NG MARALITANG LUNGSOD
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
National Capital Region and Rizal (KPML-NCRR)
I. PaunawaAng papel na ito ay isang pagsisikap na malinaw at maipaintindi ang usaping bumabalot sa kontrobersyal na pagsilang sa tinaguriang mga iskwater sa sariling bayan.
Ang balangkas ay sinipi mula sa mga pag-aaral at mga masinop na pagsusuri sa umiiral sa sitwasyon ng panahon ng lipunan at uri’t katangian ng pamamahala.
Ang adyenda ay buod ng mga usaping kinahaharap ng maralita sa araw-araw na kailangang pag-usapan at ipaglaban, dala ito ng sala-salabat na mga problemang masaklaw na may aspeto ng sosyal, kultura, ekonomya, at pulitika.
Binubuo ito ng mga panawagan na nagtatalakay sa bisyon at adhikain ng maralita, detalyado sa mga programa at direksyon ng pagkilos, nagsisilbi itong pundasyon ng paninindigan sa samu't saring pakikibaka ng maralita hinalaw mula sa tunay at buhay na mga karanasan, mga pagsusuri at pagsusuma ng mga gawain, pag-oorganisa, mga pag-aaral at pagsasanay at mga kampanyang pagkilos at ang patuloy na pagsubaybay sa iba't ibang panahon ng panguluhan at pamamahala na sumasalamin kung ano at paano naiintindihan ang tunay na kalagayan at pangangailangan ng maralita.
Ang adyenda’y isang paraan para maabot at hinangin ang lakas ng pagkakaisa ng maralita para hawanin ang landas tungo sa pagsusulong ng makabuluhang pagbabago para sa pagkakamit ng isang lipunang walang pagdarahop, kagutuman at kaapihan, bagkus ay maunlad at may dignidad na pamumuhay, hindi “iskwater” sa sariling bayan.
II. Pagsusuri sa mga programa, mga proyekto, mga batas at mga patakaran sa pabahay 1938-2011.Ang mabilis na paglobo ng bilang ng mga “iskwater” (30.1 M- mula sa 92.680M kabuuang populasyon) ang patuloy na pagdami at paglawak ng dahop (bleight) na mga pamayanan (1, 268) na sumasalamin sa kabiguan ng pamahalaan na lutasin ang tumitinding suliranin ng maralita, ang kabiguan ay tanda ng maling pag-unawa at pag-intindi sa tunay na kalagayan at pangangailangan ng maralita.
Ito’y sa kabila ng mahabang panahong iniukol at pinaglaanan ng limpak-limpak na salaping nawaldas lamang, pagpapairal ng mga batas, mga patakaran kadalasan ay kontra maralita, pagtatayo ng iba't ibang ahensya na mas antagonistiko ang trato sa maralita, at mga kung anu-anong klaseng proyektong pabahay tulad ng Project 1, 2, 3, 4, 6, 7, 8, Bagong Bantay sa Q.C, Bagong Buhay sa Maynila, Bagong Barrio sa Kalookan, mga tenement bldg. sa Vitas Tondo, Punta, Mla at Taguig, Rawis Tondo, GSIS, at mga SSS Village, mga MRB’s- Malaria, Camarin, mga Bless Project, mga relocation at resettlement project, mga row housing, site and services, iba't ibang programa ng NHA tulad ng ZIP, SIR, GLAD, CMP at Pag-Ibig (low cost) pagtatayo ng mga ahensiya - NHC PHC (National Housing Commission-Phil. Housing Cooperative), PHHC (Peoples Homesite and Housing Corporation), NHA (Nat’l Housing Authority), MHS (Ministry of Human Settlement), HUDCC (Housing ang Urban Development Coordinating Council) , HLURB (Housing and Land Use Regulatory Board), HGC (Housing Guarantee Corporation), PCUP (Presidential Commission for the Urban Poor), at ang “sanitasyon sa maralita”, urban poor, informal sector, gayon ang generic nito’y walang iba kundi iskwater sa sariling bayan.
Subalit sa kabila ng paulit-ulit na kabiguan ay hindi nagawang baguhin o ituwid ang mga kamalian bagkus patuloy ang corporate na oryentasyon na negosyong Real Estate, at ang adiksyon sa tubo. Kita ito sa mga polisiyang Cost Recovery, Gross Subsidy, Escalating Scheme ng amortization, and mortgage system (SPAV) pati inflation rate at exchange rate ay kasama sa pagkukwenta sa ROI= Return Of Investment at ang pinakamalupit ay ang klasikong pagtrato sa maralita sa patakarang DEMOLISYON AT RELOKASYON para tugunan ang mga kapritso ng pribadong negosyo tulad ng mga Mega Shopping Complex, high rise condo, mga town houses, mga park at sport complex .
III. Ang tensyonadong kalagayan ng maralita sa programang PPP ni P-Noy (Pahirap, Parusa sa Pilipino)Mahigit na sa 556.526 na pamilya sa NCR ang nanganganib sa demolisyon at pagpapalayas patungo sa mga mistulang Death Zone na malalayong relokasyon na ni katiting na pag-asa ay wala.
Table 1
PRIORITY Tipo ng Komunidad Blg. Ng naninirahan 10% sa POP Proyekto
1. Danger Zone
Mga ilog creek
Powerline
watermain 102, 406 18.4% Flood control,
Drainage Easement 3 M., pumping station, dredging
2. infra proj. roads, highway easment, sidewalk water main. 15, 081 2.71% C-5 NLEX/ C-4, C-3 R10, Aqua Duct, LRT, MRT
3. Private land 190, 376 34.21% Commercialization, condo, townhouse, park, shopping, complex
4. Govt owned land, DSWD/NHA
UP/DENR/DOH 228.142 40% CBDS, commercialization, multi complex, condo, townhouses,
5. APDS 20.54 3.69% CMPS/ Townhouse
Sa kasalukuyan ang Q, C ang may pinakamalaking bilang ng maralitang pamilya (40% o 222, 744 pamilya), sinundan ito ng Manila-18.8% o 104, 643 pamilya.
Table 2
Hinggil sa Danger Zone (102, 406 pamilya)
Tipo Blg. Ng Pamilya % Proyekto
ilog creek
Estero
Coastal share 62, 590 pamilya 61.12 Demolisyon at relokasyon
Kalsada, Hi-ways, sidewalk, alleys easment 11, 130 pamilya N. D. A. Demolisyon at relokasyon
total 73, 720 pamilya
Note: ang datos ay ang kagyatang plano / clearing o paglilinis karamihan ay sa water ways at kalsada infra, hindi kasama ang mga naninirahan sa Powerline ng Meralco/ NAPOCOR at tubo ng NAWASA.
Table3
Krisis: sa kakulangan sa pabahay sa NCR.
Blg. ng iskwater na pamilya Blg. ng housing
(available) Shortage sa kasalukuyan Target na pabahay
2016 Shortfall kakulangan
556, 526 32, 762 523, 100 332, 000 191, 764
Paunawa: sa kasalukuyan ayon sa mga developer ay lumalaki ng 7% taon-taon ang halaga ng isang yunit (bahay), lupa, konstrakyon / labor ay umaabot sa pinakamurang halaga 330, 000.00.
IV. Ugat ng kahirapan, bakit may maralita? Patuloy na iniluluwa ang maralitang lunsod ng kawalan ng trabaho, ng barat na sahod, maliit na kita katapat ng pataas na pataas na pesyo ng bilihin at serbisyo.
Araw-araw ay nadaragdagan ang bilang ng mga maralita mula sa mga magsasakang nilisan ang kanayunan sanhi ng kawalan ng sariling lupang sakahan, barat na presyo ng ani, mataas na presyo ng mga abono, pestisidyo, kapos o tuwirang walang mga posibilidad, irigasyon at mga ayuda, parang tsunami ang bilang ng nawalan ng trabaho, araw-araw nagsasara ang mga pabrika at mga bahay kalakal, na nilumpo ng salot na globalisasyon, parami ng parami ang nag-uuwiang mga OFW, mga sigalot at trahedya sa iba't ibang panig ng daigdig epekto ng Climate Change, parami at palawak ang mga dahop na komunidad na tirahan ng mga “iskwater” nagsisiksikan sa mga giray-giray na mga barong-barong na tigib ng hapis at tuyot sa pag-asa, nagugutom, may mga sakit, bawal magpahinga, kalunos-lunos na buhay na nilikha ng umiiral na sistema ng lipunan.
V. Ano ang Problema, Sino ang Problema?Sa pananaw ng iilan, ang maralita ng lungsod ay problemang panlipunan, mga manggugulo, mga tamad, hindi mapagkakatiwalaan, mga magnanakaw, mga kriminal. Ganito ang turing sa aming mga maralita.
"Itinakda ng kapalaran. Kagustuhan ng Diyos." Ganito madalas ang sinasabi ng iba't ibang sekta, ng simbahan. Sabi nila, "Mapapalad kayong mga maralita dahil malapit kayo sa kaharian ng Diyos." Pampalubag ng loob para tanggapin ng maralita ang kahirapan.
Sa pagsusuri ng maralita at batay sa buhay na karanasan, ang lipunan ang problema. Ang uri ng lipunan at ng mga namumuno rito ang ugat ng problema. Ang mga maralita ang output ng bulok na sistema na umiiral sa ating lipunan sa mahabang panahong pinamumunuan ng elitistang uri.
Sa ilalim ng iskemang pribadong pag-aari kung saan ang lahat ng bagay, produkto, serbisyo at gamit sa produksyon sa produksyon ay kalakal kasama ang mga maralita at manggagawa na tinatratong puhunan at dapat pagtubuan. Sa pamamagitan nito ay patuloy ang walang pagkasaid na akumulasyon ng yaman at kapangyarihan ng iilang elitistang nasa poder ng kapangyarihan.
Ang gobyerno ang kanilang gamit. Mula sa ehekutibo, lehislatura hanggang hudikadura, pulis at militar ang kanilang kagamitan sa sinumang tututol sa kanilang mga batas at patakaran ay hinuhuli at ikinukulong para maalis sa landas. Sa esensya ay hawak at kontrolado nila ang buhay at kung paano nabubuhay ang mga maralita. Ito ang totoong problema - ang gobyerno at ang sistemang bulok. Ito ang lumilikha ng krimen at ng mga kriminal.
VI. Ugat ng Kahirapan, Bakit may Maralitang Lungsod? Patuloy na iniluwal ang maralitang lungsod sa pamamagitan ng kawalan ng trabaho, ng barat na sahod, maliit na kita at mataas na presyo ng bilihin at kawalan ng batayang serbisyo.
Araw-araw ay nadaragdagan ang bilang ng maralitang lungsod. Mula sa mga magsasakang nilisan ang kanayunan para makipagsapalaran sa kalunsuran. Sanhi ito ng matinding problema ng kawalan ng lupang sakahan, barat na presyo ng ani, tuwirang walang batayang serbisyo at ang matinding militarisasyon. Parang daluyong ng Tsunami ang pagdami ng milyon-milyong nawawalan ng trabaho, pagsasara ng mga pabrika at negosyo na nilulumpo ng delubyong globalisasyon. Patuloy ang pagdami ng nagdarahop na komunidad na siyang tirahan ng mga maralitang lungsod - na ang bulto ay mga magsasaka at manggagawa. Nagsisiksikan sa mga barung-barong na tigib ng hapis at tuyot na pag-asa. Para sa kanila ang mabuhay ng isang araw ay tagumpay na. Bawal ang magkasakit, bawal ang magpahinga. Ang kalagayan ng mga maralitang lungsod ay laban ng mahirap at mayaman, laban ng masama at mabuti.
VII. Ano ang mga batayang problema ng maralitang lungsod?Tatlo ang pangunahing problema at suliranin ng maralitang lungsod - ang kahirapan, ang kawalan ng katiyakan ng tirahan at batayang serbisyo, at ang kawalan ng demokratikong karapatan ng paglahok.
1. Matinding kahirapan - ito ang pangunahing problema at suliranin ng maralitang lungsod ang kawalan o kakulangan ng trabaho o pagkakakitaan, ang may trabaho ay sobrang barat ang sahod, kung may pinagkakakitaan ay maliit at hindi sapat para maabot ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, konsumo at serbisyo.
2. Pabahay/ Tirahan at kakulangan o tuwirang walang mga batayang serbisyong panlipunan - ang usapin sa pabahay ang pinakalitaw at mainit sa problema ng maralita, tampok dito ang karahasan ng demolisyon at sapilitang relokasyon sa malalayong lugar na kapus sa serbisyo at higit sa lahat tuyot sa kabuhayan.
3. Kawalan ng Demokrakikong Karapatan - ang patuloy na pag-iral ng mga batas at mga patakarang kadalasan ay pahirap at kontra maralita, walang tigil na kampanyang demolisyon para sapilitang itaboy ang mga maralita palabas sa kalunsuran sa malayong relokasyon, bagamat may mga probisyon ng karapatang pantao sa kasalukuyang Saligang Batas, gayon din sa iba't ibang pandaigdigang kasunduan, gaya ng UDHR, mga covenant, civil and political rights (CPR), economic, social and cultural rights (ESCR). Ang karapatan at tungkuling ito ay hindi binibigay at hindi ginagawa bagkus ay pakunwari. Maging sa iba't ibang antas ng hukuman ay kita ang “Double Standard” ng hustisya kung saan ang mga bulwagan ng hukuman ay di naiiba sa palengke ng Divisoria, kung saan ang paborableng desisyon ay nabibili ng highest bidder. Ito ang isang dahilan kung bakit patuloy ang impunity o paglabag sa pantaong karapatan ng maralita, hinuhuli, kinukulong o pinapatay, hindi sinasangguni sa anumang isinasagawang mga proyekto gayong sila ang tunay na nakakaalam ng kanilang kalagayan, pangangailangan at kakayahan.
VIII. Balangkas ng Mithiin at Paninindigan ng Maralitang LungsodMithiin ng maralita ang isang lipunan na walang kahirapan, hindi iskwater sa sariling bayan, sa kalunsuran man o kanayunan, isang lipunang masagana, maunlad at may dignidad ang pamumuhay, nagtatamasa ng maayos at sapat na paninirahan, may tiyak na batayang serbisyo, ligtas na komunidad, may trabaho, sapat na sahod at kita, tuwiran ang pagsangkot sa lahat ng aspeto sa kanilang buhay mula sa pagpaplano, pagpapasya hanggang sa pagsasakatuparan, payak at simpleng mga pangangailangan ng maralita, ang magkaroon ng kapanatagan ng buhay. Ito ay ang katiyakan sa paninirahan, hindi titulo ng lupa ang kahulugan nito, kundi ang katiyakan na hindi sila MAPAPALAYAS sa kanilang tirahan nang sa gayun ay magkaroon ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang kabuhayan ng tuloy-tuloy, walang banta ng panganib ng DEMOLISYON.
Simple ang pangangailangan ng maralitang iskwater, ang magkaroon ng tunay na katiyakan sa paninirahan. Hindi titulo ng lupa ang kahulugan nito kundi katiyakan na hindi na sila mapapalayas sa kanilang tirahan at ng sa gayon ay mabigyan ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang kabuhayan ng tuluy-tuloy na walang banta ng panganib ng demolisyon.
Ang kaunlaran ay hindi lamang ang paggawa ng magandang plano, ang tama at dapat ay pagtitiyak na angkop at wasto na magagawa ang mga ito, dapat itong sukatin, ang kaunlaran para kanino at ano ang pakinabang, hindi monopolyo ng iilan. Dapat itong sukatin sa kaunlarang para kanino at sino ang makikinabang. Ang kaunlaran ay hindi lamang monopoly ng iilan. Hindi dapat na ialay ang maralita sa altar ng progreso at kapritso ng iilan.
Walang ibang higit na maghahangad ng kaunlaran, ng pagbabago sa buhay kundi ang mga kapuspalad na maralita. Ang bawat yugto ng aming buhay ang siyang ugat at puso ng pagkilos at pakikibaka upang magkaroon ng kaunlaran sa buhay, ang makaalis sa kahirapan at sa pagsasamantala, at magkaroon ng tiyak at maayos na tirahan, may makakain, damit at gamot pag nagkasakit, may serbisyong kailangan at malaya, at tuwirang paglahok sa mga paggawa ng batas at patakarang nakakaapekto sa aming buhay.
Bahagi sa aming pakikibaka ang ekolohiya't kalikasan sa layunin ng tunay at ganap na pagbabago ng lipunan, nang di mawalang saysay ang pakikibaka para sa kabuhayan, paninirahan, mga serbisyo, at karapatan. Kung ang ekolohiya at kalikasan ay salanta at wasak na, hindi na ito mapapakinabangan ng tao.
IX. Ang Alternatibong Adyenda ng Maralitang Lungsod Kaugnay sa KaunlaranMatiwasay at ganap na pag-unlad ng tao bilang tao. Ito ang tanging hangad at layunin ng maralita ng lungsod, makakamit lamang ito kapag napawi ang batayan ng pagkakaiba ng babae at lalaki, ng bata at matanda, ang pagkakamit sa pantay na karapatan sa lahat ng likas at likha.
Magaganap ito kung pantay ang katayuan ng mamamayan anuman ang kasarian, lahi, kulay ng balat, at paniniwala, at pinahahalagahan ang kalikasan at kilalanin ang karapatan ng tao para sa sapat na serbisyo.
Mangyayari ito saanmang sulok ng bansa at lupalop. Kung angkop, balansyado, koordinado at integrado at higit sa lahat ay makatao at makakalikasan ang pag-unlad, makakamit ito sa isang alternatibong lipunan, kung saan ang bawat tao ay pantay ang karapatan, walang pang-aapi at pagsasamantala, isang lipunang makatao.
Ang salalayan ng lipunang ito ay ang panlipunang paglikha, pangkonsumo, pag-aari ng gamit at pamamahagi ng produkto, pagpapasaya ng mamamayan, pagsanib ng produktibo at reproduktibong karapatan. Maisasabuhay ang tunay na halaga ng pagkatao ng walang pangamba, walang pagmamaliit o pananakit.
X. Hinggil sa Paninirahan, Pabahay at Serbisyo sa Alternatibong Lipunan (Kagyat na Reporma)Hinggil sa kahirapan1. Trabaho sa maralita at sapat na sahod.
2. Proteksyon sa mga pinagkakakitaan ng maralita, bilang mga Vendor, Driver at Domestic Helper.
3. Ibaba ang presyo ng mga bilihin, at mga serbisyo, tiyakin ito sa mga komunidad at relokasyon.
4. Subsidyo sa edukasyon para sa mga kabataan.
5. Proyekto ng pangkabuhayan at pondo para sa mga kabataan at kababaihan
6. Subsidyo para sa mga serbisyong pangkalusugan.
Hinggil sa paninirahan1. Wakasan ang demolisyon
2. Moratorium sa mga bayarin sa iba't ibang mga proyektong pabahay sa maralita.
3. Reoryentasyon sa mga programa, proyekto at mga patakaran hinggil sa pabahay ng maralita.
4. Ipawalang bisa ang mga batas at kontra maralitang patakaran
5. Irebisa ang mga imprastrakturang proyekto na umapekto sa tirahan ng maralita at tiyaking garantisado ang “social cost” di lang project cost
6. Buwagin ang mga corporate at profit oriented na ahensiya sa pabahay.
7. Itayo ang Department of Public Housing para sa pagpapatupad ng public housing, bilang serbisyo sa pabahay.
8. Ipatupad ang onsite at incity na paninirahan para sa maralita at manggagawa.
9. Ipatupad ang urban land reform and housing.
10. I-channel ang 10% ng pambayad utang bilang pondo sa programang pabahay ng maralita.
Hinggil sa demokratikong karapatan ng paglahok1. Igalang at kilalanin ang karapatan ng maralita sa lahat ng antas ng mga proyekto at programa na tuwirang umaapekto sa kanila.
2. Parusahan ang mga tauhan ng pamahalaan na sangkot sa paglabag sa karapatan ng maralita.
3. Tiyakin ang proteksyon sa mga kababaihan at kabataan.
4. Magkaroon ng mga programa at proyekto para sa pagtataas at pagpapaunlad ng kaisipan at kaalaman ng mga maralita.
XI. Paano Makakamit ang Alternatibong Adyenda ng Maralitang LungsodHindi sa magdamag, hindi sa isang bigwas, daraan ito sa maraming proseso at hakbang, magsisimula ito sa maingat at masinop na pagsusuri sa kalagayan ng maralita. Malalim na pag-ugat sa usapin at mga kontradiksyon. Masinop na pagpaplano ng mga gawain, sa pag-oorganisa, pagmumulat at pagsasanay, sa pakikipagkapitbisig sa ibang sektor at pagpapalakas ng adbokasya sa hanay ng panggitnang pwersa at mahigpit na pagsubaybay sa pagpapatupad ng plano ng gawain.
Rekisitos dito ay ang sumusunod:1. Pagtatayo ng malalakas na samahang maralita sa iba't ibang pormasyon upang bigkisin ang pagkakaisa at lakas ng kapangyarihang pampulitika.
2. Pagpapanday sa kakayahan at kasanayan ng mga maralita para sa pagpapasulpot ng mga tunay na mga lider maralita.
3. Itaas ang makauring kaisipan at pampulitikang kamalayan ng mga lider maralita
4. Tuloy-tuloy na pagkilos sa lahat ng usaping umaapekto sa maralita.
5. Palakasin, paunlarin ang pampinansya at lohistikang pangangailangan para sa pagsusulong ng iba't ibang gawain sa pag-oorganisa, pagmumulat at pagpapakilos.
Mula sa ganito ay mahihinang ang mahigpit na pagkakaisa at lakas ng maralita tungo sa pagkamit ng mapagpasyang kapangyarihan na lilikha ng pagbabago para sa pagkakamit ng alternatibong lipunan na walang mahirap, walang inaapi at walang pinagsasamantalahan.
Abril 30, 2011Sa ika-6 na pang-rehiyong kongreso ng KPML