Biyernes, Abril 29, 2011

polyeto para sa Mayo Uno

P-NOY, KONTRA MANGGAGAWA!
TUTA NG KAPITALISTA!

Noong inagurasyon ni P-Noy, sinabi niya "pwede na muling mangarap" sa pamamagitan ng "tuwid na daan" ng kanyang administrasyon. Pero makalipas ang sampung buwan, kabaligtaran ang ginagawa niya.

Deklarasyon ng gera sa manggagawang Pilipino ang order ni P-Noy na legal at management prerogative nga ang spin-off sa PAL. Ang sabwatan nina P-Noy at Lucio Tan ay magtatanggal sa 2,600 na manggagawa sa PAL.

Ang desisyong ito ni P-Noy ay nagbigay ng lisensya sa lahat ng kapitalista na magtanggal ng manggagawa nang walang due process of law. Kahit mabuti kang manggagawa at walang kaso, kapag naisipan ng management na tanggalin ka, pwede na. Iyan ang bisa ng desisyon ni P-Noy. Tahasang nilabag ni P-Noy ang Saligang Batas na naggagarantiya sa karapatan sa seguridad sa trabaho.

Ito ang patunay na hindi tayong manggagawa ang boss ni P-Noy kundi si Lucio Tan at iba pang kapitalista. Ito ang patunay na ang uring kapitalista ang uring kinakatawan ng rehimeng Aquino.

Paso na ang moratorium na ibinigay ni P-Noy sa demolisyon ng bahay ng maralita. Kabi-kabila na ang demolisyon sa pamamagitan ng pagsunog sa mga komunidad ng maralitang manggagawa. Ang mga lupang gubyerno sa Quezon City na tinitirikan ng mga bahay ng maralitang manggagawa na ibinenta kina Lucio Tan, Augusto Ayala Zobel at iba pang mga lupa sa Metro Manila na binili ng mga kapitalista para sa ekspansyon ng kanilang naglalakihang negosyo ay sinusunog para mabilis at matipid na mapaalis ang mga nakatira. Wala silang pakialam kung saan titira ang mga makakaligtas sa sunog. Wala silang pakialam kung saan kukuha ng ikabubuhay ang mga nasunugan.

Ito ang patunay na hindi tayong mga maralita ang boss ni P-Noy kundi ang mga mayayamang gaya nina Henry Sy, Lucio Tan at Augusto Ayala Zobel.

Ang Philippines Development Plan (PDP) na nakabatay sa Public Private Partnership (PPP) ay kopya lamang sa programa ng nagdaang gubyerno na makakapitalista at makadayuhan - liberalisasyon ng kalakalan, deregulasyon ng merkado, pribatisasyon ng ari-ariang publiko at pleksibilisasyon ng paggawa na magpapalala ng kontraktwalisasyon na mag-aalis sa karapatang maregular sa trabaho, makapagtayo ng unyon at CBA at laganap na pagbaba ng sweldo. Wala na rin kontrol sa presyo ng mga batayang pangangailangan sa pamilihan dahil sa deregulasyon ng merkado.

Walang puknat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Maya't maya ang pagtaas ng presyo ng petrolyo. Mula Enero hanggang kasalukuyan, tumaas ang gasolina ng P13.50 per liter, ang krudo P12.50 per liter, at ang LPG ay P15.45 per kilo. Sumabay na rin ang bayarin sa serbisyo tulad ng tubig at kuryente maging ang pamasahe sa bus, taxi, jeep at toll fee at susunod na ang MRT at LRT.

Hinahayaan na lang ni P-Noy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at petrolyo. Nagsisilbi pang tagapagtanggol ng mga dambuhalang kumpanya ng langis ang kanyang hepe sa Dept. of Energy.

Ito ang patunay na hindi tayong mamamayang Pilipino ang boss ni P-Noy kundi ang mga dambuhalang kapitalistang dayuhan.

Noong taong 2010, ayon mismo sa gubyerno, ang isang pamilya na may limang myembro ay nangangailangan ng P983.00 kada araw para lamang mabuhay. Ngayon, tinatayang aabutin na ito ng mahigit P1,000.00 kada araw. Subalit ang kasalukuyang sweldo ay nakapako na sa P404.00 kada araw sa NCR at mas mababa pa sa ibang rehiyon. Malayong-malayo para mabuhay ng disente ang manggagawa. Kumonti ang mabibili ng piso. Ayon din sa gubyerno, noong taong 2000, ang piso ay P1.00. Ngunit ngayong 2011, ang piso ay nagkakahalaga na lamang ng P0.60 sentimos.

Habang kapos ang sweldo ng mga manggagawa at bagsak ang kakayahang bumili nito, lumalangoy naman sa dagat ng tubo (profit) ang mga kapitalistang boss ni P-Noy. Ayon sa Forbes Magazine, ang top 1,000 corporation sa ating bansa ay lumobo ang tubo mula P116.4 bilyon noong 2001 tungo sa P416.7 bilyon noong 2008. Nagkamal ng malaking tubo ang uring kapitalista sa paghuthot nito sa lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino.

Ngayong Mayo Uno, nagtatalo-talo pa ang mga boss ni P-Noy kasama ang Malakanyang kung magkano ang ibibigay na mumo o mismis sa nagpapakahirap nating manggagawa para sila magkamal ng super-yaman. Wala sa kanilang usapan kung paano mabibigyan ng sweldong makabubuhay ng pamilya ang manggagawang Pilipino ayon sa nakasulat sa Saligang Batas ng Pilipinas.

Muli, ito ang patunay na ang boss ni P-Noy ay hindi tayo kundi ang mga kapitalistang kauri niya.

Bola lang ang sinabi noon ni P-Noy na "pwede na muling mangarap". Isa itong mumurahing gimik sa halalan. Kahit hindi sabihin ni P-Noy, ang bawat isa sa atin ay may pangarap - disente't regular na trabaho, sapat na sweldo, disenteng tahanan, mapag-aral ang mga anak, may gagastusin sa oras na magkasakit at konting ipon kapag nagretiro na hindi umaasa sa limos ng gubyerno. Simpleng pangarap na imposibleng mangyari sa maka-kapitalistang administrasyon ni P-Noy.

Dahil sa mga patakaran at ginagawa ni P-Noy, ang ating simpleng pangarap ay mauuwi sa bangungot. Sapagkat ang mga akto at patakaran ni P-Noy ay ang tuwid na daan patungong impyerno.

Kamanggagawa at kababayan, iwaksi na ang ilusyong ang gubyernong maka-kapitalista ay kusang magbibigay ng ginhawa sa atin. Namnamin nating mabuti ang katotohanan na ang interes ng manggagawa ay salungat sa interes ng kapitalista. Ang pagbaba ng sweldo ay paglaki ng tubo ng kapitalista. Ang pagbaba ng badyet sa serbisyo sosyal ay paglaki ng pera at tubo para sa kapitalista. Ang pagbibigay ng lupang matitirahan ng maralita ay kabawasan sa ekspansyon ng negosyo at tubo ng kapitalista, ang pagtaas ng presyo at buwis ay pagbawi sa kakarampot na kinita ng manggagawa at paglaki ng tubo ng mga kapitalista. Ang sistemang kapitalismo ay walang puso. Hangad lang nito ang papalaki at papalaking tubo. Hindi para sa kabutihan ng manggagawa at mamamayan. At ang tagapagpatupad nito ay ang pangulo ng bansa.

Hanggang kailan tayo magtitiis sa ganitong papalalang kalagayan?

Tayo mismo anhg makapagbabago sa ating abang kalagayan, wala nang iba. Sa unang Mayo Uno ng rehimeng Aquino, salubungin natin siya ng malaki at pambansang kilos protesta. Kumilos tayo para sa pagbabago, para sa ating pangarap. Hindi natin papayagan ang ganitong kalagayan at hindi tayo dapat mag-ilusyon na kusang ipagkakaloob ang ating nga kahilingan. Kailangan nating kumilos, lumaban, palawakin ang pagkakaisa at paigtingin ang mga pakikibaka.

Halina't sama-sama nating gawing realidad ang ating mga pangarap.

BMP - PLM - PMT - SUPER - MELF - KPML - ZOTO
AMA - MP - MMVA - PK - KALAYAAN - SANLAKAS

Walang komento: