Miyerkules, Abril 6, 2011

10M Lagda laban sa Pagmimina sa Palawan


KPML, NAKIBAHAGI SA 10M SIGNATURE CAMPAIGN LABAN SA PAGMIMINA SA PALAWAN

Nakiisa ang KPML, ZOTO at PK, sa malawakang 10M signature campaign laban sa pagmimina sa Palawan. Inimbitahan sila ng Alyansa Tigil Mina (ATM), isang malaking pederasyon ng mga makakalikasang samahan, upang makibahagi sa panawagan ng ABS-CBN Foundation, Inc. (AFI) para sa anti-mining campaign nito sa Palawan. Ang nagtulak sa kampanyang ito ay ang pagkapaslang sa broadcaster na si Gerry Ortega na kilalang anti-mining campaigner sa Palawan at kaibigan ni Gina Lopez ng AFI.

Ang Palawan ay may 17 key biodiversity sites, na ibig sabihin, bahagi ito ng 70% biodiversity sites sa mundo na mahalaga para manatiling buhay ang ating daigdig. Narito rin sa Palawan ang 2 UNESCO World Heritage Sites (ang Puerto Princesa Subterranean River Natural Park at angTubbataha National Marine Park) at may 8 lugar na idineklarang protected sites. Ayon kay Mayor Hagedorn, ang Palawan ay makitid at manipis na ang lupang pang-ibabaw kaya madali na itong gumuho. Ikalawa, meron ding batas na nagpoprotekta sa Palawan, ito ang Republic Act (RA) No. 7611 o ang "Strategic Environmental Plan (SEP) for Palawan Act".

Idinedeklara ng batas na ito na polisiya ng estado na protektahan, paunlarin at pangalagaan ang likas na yaman ng bansa sa pamamagitan ng pagsuporta sa pagpapatupad ng mga plano, programa at proyektong binalangkas upang mapanatili at mapaganda ang kapaligiran habang itaguyod ang sosyo-ekonomikong layunin. Ipinatutupad nito ang isang graded system ng pagprotekta at pangangasiwa sa pagsulong ng lalawigan ng Palawan. Pangunahin na rito ang mga lupang katutubo, kagubatan, minagan, sakahan, maliliit na pulo, bakawan, bahura (coral reefs), seagrass beds, at karagatan.

Napakalayo ng Palawan sa mga maralita dito sa Metro Manila, ngunit nauugnay pa rin tayo rito, dahil sa Palawan nanggagaling ang halos 50% ng mga pagkaing binibili natin sa palengke. Ang ating partisipasyon upang matigil ang pagmimina at pakikiisa sa signature campaign ay pakikiisa natin upang maghilom ang sugat ng kalikasan dulot ng walang habas na pagmimina sa lugar, pagkat di naman umunlad o naging bahagi ng progreso ang mga katutubong naninirahan sa mga lugar na ito.

Walang komento: