PRESS RELEASE
Abril 19, 2011
Kilos Protesta ng Maralita sa Balintawak Market
PROTESTA LABAN SA PAGTAAS NG PRESYO
NG PANGUNAHING MGA BILIHIN,
ISINAGAWA NG MGA MARALITA
Nagsagawa kaninang umaga (7am-9am) ng kilos-protesta sa Balintawak Market ang mga kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) upang tuligsain ang pamahalaang Aquino dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, pagkain, pamasahe, langis, at iba pa, na hindi magawan ng agarang solusyong maibaba ng pamahalaan ang presyo. Sa pamamagitan ng pabitin, isinabit ng mga maralita ang iba't ibang uri ng pangangailangan na pilit inaabot ng maralita ngunit hindi nila maabot dahil sa taas ng presyo nito. May nakamaskara naman ng mukha ng Pangulo na may nakasulat sa ibaba nito, “Kapitalista ang BOSS ko!” Tinapos ng mga maralita ang kanilang kilos-protesta sa pamamagitan ng paghiga sa kalsada bilang tanda ng kanilang pagkadismaya sa pamahalaang Aquino.
Noong Miyerkules, sa pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga reporter sa panayam sa Department of Budget and Management, sinabi niyang inaatasan na niya ang kanyang gabinete na pag-aralan ang pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin upang agarang malutas ang problemang ito. Ayon pa sa pangulo, lahat naman ay napapag-aralan, tulad ng pagtaas ng sahod, pagkontrol sa presyo at pagbawas sa value added tax. Ngunit sa kasamaang palad, inamin din ni P-Noy sa ibang panayam sa telebisyon na wala siyang magagawa sa pagtaas ng sahod dahil bahala ang batas ng merkado dito.
Dito pa lang ay nakita na ng maralita na hindi lang sa sahod, kundi sa marami pang bagay na wala siyang magawa – pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing mga bilihin tulad ng bigas, karne at gulay, ang isyu ng pagsunog sa mga komunidad ng maralitang may banta ng demolisyon, ang mga pabaon ng mga heneral na nagreretiro, ang korupsyon, ang salot na kontraktwaslisasyon, ang kawalan ng trabaho, at marami pang iba. Nais na lang niyang tumingala sa langit at magbilang ng bituin kaysa resolbahin ang kahirapan.
Ayon kay Allan Dela Cruz, pangkalahatang kalihim ng KPML, "Nais ng Pangulong tumungo sa tuwid na daan, ngunit ang tinutungo niya'y tuwid na daan patungong impyerno. Ang nangyayaring krisis ngayon ay dagdag na dagok sa dati nang kinakawawang maralita. Patunay lamang na ang gobyerno ni P-Noy ay hindi para sa taumbayan, kundi para sa kanyang tunay na BOSS – ang mga kapitalista."
Idinagdag naman ni Kokoy Gan, PRO ng KPML, "Kung ang mga maralita nga ang tunay na BOSS ni P-Noy, at hindi BUSABOS, inaatasan ng mga maralita ang pangulo na magbigay ng trabaho para sa lahat ng maralita, maayos na pabahay, ibasura ang oil deregulation law, tanggalin ang salot na iskemang kontraktwalisasyon, libreng edukasyon para sa lahat ng kabataan, pawiin ang child labor, ibaba ang presyo ng pangunahing mga bilihin at itaas ang sahod ng mga manggagawa."
Sa pagtatapos ng pagkilos sa araw na ito, nagkaisa ang mga kasapian ng KPML na sa Mayo Uno, sasama sila sa paglabas sa lansangan ng mga manggagawa bilang pakikiisa sa kanilang kauri sa paggunita nito sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento