Biyernes, Disyembre 20, 2019

Pahayag ng KPML sa International Human Rights Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN SOLIDARITY DAY
Disyembre 20, 2019

Kailangan ng pagkakaisa o solidarity upang maging ganap ang isang lipunang makatao, kung saan wala nang pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao. Ito ang paninindigan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), nang walang pagtatangi sa lahi, edad, sektor, o anumang deskripsyon. Tulad ng isinulat noon ng Katipunero at bayaning si Gat Emilio Jacinto sa kanyang akdang Liwanag at Dilim: "Iisa ang pagkatao ng lahat!", aral itong dapat ipaglaban natin at itayo ang isang lipunang makatao, di lang sa ating bansa kundi sa buong daigdig. 

Ang konsepto ng pagkakaisa ay niyakap na ng United Nations mula nang isilang ang samahan. Nilikha ang United Nations upang sama-samang itaguyod ng mga mamamayan at bansa ng mundo ang kapayapaan, karapatang pantao, at pang-ekonomyang kaunlaran.

Noong ika-22 ng Disyembre 2005, pinagtibay ng Pangkalahatang Asembliya ng United Nations, sa pamamagitan ng resolusyon 60/209, ang pagkakaisa bilang isa sa pangunahin at unibersal na mga halaga na dapat sumailalim sa mga relasyon sa pagitan ng mga tao sa dalawampu't isang siglo, at dito’y nagpasya na ipahayag ang Disyembre 20 ng bawat taon bilang International Human Solidarity Day.

Noong Disyembre 20, 2002, sa pamamagitan ng resolusyon 57/265 ng UN General Assembly, itinatag ang World Solidarity Fund, na itinatag noong Pebrero 2003 bilang pondo ng tiwala ng United Nations Development Program. Layunin nito’y upang puksain ang kahirapan at itaguyod ang kaunlaran ng tao at panlipunan sa mga umuunlad na bansa, lalo na sa mga pinakamahirap na bahagi ng kanilang populasyon.

Sa ganitong mga layunin, nakikipagkaisa ang KPML sa lahat ng mamamayan ng daigdig upang puksain ang kahirapan, igalang ang karapatang pantao, at walasan ang pang-aapi't pagsasamantala ng tao sa tao dulot ng pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon. Dapat wakasan ang pribadong pag-aaring ito upang ang yaman ng lipunan ay pagsaluhan at pakinabangan ng lahat, habang isinasaalang-alang natin ang pangangalaga sa ating mga likas yaman, at pakikipag-kapwa tao.

Miyerkules, Disyembre 18, 2019

Pahayag ng KPML sa International Migrants Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL MIGRANTS DAY
Disyembre 18, 2019

Kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay ipinagdiriwang din natin at ginugunita ang Pandaigdigang Araw ng mga Migrante (International Migrants Day). Ang mga migrante, na mas kilala rin sa katawagang OFW (overseas Filipino workers), ay yaong umalis ng sariling bayan at nagtrabaho sa ibang bansa upang mas mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilyang iniwan sa Pilipinas.

Sa kabila ng hirap na mapawalay sa pamilya ay patuloy silang nagsisikap para sa kanilang pamilya, Subalit marami sa kanila ang hindi na nakakabalik sa kanilang pamilya ng buhay, kundi nasa kabaong, tulad ng nangyari sa OFW na si Joanna Demafelis na pinaslang ng kanyang mga amo sa Kuwait at isinilid sa isang freezer. Katarungan para kay Joanna Demafelis!

Hangad ng KPML na patuloy tayong makibaka at palitan ang bulok na sistema ng isang sistemang makatao, at itayo ang isang lipunang tunay na malaya at maunlad kung saan wala nang pamilya ang magkakahiwalay pa upang itaguyod ang buhay na maginhawa, payapa, at sagana, kung saan mayroong panlipunang hustisya para sa lahat, at kung saan wala nang mamamatay pang mga Joanna Demafelis sa hinaharap. 

Mabuhay ang migranteng Pilipino! Mabuhay ang uring manggagawa!

Martes, Disyembre 10, 2019

Pahayag ng KPML sa International Human Rights Day

Pahayag ng KPML sa International Human Rights Day (Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao)
Disyembre 10, 2019

Taas-kamaong nagpupugay at nakikisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mamamayang nakikibaka at rumerespeto sa karapatang pantao.

Ginugunita natin (commemorate) at ipinagdiriwang (celebrate) ang ika-71 anibersaryo ng pagpapatibay ng Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao (Universal Declaration of Human Rights). Ginugunita natin, at hindi pinagdiriwang, ang mga namatay, napaslang, nangawala, nasaktan dahil sa pagtatanggol sa karapatang pantao. Ipoinadiriwang naman natin ang araw na ito dahil kinilala ng maraming pamahalaan at mamamayan na may karapatang pantao ang bawat isa at hindi ito dapat labagin.

Subalit sa Pilipinas, maraming nagaganap na paglabag sa karapatang pantao. Malaking halimbawa ang Digmaan Laban sa Droga o War on Drugs. Bagamat ayaw nating gumawa ng kasalanan sa mamamayan ang mga sugapa sa droga o drug addict, kinikilala pa rin natin na sila, pati na mga inosenteng biktima ng karahasan, ay may karapatang pantao, at dapat dumaan sa tamang proseso ng hustisya. Pag napatunayan ng hukuman ay ikulong sila. Subalit hindi dapat patayin agad ng sinuman dahil lang sila'y adik. Ang pagkaadik sa droga ay isang sakit na dapat lunasan. Nariyan din ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mga nakikibaka upang magkaroon ng pagbabago sa lipunang pinaghaharian ng malalaking negosyante't kapitalista. Nariyan din ang mga mapanupil na batas na balakid sa karapatang mag-organisa, karapatang magpahayag, karapatang magtipon, dahil lamang mayroon silang ibang kaisipan na iba sa mga nasa pamahalaan at mga kapitalista.

Ang karapatang pantao'y nilait ng pangulo, at hindi dapat ganito. Ang karapatang pantao ay dapat pag-aralan sa paaralan, at dapat maunawaan ng mamamayan. Pag ang karapatang pantao ay sinasagkaan ng pamahalaan, ang pamahalaang ito'y walang respeto sa karapatan ng kanyang mamamayan. Kaya ang mamamayang wala nang tiwala sa pamahalaang walang respeto sa karapatang pantao ng kanyang mamamayan ay dapat lamang ibagsak ng mamamayan, upang itayo ang isang lipunang makataong tunay na gumagalang sa karapatan ng bawat isa, maging siya man ay maralita. 

STOP THE KILLINGS! ITIGIL ANG MGA PAGPASLANG! Karapatang Pantao, Ipaglaban!

Lunes, Disyembre 9, 2019

Pahayag ng KPML sa International Anti-Corruption Day

Pahayag ng KPML sa International Anti-Corruption Day (Pandaigdigang Araw Laban sa Katiwalian)
Disyembre 9, 2019

Kami sa Kongreso ng Pagkaka-isa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa paggunita at pag-alala sa Pandaig-digang Araw ng Katiwalian o Inter-national Anti-Corruption Day tuwing Disyembre 9, 2019.

Maraming katiwalian sa ating pamahalaan, kung saan uso ang pag-ikot ng salapi sa ilalim ng mesa upang magkaroon ng pabor o mapadali ang transaksyon sa gobyerno. Maraming tumatanggap ng lagay, o patong upang hindi na dumaan sa pila o tamang proseso. Kailangan pa ng ganitong araw upang paalalahanan ang mga pamahalaan sa maling proseso o pang-iisa ng indibidwal o kagawad ng pamahalaan upang kumita ng salapi kapalit ng mabilis na serbisyo, habang yaong walang salapi'y nakapila upang mabigyan ng serbisyo.

Noong Oktubre 31, 2003, pinagtibay ng United Nations General Assembly ang United Nations Convention laban sa katiwalian sa pamamagitan ng Resolusyon 58/4. Itinalaga din ng Assembly ang Disyembre 9 ng bawat taon bilang International Anti-Corruption Day upang madag-dagan  ang  kamalayan  ng mga tao o mamamayan ng anumang bansa hinggil sa katiwalian at ang papel ng Convention sa pagsugpo at pagpigil nito. Ipatupad ang Convention noong Disyembre 2005.

Upang mapigilan ang mga katiwalian, dapat maging mapagma-tyag ang mamamayan. Hangga't maaari, tanggalin na ang mga litrato ng mga pulitikong epal sa mga proyekto ng pamahalaan. Tanggalin din ang pangalan ng mga pulitiko sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan na mula sa buwis ng mamamayan. Huwag ding payagan ang mga pulitiko na maglagay ng advertisment sa mga dyaryo at radyo sa anyo ng serbisyo publiko kuno, ngunit pangangampanya na para sa susunod na halalan.

Dapat ipakita ng mga pulitiko sa taumbayan kung paano nagamit ang pondo ng pamahalaan, kung hindi ba malaki ang patong sa mga proyekto, halimbawa ay poste na nagkakahalaga ng milyun-milyon. Maging transparent, ika nga, upang ang pera ng taumbayan, ang pera ng maralitang pinaghirapan nila upang ipambayad sa buwis, direkta man o indirekta, ay talagang napunta sa serbisyo publiko, di sa bulsa ng mga trapo.

Sabado, Disyembre 7, 2019

Pahayag ng KPML sa Political Prisoners Day

Pahayag ng KPML sa Political Prisoners Day
Disyembre 7, 2019

Taas-kamaong nagpupugay ang pamunuan at kasapian ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita ng Araw ng mga Bilanggong Pulitikal!

Noong Mayo 19, 2013, naglabas ng pahayag ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) na pinamagatang "Petition for the release of Political Prisoners and Detainees and for Proclaiming December 7 as Political Prisoners Day". Simula noon ay taun-taon na nilang ginugunita ang Disyembre 7 ng bawat taon bilang Political Prisoners Day o Araw ng mga Bilanggong Pulitikal.

Kasabay din nito, nakikiisa rin ang KPML at ang Ex-Political Detainees Initiative (XDI), kasama ang TFDP, sa panawagang pagpapalaya ng mga bilanggong muling hinuli at ikinulong dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), na isang iskema sa batas kung saan maaaring lumaya ang mga bilanggo batay sa kanilang ipinakitang magandang ugali sa loob ng kulungan. Subalit naungkat ito dahil sa balitang lalaya ang nabilanggong dating mayor ng isang bayan na nahatulan dahil sa panggagahasa at pagpatay ng dalawang katao.

Hanggang ngayon ay nakakulong pa rin si Juanito Itaas na dapat ay lumaya na, gayong tatlumpung taon na siyang nakakulong. Ayon sa datos ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), mahigit pang tatlong daang bilanggong pulitikal ang nakapiit pa rin sa iba't ibang bilangguan sa bansa. Sa Araw ng mga Bilanggong Pulitikal, hangad namin ang kanilang paglaya!

Linggo, Disyembre 1, 2019

Pahayag ng KPML sa World AIDS Day

Pahayag ng KPML sa World AIDS Day
Disyembre 1, 2019

Taas-kamaong nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa kampanya upang malabanan ang pagkalat ng human immuno deficiency virus (HIV) na pag lumala ay magiging Acquired Immuno Deficiency Syndrome (AIDS)

Ilang taon na ang nakaraan nang may programa hinggil sa HIV/AIDS ang KPML. Sa ilalim ng programa laban sa HIV/AIDS, inihahanda ng KPML ang mga kabataan na makaiwas sa virus na ito sa pamamagitan ng edukasyon.

Marami sa mga kabataan ang salat ang kaalaman tungkol sa banta ng pagkalat at pagpigil ng HIV/AIDS. Lalo na't ang sakit na ito'y pumapaimbulog mula sa maraming L, tulad ng libangan, ligawan, lambingan, libog, lawit, na pag nadapuan ng sakit ay lihim na kinata-takutan. Kaya dapat ilinaw at ipaliwanag ito sa kabataan sa antas ng paaralan o eduka-syon. Noong Hunyo 2018, inulat ng Department of Health (DOH) AIDS Registry sa Pilipinas na may 56,275 kaso ng HIV/AIDS sa bansa  mula pa noong 1984.

Ang paggunita sa Araw ng AIDS sa buong mundo, na ginaganap tuwing ika-1 ng Disyembre ay isang mahalagang oportunidad na kilalanin ang mahahalagang papel na ginampanan ng mga komunidad sa pagtugon sa AIDS sa pang-internasyonal, pambansa at lokal na antas. Ang mga komunidad ay nag-aambag sa tugon ng AIDS sa maraming iba't ibang paraan, tulad ng edukasyon.

Ayon sa United Nations, dapat nang magwakas ang epidemya ng AIDS sa taon 2030, dahil iyon ang punter-yang malutas ng Sustainable Develop-ment Goals. Nawa'y magpatuloy pa ang pagtataguyod ng kaalaman hinggil sa AIDS, hindi lamang tuwing Disyembre 1, upang maiwasan ito ng mga kabataan, bago pa mahuli ang lahat para sa kanila.

Sabado, Nobyembre 30, 2019

Pahayag ng KPML sa Dakilang Araw ni Gat Andres Bonifacio

PAHAYAG NG KPML SA DAKILANG ARAW NI GAT ANDRES BONIFACIO
Nobyembre 30, 2019

Taas-kamaong nagpupugay ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga nakikibakang manggagawa at mamamayan ngayong ika-156 na kaarawan ng ating dakilang bayaning si Gat Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan, unang pangulo ng bayan, pinuno ng Rebolusyong 1896 na nagdulot ng pagkakabuo ng isang bansa. Mas nadarama natin ngayon ang halaga ng diwa ng Katipunan at ng Rebolusyong 1896 lalo’t nararanasan ng mamamayan ngayon ang ibayong kahirapan at labis-labis na paniniil ng sistemang kapitalismo at maka-kapitalistang pamahalaan ni Duterte.

Isinabatas ang TRAIN Law na nagpatong ng malaking buwis sa produktong langis na nagdulot ng pagsirit pataas ng presyo ng halos lahat ng bilihin. Isinabatas ang Rice Tariffication Law na nagpabaha ng mga bigas na imported sa merkado dahil libre na ang mga kapitalistang mag-angkat ng bigas, na nagresulta sa pagbaba ng presyo ng palay ng ating mga magsasaka. Sinagasaan din ang mga maliliit na manininda o vendors ng clearing operations ng pamahalaan, at itinaboy sila sa kanilang pwesto ngunit hindi binigyan ng lugar na malilipatan. Patuloy pa rin ang War on the Poor kung saan marami pa rin ang mga dukhang pinapatay nang walang proseso sa ngalan ng umano’y War on Drugs.

Ang islogang “Tapang at Malasakit” ng gubyernong Duterte’y naging “Tokhang at Pananakit”, lalo na’y tumitindi ang atake ng pamahalaang ito sa karapatan ng mamamayan. Matuto na tayo sa mga karanasan nitong nakalipas na tatlong taon, kung saan nangako noon si Duterte na wawakasan ang lahat ng anyo ng kontraktwalisasyon, subalit laganap pa rin ang kontraktwalisasyon sa kasalukuyan. Dapat labanan ang atake ng maka-kapitalista’t walang malasakit na gobyerno, at patuloy nating ipagtanggol at isulong ang ating kabuhayan at karapatan. Huwag nating iasa sa maka-kapitalistang pamahalaan ang ating mga kahilingan.

Maghanda tayo sa papatindi pang mga paglaban. Halina’t lumahok sa mga talakayan at pagkilos. Gamitin natin ang ating lakas at malaking bilang upang magkaisa at ibagsak ang sistemang mapaniil at walang malasakit sa mamamayan. Ngayong Nobyembre 30, sa dakilang araw ni Gat Andres Bonifacio, magkaisa’t magkapitbisig tayo upang ipagtanggol ang sambayanan laban sa mapaniil at bulok na sistema.

Biyernes, Nobyembre 29, 2019

Pahayag ng KPML hinggil sa Global Climate Strike 2

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA GLOBAL CLIMATE STRIKE 2
Nobyembre 29, 2019

WINAWASAK NG KAPITALISMO ANG ATING MUNDO!
DAPAT NANG BAGUHIN ANG MAPANGWASAK NA SISTEMA!

Mahigpit na nakikiisa ang KPML sa inilulunsad na Global Climate Strike dito sa ating bansa, at sa iba pang panig ng daigdig. Ito’y dahil na rin sa tumitinding epekto ng pagbabago ng klima o climate change sa ating buhay. Lalo na dito sa ating bansa, naranasan natin ang Ondoy noong Setyembre 26, 2009, na ang ulan ng isang buwan ay naging anim na oras, at nagpalubog sa maraming panig ng lungsod, lalo na sa Metro Manila. Libu-libo ang nasawi sa pananalasa ng superbagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Ilang milyon ang nawalan ng tahanan, nawasak ang kabuhayan, nawalan ng trabaho, nasira ang daang ektarya ng pananim, matinding tagtuyot, na nagdudulot ng taggutom, at may banta pang lulubog ang maraming lugar sa pagsapit ng taon 2030 pag hindi ginawa ng mga mayayamang bansa ang kanilang parte upang mapigilan ang paglala pa ng pagbabago ng klima.

Ano bang dahilan ng mga ito? Ang mga sanhi nito ay ang sobra-sobrang paggamit ng mga korporasyon at industriya ng maruruming enerhiya, tulad ng coal-fired power plants at mga enerhiyang nakabatay sa fossil fuels, sa paghahabol nila ng kikitain o tubo. Ang sobra-sobrang paggamit ng maruruming enerhiya ay nagdulot ng paglaki ng konsentrasyon ng greenhouse gases sa atmospera na lalong nagpapainit sa ating daigdig. Kaya hindi makatarungan ang nagaganap na pagbabago ng klima dulot ng mga maruruming enerhiya. Hindi makatarungan na sa paghahangad ng limpak-limpak na tubo ng mga korporasyon at industriya ay labis-labis na nakakapinsala sa mamamayan ng daigdig. Lulubog ang maraming isla dulot ng climate change. Kailangan ng malawakang aksyon ng mamamayan at pamahalaan upang masawata ang mga sanhi ng lalong pag-iinit ng mundo o global warming.

Dapat itulak ang pamahalaan ng Pilipinas at ng iba pang bansa upang isagawa ang mga kagyat na hakbang upang malutas ang pagbabago ng klima. Dapat ding mabago ang sistema, di lang ng paggamit ng enerhiya, kundi sistema ng pulitika’t ekonomya ng daigdig. Winawasak na ng salot na kapitalismo ang ating mundo. Panahon na upang palitan ang sistemang ito ng isang sistemang nangangalaga sa kalikasan, at hindi nakabatay sa pagkakamal ng limpak-limpak na tubo, kundi pangangalaga sa karapatan at buhay ng lahat sa ating mundo.

Pahayag ng KPML sa International Day of Solidarity with the Palestinian People

Pahayag ng KPML sa International Day of Solidarity with the Palestinian People
Nobyembre 29, 2019

Mahigpit na nakikisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mamamayang Palestino sa kanilang pakikibaka para sa kanilang lupaing inagaw sa kanila ng mananakop na Israeli. Tulad din ng mga maralitang walang sariling tahanan, at tinatanggalan ng tahanan upang ang lupa'y gawing mga establisi-myento ng mayayamang negosyante. Kung ang mga Palestino'y itinataboy sa kanilang lupain, ang mga maralitang Pilipino'y itina-taboy din sa malalayong lupain.

Noong 1977, sa pamamagitan ng Resolusyon 32/40 B, pinagtibay ng United Nations General Assmbly ang Nobyembre 29 ng bawat taon bilang Inter-national Day of Solidarity with the Palestinian People. Sa araw na iyon noong 1947, pinagtibay ng nasa-bing Asembliya ang resolu-syon sa pagkahati ng Palestine (resolusyon 181 (II)).  

Sa resolusyon 60/37 ng Disyembre 1, 2005, hiniling ng Asembleya sa Committee on the Exercise of the Inalienable Rights of the Palestinian People and the Division for Palestinian Rights (Komite sa Pag-eehersisyo ng Hindi Maipagkakait na Mga Karapatan ng Mga Tao Mamamayang Palestino at ang Dibisyon para sa Karapatang Palestino, bilang bahagi ng pag-obserba ng International Day of Solidarity with the Palestinian People ang Nobyembre 29, upang tuloy-tuloy na ayusin ang isang taunang eksibit hinggil sa mga karapatan ng Palestino o isang kagana-pan sa kultura sa pakikipagtulungan sa Permanent Observer Mission ng Pales-tine sa UN. Hinihikayat din ang mga Member States na patuloy na magbigay ng malawak na suporta at publisidad sa pag-obserba ng araw na ito.

Gayundin naman, nananawagan kami sa mga mananakop na Israel na ibalik nila ang mga lupang inagaw nila sa mga Palestino upang matigil na ang kaguluhang nilikha ng mga Hudyo.

Lunes, Nobyembre 25, 2019

Polyeto para sa Nobyembre 25

WAKASAN ANG KARAHASAN SA KABABAIHAN!
IGALANG ANG KANILANG KARAPATAN!

Tuwing Nobyembre 25 taun-taon ay ginugunita ang International Day for the Elimination of Violence Against Women o Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Karahasan sa Kababaihan.

Sa panahon ngayon, maraming kababaihan ang pinagsasamantalahan. Hanggang ngayon, sila ay nananatili pa rin sa tradisyunal na sistema – na pag ikaw ay babae, wala kang karapatang ipagtanggol ang sarili. Pag babae ka, pailalim ka sa lalaki. Pag babae ka, alipin ka. Marami pa rin ang nasasaktan ng asawa, di alam kung saan sila lalapit, at iiyak na lang sa isang tabi. Dapat mabago ang ganitong tradisyunal na sistema.

Dahil dito, napakahalaga ng araw na ito upang mamulat tayo sa karapatan at dignidad ng kababaihan, na sila'y dapat irespeto at hindi saktan, na sila'y dapat mahalin, imbes na bugbugin, na ang kababaihan ay may karapatang dapat igalang, na sila ang kalahati ng populasyon ng daigdig. Dapat na maorganisa at mapalawak ang bilang ng kababaihang mulat sa karapatan upang maging pundasyon sa pagbabago ng sistema ng lipunan.

Dapat nga mulatin din ang mga lalaki, pagkat di lang sila ang may boses. Dapat kilalaning pantay ang karapatan ng babae at lalaki.

Nariyan ang problemang triple burden sa kababaihang manggagawa, kung saan nagtatrabaho na ang babae ng otso oras, magluluto pa at mag-aalaga pa siya ng mga anak matapos ang trabaho, at kung buntis ay aalagaan pa niya ang kanyang ipinagbubuntis. Dapat bayaran din ang lakas-paggawa ng kababaihan sa pag-aalaga ng anak.

Sa usapin naman ng karahasan sa kababaihan, marami ang binubugbog ng mga asawang lasenggero, o hinihipuan ng kung sino. Alalahanin din natin ang mga tulad ni Joanna Demafelis, na isang OFW, na pinaslang ng kanyang amo sa Kuwait. Alalahanin din natin ang mga pinaslang na batang babae dahil sa War on Drugs, na sina Danica Mae Garcia, edad 5, Althea Barbon, edad 4, at Myka Ulpina, edad 3. Alalahanin din natin si Gloria Capitan, na pinaslang sa unang araw ng pag-upo ni Pangulong Duterte, dahil sa pagkilos laban sa nakasusulasok na coal plant sa kanilang lugar.

Hinggil naman sa pabahay ng maralita, ang pabahay ay mahalaga para sa kababaihan. Saanman sila naroroon, ina ang ilaw ng tahanan. Nasa lugar man sila ng mayayaman o sa lugar ng mga iskwater, sa sa mga danger zones, sa mga relokasyon, kaya dapat magkaroon sila ng disente, sapat, at maayos na pabahay, na tahanan ng kanilang mag-anak. Hiling din ng mga kababaihan na itigil o bawasan ang walang patumanggang bayarin, lalo na ang mga amortization at multang sa tingin ng kababaihan ay lalo pang pahirap sa hirap na nilang kalagayan.

Dapat mawakasan na ang anumang karahasan sa kababaihan! Ngayong Nobyembre 25, International Day for the Elimination of Violence Against Women, alalahanin natin ang maraming nagbuwis ng buhay, nabugbog, nasaktan, dahil sila'y babae, dahil tingin sa kanila'y mahina. Alalahanin natin ang mga babaeng malalakas at matatapang, tulad nina Gabriela Silang, Gregoria "Oriang" De Jesus, at Olympic silver medalist Hidilyn Diaz, bilang inspirasyon ng kababaihan. 

WAKASAN ANG KARAHASAN SA KABABAIHAN!
IGALANG ANG KARAPATAN NG MGA KABABAIHAN!

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
KPML-KABABAIHAN
Nobyembre 25, 2019

Pahayag ng KPML sa International Day for the Elimination of Violence Against Women

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE ELIMINATION OF VIOLENCE AGAINST WOMEN
Nobyembre 25, 2019

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa mga kababaihan saanmang panig ng daigdig sa paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women o Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Karahasan sa Kababaihan. Ang araw na ito’y idineklara ng United Nations General Assembly noong 1993 bilang upang wakasan ang anumang karahasan laban sa kababaihan dulot ng "anumang gawa ng karahasan na nakabatay sa kasarian na nagreresulta sa, o malamang na magreresulta sa, pisikal, sekswal o sikolohikal na pinsala o pagdurusa sa mga kababaihan, kabilang ang mga banta ng naturang mga gawa, pamimilit o di-makatwirang pag-aalis ng kalayaan, mangyari man sa publiko o sa pribadong buhay.”

Ang mga kababaihan ay dapat irespeto at hindi saktan, na sila'y dapat mahalin, imbes na bugbugin, na ang kababaihan ay may karapatang dapat igalang, na sila ang kalahati ng populasyon ng daigdig. Dapat na maorganisa at mapalawak ang bilang ng kababaihang mulat sa karapatan upang maging pundasyon sa pagbabago ng sistema ng lipunan. Nariyan ang problemang triple burden sa kababaihang manggagawa, kung saan nagtatrabaho na ang babae ng otso oras, magluluto pa at mag-aalaga pa siya ng mga anak matapos ang trabaho, at kung buntis ay aalagaan pa niya ang kanyang ipinagbubuntis.

Marami ang binubugbog ng mga asawang lasenggero, o hinihipuan ng kung sino. Alalahanin din natin ang mga tulad ni Joanna Demafelis, na isang OFW, na pinaslang ng kanyang amo sa Kuwait. Alalahanin din natin ang mga pinaslang na batang babae dahil sa War on Drugs, na sina Danica Mae Garcia, edad 5, Althea Barbon, edad 4, at Myka Ulpina, edad 3. Alalahanin din natin si Gloria Capitan, na pinaslang sa unang araw ng pag-upo ni Pangulong Duterte, dahil sa pagkilos laban sa nakasusulasok na coal plant sa kanilang lugar.

Dapat mawakasan na ang anumang karahasan sa kababaihan! Ngayong Nobyembre 25, alalahanin natin ang maraming nagbuwis ng buhay, nabugbog, nasaktan, dahil sila'y babae, dahil tingin sa kanila'y mahina. Alalahanin natin ang mga babaeng malalakas at matatapang, tulad nina Gabriela Silang, Gregoria "Oriang" De Jesus, at Olympic silver medalist Hidilyn Diaz, bilang inspirasyon ng kababaihan.

Huwebes, Nobyembre 14, 2019

Pahayag ng KPML sa International Street Vendors Day

Pahayag ng KPML sa International Street Vendors Day
Nobyembre 14, 2019

Isang taas-kamaong pakikiisa ang ipinaaabot ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng International Street Vendors Day!

Nagsimula ang International Street Vendors Day noong Nobyembre 14, 2012. Ito ay isang araw upang ipagdiwang ang hindi kapani-paniwalang mga kontribusyon na ginawa ng mga nagtitinda sa kalye sa kanilang mga pamilya, pama-yanan, at pambansang ekonomiya. Ito ay isang araw upang itaas ang tinig ng mga nagtitinda sa kalye at itaguyod ang mga karapatan sa mga nagtitinda sa kalye sa buong mundo.

Nuong nakaraang taon, sa ikaanim na International Street Vendors' Day, ang tema ay “Stop Harassment & Violence Against Street Vendors Around the World”. (Itigil ang Pananakot at Pandarahas sa mga Maninida sa Kalsada sa Iba't Ibang Panig ng Daigdig). Kaygandang panawagan para sa lahat ng gobyerno. Subalit sa ating bansa, naging marahas ang mga awtoridad, nang sa isang utos lang ng Pangulo na tanggalin ang mga nakaharang sa kalsada, pati na mga vendor ay hindi na pinatawad, at nawalan na ng ikabubuhay.

Mas matindi pa ito sa nangyaring panununog ng mga kalakal ni Bayani Fernando ng MMDA noong 2002, kaya nabuo ang Metro Manila Vendors Alliance noong Agosto 30, 2002. Mas matindi dahil mas nakakatakot, na kung sinumang vendor ang pumalag ay baka matokhang at lumutang na lang sa dugo.

Matindi ang kalaban ng mga vendor kaya dapat silang magkaisa. Ipakita nilang sila’y marangal na naghahanapbuhay at tao rin tulad ng mga nasa tuktok. Kaya sa Nobyembre 14 kada taon, ipagdiwang natin ang kanilang pagsisikap, na kahit walang tulong mula sa gobyerno ay nakararaos sila at nakakatulong sa ekonomya ng bansa.

Biyernes, Nobyembre 8, 2019

Pahayag ng KPML sa Ikatlong Taon ng Paglilibing sa Diktador sa LNMB

PAHAYAG NG KPML SA IKATLONG TAON NG PAGLILIBING SA DIKTADOR SA LIBINGAN NG MGA BAYANI (LNMB)
Nobyembre 18, 2019

MARCOS IS NOT A HERO! HINDI BAYANI ANG DIKTADOR!
“HUKAYIN! HUKAYIN!” ANG SIGAW NG MARALITA

Hindi bayani ang diktador. Ito pa rin ang paninindigan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa ikatlong anibersaryo ng panakaw na paglilibing sa magnanakaw at diktador sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). Ang paglilibing na ito’y bahagi ng kampanyang historical revisionism ng pamahalaan, lalo na ni Duterte na aminadong idolo si Marcos at si Adolf Hitler. Subalit para sa mas nakararaming mamamayan, hindi bayani si Marcos kaya bakit siya inilibing sa Libingan ng mga Bayani. Ito’y pagtinging historikal.

Hindi bayani ang diktador. Dapat itong malaman ng kasalukuyang mga kabataang estudyante, at huwag silang basta maniwalang bayani si Marcos at maganda diumano ang idinulot ng martial law. Bagkus ay kabaligtaran. dahil sa mga naganap at sinapit ng libu-libo nating kababayan, na tinortyur, pinatay, at iwinala noong panahon ng diktadurang Marcos, na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakikita.

Hindi bayani ang diktador. Kaya sa ikatlong anibersaryo ng panakaw na paglilibing sa diktador, nakikiisa kami sa sigaw ng marami: “Hukayin! Hukayin!”

Huwebes, Oktubre 17, 2019

Pahayag ng KPML sa International Day for the Eradication of Poverty

PAHAYAG  NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE ERADICATION OF POVERTY
Oktubre 17, 2019

Dapat nga bang ipagdiwang ang International Day for the Eradication of Poverty, gayong marami pa rin ang naghihirap sa mundo? O ginugunita natin ito bilang paalala na dapat tayong may gawin upang mapawi ang kahirapan?

Ang Internasyonal Day for the Eradication of Poverty ay ginugunita bawat taon tuwing Oktubre 17 sa buong mundo. Ayon sa pananaliksik, ang araw na ito;y nagsimula noong Oktubre 17, 1987. Sa araw na iyon, higit sa isang daang libong mga tao ang nagtipon sa Trocadéro sa Paris, kung saan ang Universal Declaration of Human Rights ay nilagdaan noong 1948, upang parangalan ang mga biktima ng matinding kahirapan, karahasan at kagutuman. Ipinahayag nila na ang kahirapan ay paglabag sa mga karapatang pantao at kinumpirma ang pangangailangang matiyak na iginagalang ang mga karapatang ito. Sa pamamagitan ng resolusyon 47/196 na pinagtibay noong ika-22 ng Disyembre 1992, idineklara ng United Nations General Assembly noong 17 Oktubre bilang International Day for the Eradication of Poverty o Pandaigdigang Araw upang Mapawi ang Kahirapan.

Sa maraming maralita, tulad ng mga kasapi ng KPML, na karamihan ay mga isang kahig, isang tuka, ay nagsisikap baguhin ang kanilang kalagayan, hindi paisa-isa, hindi pami-pamilya, kundi sama-samang kumikilos upang baguhin ang lipunan. Pagtingin ng KPML, ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon ang dahilan ng ating lalo’t lalong kahirapan. At upang mapawi ang kahirapan, tulad ng nabanggit na layunin ng pandaigdigang araw, dapat pawiin ang dahilan ng karukhaan. Pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon upang ito’y maging pag-aari ng buong lipunan. Ito’y magdudulot ng pagkakapantay sa lipunan, at maibabahagi ng maayos para sa lahat ang mga likasyaman at anumang yaman ng lipunan. 

Ang pangarap na ito para sa isang sosyalistang adhikain at pagtatayo ng lipunang sosyalismo ang titiyak na maisasakatuparan ang pagpawi sa kahirapan na dapat layunin ng International Day for the Eradication of Poverty, at hindi para ipagdiwang na may ginagawa lamang na parang nagtatapal ng band aid sa nakabukang malaking sugat ng kahirapan.

Miyerkules, Oktubre 16, 2019

Pahayag ng KPML hinggil sa Proyektong Kaliwa Dam

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA PROYEKTONG KALIWA DAM
Oktubre 16, 2019

Kasama kami mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa isinagawang rali ng Stop Kaliwa Dam Network (SKDN) bilang kasapi nito sa harapan ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong umaga ng Oktubre 16, 2019. At nagulat kami sa naging resulta ng usapan ng mga lider ng SKDN at ng mga opisyal ng DENR, bagamat di nila nakausap si Secretary Cimatu ng DENR.

Inamin mismo ng mga lider ng DENR na napirmahan na ang environmental compliance certificate (ECC) upang matuloy na ang pagtatayo ng P18.7 Bilyong proyektong Kaliwa Dam na popondohan diumano ng bansang Tsina. Subalit tutol sa nasabing proyekto ang mga katutubong Agta - Remontado at mga lokal na pamahalaan dahil sa pangamba nilang lulubog ang maraming barangay at komunidad kapag natuloy ang proyekto. Tiyak na taumbayan ang magbabayad ng gastos nito. 

Kapos daw sa suplay ng tubig ang Metro Manila, kaya dapat daw itayo ang Kaliwa Dam. Kapos ang suplay ng tubig para sa mga golf course, sa mga condo ng mayayaman, sa mga hotel, at iba pa. Pag natuloy ang Kaliwa Dam, may nakaamba pang itatayo, ang Kanan Dam, subalit matagal pa ito. Nagsasagawa na ng rotational water interruption upang makumbinsi ang mga tao ng pangangailangang itayo ang Kaliwa Dam.

Dama naman ang laban ng mga katutubo ng Sierra Madre, tulad din ng kapwa namin maralitang tinatanggalan ng bahay na masisilungan. Dama namin ang kawalang katarungan sa kanila, lalo na't wala silang ipinahihintulot na FPIC (free, prior and informed consent) na dapat malinaw, nauunawan at malayang sumasang-ayon dapat ang mga katutubo sa gagawing proyekto. Binabantaan pa ng pangulo ang mga katutubo na gagamitin ang emergency power ng pangulo upang matuloy lang ang proyekto.

Tulad ng mga kapatid nating katutubo sa Sierra Madre, tutol din kaming mga maralita sa pagtatayo ng Kaliwa Dam. Igalang ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno! Huwag ituloy ang Kaliwa Dam! Tutulan ang Proyektong Kaliwa Dam! Protektahan ang kalikasan at ang Sierra Madre! Karapatang pantao, ipaglaban!













Pahayag ng KPML sa World Food Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD FOOD DAY (Pandaigdigang Araw ng Pagkain)
Oktubre  16, 2019

Pandaigdigang Araw ng Pagkain. Bakit may ganitong pagdiriwang at ano ang layunin nito? Para ba ito makatulong sa mga maralitang isang kahig, isang tuka? Para ba ito sa mga bata at mamamayang Aprika-nong nagugutom, namamayat, dahil walang makain?

Ayon sa pananaliksik, ang Pandaigdigang Araw ng Pagkain ay isang pang-internasyonal na araw na ipinagdiriwang kada taon sa buong mundo tuwing Oktubre 16, bilang pagpupugay at pag-alala sa petsa ng pagkaka-tatag ng Food and Agriculture Organization ng United Nations noong 1945. Ang World Food Day (WFD) ay itinatag ng mga kasaping bansa ng FAO sa Ika-20ng Pangkalahatang Kumpe-rensya ng Samahan noong Nobyembre 1979.

Kaya hindi pa talaga ito para sa pagkain ng dukha,  kundi  para lang mas alalahanin pa ang pagkatatag ng FAO. Subalit mas dapat pahala-gahan ng mas maraming tao ang araw na ito na ang mismong karapatan ng mamamayan sa pagkain ay natatamasa.  

Sa ating bansa, dahil sa Rice Tarrification Law, hindi na natutulungan ang mga magsasaka ng bansa, dahil maaari na tayong makabili ng mas murang bigas mula sa ibang bansa. 

Ang mga vendor sa kalsada na nagtitinda ng gulay, isda at iba pang pagkain ay itinataboy ng pamahalaan upang bigyan ng pagkakataon ang mga negosyo sa mga mall. Mga maling pata-karang nagdudulot ng kagutu-man sa ating mga kababayang marangal na naghahanapbuhay.

Nawa’y totoong para sa mga nagugutom at nawawalan ng marangal na trabahong nagha-napbuhay ang Pandaigdigang Araw na ito, at hindi para sa mga tuso’t ganid na negosyanteng tuwang-tuwa’t ngingisi-ngisi lang habang nililipol ng pamahalaan ang mga maralita.

Martes, Oktubre 8, 2019

Pahayag ng KPML sa Pagpanaw ni Ka Pedring Fadrigon

PAHAYAG NG KPML SA PAGPANAW NI KA PEDRING FADRIGON
Oktubre 8, 2019
http://kpml-org.blogspot.com/, email: kpml.nec2018@gmail.com/

Sinulat ni Greg Bituin Jr.
Sekretaryo Heneral, KPML

Lubos na nagdadalamhati ang buong pamunuan at kasapian ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagpanaw ng aming pangulong si Ka Pedring Fadrigon (Mayo 18, 1945 - Oktubre 6, 2019).

Hindi lang siya aming pangulo sa KPML, kundi aming tatay, mabuting kasama, matatag na aktibista, kasanggang sosyalista, at matalik na kaibigan. Si Kaka ay iginagalang bilang isang magaling na lider-maralita. Saksi si Ka Pedring nang itinatag ang KPML mahigit tatlong dekada na ang nakararaan. Kasama rin siya nang itinatag noong 1984 ang SAMANA-FA o Samahan ng Maralitang Nagtitinda sa Fabella sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong, kung saan talipapa lang ito noong una, at dahil sa kahusayan niyang mamuno bilang pangulo nito, ay naging ganap itong palengkeng may tatlong palapag. At hanggang ngayon ay aktibong kasapi ng KPML ang SAMANA-FA.

Si Ka Pedring ay isang batikang guro ng mga maralita. Isang mahusay na edukador na nagtatalakay ng Oryentasyon ng KPML, Karapatan ng Maralita, Karapatan sa Pabahay, at mga pagsusuri sa lipunan, lalo na sa kalagayan ng maralita.

Si Ka Pedring ay isa nang moog sa pakikibaka at usaping maralita. Bukod sa pagiging pangulo ng SAMANA-FA, at pangulo ng KPML mula noong 2004, siya rin ay kasapi ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) bilang kinatawan ng sektor ng maralita. Bahagi rin siya ng National Urban Poor Sectoral Council (NUPSC). Itinatag din niya ang Welfareville People's Assembly (WPA) upang itaguyod ang katiyakan sa paninirahan ng mga taga-Welfareville sa Mandaluyong. At isa siya sa nagtatag ng Koalisyon ng mga Samahan at Mamamayan sa Welfareville Property, Inc. (KSMWP) sa Mandaluyong, at isa rin sa nagtatag ng KASAMA Federation doon din sa Mandaluyong.

Nilibot din niya ang mga rehiyon at tsapter ng KPML sa iba't ibang panig ng bansa, tulad ng National Capital Region - Rizal (NCRR), Negros, Cebu, Bulacan, Cavite, Mindanao, at iba pa, upang kausapin ang iba’t ibang grupong maralita at itaguyod ang kapakanan ng maralita at pagbabago ng lipunan. Naroon din siya sa laban ng Malipay sa usapin ng karapatan sa paninirahan.

Si Ka Pedring ay para sa pampublikong pabahay. Itinataguyod niya ang isang sistema ng pabahay na hindi inaari ninuman, subalit pinangangasiwaan ng pamahalaan, na kung hindi man libre ay abot kaya at batay sa kakayahan ng maralita, at hindi nakabatay sa market value.

Si Ka Pedring ay magaling na manunulat. Bukod sa pagsusulat ng memo, siya'y kolumnista rin sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng KPML. Mapanuri niyang tinalakay sa kanyang kolum ang samutsaring isyung panlipunan. At kung titipunin ang marami niyang sulatin ay maaaring maging ganap na aklat.

Si Ka Pedring ay naging kagawad ng barangay ng Addition Hills sa Mandaluyong noong kalagitnaan ng 2000s. Dito'y mahusay niyang ipinakita ang kanyang liderato sa pamamagitan ng pagpasa ng mga resolusyong makatutulong sa maralita, at sa mga isyung pambayang nakakaapekto sa higit na nakararami.

Si Ka Pedring ang unang pangulo ng Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) mula nang itatag ito noong Agosto 30, 2002 bilang tugon sa pananalasa ni Bayani Fernando at ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na estilo'y sapilitang kumpiskahin at sunugin ang paninda ng mga vendor sa Metro Manila.

Si Ka Pedring ay makamanggagawa at kumilos para sa interes ng uring manggagawa. Siya'y ilang beses nang naging kasapi ng Sentral na Konseho ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ipinaglaban din niya ang usaping manggagawa laban sa salot na kontraktwalisasyon. Itinaguyod din niya ang living wage o nakabubuhay na sahod, na nakasaad sa Saligang Batas ng bansa, at ang anim-na-oras na paggawa kada araw na siyang tindig din ng BMP.

Si Ka Pedring ay makakalikasan. Isa siyang magiting na boses para sa hustisyang pangklima upang matiyak na magkaroon ng agarang paglikas, adaptasyon at mitigasyon, ang mga maaapektuhan ng kalamidad. Itinaguyod din niya ang mga isyung tangan ng kinasasapian ng KPML na mga grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), EcoWaste Coalition, No Burn Pilipinas, at Power for People (P4P) COalition.

Si Ka Pedring ay para sa karapatang pantao. Isa siyang tinig upang ang karapatan ng maralita para sa panlipunang hustisya ay marinig. Naniniwala siyang dapat may tamang proseso at makatarungang paglilitis kung may kasalanan at hindi dapat basta pinapaslang ang isang tao. Laban siya sa "War on Drugs" na sa pagtingin ay "War on the Poor".

Si Ka Pedring ay isang ganap na sosyalista. Naniniwala siyang ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng pabrika, makina, at lupain, ay hindi dapat inaari ng iilang indibidwal, bagkus ay dapat ariin ng buong lipunan at pangasiwaan ng isang lipunang sosyalista. Nais niyang magtagumpay ang kilusang manggagawa at sambayanan upang palitan ang bulok na sistemang kapitalismo, at maitayo ang lipunang sosyalismo.

Isa ring malakas na pwersa si Ka Pedring sa kampanyahan noon ng Sanlakas partylist (mula pa noong 1998, 2001, 2004, 2007, 2013, 2016), ang PLM partylist (2019) at ang kandidatura sa pagkasenador ni Ka Leody De Guzman (2019).

Ang kamatayan ni Ka Pedring ay simbigat ng isang bundok, habang ang kamatayan ng sinumang kilalang mayamang sakim sa tubo ay singgaan lang ng balahibo. Nawala man ang katawan ni Ka Pedring, ngunit ang kanyang diwa at mga aral na pamana ay hindi mawawala sa puso't isipan ng kanyang mga nakasalamuha at nakasama sa pakikibaka. Tulad ng kanyang laging sinasabi, “Tuloy ang laban!”

Sa pamilya ni Ka Pedring, taospusong pakikiramay at pagdadalamhati. Bagamat siya'y kumilos ng buong buhay niya para sa maralita, ay hindi niya kayo pinabayaan.

Maraming, maraming salamat, Ka Pedring, sa buhay at panahong inialay mo para sa uri at sa bayan. Sinasaluduhan namin ang iyong kasigasigan sa isyu, usapin at kilusang maralita, at pagtataguyod ng kapakanan at kagalingan ng maralita.

Taas-kamaong pagpupugay sa iyo, Ka Pedring Fadrigon!

Lunes, Oktubre 7, 2019

Pahayag ng SUPER Federation sa pagpanaw ni Ka Pedring Fadrigon

Nagpupugay at nagpapasalamat ang SUPER Federation kay Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng Kongreso ng Maralitang Lungsod (KPML). Iginugol niya ang kanyang mahabang buhay para ipaglaban ang dignidad ng mga maralitang taga-lungsod--mga kapatid natin sa uring manggagawa na napagkakaitan ng disenteng trabaho at maayos na pabahay, mga kauri nating winawalanghiya ng mga mayayaman bilang marurumi o kriminal, tinataboy sa komunidad at lansangan, at hindi binibigyan ng pagkakataong maiahon ang kani-kanilang pamilya mula sa lusak.

Dignidad ng pagiging mahirap ang ipinagpunyagi ni Ka Pedring, na ang pagiging mahirap ay hindi dulot ng kapalaran, parusa mula sa Maykapal, ng katamaran, o ng kawalan ng edukasyon, kundi dulot ito ng isang sistemang nagnanaknak ng inekwalidad, kung saan iilan lamang ang pribadong nagmamay-ari ng lupa at kapital samantalang ang nakararami ay inaalipin sa mabigat na pagtatrabaho kapalit lamang ng kapiranggot na sahod.

Ang sistemang ito ng inekwalidad--kapitalismo--ang gustong baguhin ni Ka Pedring. Ang kanyang isinusulong ay sistema ng pagkapantay-pantay, kung saan makalalaya ang milyon-milyon mula sa hirap, kung saan garantisado ang karapatan ng lahat, at ang tao ay nabubuhay nang may dignidad. Ang sistemang ito ay sosyalismo.

Hindi man kinaya ng katawan ni Ka Pedring na ipagpatuloy pa ang labang ito, nag-iwan naman siya ng inspirasyon sa lahat ng maralita at manggagawa na mangahas itayo ang kanyang sariling gobyerno, ang kanyang sariling sistema.

Paalam, Ka Pedring. Kagaya mo, sama-sama kaming makikibaka para sa pangarap mo--isang lipunang makatao.#

Nakaburol ang kanyang labi sa Rm. Basement 105, Santuario Divino, Molino Blvd., Bacoor, Cavite.
Apat na araw lang ang burol, ayon sa pamilya.
Luksang Parangal - Miyerkules ng gabi
Libing - Huwebes

Pahayag ng PMCJ sa pagpanaw ni Ka Pedring Fadrigon


Ang Philippine Movement for Climate Justice ay taos pusong nakikiramay sa mga naulila ni Ka Pedring. Sa kanyang pamilya, sa kanyang mga kasama sa KPML, sa mga maralitang komunidad na kanyang pinagsilbihan at pinag-alayan ng kanyang panahon, lakas, at buhay, at sa buong kilusan ng Hustisyang Pangklima. Sapagkat siya ay nagsilbing isang masigasig na tagapagsulong ng laban, hindi lamang ng isyu sa usapin ng kalikasan at klima, kung hindi kanya pa itong itinaas sa mas konkreto at matalas na pagdadala ng laban -- ang laban upang baguhin ang kasalukuyang umiiral na sistemg panlipunan. Naniniwala siya na sa ganitong paraan lamang ng pagbabago magkakaroon ng tunay at makabuluhang katuparan ang laban para sa hustisyang pangklima.

Ka Pedring, maraming salamat at asahan ninyo na ipagpapatuloy at tatanganan namin ang iyong laban!!

Pagpupugay ka Ka Pedring Fadrigon

Miyerkules, Oktubre 2, 2019

Reoryentasyon ng KPML

REORYENTASYON NG KPML

A. ANO ANG KPML?

Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay isang kumpederasyon ng iba’t ibang samahan ng mamamayan sa komunidad na naglalayong buklurin ang mga maralitang lungsod sa isang pananaw, paninindigan at layunin upang maging epektibong pampulitikang pwersa sa pagbabago ng kalagayan ng maralita sa lipunan.

Ang KPML ay isang kumpederasyong may pambansang katangian, kung saan ang mga samahang maralita mula sa iba’t ibang rehiyon, lalawigan, lungsod at bayan, ay maaring maging kasapi. Ito ay nagpapairal ng demokratikong sistema sa loob ng organisasyon kung saan ang mga opisyales ay halal at ang Saligang Batas, Alituntunin (By-Laws), mga resolusyon, mga programa at patakaran ay pinagtibay ng buong kasapian.

Mula sa pambansang punong rehiyon kung saan unang itinayo ng maralita ang KPML, sa kasalukuyan ay may mga balangay at kasaping mga pederasyon at mga lokal na samahan sa Panay-Guimaras, Bacolod, Cebu, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Davao, sa kahabaan ng riles, at masigla ang mga ugnayan sa mga samahang maralita sa iba’t ibang probinsya sa Luzon, Mindanao, at Visayas.

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan. 

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KASAYSAYAN NG KPML

Halos kasabay na itinayo ng KPML ang mga samahang Balay Rehabilitation Center (Setyembre 27, 1985) at Families of Victims of Involuntary Disapperance (FIND) noong malagim na panahon ng batas-militar. At nang sumapit ang pag-aalsa ng mamamayan laban sa rehimeng Marcos noong Pebrero 22-25, 1986, nakiisa rito ang mga kasapian ng KPML, kasama ang maraming manggagawa't maralita.

Dalawang buwan matapos ang unang Pag-aalsang Edsa, nakipag-diyalogo noong Abril 10, 1986 ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, sa pangunguna ng pangulo nitong si Ka Eddie Guazon, kay Pangulong Corazon C. Aquino at humiling ng moratoruym sa demolisyon, at upang magtatag ng isang Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), na isang ahensya ng pamahalaang tututok sa mga isyu ng maralitang lungsod. 

Noong Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan, sa pamamagitan ng EO82, ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod.

Nilagdaan ni Pangulong Aquino noong Disyembre 8, 1986 ang Executive Order Blg. 82 na lumikha sa PCUP bilang ahensyang may mandatong magsilbi bilang direktang ugnayan ng mga maralitang lungsod sa gobyerno sa pagbabalangkas ng patakaran at pagpapatupad ng programang tutugon sa pangangailangan ng mga maralita. 

Sampung araw matapos malagdaan ang batas na lumikha ng PCUP, naglunsad ng kongreso ang KPML noong Disyembre 18, 1986, kasama ang iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Against Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Lumawak ang KPML bilang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.

D. ANG KPML BILANG SOSYALISTANG SENTRO NG MARALITA

Sa kasagsagan ng pakikibaka sa loob ng kilusang masa, kung saan nagkaroon ng debate sa pagitan ng reaffirmist (RA) at rejectionist (RJ), pumanig ang KPML sa mga RJ. Kaya nang muling naglunsad ng ikalawang kongreso ang KPML noong Nobyembre 27, 1994 sa basketball court ng Stella Maris College sa Lungsod Quezon, niyakap na nila at pinagtibay ang sosyalistang oryentasyon ng KPML at ang KPML bilang sosyalistang sentro ng maralita.

Patunay dito'y inilagay mismo ng KPML sa kanilang Konstitusyon sa Artikulo II, Seksyon 4 na: "Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao."


PILOSOPIYA NG ORGANISASYON

1. Ang gawain para sa panlipunang pagbabago ay nagsisimula sa sarili

2. Ang paghahanap sa karunungan, indibidwal at panlipunang pagbabago ay isang tuloy-tuloy na proseso

3. Ang maglingkod para sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan at ang pakikibaka para sa karapatan ng mga maralita at mga serbisyong kailangan ipagkaloob. Mas gugustuhing makipaglaban para sa pagkakamit ng karapatan kaysa ang tumanggap ng limos.

4. Ang isang responsableng lider ay naglilingkod ng tapat sa organisasyon.

5. Ang pagbibigay-halaga sa gawain ng organisasyon at tungkulin sa pamilya ay hindi magkahiwalay.

6. Ang katotohanan at katarungan ang siyang kakatawan sa organisasyon

7. Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga maralita ang siyang magtutulak sa organisasyon upang magpatuloy at magtagumpay.

8. Ang banta at panganib ay bahagi ng buhay ng mga maralitang lungsod


BISYON SA LIPUNAN

Pangarap ng KPML ang isang lipunang may kaunlaran, na ang mamamayan ay may pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan, may katarungan at tunay na demokrasya, pagkapantay-pantay sa karapatan at kasarian, malusog na kalikasan, at maayos na kapaligiran


BISYON SA ORGANISASYON

Isang pambansang organisasyon ng mga maralita na kinikilalang nangunguna at tumitindig sa kapakanan ng mamamayan na may malakas na impluwensyang pampulitika at may programang pangkabuhayan na nagtataguyod ng maayos na serbisyong panlipunan.


MISYON

Maging isang pampulitika at pang-ekonomiyang sentro na namumuno para sa karapatan at kaunlaran ng mga maralita sa pamamagitan ng mga programang magbibigay at magtitiyak ng mga serbisyong panlipunan sa kanyang sektor.


MGA HANGARIN

HANGARING PAMPULITIKA

Pagbubuo ng isang malakas na kilusang maralita para sa pag-establisa ng kapangyarihang pampulitika

HANGARING PANGSOSYO-EKONOMIKO

Kamtin ang pagtindig sa sariling lakas at pagsusulong ng pag-angat ng kabuhayan, pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, at pagkkaroon ng pang-ekonomiyang kaunlaran na may pagsasaalang-alang, at pagkapantay-pantay ng kasarian.

HANGARING PANG-ORGANISASYON

Mapagana, mapalakas at mapakilos ang sariling dinamismo ng sentrong nasyonal, mga rehiyon, pederasyon, tsapter at lokal na samahan bilang pampulitika at pang-ekonomiyang organisasyon ng mga maralita.

Biyernes, Setyembre 20, 2019

Pahayag ng KPML sa Global Climate Strike

PAHAYAG NG KPML SA GLOBAL CLIMATE STRIKE
Setyembre 20, 2019

WAKASAN ANG KAPITALISMO!
WAKASAN ANG BULOK NA SISTEMA!

Iyan ang nagkakaisang panawagan ng iba’t ibang mga grupo, tulad ng Sanlakas, Bukuran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at Kongreso ng Pagka-kaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa nagaganap na pandaigdigang pagkilos ng mamama-yan ng mundo, sa tinaguriang Global Climate Strike.

Ang panawagan ng pagkilos  para sa klima at katarungan ay naging pandaigdigang kilusan ng masa upang dalhin ang mensahang dapat umaksyon na ang iba’t ibang pamahalaan at mamamayan ng mundo ngayon upang mabawasan ang mga epekto ng pagbabago ng klima. Ang nakasanayan nang “business-as-usual” ay di na uubra, lalo na’t ang isyu ng nagbabagong klima ay di na maitatanggi. Tumitindi na ang pandaigdigang temperatura na tumaas ng 20 beses nang mas mabilis kaysa sa mga panahon ng   pag-init  sa  kasaysayan, na humahantong sa pagtaas ng antas  ng  dagat,  tagtuyot,  mas malalakas na bagyo, at mga pagkasira ng pananim. Ang mga epekto ng pagbabago sa klima ay makakaapekto sa lahat, lalo na, ang mga pamayanan na napalayo at lumipat sa pagsalakay ng pag-unlad.

Ang pagbabago ng klima, ang pagkaasido ng mga karagatan; ang mabilis na pagkawala ng ating biodibersidad; ang mga pagbabago sa kalidad ng polusyon ng lupa at kemikal ng industriya - ito ang ilan sa mga kahila-hilakbot na sitwasyon ng sangkatauhan. Ito'y direktang nauugnay sa panlipunan at pang-ekonomikong pagkawasak ng kapaligiran at kalika-san, pati na kabuhayan ng mga tao, dahil lamang sa pangangailangan ng kapitalismo upang matiyak ang kakayahang kumita at tumubo ng limpak-limpak.

Habang patuloy ang paggamit ng fossil fuels, lalo na ng coal plants, sa ngalan ng tubo, ang pagkawasak ng mundo’y di mapipigilan. Dapat kumilos ang mamamayan ng daigdig upang palitan na ang ganid na kapitalismo.

Lunes, Setyembre 16, 2019

Pahayag ng KPML sa International Day for the Preservation of the Ozone Layer

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE PRESERVATION OF THE OZONE LAYER
Setyembre 16, 2019

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taos-pusong nakikiisa sa lahat ng mamamayan ng daigdig sa pagprotekta sa ating mundo, pangangalaga sa ating kalikasan,  at paggunita sa Inter-national Day for the Preser-vation of the Ozone Layer tuwing Setyembre 16 ng bawat taon.

Apat na araw bago ang nakatakdang Global Climate Strike sa Setyembre 20, 2019, inaalala natin ang pagprotekta sa ozone layer bilang ating kontribusyon upang mabatid ng higit na nakararami na dapat malutas o  masolusyunan ang anumang mga problemang nagbabanta sa ating ozone layer. 

Noong 1994, pinagtibay ng UN General Assembly na ang Setyembre 16 ang Pandaigdigang Araw para sa Pagpreserba ng Ozone Layer, bilang paggunita sa petsa ng paglagda noong 1987 ng Montreal Protocol on Substances that Deplete the Ozone Layer.

Ang pagsasara ng butas sa ozone layer ay naobserbahan 30 taon pagkatapos na nilagdaan ang protocol. Dahil sa likas na katangi-an  ng  mga  gas  na responsable sa pag-ubos ng ozone ang kanilang mga kemikal na epekto ay inaasahan na magpapatuloy sa pagitan ng 50 at 100 taon. Ang ozone layer ay nasa atmospera ng daigdig at siyang tumatabing upang di natin masyadong maramdaman ang tindi ng init ng araw.

Noong 2018, tinataya ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), na binubuo ng 2,000 aghamanon (scientists), na kung di kikilos ang mga gobyerno ng daigdig, lulubog ang maraming bansa sa 2030 dulot ng climate change, na isa sa sanhi’y ang pagkabutas ng ozone layer dulot ng pagsusunog ng fossil fuels.

Kaya makiisa tayo sa panawagang protektahan ang ozone layer, at wakasan na ang paggamit ng fossil fuels at coal plants, at tayo’y mag-renewable energy na.

Climate Justice, Now!

Lunes, Agosto 12, 2019

Pahayag ng KPML hinggil sa International Youth Day

PAHAYAG NG KPML 
HINGGIL SA PANDAIGDIGDIGANG ARAW NG KABATAAN (INTERNATIONAL YOUTH DAY) Agosto 12, 2019

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan, ayon sa ating pambansang bayaning si Gat Jose Rizal. At ngayong taon, ipinadiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Kabataan (International Youth Day). Kaiba ito sa alam nating World Youth Day na dinadaluhan ng Papa sa Roma.

Ang International Youth Day (IYD) ay araw ng pagtataguyod ng kapakanan at kagalingan ng mga kabataan, tuwing Agosto 12 bawat taon, na itinalaga ng United Nations batay sa Resolusyon 54/120 noong 1999. Ang unang pagdiriwang ng IYD ay naganap noong Agosto 12, 2000. Layunin ng araw na ito na itaguyod ng mga pamahalaan at iba pa na bigyang pansin ang mga isyu ng kabataan sa buong mundo. Ang tema ng International Youth Day para sa 2014 ay "Youth and Mental Health (Kabataan at Kalusugang Pangkaisipan). Para sa 2015, ito ay Youth and Civic Engagement (kabataan at Pakikitungong Pangsibiko). 

Ang tema naman ng 2016 ay "The Road to 2030: Eradicating Poverty and Achieving Sustainable Consumption and Pro-duction.   (Ang  Daan  tungong 2030: Ang Pagpuksa sa Kahirapan at Pagtatamo ng Sustenableng Konsumpsyon at Produksyon)" Para sa 2017, ang tema ng IYD ay "Youth Building Peace (Mga Kabataang Nagtataguyod ng Kapayapaan)". Ang tema para sa IYD 2018 ay "Safe Spaces for Youth (Ligtas na Espasyon para sa Kabataan)". At ngayong 2019, ang tema ng IYD ay "Transforming Education (Nagbabagong Edukasyon)" upang gawing inklusibo at abotkaya ng mga kabataan ang edukasyon.

Dahil dito, mahigpit na nakikiisa ang KPML, lalo na ang mga anak na kabataan ng mga lider nito, sa pagdiriwang ng International Youth Day. Maraming kabataang anak ng mga lider at kasapian ng KPML na dapat mapangalagaan at itaguyod ang kagalingan dahil balang araw, sila rin ay magiging lider, di man sa bansa, kundi sa kani-kanilang komunidad, o samahan.

Panahon na upang alagaan at tulungan ang mga kabataan upang magkaroon sila ng direksyon upang maipaglaban ang kanilang karapatan sa lipunang dapat walang naghihi-rap, walang diskriminasyon, at walang pagsasamantala.

Pahayag ng KPML hinggil sa Buwan ng Wikang Filipino

PAHAYAG NG KPML
HINGGIL SA BUWAN NG WIKANG FILIPINO
Agosto 12, 2019

WIKANG FILIPINO'Y HINDI WIKANG BAKYA!
ITO’Y WIKA NG MASA’T MARANGAL NA DUKHA!

Para sa KPML, magandang pagkakataon ito upang sabihin nating hindi bakya ang wikang Filipino. Lalo na't hindi bakya ang mga taong nagsasalita ng wikang Filipino. Ibig sabihin, hindi porke Inglesero na ang isang tao ay kagalang-galang na sila at may pinag-aralan. Habang ang wikang Filipino ay wika ng mga maralita, manggagawa, mangingisda, magsasaka, at iba pang aping sektor sa lipunan.

Tayo lang yata ang bansang lahat ng papeles at dokumento ng pagkatao (tulad ng SSS, TIN, birth certificate, atbp.) ay nakasulat sa wikang Ingles, habang tayo ay nagsasalita sa sariling wika. Hindi ba maaaring ang mga papeles at dokumento ng ating pagkatao'y nakasulat sa sariling wika? Baduy ba pag ginawa ang gayon?

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na pangalagaan ang mga katutubong wika, na nakabatay sa sumusunod na mga simulain:

Una, ang Filipino bilang Wikang Pambansa ay tulay para maging wikang panlahat ng mahigit  sandaang  wika  sa  buong kapuluan.

Ikalawa, higit pa sa pagiging tulay, ang Filipino ay dapat pagyamanin sa pamamagitan ng mga wikang katutubo.

Ikatlo, kailangang gumawa ng mga hakbang upang sa isang banda ay igalang at mahalin ang bawat katutubong wika at sa kabilang banda, panatilihin itong buháy at ginagámit ng mga nagsasalita nitó.

Maganda ang adhikain ng KWF na sana ang wikang Filipino'y mas paunlarin pa, di sa pamamagitan ng paghiram sa wikang banyaga, kundi sa pagpapayabong pa ng mga wikang katutubo.

Kaya kami sa KPML, bilang organisadong sentro ng maralita, ay nagpapahayag na payabungin pa natin at gamitin ang wikang Filipinong nakabatay sa wikang katutubo. Kaya nakikiisa kami sa KWF sa kanilang marangal na layunin para sa wikang Filipino. Gamitin din natin sa mga papeles at mga mahahalagang dokumento ang wikang mas madaling maunawaan ng ating kapwa dukha – ang wikang Filipino.

Sabado, Agosto 10, 2019

Pahayag ng KPML sa Daigdigang Araw para sa Katarungan sa mga Bilanggo

Pahayag ng KPML
SA DAIGDIGANG ARAW PARA SA KATARUNGAN SA MGA BILANGGO
(International Prisoners' Justice Day)
Agosto 10, 2019

Katarungan sa mga bilanggo!

Kadalasang tinitingnan natin, kahit tayo'y maralita, na ang mga bilanggo, dahil nakakulong, ay masasamang tao, at walang pag-asa sa lipunan. Subalit maraming mga nabilanggo dahil sa kanilang paniniwala, tulad ng mga bilanggong pulitikal na ikinulong dahil nilabanan ang gobyernong mapagsamantala.

Kaya nang magkaroon ng araw tulad nitong International Prisoners' Justice Day (Daigdigang Araw para sa Katarungan ng Bilanggo), agad namin itong inalam at binasa. Ano ba ito? Dahil ang sekretaryo heneral ng KPMl ay siya ring sekretaryo heneral ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI), minabuti ng KPML na maglabas din ng pahayag hinggil dito.

Ang pagiging bilanggo dahil sa paniniwalang dapat baguhin ang sistemang mapang-api ay hindi dapat tratuhingh krimen. Si Nelson Mandela, na nabilanggo ng 27 taon dahil ipinaglaban niya ang karapatan at kagalingan ng lahing Itim, ay magandang layunin. Subalit siya'y ikinulong. Nang siya'y lumaya, siyang nahalal na pangulo ng South Africa.

Ang Agosto 10 bilang International Day Prisoners 'Justice Day ay tinakda sa anibersaryo ng pagkamatay ni Eddie Nalon, isang bilanggong  namatay sa nag-iisa sa Millhaven Maximum Security Prison sa Canada, nang di gumana ang emergency button sa kanyang selda. Sa imbestigasyon ay nakitang di na pinagana ng mga gwardya ang emergency button. 

Nang sumunod na taon, ginunita ng mga bilanggo sa Millhaven ang unang anibersaryo ng pagkamatay ni Eddie Nalon, sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagtangging magtrabaho. Noong Mayo, 1976, ang mga pindutan ng tawag ay hindi pa naayos. Si Bobby Landers ang susunod na mamatay sa isa sa mga seldang iyon. Walang paraan upang tumawag ng tulong, ang magagawa niya lamang ay magsulat ng isang tala na inilarawan ang mga sintomas ng atake sa puso.

Ang nasimulang isang beses lang na protesta sa Millhaven Prison ay naging daigdigang araw ng pakikiisa. Ang Agosto 10 ang araw na opisyal na itinalaga para sa mga bilanggo at kanilang mga tagasuporta upang igalang ang memorya ng mga namatay at nagpahayag ng pagkakaisa sa milyon-milyong mga tao sa loob ng mga bilangguan na humihingi ng mga pagbabago sa sistemang di makatao at malupit.

Habang ipinaglalaban ng KPML ang hustisyang panlipunan sa labas ng bilangguan dulot ng kahirapan at pagsasamantala ng tao sa tao, nawa'y kahit bilanggo ay mabigyang katarungan pa rin at tratuhing taong may dignidad.

Pinaghalawan:
https://www.justiceaction.org.au/campaigns/current-campaigns/prisons/237-international-prison-justice-day
http://www.vcn.bc.ca/august10/politics/1014_history.html

Biyernes, Agosto 9, 2019

Pahayag ng KPML sa Daigdigang Araw ng mga Katutubo

PAHAYAG NG KPML
SA DAIGDIGANG ARAW NG MGA KATUTUBO SA MUNDO
(INTERNATIONAL DAY OF WORLD'S INDIGENOUS PEOPLE)
Agosto 9, 2019

Mahigpit na nakikiisa ang KPML sa lahat ng katutubo sa buong daigdig sa pagdiriwang ng Daigdigang Araw ng mgaa Katutubo sa Mundo (International Day of World's Indigenous People).

Sa pamamagitan ng resolusyon 49/214 ng 23 Disyembre 1994, nagpasiya ang United Nations General Assembly na ideklara ang ika-9 ng Agosto kada taon bilang International Day of the World's Indigenous Peoples. Ang petsa ay mula sa araw ng unang pagpupulong, noong 1982, ng UN Working Group on Indigenous Populations ng Sub-Commission on the Promotion and Protection of Human Rights.

Noong 1990, ipinahayag ng UN General Assembly ang taon 1993 ang International Year of the World's Indigenous Peoples (A / RES / 45/164 A / RES / 47/75). Nang maglaon, itinatag ng General Assembly ang dalawang International Decades of the World's Indigenous Peoples: ang una ay noong 1995 - 2004 (resolusyon 48/163), at ang ikalawa ay noong 2005 - 2014 (resolusyon 59/174), na layuning palakasin ang internasyonal na kooperasyon upang malutas ang mga suliraning kinakaharap ng mga katutubong tao sa mga lugar tulad ng karapatang pantao, kalikasan, kaunlaran, edukasyon, kalusugan, kaunlarang panglipunan.

May tinatayang 370 milyong katutubong tao sa mundo, na naninirahan sa 90 na mga bansa. Binubuo sila ng mas mababa sa 5 porsyento ng populasyon sa mundo, ngunit ang 15 porsiyento ay pinaka-mahirap. Sinasalita nila ang tinantyang 7,000 wika sa buong mundo at kumakatawan sa 5,000 iba't ibang kultura.

Hangad ng mga katutubo na kilalanin ang kanilang identidad, ang paraan nila ng pamumuhay at ang kanilang karapatan sa mga tradisyunal na lupain, teritoryo at likas na yaman sa loob ng maraming taon, ngunit sa buong kasaysayan ang mga karapatan nila'y laging nilalabag. Halimbawa na lang ang proyektong Kaliwa Dam sa lalawigan ng Quezon at Rizal. Pilit na ipinagtatanggol ng mga tribung Dumagat at Remontados ang kanilang lupaing ninuno, na nais tayuan ng pamahalaan ng proyektong Kaliwa Dam. Ayon sa mga katutubo, lulubog ang kanilang lupain, maraming barangay ang tatamaan, mapapalayas sila sa kanilang lupaing ninuno, at masisira ang kanilang kultura.

Kaya kami sa KPML ay mahigpit na nakikiisa sa laban ng ating mga kapatid na katutubo. Dahil sila ay tao rin tulad natin. Sila, higit sa lahat, ay biktima rin ng kapitalistang sistemang yumuyurak sa dignidad ng tao sa ngalan ng tubo.

Mabuhay ang lahat ng katutubo! Ipagtanggol ang kanilang karapatan at kagalingan!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/events/indigenousday/
https://en.wikipedia.org/wiki/International_Day_of_the_World%27s_Indigenous_Peoples

Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Lunes, Hulyo 22, 2019

Pahayag ng KPML sa SONA 2019

Pahayag ng KPML sa SONA 2019
Hunyo 22, 2019

Mula kay Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

IPAGLABAN ANG MAAYOS, LIGTAS AT TIYAK NA PANINIRAHAN!
ON-SITE, IN-CITY RELOCATION, IPAGLABAN!

Sona na naman ni PDu30 sa Hulyo 22. Pulos sona, sana, sona, sana SINA Du30, mga senador at kongresista.  Ano na naman ang iuulat sa SONA? 

Noong unang SONA, nadismaya tayo dahil sa kanyang polisiyang Kill, Kill, Kill, na pumaslang sa libong tao nang walang due process at walang pagrespeto sa karapatang pantao. Sumunod na SONA ay Build Build Build na magtatayo ng iba't ibang proyektong imprastruktura, na ang pangunahing makikinabang ay ang mga negosyante't kapitalista. Iuulat kaya ng Pangulo ang Borrow, Borrow, Borrow na panibagong pasanin na naman ng sambayanang Pilipino?

Sa aming mga maralita, hindi prayoridad ng pamahalaan ang pabahay. Katunayan, ayon sa National Housing Authority (NHA), nasa 1.5 Milyon ang backlog sa pabahay, habang sinasabi naman ni Bise Presidente Leni Robledo, umaabot na ito sa 5.7 Milyon. Magkaiba ang datos subalit pareho ng pagtingin nila sa solusyon, na nasa kamay ng negosyo ang solusyon sa pagtatayo ng pabahay. Sa mga kapitalistang ang hangad ay pagtubuan ang pabahay bilang negosyo imbes na serbisyo ng pamahalaan sa kanyang mamamayan. At dahil negosyo, hindi nila nilalayong lutasin talaga ang problema sa pabahay kundi pagtubuan lamang ito.

Dagdag pa, hindi naman pera ng mga kapitalista ang ilalagak sa mga proyekto kungdi  pera ng gobyerno na galing naman sa buwis ng mga manggagawa ang gagamiting pondo. 

Nahaharap din ang maralitang nakakuha ng pabahay sa mga low cost housing sa isyu ng bayarin, kung saan marami sa kanila ay hindi makapagbayad dulot ng kakapusan at karukhaan. Ang kaning isusubo na lang nila ay ilalaan pa nila sa bayarin. Naging isyu ngayon sa mga pabahay ang NHA Memo 23 na naglalayong muling singilin ang mga nakatira sa mga pabahay ng NHA, at yaong hindi makabayad at hindi pumasok sa kondonasyon at restructuring hanggang Pebrero 1, 2020, ay tiyak na ebiksyon ang kakaharapin.

Sa paghahangad ng ginhawa sa buhay, maraming nasa kanayunan ang nagtutungo sa lungsod upang makipagsapalaran. Nagbabakasakaling narito sa lungsod ang hinahanap nilang ginto. Subalit ang natagpuan nila'y mga putik ng kahirapan at alikabok ng katiwalian sa pamahalaan. Patuloy ang pananalasa ng kahirapan dahil sa mga palsong patakarang pang-ekonomiya ng gobyerno, tulad ng kahirapang dinulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo dahil sa TRAIN LAW. 

Naghahari pa rin ang mga yumaman dahil sa katiwalian at land grabbing. Tulad na lang ng naganap sa Sitio Malipay sa Bacoor, Cavite, kung saan nilusob ng mga tauhan ng Villar ang komunidad upang magsagawa ng clearing operation. Ipinagtanggol ng mga residente ang kanilang kabahayan at lima sa kanila ang nasugatan.

Sa isyu ng kontraktwalisasyon, hindi lamang mga manggagawa ang apektado riyan, kundi pati ang mga maralitang nagbabakasakaling magkatrabaho kahit kontraktwal man lang para maisalba ang kanyang pamilya mula sa gutom. Subalit pag naroon na sa pabrika'y hindi maatim ang kalagayang hindi siya kinikilalang empleyado ng kumpanya kung saan siya nagtatrabaho, kumpanyang pinapasukan niya araw-araw, dahil empleyado raw siya ng manpower agency. Isang malaking panlilinlang sa manggagawa't maralita!

Sa isyu ng manggagawa ng ZAGU, nakapiket sila ngayon. Nagwelga sila dahil nais respetuhin sila ng management bilang tao, bilang kanilang manggagawa, at pag nadisgrasya ang manggagawang nagmaneho ng sasakyang ng kumpanya'y mas uunahin pa ng management kumustahin kung anong nangyari sa sasakyan kaysa sa nadisgrasya nilang manggagawa.

Itigil ang mga pandarahas sa mga maralita! Itigil ang pagtataboy sa mga maralita sa malalayong lupain! Ang nais namin ay in-city at on-site relocation kung saan malapit ito sa lugar na pinagkukunan ng aming ikinabubuhay! 

Panahon na upang ipagtanggol natin ang ating dignidad bilang tao, kahit tayo ay maralita. Panahon na upang magkapitbisig ang bawat maralita at huwag ibenta ang kanyang dangal para lang sa kakarampot na baryang pilit isinusubo ng mga pulitikong paulit-ulit lang ang pangakong napapako. 

MARALITA, MAGKAISA! DIGNIDAD NG DUKHA, IGALANG!
IPAGLABAN ANG ATING MGA KARAPATAN!

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD (KPML)
Hulyo 22, 2019