PAHAYAG NG KPML SA ARAW NG MGA BAYANI
Agosto 30, 2020
Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taaskamao at taospusong nagpupugay sa lahat ng bayaning nag-alay ng kanilang buhay para sa kapakanan ng sambayanan.
Sa aklat ng kasaysayan, nakibaka ang ating mga ninuno laban sa mga mananakop na Kastila, Amerikano, at Hapon, nakibaka laban sa diktadurang Marcos, nakibaka upang lumaya tayo sa kuko ng mga dayuhan at mga Pilipinong mapagsamantala.
Nakilala natin sina Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, Gat Macario Sakay, at marami pang bayaning nakibaka tungo sa ikagiginhawa ng bayang tinubuan. Ibinuwis ang kanilang buhay alang-alang sa kapakanan at dignidad ng sambayanan.
Subalit hindi lamang sila ang mga bayani ng ating bayan, kundi ang mga manggagang lumilikha ng yaman ng lipunan, ang mga magsasakang araw-araw nagbibigay ng pagkain sa sambayanan, ang mga mangingisdang namimingwit ng ating makakaing isda, ang mga maralitang isang kahig isang tuka man ay naitataguyod ang pamilya, ang mga medical frontliners na naglilingkod sa sambayanan ngayong panahon ng pandemya.
Muli, pagpupugay sa ating mga bayani at sa mga bayani ng makabagong panahon!