PAHAYAG NG KPML SA IKA-75 ANIBERSARYO NG PAGBAGSAK NG BOMBA ATOMIKA
Agosto 6, 2020
Kahindik-hindik na kasaysayan nang nakalipas na pitumpu'tlimang taon nang pinabagsak ng Amerika sa bansang Japan, sa Hiroshima noong Agosto 6, 1945, at sa Nagazaki noong Agosto 9, 1945, sa kasagsagan ng Ikalawang Daigdigang Digmaan o World War Two (WWII).
Ang unang bomba atomika, na may pangalang "Little Boy", ay ibinagsak sa Hiroshima, sakay ng eroplanong Enola Gat, na ang mga piloto's sina Colonel Paul Tibbets at Robert A. Lewis. Ang ikalawang bomba naman ay pinangalanang "Fat Man" na bumagsak sa Nagazaki. Ayon sa pananaliksik, nasa 129,000 hanggang 226,000 ang namatay, na mayorya ay mga sibilyan. Dahil dito'y sumuko ang Japan sa Allied Forces, anim na araw matapos magdeklara ng giyera ang Unyong Sobyet at pagbomba sa Nagazaki. Nilagdaan ng Japan ang pagsuko noong Setyembre 2, 1945, na siyang petsang nagtapos ang WWII.
Libu-libo ang namatay, habang libu-libo rin ang parang patay, at itinuring na hibakusha, o yaong naapektuhan ng bomba atomika, subalit nabuhay. Natagpuang humihinga pa, lapnos ang mga katawan, sunog ang mga balat, naapektuhan ang mga baga. Ang mga hibakusha'y nananawahgan ng "nuclear ban trreaty" at "never again" sa mga armas nukleyar. Sila ay mga karaniwang tao, mga sibiliyang nananawagan ng katarungan, at humihibik na sana'y wala nang ganitong mangyari sa kasaysayan. Itigil ang mga armas-nukleyar, magkaroon ng kapayapaan sa daigdigan. Nanawagan pa silang lumagda sa mga petition upang sabihing "never again" sa mga armas nukleyar.
Ayon nga sa kanila, “So that the people of future generations will not have to experience hell on earth, we want to realize a world free of nuclear weapons while we are still alive.” ("Upang ang mga mamamayan nga susunod na salinlahi ay hindi na maranasan ang impiyerno sa daigdig, nais nating mapagtanto ang isang daigdig na walang mga sandatang nukleyar habang nabubuhay pa tayo.")
Sa ngayon, may ilang mga bansang nag-aangkin ng mga armas nukleyar. Nangunguna ang United States of America, sunod ay ang Russia (na dating nasa Unyong Sobyet), ang United Kingdom, France, China, India, Pakistan, North Korea, at Israel.
Bilang maralita, hinahangad nating maitayo ang isang lipunang makatao, isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, kung saan lahat ay nakikinabang sa produkto ng paggawa at ng kalikasan.
Kung masisira ang ating daigdig dahil sa mga armas-nukleyar, baka ito'y katapusan na ng sangkatauhan. Kaya sa paggunita natin sa ikapitumpu't limang anibersaryo ng pagbagsak ng Hiroshima, kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa mga panawagan ng mga hibakusha na dapat wala nang armas-nukleyar upang hindi na maranasan ng ating mundo ang isang kahindik-hindik na pangyayari tulad ng kanilang naranasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento