Pahayag ng KPML
Agosto 11, 2020
Katarungan! Hustisya para kay Randall “Ka Randy” Echanis!
Si Ka Randy ang chairman ng grupong Anakpawis partylist.
Bagamat hindi namin kilala ng personal si Ka Randy, ang kanyang kamatayan ay hudyat ng mas tumitindi pang karahasan laban sa mga mamamayang nakikibaka para sa karapatang pantao, dignidad ng kapwa tao, panlipunang hustisya, at pagtatayo ng lipunang makataong walang pagsasamantala. Pinaslang siya ng walang awa, at inagaw pa ng mga pulis ang kanyang bangkay mula sa kanyang pamilya.
Marahil ito’y epekto rin ng Anti-Terror Law na naisabatas noong nakaraang buwan lamang, na tinitingnan ang bawat kritiko ni Mister Duterte na diumano’y terorista. Isa rin marahil itong epekto ng nakamamatay at nakakatakot na kulturang tokhang na matagal nang ipinalaganap ng rehimeng Duterte, at nagdulot ng libu-libong kamatayan ng sinasabi ng mga pulis na nanlaban, kabilang ang diumano’y mahigit isangdaang kabataan.
Ang nangyaring ito’y karumal-dumal na krimen! Kaya kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taas-kamaong nakikiisa sa paghahanap ng katarungan para kay Ka Randy. Ang nangyari sa kanya ay maaari ring mangyari sa kaninuman sa ating nakikibaka para sa isang lipunang makatao.
Katarungan para kay Ka Randy Echanis! Panagutin ang rehimeng Duterte!
* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2020, pahina 12.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento