PAHAYAG NG KPML SA MULING PAGPAPATUPAD NG MECQ
Matindi ang kinakaharap ng mga maralita sa muling paghihigpit ngayong idineklara ang buong National Capital Region (NCR) at apat na probinsya (Bulacan, Laguna, Rizal, at Batangas) sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine sa loob ng labinglimang araw, na nag-umpisa noong Agosto 4, 2020.
Maraming eryang may kasapian ng KPML ang nakakaranas ng higpit ng MECQ protocol mula sa militar at pulis. Karamihan o mayorya ng mga maralita ay wala pang natatanggap na 2nd trance at tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Partikular sa San Jose del Monte, Bulacan, walang nakatakdang pasilidad para sa mga PUI (patients under investigation) at PUM (persons under monitoring). Nagpatupad doon ng total lockdown, walang quarantine facility, walang maayos na datos dahil ang mga PUI at PUM ay dinadala sa ibang lugar, tulad ng Malolos. Bawal ding bumiyahe ang mga dyip, subalit ang mayor ay may mga yunit ng transportasyon na pinapasada.
sa tingin ng KPML, lalong nagpapahirap sa mamamayan ang MECQ, dahil sa biglang tigil sa trabaho, at yaong may trabahong nasa malayong lugar ay mahaba ang lalakarin upang makarating sa trabaho dahil walang masakyan. Bagamat ang layunin ng MECQ ay hindi magkahawaan ang mga tao, hindi naman nakakatulong sa mga tao ang pinatutupad na MECQ, dahil naman natitigil sila sa trabaho, na nagdudulot ng kawalan ng perang pambili ng pagkain at pagbabayad sa mga maraming bayarin.
Hindi makatao ang ginawang MECQ, pagkat walang plano ang pamahalaan para sa maralitang nagugutom. Walang pagbabago sa kalagayan ng maralita. Sa kabila nito, patuloy na kumikilos ang KPML upang itaguyod ang karapatang pantao at kabuhayan para sa maralita.
* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2020, pahina 9.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento