PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF THE DISAPPEARED
Agosto 30, 2020
Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa paggunita sa taunang International Day of the Disappeared (Pandaigdigang Araw ng mga Iwinala)).
Ang araw na itong idineklara ng United Nations ay paggunita sa mga taong sapilitang iwinala ng estado o gobyerno dahil sila’y nakikibaka upang magkaroon ng lipunang makatao, at ipinagtatanggol ang karapatang pantao.
Nakikita man silang nakikibaka o lumalaban para sa kapakanan ng kapwa nila maliliit, iyon ay dahil sa kanilang hangaring mawala ang pagsasamantala ng tao sa tao at maipagtanggol ang mga maliliit.
Maraming nangawala sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo na yaong mga bansang umaabuso sa kapangyarihan.
Kaya kami sa KPML ay nakikiisa sa mga pamilyang hanggang ngayon ay hinahanap pa rin nila ang kanilang mga nangawalang mahal sa buhay, na ngayon ay pawang mga desaparesido.
Nawa’y makita na nila ang kanilang mga mahal sa buhay, buhay man o kung patay na’y mabigyan ng marangal na libing ang kanilang bangkay.
Hustisya sa lahat ng mga desaparesido!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento