Pahayag ng Taliba ng Maralita hinggil sa mga medical frontliners
Agosto 4, 2020
Nanawagan ng time out ang mga medical practitioners upang mas mapaghandaan pa ang mga plano laban sa COVID-19. Ito'y panawagan mula sa Philippine Medical Association (PMA), na may kasapiang 40 medikal na samahan. Nais nilang manguna ang Department of Health sa paglaban sa pandemya at huwag lang itong iasa sa mga lokal na pamahalaan at sa mga pulis at militar. Mahigit namang 100 grupong medikal ang sumuporta sa petisyon nilang muling ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Subalit sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga medical frontliners na ito'y nananawagan ng rebolusyon at destabilisasyon. Anong klaseng pamunuan ito? Humingi lang ng time out ang mga doktor upang balangkasin ng tama ang paglaban sa coronavirus dahil palpak ang rehimeng Duterte, destabilisasyon at rebolusyon agad? Anong utak ang meron sa berdugong rehimeng ito na natatakot sa sarili nitong anino?
Dapat unawain ni Duterte na mahalaga ang panawagan ng mga medical frontliners dahil ang mga doktor ang nasa harapan upang labanan ang coronavirus. Ang problema, solusyong militar at hindi solusyong medikal ang pinaiiral ng rehimeng Duterte. Panahon naman na pakinggan ng pamahalaan ang mga hinaing ng ating medical frontliners.
#SolusyongMedikalHindiMilitar #CheckUpHindiCheckpoint
* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2020, pahina 8.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento