PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY OF SOCIAL JUSTICE (PANDAIGDIGANG ARAW NG KATARUNGANG PANLIPUNAN)
02.20.2020
SA PANDAIGDIGANG ARAW NG PANLIPUNANG HUSTISYA,
KATARUNGAN SA LAHAT NG BIKTIMA NG PAGSASAMANTALA!
Konsepto para sa uring manggagawa ang panlipunang hustisya. Una, ito'y nakasaad sa dalawang talumpati ni Pangulong Manuel Quezon. Una, sa talumpating may pamagat na Social Justice for the Laborers, Pebrero 17, 1938, at ikalawa, Social Justice, Labor Unions, and Public Works, Hunyo 8, 1938. Dalawang talumpating iniukol sa mga manggagawa. Dalawang talumpating tinalakay kung ano ang panlipunang hustisya. Ikalawa. pinagtibay ng International Labor Organization noong Hunyo 10, 2008 ang ILO Declaration on Social Justice for a Fair Globalization. Ibinatay ito sa Philadelphia Declaration of 1944 hinggil sa layunin ng ILO, at sa Declaration on Fundamental Principles and Rights at Work of 1998.
Nagkakaisang pinagtibay ng International Labor Organization noong ika-10 ng Hunyo 2008 ang kanilang ILO Declaration on Social Justice for a Fair Globalization (Deklarasyon ng ILO para sa Katarungang Panlipunan para sa isang Makatarungang Globalisasyon. Ito ang pangatlong pangunahing pahayag ng mga prinsipyo't patakarang pinagtibay ng International Labor Conference mula nang pinagtibay Konstitusyon ng ILO noong 1919. Ibinatay din ang nasabing deklarasyon mula sa Philadelphia Declaration of 1944 and the Declaration on Fundamental Principles and Rights at Work of 1998.
Noon namang ika-26 ng Nobyembre 2007, ipinahayag ng United Nations General Assembly na, simula sa ikaanimnapu't ikatlong sesyon ng General Assembly, ang 20 Pebrero ay ipagdiriwang taun-taon bilang World Day of Social Justice.
Subalit para sa aming mga maralita, mas karapat-dapat ipagdiwang ang araw na ito kung may tunay na katarungang panlipunang nararanasan ang ating mga kapatid na dukha, at hindi basta pinapaslang dahil sa War on the Poor. May katarungang panlipunan kung may pagkain sa hapag-kainan, may trabahong may nakabubuhay na sahod sa pamilya, may maayos at ligtas na pabahay para sa lahat, hindi nagugutom ang pamilya, hindi mahal ang presyo ng pagpapagamot sa ospital, hindi na naninibasib ang salot na kapitalismo sa buhay ng manggagawa’t karaniwang mamamayan.
Makakamit lang ba ng mga maralita ang katarungang panlipunan kung mapapalitan na ang bulok na sistema? Kailangan pa bang kunin ng maralita ang kapangyarihang pampulitika upang makamit din ang panlipunang hustisya? Kailangan na ba ng maralitang maghimagsik?