PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL MOTHER LANGUAGE DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG INANG WIKA)
Pebrero 21, 2020
IPAGTANGGOL ANG WIKANG FILIPINO
SA LAHAT NG MGA NAIS YUMURAK NITO
Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taas-kamaong nakikiisa sa pagdiriwang ng International Mother Language Day (Pandaigdigang Araw ng Inang Wika) na idineklara ng United Nations na gunitain tuwing Pebrero 21 ng bawat taon.
Nakikiisa rin kami sa lahat ng nagproprotesta sa pagtatanggal ng Wikang Filipino sa kolehiyo. Hindi makatarungan na tinanggal ang wikang Filipino habang pinanukalang pag-aralan sa paaralan ang wikang Koreano. Bakit ganito? Dagdag pa, tayo lang yata ang bansang ang lahat ng dokumento at powerpoint presentation ay nakasulat sa wikang Ingles, habang nagsasalita tayo sa sariling wika. Hindi ba’t mas nagkakaunawaan tayo sa ating sariling wika? Bakit ang mga dokumento at presentasyon ay laging nasa wikang dayo? Dahil ba karespe-respeto ang nagsasalita ng wikang Ingles at mababang uri ng tao ang nagsasalita ng wikang Filipino?
Sa araw na ito, halina’t ipaglaban natin ang ating sariling wika, habang pinapayabong pa natin ang wikang ito sa ating bansa. Mabuhay ang wikang Filipino at lahat ng tagapagtanggol nito!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento