PAHAYAG NG KPML LABAN SA PAG-APRUBA NG KONGRESO NA PINAHIHINTULUTANG MAG-ARI NG PAMPUBLIKONG SERBISYO ANG MGA DAYUHAN
Pebrero 28, 2020
MGA KONGRESISTANG TAKSIL SA BAYAN
BINEBENTA ANG BANSA SA DAYUHAN
Mahigpit na tinutuligsa ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang mga bentador na kinatawan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa pag-apruba nila sa panukalang batas na maaari nang mag-ari ang mga dayuhan ng mga pampublikong utilidad at serbisyo sa ating bansa.
Nakasaad sa Konstitusyon ng Pilipinas (1987) na hanggang 40% lang ang pag-aari ng dayuhan habang 60% ay pag-aari ng Pilipino sa anumang pampublikong utilidad at serbisyo sa bansa, subalit bakit pinayagan ng mga kinatawan, o kawatan, ang ganitong panukalang dapat mag-ari ng 100% ang dayuhan sa lupain ng Pilipinas. Dehado ang Pinoy. Lyamadong lyamado ang mga dayuhan!
Kita agad natin na hindi talaga nagsisilbi sa masang Pilipino ang mga "halal" na kongresista sa ating bansa. Sila'y mga bentador na dapat lang tuklawin ng kapwa nila ahas sa Kongreso. Pahirap sila sa mamamayan. Hindi sila dapat kinatawan, pagkat sila'y mga kawatan. Kawatang ibinebenta ang ating bayan sa mga dayuhan. Dapat na silang sipain sa pwesto!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento