PAHAYAG NG KPML SA IKA-34 ANIBERSARYO NG PAG-AALSANG EDSA
Pebrero 25, 2020
HINDI BIGO ANG AKTO NG SAMA-SAMANG PAGKILOS
Walang ipinangakong pagbabago ang mga nagpasimula ng Pag-aalsang Edsa. Nagpartisipa ang maraming tao roon dahil sawa na sila sa diktadura. Hindi bigo ang Edsa pagkat natanggal nila ang isang diktador. Hindi bigo ang mamamayan sa pagpapatalsik sa pamilya Marcos sa pwesto.
Kung sinasabi nilang bigo ang Edsa, iyon ay dahil hindi na natanaw ng masa ang panibagong pag-asang inaasam nila, gayong walang nangako ng pagbabago kung sasama sa pag-aalsang Edsa. Nangyari iyon dahil sa kagustuhan ng mga taong mapaalis ang diktador. Kung bigo ang pag-aalsang Edsa, aba'y okey pala ang diktadura.
Ang mismong akto ng pag-aalsa ay hindi kabiguan, kundi pinatunayan lang nito na sa sama-samang pagkilos ng mamamayan, ay maibabagsak ang isang gahaman sa kapangyarihan. Ang aral na ito ng sama-samang pagkilos ay dapat aralin ng uring manggagawa at mga maralita’t api sa lipunan upang mabago ang bulok na sistema.
Ang bigo sa Edsa ay di nakamit ng mamamayan ang isang bagong sistema pagkat inagaw lamang ng isang paksyon ng naghaharing uri ang kapangyarihang dapat ay sa mamamayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento