ANG KARAPATAN NATIN SA SAPAT NA PAGKAIN
Maikling saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.
Sinasabi nilang dalawa lang umano ang dahilan o sitwasyon kung bakit ka pakakainin ng gobyerno - sa panahon ng digmaan o sa panahon ng kalamidad. Kung wala isa man sa mga ito, kumilos ka o magtrabaho upang makakain. Ang panahon ngayon ay pumapatak sa dalawa - digmaan laban sa COVID-19, at kalamidad dahil hindi na makapagtrabaho ang tao dahil sa ipinatutupad na community quaran-tine, kung saan pinapayuhan ang mga tao, upang hindi mahawa ng sakit, na huwag lumabas ng bahay.
Ang karapatan sa pagkain ang isa sa limang karapatang nakasaad sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights o ICESCR. Ang apat na iba pa ay ang pabahay, kalusugan, trabaho, at edukasyon. Ang karapatang ito'y nakasulat din sa dokumentong The Right to Adequate Food, OHCHR Fact Sheet No. 34, OHCHR/FAO (2010). Ang OHCHR ay Office of the High Commissioner on Human Rights ng United Nations.
Sa General Comment No. 12 ng UN Committe on Economic, Social and Cultural Rights (CESCR), nagbigay sila ng detalyadong patnubay sa mga bansa hinggil sa kanilang obligasyong igalang, protektahan at tuparin ang karapatang magkaroon ng sapat na pagkain. Nabanggit din ng Komite na kasama ang karapatan sa mga sumusunod na magkakaugnay at mahahalagang salik o elemento ng karapatan sa sapat na pagkain: Availability, Accessibility, Adequacy, at Sustainability.
AVAILABILITY o pagkakaroon ng agarang suplay ng pagkain. Ang bawat tao'y dapat makakuha ng sapat at dekalidad na pagkain, na maaaring mula sa palengke o direkta mula sa tanim, alagang hayop o sa dagat, at iba pang likas na yaman. Pagkaing nakapagpapalusog, at dapat walang nakakapinsalang sangkap at naaangkop sa kultura.
ACCESSIBILITY o madaling makuhang pagkain. Dapat ang pagkakaroon ng sapat na pagkain, ay walang diskriminasyon, na ang pagkain ng mayaman ay kaya ring kainin ng mahihirap. At ang presyo ng pagkain ay abotkaya ng mga bulnerableng sektor ng ating lipunan.
ADEQUACY o pagiging sapat ng pagkain. Dapat hindi kulang, at sapat ang pagkain kung saan kayang kumain ng tao, kahit na dukha, ng tatlong beses sa isang araw, at busog sila.
SUSTAINABILITY o tuloy-tuloy na paglikha ng pagkain. Dahil ang mga tao'y kumakain araw-araw, dapat na patuloy din ang paglika ng pagkain. Dapat nating pasalamatan ang lahat ng magsasaka dahil kung wala sila, wala tayong kakainin araw-araw.
Sabi nga, di natin kailangan ng abugado o doktor araw-araw, ngunit kailangan natin ng magsasaka araw-araw. Kaya salamat sa lahat ng magsasaka, mangingisda, magtutubo, magninyog, at mga manggagawang patuloy na lumilikha ng pagkain. Mabuhay kayo!
Pinaghalawan:
* Ang maikling artikulong ito'y inihanda at unang nilathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2020, pahina 2.
* Ang mga litrato ay mula sa fb, at nauna nang nalathala sa Taliba ng Maralita, isyu ng Marso 16-31, 2020.