PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF CONSCIENCE
Abril 5, 2020
"Makonsensya ka naman." Ito ang kadalasang sinasabi natin sa ating mga kakilalang gumagawa ng mali, o yaong krimen na at katiwalian ang ginagawa, imbes na magpakatao at makipagkapwa.
"Mga maiitim ang budhi!" Ito naman ang sinasabi natin sa mga taong walang konsensya dahil sa ginagawa nilang kasalanan sa tao, tulad ng pagtokhang o pagkitil ng buhay ng dukhang walang kalaban-laban, at sasabihing nanlaban sa mga may matitinding training sa pakikibaglaban.
"Papatayin ko kayo!" Ito ba'y salita ng isang pinunong may konsensya, o walang budhi, dahil di iginagalang ang wastong proseso ng batas?
Sa pamamagitan ng A/RES/73/329, ipinahayag ng United Nations General Assembly na ang Abril 5 taun-taon ay International Day of Conscience. Ito'y dahil sa pangangailangan para sa paglikha ng mga kondisyon ng katatagan at kagalingan at mapayapa at palakaibigang relasyon batay sa paggalang sa mga karapatang pantao at pangunahing kalayaan para sa lahat nang walang pagkakaiba sa lahi, kasarian, wika o relihiyon.
Kaya sa araw na ito, mahigpit na nakikisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng nakikibaka para sa karapatang pantao, anumang bansa, anumang lahi, nang walang anumang diskriminasyon. Ayon nga sa ating bayaning si Gat Emilio Jacinto, "Iisa ang pagkatao ng lahat."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento