Miyerkules, Hulyo 4, 2012

Kasamang Rey, Magiting na Lider-Maralita




KASAMANG REY, MAGITING NA LIDER-MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

(Inatake sa puso’t pumanaw si Kasamang Rey Baltazar, pangkalahatang kalihim ng KPML-NCRR, noong Hulyo 1, 2012. Siya rin ang ikalawang pangulo ng Samahang Walang Tahanan (SAWATA) sa lungsod ng Kalookan.)

si Ka Rey ay isa sa aming lider na magiting
sa rehiyon siya ang pangkalahatang kalihim
maralita'y kasamang nakibaka ng taimtim
sa kanyang pagpanaw, mga maralita'y nanimdim

dalawang dekadang higit din siya sa pagkilos
tumulong sa laban ng mga maralitang kapos
magaling na lider-maralita, di malalaos
pamilya'y di pinabayaan, minahal nang lubos

ilang taon na namin siyang kasama sa rali
bawat isyu'y sinusuri, di siya atubili
lalo't maralita'y apektado, di mapakali
karapatan ng masa'y lagi niyang sinasabi

mula sa lokal, siya'y naging lider sa rehiyon
lipunan ay inaral, sa sistema’y di umayon
ipinagtanggol ang dukha laban sa demolisyon
ipinagtanggol ang dignidad ng organisasyon

si Kasamang Rey ay isang dakilang sosyalista
sa laban, di siya nang-iwan ng mga kasama
kumilos upang baguhin ang bulok na sistema
adhika ay lipunang may pagkalinga sa masa

kasamang Rey, nagpupugay kaming taas-kamao
dakilang sosyalistang nais baguhin ang mundo
itutuloy namin ang mga naiwang laban mo
pumanaw ka man, tuloy ang laban sa pagbabago

* KPML-NCRR - Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal

Martes, Mayo 1, 2012

Polyeto sa Mayo Uno 2012


ANG MGA MARALITA'Y MANGGAGAWA RIN!
KAMALAYANG MAKAURI'Y PATALASIN!

Mga kapatid na maralita’t manggagawa sa komunidad, 

Ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno bawat taon. Kadalasan, hinihingi natin sa kapitalistang gobyerno ang pagkakaroon natin ng trabaho, pagbaba ng presyo ng pangunahing bilihin. Ngunit kadalasan din, hindi naman talaga pinagbibigyan ng pamahalaan ang kahilingan ng kanyang mamamayan. Ito'y dahil kapitalismo nga ang umiiral sa ating lipunan, at saklot nito ang buong bayan, kasama na ang pamahalaan ni PNoy. Kaya bakit hihingi tayo sa kapitalistang gobyerno, gayong kapitalismo nga ang kanilang pinaiiral, kapitalismong siyang dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang mga batayang karapatan tulad ng pabahay at kalusugan ay naging negosyo na! Patuloy na nananalasa ang salot na kontraktwalisasyon kaya walang katiyakan sa trabaho at di maging regular ang ating mga manggagawa. 

Marami sa ating mga maralita ang mga walang trabaho at isang-kahig, isang-tuka ang ating pamilya. Patuloy tayong nakikibaka sa araw-araw upang mabuhay. Bilang maralita, tayo'y manggagawa rin. Wala man tayo sa mga pabrika, nabubuhay rin tayo sa pagbebenta ng ating lakas-paggawa. Wala tayong pag-aaring kasangkapan sa produksyon. 

Totoo, nagtataasan ang presyo ng mga bilihin, at upang makaangkop tayo dito'y dapat taasan din ang ating sinasahod, pamahalin ang ating itinitinda, taasan ang pamasahe. Ngunit ang mas mahalaga, huwag nang itaas ang presyo ng mga bilihin. Subalit hindi ito gagawin ng gobyernong nakasuso sa mga kapitalista para mabuhay. 

Kailangang maibsan ang ating mga nararanasang kahirapan, kaya dinudulog natin sa pamahalaan ang ating mga suliranin dahil sila ang namumuno sa ating bayan. Ngunit hindi sapat na humingi lang tayo sa kapitalistang gobyerno ng ikaaalwan ng ating kabuhayan. Hindi tayo dapat mamalimos sa kanya na tulad ng pulubi, kundi dapat nga ay palitan natin ang gobyernong ito ng totoong naglilingkod sa sambayanan.

Ang dapat nating gawin ay putulin na ang ganitong tanikala ng pagkaalipin. Patuloy nating pag-aralan ang lipunan! Kailangang makilala natin ang ating sarili bilang isang uri, dahil ito ang unang larangan ng labanan, ang palayain ang kaisipan ng manggagawa mula sa bansot na kaisipang isinubo ng kapitalistang sistema sa buong bayan, sa buong daigdig. Sa madaling salita, hindi lamang dapat magkasya ang manggagawa sa isyu ng pagtaas ng sahod, pagwawagi ng living wage, at pagiging maayos ng kondisyon sa pabrika bilang mga sahurang alipin. Higit sa lahat, tayo'y dapat maging mulat-sa-uri na may layuning durugin ang katunggali nating uri, ang uring kapitalista, elitista, burgesya. 

Kaya ang sustansya ng lagi nating isinisigaw na "Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya" ay kung mulat na tayo sa ating uring kinabibilangan – ang uring manggagawa. Ang makauring kamalayan ang ating armas sa pagbabago. Ito ang larangan natin tungo sa paglaya ng ating uri laban sa bulok na sistema.

Bilang mga mulat-sa-uri, ang dapat paghandaan natin ay ang pagtatayo ng isang lipunang ating ipapalit sa bulok at inuuod na sistemang kapitalismo, ang pagtatagumpay ng diktadurya ng uring manggagawa, hanggang sa maitayo ang ating nakatakdang lipunan, ang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, ang lipunang SOSYALISMO. Doon titiyakin natin na may pabahay para sa lahat, ang karapatan sa kalusugan at edukasyon ay tinatamasa ng lahat, ang katiyakan sa trabaho ay tiyak para sa lahat, dahil sa sosyalismo, papawiin natin ang pribadong pag-aaring siyang ugat ng ating kasalukuyang paghihirap. 

Wakasan ang salot na kapitalismo! Bawat hakbang natin patungong sosyalismo! 

BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP-NCRR)
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML-NCRR)
ZONE ONE TONDO ORGANIZATION (SM-ZOTO)
PIGLAS-KABATAAN (PK)
Mayo 1, 2012

Miyerkules, Abril 25, 2012

Pagkondena sa Demolisyon sa Silverio


Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod
National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR)
Blk. 31, Lot 82-83, Maya-maya St., Brgy. NBBS, Navotas, MM Tel. 2859957

Press Statement
Ka Allan Dela Cruz
Pangulo, KPML-NCRR
Abril 24, 2012

KINOKONDENA NG KPML-NCRR ANG NANGYARING KARAHASAN AT PAGPASLANG SA NAGANAP NA DEMOLISYON SA SILVERIO!

Mahigpit naming kinokondena ang marahas na demolisyon sa aming mga kapatid na maralita sa Silverio Compound, sa Sucat, ParaƱaque na ikinamatay ng isang katao at ikinasugat ng humigit-kumulang apatnapung (40) katao. Sadyang kalunus-lunos ang nangyaring ito. Kaya kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML-NCRR) ay taas-kamaong nagpupugay sa ginawang depensa ng mga kapatid naming maralita sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa pabahay at kinabukasan. Kinokondena namin ang marahas at brutal na demolisyon na naging sanhi ng pagkamatay ng isang maralitang 21 taong gulang at pagkasugat ng marami para depensahan ang kanilang tahanan, kabuhayan, kinabukasan, dangal at pagkatao.

Ilan pa ang dapat mamatay para magkaroon ng kasiguraduhan sa pabahay? Ilan pang demolisyon ang magaganap upang igalang ang karapatan ng bawat tao sa paninirahan? Ilan pang bato ang pauulanin ng maralita upang depensahan ang kanilang mga karapatang mabuhay?

Mahalaga ang negosasyon, bagamat sa negosasyon ay dehado lagi ang maralita kumpara sa mga may perang kayang bilhin kahit ang husgado at gobyerno. At ang gobyernong ito ni Noynoy Aquino ang pangunahing kakampi ng mga kapitalista para sa kanilang public and private partnership, na pag-unlad ng mga negosyo habang pinalalayas na parang mga daga ang mga maralita't itinataboy sa malalayong lugar ang mga dukhang nakapupuwing sa mata ng negosyo't ni Aquino. Walang awa sa mga mahihirap ang mga kapitalista't gobyerno. Patunay ang maraming naganap na demolisyon kung saan nakikipagbatuhan ang mga maralita upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan, dangal, pagkatao, buhay at kinabukasan.

Sa maraming mga naganap na demolisyon, sa Laperal sa Makati, sa Mariana at sa North Triangle sa Quezon City, sa 9 de Pebrero sa Mandaluyong, sa Corazon de Jesus sa San Juan, R10 sa Navotas, at ngayon sa Silverio sa ParaƱaque, nakipagbatuhan at nakibaka ang mga maralita upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Sinuman ang tanggalan ng tirahan ay tiyak na lalaban. Tanggalan kaya ng maralita ng bahay si Pangulong Aquino? Idemolis kaya nating maralita ang bahay ng mga nagdedemolis? Tiyak na maghahalo ang balat sa tinalupan! Dahil mahalaga sa atin ang bahay, ang ating tinitirhan, ang pahingahan ng pagal nating katawan, ang tahanan ng ating mga anak! Kung bato ang ating pandepensa para ipagtanggol ang ating karapatan sa paninirahan, bakit hindi natin ito hahawakan at ibabato sa mga yumuyurak sa ating pagkatao!

Dapat magkaisa ang lahat ng maralita para labanan ang mga demolisyong patakaran ng kapitalista't gobyerno. Hindi mga hayop tayong mga maralita, tayo'y mga taong may dignidad. Taong may karapatang mabuhay, taong may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan, taong masisipag bagamat naghihirap, taong nagsisikap para sa kinabukasan ng ating mga anak. 

Dapat pag-aralan din ng maralita ang lipunang ating ginagalawan. Bakit nga ba kapitalismo ang sistema? At bakit sa ilalim ng kapitalismo, patuloy na naghihirap ang sambayanan? Simpleng kurapsyon lang ba ang problema na tulad ng elitistang pangulo? Bakit dapat mag-alsa ang mga maralita laban sa bulok na sistema ng lipunan? Bakit sa ilalim ng kapitalismo'y binabayaran ang bawat karapatan, tulad ng karapatan sa pabahay at karapatan sa kalusugan? May maaasahan ba tayong maralita sa mga tulad ng polisiya ni Aquino laban sa maralita, polisiyang kiling sa mga kapitalista kaysa mahihirap, patakarang para sa negosyo kaysa karapatang pantao?

Maralita, tapusin na natin ang panahon ng pananahimik at pagsasawalang-kibo. Panahon na upang magpasya tayo, di lang para sa ating sarili, kundi para sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.

Mga kapatid na maralita, magkaisa laban sa karahasan sa ating hanay! Katarungan sa mga nasugatan at namatay sa demolisyon! Ipaglaban ang karapatan sa paninirahan!

Martes, Abril 3, 2012

Polyetong pinamahagi sa Kalbaryo ng Maralita

“PAMUMUNO NI PNOY,
KALBARYO SA MGA MARALITA
WAKASAN ANG PAGHAHARI NG MGA KAPITALISTA,
KUMILOS PARA SA TAGUMPAY AT PAGBABAGO”

Patuloy ang paglala ng kahirapan, ni katiting na ginhawa’y walang maaninag, nagpapatuloy ang baku-bakong pamumuhay lalo na sa mga maralita ng lunsod.

“Walang wang-wang” at “tuwid na daan” ay para lamang kina Henry Sy, Ayala-Zobel, Lucio Tan, Gokongwei mga kapitalistang ganid sa tubo at mga kasabwat ni PNoy sa Philippine Development Plan (PDP) at Private Public Partnership (PPP). Tuwid ang daan para sa kontraktualisasyon at pagdami ng walang hanapbuhay. Tuwid na daan para sa malawakan , marahas na demolisyon di makatao at ebiksyon at sapilitang paglipat sa mga malalayong relokasyon.

Tuwid ang tele-nobelang “impeachment court” ni Enrile, na nagpatigil na busisiin o bukasan ang “dollar account” ni Coronang Tinik bago tuluyang mabulilyaso ang itinatagong “dollar account” ng mga ito na ginagastusan ng milyon-milyong piso ang pagdinig araw-araw ng mga naghaharing-uri.

Tuwid o higit pa sa pasang krus ang dinaranas ng mga maralita – tuwid ang pagtaas ng presyo ng langis na siguradong bit-bit sa pagsirit sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo lalo na ang dagdag na singil sa pasahe at presyo ng LPG.

Malinaw at dapat sukatin natin si PNoy na katulad din siya ng iba pang namahala sa gobyerno ay mapang-api sa mahihirap at kailangang nang mawakasan ang paghahari nito. Hamunin natin si PNoy dahil wala siyang pakialam sa problema ng maralita at wala siyang magagawa sa pagtaas ng presyo ng langis at dagdag-sahod ng mga manggagawa. Puro na lamang impeachment ang inaatupag ng gobyernong ito at sa halip na pagtuunan ng pansin ang suliranin ng mga mahihirap.

Mga kasama at kapatid na mga manggagawa, tanging sa pakikibaka ng uri ang landas ng ating tagumpay at makakamit ang pagbabago. Mabuhay ang Maralita!

KPML * Piglas Kabataan (PK) * SM-ZOTO * PLM
April 03, 2012

Media Advisory - Kalbaryo ng Maralita

MEDIA ADVISORY
April 03, 2012

PAMUMUNO ni PNoy...KALBARYO NG MARALITA

WHAT: Kalbaryo ng Maralita
WHEN: Abril 03, 2012 (Martes) 9:00 am
WHERE: Harap ng UST, Espana, Manila - 9 am martsa patungo ng Mendiola

Magsasagawa ng “Kalbaryo ng Maralita” bilang paggunita sa “Semana Santa” ang mga lider at kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lunsod (KPML) sa ika-03 ng Abril, 2012 mula sa UST, Espana, Manila patungo ng makasaysayang Mendiola sa ganap na 9:00 ng umaga hanggang 11:00.

Magsasama-samang kikilos ang mga maralita dahil sa patuloy ang paglala ng kahirapan, ni katiting na ginhawa’y walang maaninag, nagpapatuloy ang baku-bakong pamumuhay lalo na sa mga maralita ng lunsod sa pamumuno ni PNoy. Ang “Walang wang-wang” at “tuwid na daan” ay para lamang kina Henry Sy, Ayala-Zobel, Lucio Tan, Gokongwei mga kapitalistang ganid sa tubo at mga kasabwat ni PNoy sa Philippine Development Plan (PDP) at Private Public Partnership (PPP).

Ang “Tuwid ang daan” para sa kontraktualisasyon at pagdami ng walang hanapbuhay. Tuwid na daan para sa malawakan, marahas at di makataong demolisyon at ebiksyon at sapilitang paglipat sa mga malalayong relokasyon.

Tuwid ang tele-nobelang “impeachment court” ni Enrile, na nagpatigil na busisiin o buksan ang “dollar account” ni Coronang Tinik bago tuluyang mabulilyaso ang itinatagong “dollar account” ng mga ito na ginagastusan ng milyon-milyong piso ang pagdinig araw-araw ng mga naghaharing-uri.
Tuwid o higit pa sa pasang krus ang dinaranas ng mga maralita – tuwid ang pagtaas ng presyo ng langis na siguradong bit-bit sa pagsirit sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo lalo na ang dagdag na singil sa pasahe at presyo ng LPG. Kaya ang panawagan natin na:

IBASURA ANG OIL DEREGULATION LAW!
IBABA ANG PRESYO AT TANGGALIN ANG VAT SA LANGIS!
PABAHAY, TRABAHO, SERBISYO, OBLIGASYON NG GOBYERNO!

PHOTO OPS: "Magsasagawa ng Paghahatol kay Kristo bilang Manggagawa at Pagpasan ng Krus na Pahirap sa mga Maralita sa Pagtaas ng mga Presyo ng Pangunahing Bilihin at mag-Noise Barrage".

Lunes, Marso 12, 2012

KUMILOS para ibaba ang presyo ng LPG!

KUMILOS para ibaba ang presyo ng LPG!

KAPAG tumaas ang presyo ng langis, kadalasang kumikilos agad ang sektor ng transport - ang mga tsuper at operator. Alam kasi nilang direkta ang kabawasan nito sa kanilang kita.

Pero ang hindi napapansin, ang numero unong biktima nito ay tayo – mga ordinaryong Pilipino. Hindi lang dahil tumataas ang presyo ng mga bilihin dahil nagmahal ang transportasyon ng mga produkto.

Mas pa, dahil, bunga nito, agad ding tumataas ang presyo ng Liquefied Petroleum Gas o LPG – isang ordinaryong kasangkapang gamit ng milyon-milyon sa pagluluto. Sa madaling salita, ang oil price increase ay umaabot sa kusina at tumatagos sa ating mga sikmura!

Dahil may nagpoprotesta, ang presyo ng diesel at gasolina ay sumasabay sa presyo ng langis sa world market. ‘Yun nga lang, kapag tumaas ang presyo sa buong mundo, mabilis na sumusunod ang lokal na presyo. Kapag bumaba naman sa ibang bansa ay napakabagal kung sumunod ang mga presyo sa Pilipinas.

Pero mas malala ang LPG! Hindi ito gaya ng gasolina’t diesel na naipapasa ng tsuper/operator bilang dagdag pasahe o dagdag na transportation fee. Ito ay direktang gastusin ng taumbayan!

Hindi lang ‘yon. Tulad ng gasolina’t diesel, tumataas ang presyo ng LPG kapag tumaas ang langis sa pandaigdigang merkado. Pero hindi gaya ng ibang produktong petrolyo, ang LPG ay hindi sumasabay kapag bumaba ang world oil prices. Kaya ngayon, ang 11 kg. LPG ay nagkakahalagang P900-P1000!

Hamunin natin si PNoy. Kung matapang siya laban kay Corona at mga Arroyo, ilabas niya din ang kanyang tapang laban sa mga dambuhalang kompanya ng langis! Kontrolin niya ang presyo ng langis, lalo na ng LPG! Ating ipaglaban ang mga sumusunod na kahilingan:

1) Para sa Department of Trade and Industry (DTI): Ikategorya ang LPG bilang “basic commodity” o pangunahing bilihin para makontrol ng ahensya ang presyo nito. Bantayan ang presyo nito gaya ng pagbabantay ng DTI sa presyo ng asukal, sardinas, tinapay, arina, atbp.

2) Para sa Malakanyang: Ibasura ang Oil Deregulation Law. Kontrolin ang presyo ng langis. Sapagkat ang pagtaas nito ay may matinding epekto sa buhay ng milyon-milyong katao. Alisin ang VAT sa langis! Kayo na mismo ang umamin – noong 2011 – na bawat $1 pagtaas sa presyo ng krudo sa world market ay nangangahulugan ng dagdag na koleksyong P1 Bilyon mula sa VAT! Buwagin ang Oil Cartel at LPG Cartel.

3) Para sa LPGMA o Liquefied Petroleum Gas Marketers Association: Ibaba ang presyo ng LPG! Huwag kayong umastang maliliit na negosyante dahil bilyon-bilyon ang inyong puhunan.

4) Tanggalin sa Batasan si Cong. Arnel Ty ng LPGMA partylist. Ang LPGMA ay binubuo ng mga kompanyang nagbebenta ng LPG pero hindi sila maliliit na negosyante kundi mga kapitalistang may bilyon-bilyong puhunan. Sila ay hindi marginalized o inaaping sektor kung di sila mismo ang isa sa mga nang-aapi sa taumbayan.

Mga kapatid na manggagawa at maralita! Halina’t kumilos para ibaba ang presyo ng LPG. Lumahok sa mga protesta. Sumama sa mga pagkilos. Hindi magkukusa ang mga kapitalista – lalo na ang kanilang mga kauri sa gobyerno – na ibaba ang mga presyo dahil sila ang nakikinabang sa ating kahirapan! Ang ating kinabukasan ay nasa sarili nating kamay.

KPML – SM ZOTO – PK – PLM
Marso 12, 2012

Linggo, Pebrero 19, 2012

Babae - ni Cynthia Kuan, ZOTO

BABAE
ni Cynthia Kuan

I

Babae, ikaw daw ay hinugot sa tadyang ni Adan
Kaya dapat lang na ikaw ay andyan lang
Tama lang ba na ikaw ay simple lang
Kung ikaw naman ay may alam?

Iyong karapatan ay dapat ipaglaban
Marapat lamang iyo itong ipaalam
Ipabatid, ibahagi ng buong paham
Nang sa gayon ay malaman
ang iyong kahalagahan

II

Babaeng feminista, babaeng aktibista
Ikaw ay simbulo ng katatagan
Katapangan, di matawaran
Ng maging sino ka man...

Ikaw ba ay sadyang ganyan
O hinubog ng karanasan
Nililok, hinulma, pinanday ng kaalaman
Anuman ang iyong pinagdaanan
Imahe ka ng iyong kasarian..

Martes, Pebrero 7, 2012

Martsa ng Maralita mula sa Evacuation Centers hanggang Navotas City Hall

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD
NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

MEDIA ADVISORY
Pebrero 7, 2012

MARALITANG BIKTIMA NG BAGYONG PEDRING,
MAGPIPIKET BUKAS SA NAVOTAS CITY HALL

Kitaan: harap ng Barangay Hall, Brgy. NBBS, Lapu-lapu St., Navotas, 7am
Kailan: Pebrero 8, 2012, 7am, martsa hanggang Navotas City Hall, 8am
Programa sa harap ng City Hall, 8am-11am

Magmamartsa mula sa harapan ng Barangay Hall, Brgy. NBBS, Lapu-lapu St., Navotas hanggang sa Navotas City Hall ang mga maralita mula sa iba't ibang evacuation centers sa Navotas upang ipanawagan sa pamahalaang lokal ng Navotas na asikasuhin sila sa kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Sila'y pawang mga biktima ng bagyong Pedring na nawalan ng bahay sa dalampasigan ng Navotas. Limang (5) buwan na sila sa mga evacuation centers ngunit wala pa ring malinaw na programa sa kanila sa katiyakan ng kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Ang mga evacuation centers ay sa Phase 1A, Phase 1B, Phase 1C, Kapitbahayan, Phase 2 Area 1, Tumana, NBBN, Piscador, kasama ang mga maralita sa komunidad ng Daanghari site, R-10 Samana ZOTO, at Bangkulasi.

Ayon kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod-National Capital Region-Rizal) Chapter, "Ang mga maralita sa mga evacuation centers ay mga tao ring katulad natin. Ngunit dahil sa bagyong Pedring, marami ang nawalan ng tahanan, di na nakapag-aral ang mga anak, nawalan ng trabaho, di kumakain ng sapat sa araw-araw, marami nang nagkakasakit na bata at matanda, at malaking usapin ng seguridad ng mga evacuees. Di maaring nakatunganga na lang ang maralita kaya sila'y nakikibaka sa araw-araw upang tiyaking matamasa ng kani-kanilang pamilya ang kanilang karapatan sa maayos at sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan."

Tanong nga ng mga maralita, “Mayor, Nasaan na ang programa mo para sa pabahay at serbisyo? Hirap na hirap na kami sa evacuation center”.

· PABAHAY, TRABAHO, SERBISYO, OBLIGASYON NG GOBYERNO!
· IN-CITY RELOCATION, IPATUPAD!
· ITIGIL ANG PAGHIHIGPIT SA MGA BIKTIMA NG PEDRING!
· I-PRAYORIDAD ANG EDUKASYON AT KALUSUGAN NG MGA BATA AT KABATAAN SA EVACUATION CENTER

Biyernes, Pebrero 3, 2012

Pahayag ng KPML-NCRR sa nangyaring rali sa DOE

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD
NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

Press Statement
Mula kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR
Pebrero 3, 2012

PAGKONDENA SA GINAWANG HARASSMENT NG MGA GWARDYA SA GLOBAL CITY

Nagrali kaninang umaga ang may dalawampung myembro ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)-NCRR sa harap ng Department of Energy (DOE) upang iprotesta ang patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG at langis. Mula sa P500 nuong nakaraang taon, malaki na ang itinaas ng presyo ng LPG, tulad ng Gasul - P736.00, Shellane - P787.00, Total Gas - P770.00, M Gas - P721.00 at Liquigaz - P750.00.

Sa kabila ng matagumpay na protesta sa harapan ng DOE, naramdaman ng maralitang parang martial law sa Global City sa Taguig. Pagdating sa Taguig sa loob ng Global City bandang ika-10:15 ng umaga, nagtanong ang isa naming kasamahan sa isang gwardya ng Global City kung nasaang banda ang opisina ng Department of Energy. Ang ginawa ng gwardya ay hiningi ang lisensya ng drayber ng dyip. Sabi, bawal daw kaming pumasok dahil private daw ang Global City. Pribado pero walang gate, pribado pero walang toll fee. Mali na pala ang magtanong. Huhulihin ka! Sabi nga ng mga maralita, masama na pala magtanong sa mga gwardya. Ang gwardyang napagtanungan ay nakilalang si Andy Capoquian, habang ang kasama naman nitong gwardya rin ay si Al Vallejo. Hindi nila ibinalik sa drayber ang lisensya. Ang mga gwardya ay kasapi ng Aglipay Guard at BGC State Enforcer.

Hinarangan ang mga maralita sa bandang STI. Kaya bumaba na sila ng dyip upang tumungo sa DOE. Bago nakarating sa opisinang iyon, nakipaghabulan muna ang mga maralita sa mga gwardyang humarang na parang kriminal na tinutugis sa loob ng pribadong pag-aari ng kapitalistang ganid. Nakarating ang mga maralita sa harapan ng gate ng DOE kung saan doon na sila nakapagprograma. Mga 10:30 hanggang 11:30 ng umaga iyon.

Tinanong din ng gwardya kung merong bang permit ang mga maralita. May police power na ba ang mga gwardya? Sa Artikulo 3, Seksyon 4 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, ginagarantyahan ang kalayaang magpahayag, kasama na sa pagpapahayag na ito ang pagrarali. Dahil ang pagrarali ay sama-samang pagpapahayag. At ang Department of Energy ay departamento ng gobyerno, at hindi ng pribado. Parang hindi kasama ang mga gwardyang ito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Halos lahat ng maralita ay nagsalita lalo na ang mga kababaihang nahihiya dating magsalita upang ilabas ang kanilang galit sa mga gwardyang humarang. "Mataas na ang presyo ng LPG, pahirap na ng pahirap ang buhay, bakit kaming mga maralita ay lalo pang pinahihirapan ng gobyernong ito. Ang mga gwardyang ito'y makikinabang din naman kung bumaba ang presyo ng LPG.”

Pagkatapos naming magprograma, bumalik silang nagmamartsa papunta sa dyip. Ngunit hindi kaagad sila nakaalis dahil ayaw ibigay ng gwardyang nakakuha ng lisensya ng driver ang lisensya nito, kaya sa harapan ng STI ay muling nagprograma ang mga maralita upang ibalik ng gwardya ang lisensya ng drayber. Nang nasa DOE pa ang mga maralita, sinabihan umano ng isang gwardya ang drayber na babarilin.

Bandang ala-una na nakaalis ang mga maralita. Nakabalik ang mga maralita sa kanilang lugar bandang alas-3 na ng hapon.

Oil Deregulation Law, Ibasura!
Pagtaas ng presyo ng LPG, pahirap sa masa!
Tutulan, Labanan ang Pagtaas ng Presyo ng LPG!
Mga Gwardya, Maging Makatao Sana!

Huwebes, Pebrero 2, 2012

Press Statement - Rali ng Maralita sa DOE

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD-NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

Press Statement
February 3, 2012
Allan Dela Cruz (President, KPML-NCRR)

PROTESTA NG MARALITA LABAN SA
PAGTAAS NG PRESYO NG LPG AT LANGIS

Nagsagawa ng kilos-protesta kaninang umaga ang mga maralita mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal chapter (KPML-NCRR) sa harapan ng Department of Energy (DOE) dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG at langis. Pag tumaas ang presyo ng langis ay agarang magtataasan din ang presyo ng mga batayang bilihin, tulad ng bigas, isda at mga gulay.

Ayon kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR, "Nung nakaraang taon lamang, ang LPG ay nasa P500.00, ngunit ngayon, higit P700.00 na ang 11-kg na LPG. Nariyan ang Gasul - P736.00, Shellane - P787.00, Total Gas - P 770.00, M Gas - P721.00, Liquigaz - P750.00."

Dagdag pa ni Dela Cruz, “Nagtaas ngayong taon ang diesel ng halagang P2.70 bawat litro habang nagtaas naman ng halagang P3.20 ang gasolina bawat litro. Ngunit nag-rollback lamang ito ng halagang 80 sentimos sa diesel at 20 sentimos naman sa gasolina. Matutuwa na ba tayo sa kakarampot na rollback na iyon? Gayong kaytaas pa rin ng patong na P1.90 sa diesel at P3.00 sa gasolina sa orihinal na presyo nito. Dito pa lang ay kita na natin kung gaano katuso ang mga kapitalista. Ito ang totoong larawan ng “corporate greed” o kasakiman ng mga korporasyon ng mga kapitalista. Kunwari’y nag-rollback gayong napakataas pa rin ng patong nila sa presyo.”

“Kaya panawagan namin sa KPML-NCRR, tigilan na ang sobrang pagtaas ng presyo ng LPG at ng langis!”


Oil Deregulation Law, Ibasura!
Tutulan, labanan ang pagtaas ng presyo ng LPG!
Pagtaas ng presyo ng LPG, pahirap sa masa!




KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD-NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

Press Statement
February 3, 2012
Allan Dela Cruz (President, KPML-NCRR)


URBAN POOR PROTEST AGAINST
LPG PRICE INCREASE AND OIL PRICE HIKE

The urban poor group, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal chapter (KPML-NCRR) rallied in front of the office of the Department of Energy (DOE) this morning to protest the continued rise of prices of oil and LPG. They said the oil price hike directly affects the prices of basic commodities, such as rice, fish and vegetables.

Allan Dela Cruz, KPML-NCRR president, said, "Last year, the 11-kg of LPG has price of P500.00, but today, it increased by more than P200.00, such as Gasul - P736.00, Shellane - P787.00, Total Gas – P770.00, M Gas - P721.00, Liquigaz - P750.00."

Dela Crus added, “The price of diesel has increased this year. Diesel has increased by P2.70 per liter, while gasoline has increased by P3.20 per liter. But these prices have been roll backed, not in its original price, but by few centavos; P0.80 centavos for diesel and P0.20 centavos for gasoline. This rollback reflects how clever the capitalists are. This is corporate greed. They will announce a rollback to appease the consumers, but the prices did not go back to the original price.”

“That’s why we at the KPML-NCRR call on DOE, the government, and the oil companies, Stop Oil Price Hike! Stop the increase of LPG prices!”


Oil Deregulation Law, Ibasura!
Tutulan, labanan ang pagtaas ng presyo ng LPG!
Pagtaas ng presyo ng LPG, pahirap sa masa!

Lunes, Enero 16, 2012

Karahasan sa Demolisyon sa Jose Corazon de Jesus

KARAHASAN SA DEMOLISYON SA JOSE CORAZON DE JESUS

ni Greg Bituin Jr.


Ang naganap na demolisyon sa Brgy. Jose Corazon de Jesus sa San Juan noong Enero 11 ay sadyang kalunos-lunos. Ngunit kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) ay nagpupugay sa ginawang depensa ng mga kapatid naming maralita sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa pabahay at kinabukasan. Nagkabatuhan, nagkasakitan, nawalan ng tahanan ang mga pamilya, nawalan ng matutulugan ang kanilang mga anak, nasa tatlumpung katao ang hinuli ng pulis dahil sa pagdepensa sa kanilang bahay.


Para silang mga dagang itatapon sa relokasyon sa Montalban, Rizal; isang relokasyong malayo sa kanilang trabaho, isang relokasyong malayo sa paaralan ng kanilang mga anak, isang relokasyong ang totoong kahulugan ay dislokasyon ng kanilang buhay. Masakit sa mata ng mga naghaharing uring elitista ang mga maralita. Kaya nais ng mga itong itaboy na parang mga daga ang mga maralita. Tulad ng naganap sa Brgy. Mariana at North Triangle sa Quezon City, tulad ng demolisyon sa kanto ng Shaw Blvd., at 9 de Pebrero sa Mandaluyong, tulad ng demolisyon sa Laperal Compund sa Makati, at sa iba pang mga demolisyon sa kalunsuran, iisa ang padron: ang itaboy ang maralita sa kabundukan dahil etsapuwera sila sa kalunsuran.


Panahon nang magkaisa ang mga maralita upang labanan ang ganitong mga pasistang patakaran ng mga elitista. Hindi mga hayop ang mga maralita, kundi tao. Taong may karapatang mabuhay, taong may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan, taong masisipag bagamat naghihirap, taong nagsisikap para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Sa paglilipatang relokasyon sa kanila, bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay, kahit pa sabihing binigyan sila ng tigsasampung libong piso (P10,000) bawat pamilya, na mumo lang kung ikukumpara sa limpak-limpak na tubo ng mga nais mag-okupa ng lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Balewala sa mga Ayala, Henry Sy, Araneta, Gozon, at iba pa ang barya-baryang ibinibigay nila sa maralita dahil kaya nila itong mabawi pag naitayo na nila ang kanilang negosyo sa pinagtanggalan sa mga maralita. Ngunit mahirap na nga ang maralita, ang ibinigay na bahay sa relokasyon ay di talaga bigay, dahil negosyo ang pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita.


Panahon nang magkaisa ang lahat ng maralita laban sa demolisyon. At dapat pag-aralan na rin ng maralita ang iba't ibang modelo ng pabahay sa iba't ibang bansa, tulad ng Cuba, na ang bayad sa bahay, kundi man libre, ay batay sa kakayanan ng maralita. Ibig sabihin, batay sa kinikita ng maralita at hindi batay sa dikta ng negosyo. Maraming mga modelo sa pabahay, ngunit marahil, kailangan pa ng maralita ang totoong mag-alsa laban sa sistemang kapitalismo, dahil ito ang pahirap sa kanila. Dahil ang karapatan sa pabahay ay negosyo ng iilang mayayaman, pabahay na hindi kayang bayaran ng mga maralitang kakarampot na lang ang kinikita, at kulang pa para sa kanilang pagkain sa araw-araw.


Dapat pag-aralan din ng maralita ang lipunang kanyang ginagalawan. Bakit nga ba kapitalismo ang sistema? At bakit sa ilalim ng kapitalismo, patuloy na naghihirap ang sambayanan? Simpleng kurapsyon lang ba ang problema na tulad ng elitistang pangulo? Bakit dapat mag-alsa ang mga maralita laban sa bulok na sistema ng lipunan? Bakit sa ilalim ng kapitalismo'y binabayaran ang bawat karapatan, tulad ng karapatan sa pabahay at karapatan sa kalusugan?


Maralita, tapusin na natin ang panahon ng pananahimik at pagsasawalang-kibo. Panahon na upang magpasya tayo, di lang para sa ating sarili, kundi para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Lunes, Disyembre 19, 2011

Pahayag ng grupong Maso at Panitik sa ika-25 anibersaryo ng KPML

Pahayag ng grupong Maso at Panitik sa ika-25 anibersaryo ng KPML
Disyembre 18, 2011

mula sa http://masoatpanitik.blogspot.com/2011/12/pahayag-sa-ika-25-anibersaryo-ng-kpml.html

Nagpupugay ang sosyalistang grupong pampanitikang Maso at Panitik sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) ngayong Disyembre 18. Isa itong okasyon ng pagdiriwang at pagninilay sa pakikibaka, tagumpay, kabiguan at pagpapatuloy ng KPML, bilang sosyalistang sentro ng maralita, sa nakaraang dalawampu't limang taon. Isang kasaysayan ng pagpapatuloy sa hanay ng maralitang nakikibaka laban sa lupit ng demolisyon, laban sa kahirapan, laban sa bulok na sistema. Isang kasaysayang dapat magsilbing inspirasyon bagamat patuloy na naghihirap ang maralita, patuloy ang mga demolisyon ng kabahayan sa kalunsuran, patuloy ang pagpapatapon sa maralita sa mga relokasyong malayo sa kanilang trabaho.

Mula nang isilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, patuloy itong nakibaka para makamit ng mga maralita ang kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Marami nang lider-maralita ang nagbuwis ng buhay para sa kapakanan ng maralita. Nariyan si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, na namatay habang nakikipagdebate sa loob ng Senado para ipagtanggol ang kapakanan ng maralita laban sa demolisyon. Nariyan ang ipanalo ng KPML ang iba't ibang isyu laban sa demolisyon, tulad ng tagumpay ng mga maralita sa Sitio Mendez.

Nariyan ang pakikibaka laban sa paglaganap ng HIV at AIDS, kampanya laban sa child labor at kontraktwalisasyon, kampanya para sa pabahay at karapatang pantao. Nariyan ang patuloy na pagkilos sa parlyamento ng lansangan upang ipaglaban ang karapatan ng maralita sa paninirahan at iba pang isyung pulitikal, at ipakita ang pakikiisa at pagdamay sa laban ng iba’t ibang aping sektor ng lipunan, tulad ng manggagawa, magsasaka, kabataan at kababaihan. Nariyan ang mga lider-maralita at kasapian nitong nananatiling matatag at hindi tumitigil sa kanilang pakikibaka upang ipalaganap ang sosyalistang adhikain ng organisasyon, buhay man ang ialay. Marami mang sakripisyo ang pinagdaanan ng KPML, nananatili itong matatag sa anumang unos na dumatal sa organisasyon.

Ang KPML bilang sosyalistang organisasyon ng maralita ay dapat magpatuloy at huwag panghinaan, sa gitna man tayo ng delubyo ng globalisasyon, sa ilalim man tayo ng bulok na sistemang kapitalismo, dapat magpatuloy ang mga maralita at higpitan ang pagkakaisa tungo sa pagkakamit ng kanilang bisyon, misyon at layuning nakaukit sa kanilang programa, plataporma at saligang batas hanggang sa tagumpay.

Patuloy tayong makibaka. Patuloy nating hawanin ang landas tungo sa adhikain nating lipunan. Kaya sa okasyong ito, isang pagpupugay para sa mga lider at kasapi ng KPML. Tuloy ang laban tungo sa pagkakamit ng sosyalismo, tungo sa lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, tungo sa lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang ugat ng kahirapan.

Mabuhay ang KPML! Mabuhay ang sosyalistang sentro ng maralita!

Linggo, Nobyembre 6, 2011

Kabaliwan ng Sistemang Demolisyon at Kabalintunaan ng Relokasyon

KABALIWAN NG SISTEMANG DEMOLISYON AT KABALINTUNAAN NG RELOKASYON
ni Greg Bituin Jr.

Ilang beses na nating napanood sa telebisyon ang pakikipagbatuhan ng mga maralita sa mga demolition team. Sa Mariana at North Triangle sa QC, sa Laperal Compound sa Makati, sa R10 sa Navotas, at sa marami pang lugar sa kalunsuran. Nagkakabatuhan. Bato na ang naging sandata ng maralita upang ipagtanggol ang kanilang tahanan, upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Bato, imbes na M16, AK-47 o kalibre 45. Batong pananggalang nila sa kanilang karapatan. Batong pandepensa sa niyuyurakan nilang pagkatao at dignidad. Batong pamukpok sa ulo ng gobyerno para magising ito sa tungkulin nitong bigyan ng maayos na tahanan ang bawat mamamayan, kasama ang maralita.

Mararahas daw ang mga maralita. Dahas daw ang pambabato ng mga ito sa mga nagdedemomolis. Ulol talaga ang mga nagkokomentong iyon. Sila kaya ang tanggalan ng tahanan ng mga maralita kung hindi rin nila ipagtanggol ang kanilang tahanan. Alangan namang di lumaban ang maralita, at sabihan nila ang mga nagdedemolis ng "Sige po, wasakin nyo na po ang bahay namin, sirain nyo na po ang kinabukasan ng aming mga anak, at titira na lang po kami sa kalsada."

Di kasalanan ng maralita kung mambato sila. Sagad na nga sila sa sakripisyo at paghihikahos, tatanggalan pa sila ng bahay. Kahit sino ang tanggalan mo ng tahanan, tiyak na lalaban, tulad ng mga maralitang nakikipagbatuhan. Depensa nila ang mga bato, ekspresyon nila ng galit ang pakikipagbatuhan sa demolition team. Dahil karahasan din ang ginagawa sa kanila - ang karahasang idemolis ang kanilang bahay at kinabukasan.

Bakit kailangang umabot pa sa batuhan?

Una, dahil sa kabaliwan ng sistemang demolisyon. Wala itong pagsasaalang-alang sa buhay at dignidad ng maralita. Ang alam lang ng nagdedemolis ay mapalayas ang maralita at bahala na ang mga ito sa buhay nila, tutal masakit sila sa mata ng mga mayayaman.

Ikalawa, dahil di nagsusuri ang mga matatalino sa gobyerno. Basta nakitang barungbarong ang tahanan ng maralita, ang problema agad nila ay bahay, kaya ang solusyon ay palayasin o kaya naman ay bibigyan ng bahay na malayo sa hanapbuhay ng maralita. Kung magsusuri lang sana ang gobyerno, matatanto nilang nagtitirik ng bahay ang maralita kung saan malapit sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, malapit sa trabaho, malapit sa pagkukunan ng ilalaman sa tiyan ng pamilya. Umalis sila ng probinsya dahil walang trabaho roon at dito sa lungsod nakahanap ng ikinabubuhay nila.

Ikatlo, dahil hindi kinakausap nang maayos ang mga maralita nang may pagsasaalang-alang sa kanilang buhay at kinabukasan. Ni hindi man lamang inunawa na ang kanilang kailangan ay hindi lang bahay, kundi trabaho at serbisyong panlipunan. Dapat unawain na hindi lang bahay ang problema ng maralita kundi ang kahirapan. Kaya sa bawat usapin ng maralita, dapat tandaang magkasama lagi ang kanilang tatlong mahahalagang usapin - ang pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Dahil isa lang diyan ang mawala ay problema na sa maralita.

Kabalintunaan din ang relokasyon sa malalayong lugar.

Una, ineengganyo ang mga maralita na magpa-relocate na dahil mas maganda raw ang buhay ng maralita pagdating sa relokasyon. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari, mas naghihirap ang maralita sa relokasyon. Patunay dito ang naganap sa relokasyon sa Pandakaqui, Pampanga at sa Calauan, Laguna, na ayon sa ilang saksi ay nagaganap, halimbawa, ang bentahan ng puri kapalit ng kilong bigas.

Ikalawa, bibigyan ng bahay ngunit inilayo sa trabaho. Dahil di nila makain ang bahay, ang tendensiya, marami sa maralita ang nagbebenta ng ibinigay na bahay na malayo sa kanilang trabaho, upang magtirik muli ng bahay at muling maging iskwater sa lugar na malapit sa kanilang trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay. Dapat maunawaan ninuman, lalo na ng mga taong gobyerno, na kaya nagtayo ng bahay ang maralita sa kinatitirikan nila ngayon ay dahil malapit ito sa kanilang trabaho. Ang ilayo sila sa kanilang trabaho upang i-relocate sa malayo ay talagang nakakagalit at hindi katanggap-tanggap.

Ikatlo, ang ibinigay na bahay ay pababayaran ng mahal sa maralitang katiting na nga lang ang kinikita, ang bahay pa'y batay sa market value at escalating scheme (itinakdang pagtaas ng presyo sa takdang panahon), at hindi batay sa kakayahan ng maralita.

Ikaapat, ang totoong kahulugan ng relokasyon ay dislokasyon. Giniba na ang bahay, pinalayas pa, inilayo pa sa trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay, kaya tiyak na lalong gutom at kahirapan ang inaabot ng mga maralitang pamilya.

Kaya makatarungan ang panawagan ng maralita na in-city housing dahil malapit sa kanilang trabaho, at onsite development dahil dapat kasama ang maralita sa pag-unlad, hindi lang pag-unlad ng kalsada at mga negosyo. Panawagan ng maralita na imbes na sa market value nakabatay ang halaga ng pabahay, dapat ibatay ito sa kakayahan ng maralitang magbayad. Mungkahi nga'y sampung bahagdan (10%) lamang ng kita isang buwan ng maralita ang dapat ilaan sa pabahay, at hindi batay sa presyong nais ng kapitalista, o market value, dahil nga walang kakayahang magbayad ang maralita, kulang pa sa pagkain ang kanilang kinikita'y pagbabayarin pa sa pabahay. Halimbawa, dalawang libong piso (P2,000.00) ang buwanang kita ng isang mahirap na pamilya, P200 lang ang dapat ibayad nila sa bahay, at hindi dapat maipambayad ang salaping nakalaan na sa edukasyon, pagkain, kuryente, tubig at iba pang bayarin. Hindi dapat batay sa market value ang bahay, dahil karapatan ang pabahay at hindi negosyo.

Kinikilala pa ba ng kasalukuyang lipunan na ang mga maralita’y mga tao ring tulad nila? Kung laging etsapwera ang maralita, nararapat lamang magkaisa sila’t lumaban at tuluyan nang baguhin ang mapang-aping lipunang ito. Dapat magkaisa ang lahat ng maralita bilang iisang uri at lusawin na ang konseptong demolisyon at relokasyon!

Hangga't nagaganap ang batuhan sa demolisyon, hangga't inilalayo ang maralita sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, masasabi nga nating sadyang baliw ang sistemang demolisyon at sadyang balintuna ang iskemang relokasyon, dahil wala na ito sa katwiran at walang paggalang sa karapatang pantao at dignidad ng maralita. Hangga't may marahas na demolisyon at sapilitang relokasyon, magkakaroon muli ng batuhan bilang depensa ng maralita sa kanilang karapatan sa paninirahan. At marahil hindi lang mga demolition team at mga kalalakihan ang magkakasakitan, masasaktan din ang mga kababaihan at kabataang sapilitang inaagawan ng karapatang mabuhay ng may dignidad.

Sabado, Oktubre 22, 2011

polyeto - Occupy Wall Street, Occupy Ayala - Oktubre 21, 2011

Nilalaman ng polyetong ipinamahagi sa isinagawang pagkilos sa Ayala, Makati, Oktubre 21, 2011.

PAGKAGANID SA TUBO: PAHIRAP SA MASANG PINOY

Nakikiisa kami sa pandaigdigang panawagan laban sa pagkaganid sa tubo at emperyo ng kapitalismo. Itinuturing namin ang "Occupy Wall Street" bilang inspirasyon sa mundong pinaagas ng mga pandaigdigang monopolyong korporasyon.

Doon sa puso ng kaaway - sa pinakamalaking kapitalistang ekonomya ng mundo - sumisigaw, kumikilos ang mga manggagawang Amerikano sa iba't ibang syudad laban sa pinakamalaking agwat ng mayaman at mahirap sa mahabang kasaysayan ng sistemang kapitalismo sa daigdig.

Ang "Occupy Wall Street" ay naghawan ng bagong daan na nagpadaluyong ng protesta sa buong mundo laban sa bulok na sistemang kapitalismo na ugat ng kahirapan ng sangkatauhan. Sa maraming bansa, inokupa ng mga nagpoprotesta ang mga plaza upang ipakita ang kanilang matinding galit sa pagkaganid ng mga korporasyong kapitalista.

Tayong mamamayang Pilipino ay matagal na ring biktima ng pagkaganid sa tubo ng mga kapitalista, kaya nagpoprotesta kami dito sa Philippine stock Exchange na simbolo ng walang hanggang pagkauhaw sa tubo.

Ngunit higit na mahalaga ang nilalaman kaysa porma, lumalahok kami sa pandaigdigang panawagang "Mamamayan muna bago tubo." Kaya, dapat unahin ng gubyerno ang kapakanan ng mamamayan kaysa pagkamal ng tubo ng iilang mayaman na.

Nananawagan kami sa Gubyernong Aquino - sa ngalan ng katarungang panlipunan - na baliktarin ang sumusunod na tunguhin, na pawang salaminan kung paanong ang pagkaganid sa tubo ay nagpapahirap sa mamamayang Pilipino:

1. No to Outsourcing and Contractualization! Humingi ng paumanhin sa publiko ang Pangulo sa pagbabanta niyang kasuhan ang PALEA ng “economic sabotage.” Magdeklara ng polisiya na protektahan ang karapatan sa regular at tiyak na trabaho laban sa abusadong paggamit sa “management prerogative” gaya ng outsourcing at downsizing.

2. No to Oil Deregulation! Repasuhin ang mga polisiya kung paano ibabalik ang pagkontrol sa presyuhan ng langis. Sapat na ang labintatlong taong ebidensya para patunayang kung walang kontrol ang gubyerno, walang depensa ang mamamayan sa napakatakaw na pagkamal ng tubo ng mga kapitalista sa langis.

3. In-city Development! Makatao at sustenableng kondisyon (hindi mataas na presyo para sa mga kapitalista sa real estate) ang dapat na pagsimulan ng anumang usapan at resolusyon sa problema ng maralitang lungsod.

4. No to Privatization! Ang pagbebenta ng gubyerno sa pribado (lokal at dayuhang kapitalista) ng mga batayang serbisyong panlipunan gaya ng kuryente, tubig at kalsada ay nagbunga ng sobrang taas na presyo. Di dapat talikuran ng gubyerno ang tungkulin nito sa mamamayan na maglaan ng sapat na pondo, maalam na tauhan, at episyenteng pangangasiwa para sa serbisyong panlipunan. Itigil ang pribatisasyon; huwag pagkaitan ang mamamayan ng serbisyong panlipunan.

5. No to Liberalization! Di dapat iasa ang ekonomikong pag-unlad sa dayuhang puhunan gaya ng dayuhang monopolyo kapital at produkto ng mga dayuhan. Paunlarin ang ekonomya sa pamamagitan ng industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura.

6. Climate Justice Now! Ang pagkaganid sa tubo ng kapitalismo ay di lamang nagkakait ng trabaho at sapat na kita sa mamamayan kundi banta o panganib rin ito sa ating kinabukasan. Ang mundo ay para sa lahat. Itaguyod ang sustenable at planadong paggamit ng likas-yaman.

SANLAKAS
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT)
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA)
Partido Lakas ng Masa (PLM)
Kalayaan!
Makabayan Pilipinas
SM-ZOTO

Unified Press Statement - Occupy Ayala mob

UNIFIED PRESS STATEMENT
October 21, 2011

SANLAKAS
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT)
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Samahan ng mga Mamamayan-Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO)
Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA)
Partido Lakas ng Masa (PLM)
KALAYAAN
Makabayan-Pilipinas

Corporate Greed: Wrecking havoc on the Filipino People

Our organizations join the worldwide call against “corporate greed” and the empire of capitalism. We look up to “Occupy Wall Street” (OWS) as a beacon to a world bled dry by global monopoly corporations.

Right at the very heart of the enemy – at the biggest capitalist economy – American workers have spontaneously begun to speak out against the widest rich-poor divide in the history of capitalism; not with their voices but with their feet by occupying selected choke points in several key cities in the US.

OWS is a trailblazer that set a wave of anti-capitalist protests around the world. In various countries, protesters have occupied public spaces to express their sentiment against corporate greed.

Because we are inspired by the resurgence in America, we are staging a protest here at the Philippine Stock Exchange - right before the institution which symbolizes capital’s naked and insatiable drive for profit.

But more important than the form is the substance, we are joining the global call for “People before Profit”. Indeed, government must heed the primacy of people’s welfare over the right to profit by the elite few.

We are calling on the Aquino administration – in the name of social justice – to reverse the following trends, which are all manifestations of how corporate greed is wrecking havoc on the Filipino people:

a) No to Outsourcing! The President must issue a public apology for threatening to sue PALEA with “economic sabotage”. Declare a policy of protecting the right to regular and secure jobs against abusive practices of management prerogative such as outsourcing and downsizing.

b) No to Oil Deregulation! Review policies on how to revert back to a regulated oil market. Thirteen years of deregulation is enough evidence to prove that without state intervention, the public would be defenseless against shameless profiteering by the oil oligarchs.

c) In-city Development! Humane and sustainable conditions (not higher land values for real estate moguls) should be the starting point of any resolution to the urban poor question.

d) No to Privatization! The sale of basic public social services (i.e., electricity, water, roads) to the private sector (local and foreign) has resulted in exorbitant prices. Government should not turn its back on its role to provide its people social goods and services. End privatization schemes; do not deny the people of social services.

e) No to Liberalization! Economic development should not be dependent on foreign investment (i.e., foreign monopoly capital) much less foreign products. Develop the national economy through industrialization and modernization of agriculture.

f) Climate Justice Now! Capitalism’s greed does not only deny jobs and income to the people but also threatens our future. The world is for everyone. Uphold sustainable and planned utilization of natural resources.

Martes, Setyembre 20, 2011

polyeto - Ibasura ang VAT at Oil Deregulation Law

LABANAN ANG KAHIRAPAN!
IBASURA ANG VAT AT OIL DEREGULATION LAW!

Hindi lamang mga tsuper ng mga pampasaherong dyip, taksi at bus ang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis. Higit na tinatamaan dito ang mga consumer o ang taumbayan. Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tataas tiyak ang presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, isda, karne, gulay, at iba pa. Alam ito ng mga maralita. Dagdag na naman itong pahirap sa dati nang kalunos-lunos na kalagayan ng mga maralita't manggagawa.

Monopolyado na ng malalaking kumpanya ng langis sa bansa ang pamilihan. Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, itinataas din ng lokal na mga kumpanya ng langis ang presyo. Ngunit pag bumaba naman sa world market ang presyo ng langis, alam nyo bang napakakaunti lang ang ibababa, kung ibababa, ng mga lokal na higanteng kumpanya ng langis ang presyo. Maliwanag ang mga pagsasamantala ng mga kumpanya ng langis upang lalong magkamal ng limpak-limpak na tubo habang isinasakripisyo ang buhay ng karaniwang mamamayan.

Ngunit ang sabi ng pamahalaan, wala raw silang magagawa. Pagkat itinali na raw ang kamay nila ng oil deregulation law. Aba'y huwag silang magpatali doon. May magagawa sila kung talagang nais nilang maglingkod sa samabayanan. May magagawa sila kung totoo ngang ang sambayanan ang Boss ni P-Noy. May magagawa sila kung talagang walang corrupt upang walang maghirap. May magagawa sila kung talagang ang nilalandas nila'y tuwid na daan. Sabi nga, pag gusto, maraming paraan, pag ayaw, maraming dahilan.

Ang dapat nilang gawin, ibasura ang oil deregulation law upang maibalik sa pamahalaan ang pagdikta ng presyo ng langis, at hindi ang merkado ang bahala sa pagtaas at pagbaba ng presyo nito.

Dapat patunayan ng pamahalaang ito na tunay nga silang naglilingkod sa sambayanang Pilipino, at hindi sa mga dambuhalang kumpanya ng langis na patuloy na nagsasamantala sa ating mga kababayan.

Dapat patunayan ng pamahalaan ni P-Noy na may magagawa sila dahil ang tumatahak nga tayo sa tuwid na landas, o marahil kaya ayaw nilang gawin dahil ang nilalandas natin ay tuwid na daan patungong impyerno.

Mamamayan, magkaisa. Labanan ang kahirapan. Labanan ang mga nagpapahirap sa sambayanan. Sama-sama tayong kumilos upang igiit:

1. Panagutin ang mga manlolokong kuimpanya ng langis sa bansa.
2. Agarang i-rolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo higit pa sa P9.00 kundi sa makatarungang presyo nito.
3. Ibasura ang Oil Deregulation Law.
4. Alisin ang Value-Added Tax sa Langis at iba pang kalakal na mahalaga sa buhay ng manggagawa at masang Pilipino.

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML)
PAGKAKAISA NG MANGGAGAWA SA TRANSPORTASYON (PMT)
Setyembre 20, 2011

Lunes, Setyembre 12, 2011

Primitibo Komunal sa Lansangan... Nakikita mo ba sila?

PRIMITIBO KOMUNAL SA LANSANGAN…
Nakikita mo ba sila?
Ni: Kokoy Gan

Pagala-gala, sama-samang nanginginain, pangangaso, walang pag-aari at mangmang. Iyan ang depinisyon ng unang tao noon - uncivilized people. Lagi nilang iniisip ang kapakanan ng kanilang tribu at kalikasan. Lahat ng pag-aari ay pag-aari ng lahat at lahat ng produksyon ay pantay pantay na pinaghahatian.

Madalas akong napapadaan sa lugar ng Escolta, sa kahabaan ng Rizal Avenue at Lawton, lagi kong napapansin ang mga taong nakatira sa lansangan o pulubi sa katawagan ng mga mayayaman. Sa tuwing sila ay aking nakikita, sila ay aking pinagmamasdan at pinagtagni-tagni ko ang kanilang mga ginagawa hanggang sa humulma at nabuo sa isip ko: ito ba ang mukha ng lipunang kapitalista? Alam ko na mayroon pang ibang ganito sa ibang lugar sa Pilipinas na kaparehas din nila. Bakit naging baliktad yata ang nangyayari? Kung sino pa ang mga dayuhan at iilang mga mayayaman ay sila pa ang may kontrol at kumakamal ng yaman ng ating bansa. Sila ang nagmamay-ari ng mga empresa, mga malaking lupain at mga pabrika. Kaya nilang mag-impluwensya sa pamamagitan ng kanilang yaman o pera. Kaya rin nilang pondohan at magpanalo ng kandidato kahit maging presidente para hawakan at papaboran ang kanilang gusto at para mapanatili ang kanilang yaman at para maproteksyonan ang kanilang mga interes. Ganito sila kagarapal. Oo, tao sa kapwa tao ang naglalaban. Bakit may iba silang oryentasyon? Ang magpayaman sa kabila ng maraming naghihirap.

Primitibo nga silang tingnan pero may kaibahan sila sa unang mga tao noon. Ang kaibahan noon ay may malalaking mga puno na naging proteksyon sa kalikasan, kanlungan ng mga hayop o pinipitasan ng mga bunga na kanilang makakain. Iyan ay wala na ngayon kasi tinayuan na ng mga malalaking gusali, wala ng lupang masasaka para tugunan ang kanilang pagkain, dahil pag-aari na ng iilan gaya ng mga panginoong may lupa o haciendero. Ang kanilang bahay ay kariton. Dito nila inilalagay ang kanilang mga gamit. Sama-sama silang nanginginain sa paghahalukay sa mga basurahan ng itinapong pagkain ng mga malalaking restaurant, nakatira sa mga condominium at mga sikat na subdivision. Gabi na, kailangan nilang i-safety ang kanilang mga katawan lalo na ang mga bata na kasama nila, tulak tulak ang kanilang kariton, sarado na ang mga establesimyento. Maghahanap sila ng malaking espasyo na kahit umulan man ay hindi sila mababasa. Ilalatag na nila ang mga dalang karton. Habang sila’y natutulog, kailangan may isang gising na magbabantay sa mga kasamahan nila. Baka nakawin ng sindikato ang kanilang mga sanggol na kasama nila ng mga sindikato para ibenta sa mga mayayaman na hindi nagkakaanak. Magliliwanag na, kailangan nilang lisanin ang lugar kase pagagalitan sila ng may-aring negosyante pag sila naabutan sa ginamit nilang lugar. Nabalitaan nila na may tagas ang isang tubo ng NAWASA, sama-sama nilang pupuntahan para labahan ang kanilang mga damit at isasabay ang paligo.

Nakakagigil... bakit may ganito dito sa ating bansa, sila ba ang biktima ng bulok na sistema?! ang sistemang kapital? Kung aking iisipin, iba-iba ang kanilang karanasan, tiyak ang karamihan sa kanila ay nademolis ang mga bahay, natanggal sa trabaho at biktima ng mga malulupit na patakaran na kontra maralita.

Baguhin natin ang sistemang ito! Sosyalismo! Walang mahirap at walang mayaman, walang mapang-aping uri, may pagkalinga ang gobyerno sa kanyang mamamayan, pantay na hatian, pantay na karapatan at libre ang mga serbisyong panlipunan, may sapat na kita at kaaya-aya at libreng pabahay. Kung ito ang sistema natin, tiyak wala tayong makikitang mga nakatira sa lansangan at naghihirap.

Biyernes, Setyembre 2, 2011

Pahayag Laban sa Demolisyon at PPP-PDP ni P-Noy


PRESS STATEMENT
Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR)
Setyembre 2, 2011


LABANAN ANG DEMOLISYON! 
TUTULAN / LABANAN ANG PPP / PDP NI P-NOY!

Sa gitna ng sala-salabat na krisis ng kahirapan, mararahas na demolisyon ang naganap sa 254 Old Balara, Quezon City at sa Tikling, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal. Ito'y sa kabila ng malakas na buhos na ulan at tahasang paglabag sa Republic Act 7279 (UDHA). Kasabwat ang mga pulis sa mga berdugong bayarang demolition team ng Quezon City at Kapitolyo ng Rizal.

Ang mga huling pangyayari ay patunay na si P-Noy ay walang pinag-iba kay Gloria at sa iba pang mga naging pangulo ng Pilipinas na pahirap at kaaway ng maralita.

Pebrero, Marso, Abril, kunwari ay walang demolisyon at ebiksyon ang pahayag ni P-Noy pero higit pa sa demolisyon ang sunud-sunod na panununog sa mga komunidad na tirahan ng mga iskwater sa sariling bayan.

Mayo, pinulbos at patuloy na dudurugin ang mga maralita sa tinaguriang danger zone, na pwersahang itatapon sa mga death zone na relokasyon.

Dalawang buwan (Agosto 27, 2011 hanggang Oktubre 27, 2011) ang taning sa mahigit 3 libong maralitang pamilya sa Sitio San Roque, North Triangle, EDSA, Brgy. Pag-asa, para lubusin ang proyektong QC-CBD na pinagsaluhan ng Ayala at Henry Sy.

Ang nagaganap ay simula ng kabuuang senaryo ng plano ni P-Noy – ang pagpapalayas sa mahigit na 560,000 maralita sa Metro Manila, at iluluwal nito ang pag-aaklas ng maralita laban sa PPP / PDP ni P-Noy.

Tuwid – diretso sa impyerno ang programang PPP (public-private partnership) at PDP (Philippine Development Program) ni P-Noy, pambubusabos sa maralita ang tunay na kahulugan ng "Kayo ang Boss ko! Kayo UBOS ko!"

Kita ito sa mga pahayag ni P-Noy sa mga naganap na pakikipag-usap sa mga maralita mismo sa Malakanyang (Mayo 8, 2011). Sa harapan ng pag-uusap, sabi ni P-Noy na isang "stupid idea" ang moratorium sa demolisyon. Kita ito sa kanyang mga panukalang priority bill sa Kongreso at Senado, ang nakasalang na panukalang DHUD (Department of Housing and Urban Development) at ang pag-amyenda sa UDHA.

Ang una ay para sa pagsasapribado ng serbisyo sa pabahay. Ang kasunod ay ang pagwawakas sa anumang pag-asa ng mga maralita sa pabahay.

Maralita, Magkaisa! Tutulan, Labanan ang PPP / PDP ni P-Noy!

Demolisyon sa Tikling, Kinondena

PRESS RELEASE
Setyembre 1, 2011

DEMOLISYON SA TIKLING, KINONDENA

Tikling, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal - Nabigla ang mga residente sa Tikling sa Brgy. Dolores, Taytay, Rizal sa biglaang demolisyon sa kanilang lugar noong Agosto 31, 2011. Mahigpit na kinondena ng mga residente ang biglaan at marahas na demolisyon na pinangunahan ng DPWH na pawang tauhan ni Engr. Edgardo Peralta, district engineer ng Rizal, kasama ang mga tauhan ng kapitolyo, munisipyo, barangay, SWAT at PNP. Natanggal na ang mga bubong at pader ng mga kabahayan sa lugar na iyon. Walang demolisyon ng sumunod na araw dahil maulan, ngunit nangangamba ang mga residenteng ito'y muling matuloy sa Setyembre 2.

Ayon sa mga residente na kabilang sa bagong tayong Samahang Nagkakaisa ng Tikling (SNT), ilegal ang isinagawang demolisyon dahil: Una, walang aprubadong resolusyon mula sa Local Inter-Agency Committee (LIAC); Ikalawa, walang certificate of compliance (COC); Ikatlo, walang court order; Ikaapat, lokal na ahensya ng gobyerno (DPWH) ang nangunguna sa paggiba ng isang pribadong lugar, na pag-aari ng isang Cecilio Sta. Ana.

Dagdag pa ng mga residente, dapat matigil ang demolisyon hangga't di malinaw ang mga sumusunod: Una, naniniwala silang ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay ay pribadong lupa ayon sa technical description ng titulong nakuha nila na pag-aari ng isang Cecilio Sta. Ana; Ikalawa, wala pang tugon ang Rizal Provincial Government sa kahilingan ng Punong Bayan ng Taytay na magbigay ng certificate of allocation ang kapitolyo para sa allocation sa relocation site; Ikatlo, hindi malinaw at hindi matalakay sa loob ng LIAC ang pagtulong sa mga apektadong pamilya at ang lawak ng lugar na idedemolis; at Ikaapat, walang makatao at disenteng relokasyon na nakalaan para sa mga apektadong pamilya.

Ang lupang kinatitirikan ng kanilang kabahayan ay kasalukuyang pribadong pagmamay-ari ng isang Cecilio Sta. Ana na may Land Registration Authority (LRA) No. Lot 5455-A-Lot 30810, Cad. 688, Cainta-Taytay Cadastre na may kabuuang sukat na five thousand forty six square meters (5,046 sq.m.). Ayon sa Seksyon 28 ng RA 7279 (Urban Development and Housing Act): “Ang ebiksyon at demolisyon na nakagawiang gawin ay hindi na pahihintulutan. Gayunpaman, maaaring pahintulutan ang ebiksyon at demolisyon sa ilalim ng mga sumusunod na sitwasyon: (c) Kapag may utos mula sa korte para sa ebiksyon at demolisyon.” Maliwanag sa batas na hindi dapat paalisin ang mga residente kung walang court order pagkat pribado at hindi pampublikong lupa ang kinatitirikan ng kanilang kabahayan. Tanong nga ng mga residente: Bakit nagkukumahog ang isang Engr. Peralta na isagawa ang demolisyon kahit ito'y labag sa batas? Sadya ngang terorismo ang demolisyon!

Sa 75 pamilyang apektado ng demolisyon, 24 na sa kanila ang natatanggal at ngayon ay nasa basketball court. Ang ilan umano'y dinala na sa Pinugay, sa tulong ng trak ng gobernador at ng mayor ng Taytay. Di pa maliwanag kung ang proyekto ay roadwidening, pag-aayos ng creek, paglilipat ng mga vendor na nakatira doon sa bagong itatayong palengke, atbp. Nagtuturuan umano na iyon ay proyekto ng gobernador, proyekto ng mayor o proyekto ng DPWH, di malinaw sa mga tao. At pinipili lang umano ang bibigyan ng relokasyon. Yung may stall o tindahan ay walang relokasyon. Yung may residente, meron. Ngunit yung mga residente na may tindahan ay wala ring relokasyon.

Payag naman ang mga tao na mapunta sa relokasyon, basta't may maayos na paglilipatan at walang marahas na demolisyon. Karamihan ng mga residente'y mahigit nang tatlumpung taon nang nakatira sa lugar na iyon.

Nagpunta ang ilang residente sa tanggapan ng PCUP (Presidential Commission for the Urban Poor) nitong Setyembre 1, at gumawa ng liham ang PCUP para kay Taytay Mayor Gacula na matigil ang demolisyon hangga't walang kalinawan hinggil dito, at binigyan din ng kopya ang CHR, DPWH, DILG, at iba pang ahensya ng pamahalaang may kinalaman sa isyu ng demolisyon sa Tikling.

Nananawagan ang mga residente sa mga samahang maralita sa iba’t ibang lugar na suportahan ang kanilang laban at sama-samang tutulan ang demolisyon sa kanilang lugar. (KPML News Online)