JOINT PRESS RELEASE
09 December 2013
Contact person:
Anthony Barnedo - KPML-NCRR, Secretary-General
0949-7518792
Sabwatang Meralco at ERC, kinundena ng militante
Karabana ng protesta, inilunsad
NANGALSADA ulit ang militanteng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) para igiit na ang napipintong pagtaas ng singgil sa kuryente ng P4.15/kWh ng kumpanyang Meralco ay isang ‘di makatwirang pabigat lamang sa mga kababayan nating hindi pa nakakabawi sa mga trahedya’t kalamidad na tumama sa bansa ngayong taon.
“Habang walang signipikanteng dagdag umento at talamak pa rin ang kontrakwal na trabaho, dati nang kalunos-lunos ang kalagayan ng mga manggagawa at kapag natupad pa ang panibagong pabigat ng Meralco, ultimong ang kaprasong pang-Noche Buena ng aming pamilya ay kukunin pa nila para lang pagbigyan ang kanilang walang katapusang kasibaan sa tubo. Ang patuloy na paglala ng kalagayan ay magtutulak sa mga obrero sa desperasyon at sa huli’y sa rebelyon,” sabi ni Gie Relova, lider ng BMP
Naglunsad ng isang karabana ng protesta ang mga nasabing grupo kung saan ay isa-isa nilang niralihan ang mga sangay ng Meralco sa mga lungsod ng Kaloocan, Quezon at Maynila. Dumulo ang protesta sa tanggapan ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa lungsod ng Pasig, kung saan naganap ang deliberasyon ng Komisyon sa petisyon ng Meralco sa dagdag singil.
Nagsalitan ang mga tagapagsalita ng BMP at KPML sa pagkundena sa Meralco at ERC. Giit nila, magkakutsaba ang pribadong kumpanya at ahensya ng gobyerno sa dagdag pahirap na P4.15/kWh.
“Kahit minsan, mula nang isinilang ang ERC ay hindi pa ito nagsilbi sa interes ng nakararaming naghihirap. Isang tuod ang ahensyang ito na ang tanging silbi ay makapanlinlang at palabasin na may ginagawa ang gubyerno para isulong ang kapakanan ng mamamayan,” dagdag ni Relova.
Ang ERC ay inanak ng pagsasabatas ng Electricity Power Industry Reform Act noong 1999 para garantiyahan ang malinaw at makatwirang presyo ng kuryente sa isang malaya at patas na kumpetisyon at may pananagutan sa publiko. Bahagi rin ng mandato nito ang pagtatatag ng isang malakas at independyenteng kapulungan na magsasaayos at magsisistemisa para sa proteksyon ng mga gumagamit ng kuryente.
“Ang Malakanyang at Kagawaran ng Enerhiya ay hindi rin ligtas sa kritisismo. Umaasta lamang sila na ginagawa nila ang lahat para sa mamamayan ngunit ang katotohana’y puro apila lang sa management ng Meralco ang kanilang nagawa. Kung talagang sinsero ang gobyernong ito na protektahan ang interes ng nakararami, dapat suspendihin muna nito ang VAT sa kuryente hanggang sa mag-normal ulit ang operasyon ng Malampaya para mabawasan man lang ang impak sa mamamayan ng panibagong dagdag singgil,” panukala ni Relova.
Samantala, hiniling sa gobyerno ni Anthony Barnedo, tagapagsalita ng KPML, ang buong kalagayan at lubos na paggamit ng pondong Malampaya matapos ideklara ng Korte Suprema na ang pondo’y eksklusibo para sa elektripikasyon.
“Kailangang ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema hanggang sa huling letra nito. Ang kinita ng gobyerno sa Malampaya ang dapat gamitin para sa rehabilitasyon ng mga planta at kawad ng kuryente na nasira ng bagyong Yolanda at hindi dapat magmula sa bulsa ng mga tumatangkilik sa Meralco,” sabi ni Barnedo.###