Biyernes, Setyembre 30, 2022

Pahayag ng KPML hinggil sa mga namatay na rescuer sa kasagsagan ng bagyong Karding


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA MGA NAMATAY NA RESCUER SA KASAGSAGAN NG BAGYONG KARDING
Setyembre 30, 2022

PAGPUPUGAY SA LIMANG NAMATAY NA RESCUER!
MAGDEKLARA NA ANG PAMAHALAAN NG CLIMATE EMERGENCY!
CLIMATE JUSTICE, NOW!

Dapat na talagang magdeklara ng climate Emergency ang pamahalaan upang mas matutukan ang isyung ito sa lalong madaling panahon upang mapaliit natin ang tsansa ng mga kamatayan dulot ng mga bagyo.

Nitong nakaraan lamang, limang rescuer ang namatay sa Bulacan sa kasagsagan ng bagyong Karding. Ayon sa ulat ni Bise Gobernador ng Bulacan Alex Castro, nasawi  ang limang rescuer mula sa PDRRMO (Provincial Desaster Risk Reduction and Management Office) sa gitna ng pagtupad sa kanilang tungkulin sa bayan ng San Miguel. "Sa kanilang paghahanda ng life boats ay rumagasa ang flash flood sa kanilang lokasyon na nagpaguho ng isang pader at siyang dahilan ng pagdaloy ng tubig baha na umanod sa ating mga rescuers." Ang mga rescuer ay nakilalang sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurreccion, at Narciso Calayag, Jr.

Nagpupugay ang KPML sa kabayanihan ng ating mga rescuers na namatay sa paggampan ng tungkuling iligtas ang ating mga kababayan sa pananalasa ng bagyo. Gayunpaman, hindi sapat ang papuri sa kanila, kundi pag-isipan at pag-usapan din ang nagaganap na pagbabago ng klima na nagdulot ng ganitong katitinding bagyo, na siyang dahilan ng kamatayan ng mga tulad nila.

Sa pananaliksik at pag-aaral ng KPML, dapat nang agarang kumilos ang pamahalaan at magdeklara ng climate emergency upang mas mapag-usapan sa pambansang antas ang mga nagaganap na ito. Sa ngayon, napapag-usapan sa pandaigdigang antas na nagbabago na ang klima, at noong Oktubre 2018 ay nagdeklara na ang mga siyentipiko mula sa United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) na kung hindi magagawan ng paraan ang pagbabago ng klima, sa 2030 ay magtutungo na tayo sa tinatawag nilang "point of no return". 

Siyamnapu't isang awtor at review editor mula sa 40 bansa ang naghanda ng ulat ng IPCC (Intercontinental Panel on Climate Change) bilang tugon sa UNFCCCnoong pinagtibay nito ang Paris Agreement noong 2015. Ang buong pangalan ng ulat ay "Global Warming of 1.5°C, an IPCC special report on the impacts of global warming of 1.5°C above pre-industrial levels and related global greenhouse gas emission pathways, in the context of strengthening the global response to the threat of climate change, sustainable development, and efforts to eradicate poverty."

Kaya naninindigan at nananawagan ang KPML na bawasan na ang paggamit ng mga fossil fuel, natural gas, at coal plants, at tumungo na tayo sa paggamit ng mga renewable energy upang maiwasan natin ang mas matitinding delubyong kakaharapin pa natin. Sa ngayon ay dapat kumilos at magkaisa ang iba't ibang bansa sa buong daigdig sa pagdeklara ng climate emergency upang hindi natin maabot ang mas pag-iinit pa ng mundo sa 1.5 degrees celsius hanggang 2030.

Mga pinaghalawan:
https://www.rappler.com/nation/luzon/fallen-heroes-bulacan-mourns-rescuers-died-due-typhoon-karding/
https://www.ipcc.ch/2018/10/08/summary-for-policymakers-of-ipcc-special-report-on-global-warming-of-1-5c-approved-by-governments/

Huwebes, Setyembre 29, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Awareness on Food Loss and Waste Reduction

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF AWARENESS ON FOOD LOSS AND WASTE REDUCTION
Setyembre 29, 2022

Stop Food Waste! For People and Planet!
Itigil ang Pag-aksaya ng Pagkain! 
Para sa Tao at Planeta!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Day of Awareness on Food Loss and Waste Reduction o Pandaigdigang Araw ng Kamalayan sa Pagkawala ng Pagkain at Pagbabawas ng Basura. Ito na ang ikatlong pagkakataon na inaalala ang araw na ito mula noong una itong inalala noong Setyembre 29, 2020.

Sa ating bansa, halos walang makain ang maralita, na kung may pagkain mang mabibili ay kaymahal, dahil bukod sa isang kahig, isang tuka, ay wala halos pambili ng pagkain. Kaya marami ang nagtitiyaga sa pagpag o yaong mga tira-tirang pagkain sa mga restoran na huhugasan lang ay muling iluluto.

Ayon sa United Nations Environment Programme (UNEP), "Ang suplay ng pagkain sa maraming bansa ay nasa landas na aabutan ang pagsasaka at paggamit ng lupa bilang pinakamalaking kontribyutor sa greenhouse gases (GHGs). Ang pagpoproseso at pag-iimpake ng pagkain, kasama ng transportasyon at basura ng pagkain, ay nagtutulak sa food supply chain sa tuktok ng listahan ng mga tagabuga  ng GHG sa buong mundo. Nabubuuo ang GHG sa bawat hakbang ng sistema ng suplay ng pagkain, hindi alintana kung ang pagkain na ginawa ay nasira. Sa partikular, ang mga naaksayang pagkain na nabubulok sa mga landfill ay gumagawa ng methane, isang malakas na greenhouse gas na may 84 na beses na lakas ng pag-init ng carbon dioxide sa loob ng 20 taon."

"Ang pagkawala at pag-aaksaya ng pagkain ay sumisira sa pagpapanatili ng ating mga sistema ng pagkain. Kapag ang pagkain ay nawala o nasayang, ang lahat ng mga mapagkukunan na ginamit upang makagawa ng pagkain na ito - kabilang ang tubig, lupa, enerhiya, paggawa at kapital - ay nasasayang. Bilang karagdagan, ang pagtatapon ng pagkawala ng pagkain at basura sa mga landfill, ay humahantong sa mga greenhouse gas emissions, na nag-aambag sa pagbabago ng klima. Ang pagkawala at pag-aaksaya ng pagkain ay maaari ring negatibong makaapekto sa seguridad ng pagkain at pagkakaroon ng pagkain, at makatutulong sa pagtaas ng halaga ng pagkain."

Bigyang pansin natin kung paano naaaksaya ang ating mga pagkain. At kung paano naman ang ekonomya ng pagkaing pagpag ay pansamantalang lumulutas sa problema ng gutom sa maraming tahanan ng mga maralita. Na dapat ay hindi pagpag ang kanilang kainin bilang tao, kundi ang mga pagkaing masustansya at bago. At hindi ang itinapon na ng mga mayayaman ay kukunin upang iluto upang gawing pagkain ng kapwa tao.

Dapat kahit sa pagkain ay maging tao tayo, na may dignidad at hindi api o pinagsasamantalahan.

Pinaghalawan:
https://www.unep.org/events/un-day/international-day-awareness-food-loss-and-waste-2022
https://www.un.org/en/observances/end-food-waste-day

Lunes, Setyembre 26, 2022

Pahayag ng KPML sa ika-13 anibersaryo ng Ondoy at pananalasa ng Karding

PAHAYAG NG KPML SA IKALABINTATLONG ANIBERSARYO NG BAGYONG ONDOY AT SA PANANALASA NG BAGYONG KARDING
Setyembre 26, 2022

Mag-ingat po tayo, mga kababayan, sa pananalasa ng matinding bagyong Karding sa kasalukuyan, habang nagdeklara naman ng walang pasok sa mga paaralan ang maraming lungsod.

Sa petsang ito'y magugunita rin natin ang biglaang paglubog ng maraming lungsod sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan dahil sa biglaang pananalasa ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009, labintatlong taon na ang nakararaan. Nabasa ang maraming kagamitan, lumubog sa baha ang maraming kabahayan, at marami ring namatay. 

Ayon pa sa ulat, nagbuhos ang Bagyong Ondoy ng 334 milimetrong ulan sa unang anim na oras, ang pinakamataas na naitala na pag-ulan sa metropolis. Kumbaga, ang isang buwang bagyo ay naganap lang ng anim na oras na nagpabaha sa maraming lungsod at karatig lalawigan. Ang dating rekord ay 341 milimetro sa loob ng 24 oras noon pang 42 taon na ang nakararaan. Nilubog ni Ondoy ang hanggang 80% ng lungsod, at tinakpan ang mga lugar na hindi pa nakaranas ng pagbaha, napadpad ang mga tao sa mga bubungan at naghatid ng kamatayan at paghihirap sa ilang mayaman at laksa-laksang mahihirap. Kahit na humupa na ang tubig, ang Metro Manila at ang mga nasa labas na rehiyon ay nakitang hindi handa sa pangangasiwa ng mga natamaan ng bagyo, nasugatan, at pati sa kontaminasyon na dulot ng tubig-baha.

Sinasabi ng mga eksperto sa klima na kung hindi mapapag-usapan ang mga mapagpasyang solusyon, baka mas matindi pang unos ang darating, tulad ng naganap na Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Gayunpaman, ang mga industriyalisadong bansa, na siyang dahilan ng karamihan sa mga emisyon ng karbon sa mundo - ang pinakamalaking kontribyutor sa pagbabago ng klima - ay hindi pa rin talaga umaako ng responsibilidad at nagpapakita ng pamumuno tungo sa mga tunay na solusyon.

Sa paggunita sa Ondoy at habang nananalasa ang bagyong Karding, gunitain natin ang mga aral ng nakaraan. Nagbabago na ang klima. Napakaliit na panahon na lamang ang nalalabi upang magsagawa ng matitinding pagbabago sa mga aktibidad ng tao upang maiwasan ang panganib ng pabagu-bagong klima. Gayunpaman, hindi dapat sisihin ang pagkakagamit lamang ng fossil fuel; hindi ang tipo ng pagkukunan ng enerhiya kundi ang malawakan at matinding paggamit ng enerhiyang batay sa fossil fuel na nagmula sa isang ekonomikong sistemang pangunahing itinulak ng pagkakamal ng limpak-limpak na tubo. Sa ganitong lohika, may katangian ang sistemang kapitalismo na nagreresulta sa matinding pagbabago ng klima dahil sa emisyon ng GHG at pagkawasak ng natural na likas-yaman. Pagkat ang likas-yaman at ang mga karaniwang ginagamit sa araw-araw, tulad ng lupa, ay nagiging pribadong pag-aari ng iilan sa kapinsalaan ng higit na  nakararami; ang patuloy at labis-labis na pagpiga sa kalikasan; at sobra-sobrang produksyon na lampas-lampas sa pangangailangan ng tao; ang maaksayang paggamit; paglawak ng pamilihan at pagkuha ng mga materyales; malawakang produksyon para sa pandaigdigang pamilihan na nangangailangan ng enerhiya para sa pagluluwas ng mga produkto. Kaya dapat ang sistemang kapitalismo’y palitan ng mas maunlad na sistemang di makasisira sa kalikasan at di yuyurak sa dangal ng kapwa tao nang dahil lang sa tubo.

Pag-isipan natin ang mga ito, habang nangangaligkig tayo sa ginaw sa pananalasa ng bagyong Karding. Mag-ingat tayo, at tiyaking nasa matataas na lugar ang ating mga mahahalagang kagamitan, tulad ng mga papeles o dokumento, upang kung bumaha man ay bakasakaling makaligtas ang mga iyon sa baha.

Magdeklara na ng Climate Emergency!
Magdamayan, magbayanihan, magtangkilikan, magtulungan!
Climate Justice Now! Baguhin ang sistema!

Miyerkules, Setyembre 21, 2022

Pahayag ng KPML sa ikalimampung anibersaryo ng martial law sa Pilipinas

PAHAYAG NG KPML SA IKALIMAMPUNG ANIBERSARYO NG MARTIAL LAW SA PILIPINAS
Setyembre 21, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mamamayang nakikibaka sa paggunita sa karumal-dumal na panahon ng martial law sa Pilipinas.

Ayon sa datos, nasa 11,103 ang dokumentadong kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang naitala, batay sa dokumentasyon ng Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB). Ang HRVCB, na nilikha alinsunod sa Republic Act No. 10368 o  Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013, ay isang quasi-judicial body na ipinag-uutos ng batas "upang tumanggap, suriin, iproseso, at imbestigahan" ang mga claim sa reparation na ginawa ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Martial Law ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos. Sa ngayon ay may dokumentaryong may pamagat na "11,103" na batay sa panulat at direksyon nina Jeannette Ifurung at Mike Alcazaren, ay tumalakay sa kuwento ng mga nakaligtas sa Martial Law.

Noong Setyembre 21, 1972, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Proklamasyon Blg. 1081 na nagdedeklara ng batas militar sa buong bansa, na diumano ay tumutugon sa tumataas na "banta ng komunista" noong panahong iyon. Subalit mas nakita ang panggigipit sa mamamayan, at magarbong pamumuhay ng diktadura, na nakitang paglustay sa pera ng bayan, malawakang pang-aabuso sa karapatang pantao, panunupil sa mga batayang kalayaan sa pamamahayag, at walang humpay na katiwalian at pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan na nag-iwan sa malaking bahagi ng bansa sa kahirapan.

Sa ating paggunita sa ika-50 taon ng pagkadeklara ng Batas Militar, ipinaaalala natin sa lahat na ang kasaysayan ay hindi lamang koleksyon ng mga pangalan, petsa at lugar. Ito ay tungkol sa pakikibaka at paghahanap ng katotohanan sa likod ng nakaraan. Ito ay isang buhay na gabay para sa kinabukasan ng ating kabataan at ng ating bansa. Hindi ito katulad ng sinabi ng artistang si Ella Cruz na ang kasaysayan ay tsismis. Ang kasaysayan ay buhay na katotohanan ng mga namatay at nagpakasakit upang labanan ang karumal-dumal na panahon ng diktadurang Marcos.

At ngayong nakapwesto na ang anak ng diktador bilang pangulo, nanganganib ang kasaysayan. Tumindi ang pagkalat ng mga halibyong o fake news. Hawak ng bagong rehimen ang pambura upang pabanguhin ang mabantot nilang nakaraan. Subalit huwag tayong pumayag na baguhin nila ang ating kasaysayan. Lalo't higit ay huwag nating payagang wasakin nila ang mga rekord at nakaimbak na datos sa mga arkibo ng mga kabuktutan ng martial law.

Para sa KPML at iba pang organisasyong nakikibaka para sa karapatan at kagalingan ng mamamayan tungo sa isang lipunang makatao, alalahanin natin ang mga nagsakripisyo para sa kalayaan ng bayan mula sa kamay ng diktadura at kuko ng mga mapagsamantala. Huwag nating kalimutan ang mga nangawala at namatay, tulad nina Hermin Lagman, Liliosa Hilao, Lorena Barros, Jessica Sales, at marami pang ibang bumubuo ng 11,103 dokumentadong biktima ng kahayupan ng diktadura.

No to historical distortion!
Never again! Never forget!
Hustisya sa mga biktima ng martial law!

Pahayag ng KPML sa International Day of Peace

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF PEACE
Setyembre 21, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mamamayan ng daigdig sa pag-alala sa International Day of Peace o ang Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan. Sa maraming panig ng mundo ay puno ng mga alitan dahil sa relihiyon, usapin ng lahi, at pag-aagawan sa pribadong pag-aari, tulad ng mga lupain, teritoryo, at kalakalan.

Naniniwala ang KPML na mawawala ang mga alitang ito kung mababago ang sistema ng lipunan kung saan pagkakasundo ang nangingibabaw, na anuman ang pagkakaiba sa kulay ng balat at estado sa buhay ay may pagkakapantay sa kalagayan kaya mawawalan ng dahilan ang digmaan at alitan, kaya magkaroon ng kapayapaan. 

Dapat mawala na ang anumang batayan ng pagsasamantala ng tao sa tao, at nang mawala ang kaapihan ng maliliit. Magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung mawawala ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng kahirapan ng mayorya ng lipunan. Magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung ang uring manggagawa ang magpapatakbo sa lipunan. 

Sinabi na noon ni Gat Emilio Jacinto na “Iisa ang pagkatao ng lahat!” Kaya dapat walang pagsasamantala ng tao sa tao upang magkaroon ng tunay na kapayapaan sa mundo. 

Para sa asam nating kapayapaan: Baguhin at palitan ang bulok na sistemang umiiral!

Linggo, Setyembre 18, 2022

Pahayag ng KPML sa International Equal Pay Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL EQUAL PAY DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG PANTAY NA SAHOD)
Setyembre 18, 2022

P750 MINIMUM WAGE, IPATUPAD!
6 HRS WORK PER DAY AT UNIVERSAL 
BASIC INCOME, ISABATAS, IPATUPAD!
NEOLIBERALISMO, WAKASAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga sahurang manggagawa sa buong mundo ngayong International Equal Pay Day o Pandaigdigang Araw ng Pantay na Sahod.

Ang International Equal Pay Day (A/RES/74/142) ay idineklara ng United Nations. Ang pagkamit ng pantay na suweldo ay isang mahalagang tungkong bato o milestone para sa karapatang pantao at pagkakapantay-pantay ng kasarian. Ang United Nations, kabilang ang UN Women at ang International Labor Organization (ILO) ay nag-aanyaya sa mga kasaping estado, kababaihan at pangmasang organisasyon, gayundin sa mga negosyo at organisasyon ng manggagawa at kapitalista, na isulong ang pantay na suweldo para sa trabaho ng pantay na halaga at ang pagpapalakas ng ekonomiya ng kababaihan.

Ang pantay na suweldo para sa pantay na trabaho (Equal pay for equal work) ay konsepto ng mga karapatan sa paggawa na ang mga indibidwal sa parehong lugar ng trabaho ay bibigyan ng pantay na suweldo. Ito ang karaniwang ginagamit sa konteksto ng sekswal na diskriminasyon, kaugnay ng agwat sa suweldo ng kasarian. Ang pantay na suweldo ay nauugnay sa buong hanay ng mga pagbabayad at benepisyo, kabilang ang pangunahing sahod, mga hindi bayad na suweldo, mga bonus at allowance. Ang ilang mga bansa ay kumilos nang mas mabilis kaysa sa iba sa pagtugon sa pantay na suweldo.

Sa ating bansa, bagamat ipinapanawagan na ipatupad ang Living Wage (Nakabubuhay na Sahod) na nakasaad sa Konstitusyon, ay nagkakasya pa tayo sa panawagang P750 Minimum Wage, Ipatupad! At upang madagdagan ang trabaho upang magkatrabaho rin ang mga walang trabahong maralita ay gawing anim na oras ang otso oras na paggawa. Kaya sa loob ng 24 oras na may tatlong shift ay magiging apat na shift na kung magiging anim na oras na paggawa. Ito'y karagdagang isang manggagawa sa 24 oras.

Ang Universal Basic Income (UBI) naman ay isang programang dapat ipatupad ng gobyerno kung saan ang bawat nasa hustong gulang na mamamayan ay tumatanggap ng isang takdang halaga ng pera nang regular. Ang mga layunin ng isang pangunahing sistema ng kita ay upang maibsan ang kahirapan at palitan ang iba pang mga programang panlipunan na nakabatay sa pangangailangan. Ang ideya ng unibersal na pangunahing kita ay nakakuha ng momentum sa U.S. habang patuloy na pinapalitan ng automation ang mga manggagawa sa pagmamanupaktura at iba pang sektor ng ekonomiya.

Ang ideya ng pagbibigay ng pangunahing kita sa lahat ng miyembro ng lipunan ay pinanawagan na ilang siglo na ang nagdaan. Binanggit ng 16th century English na pilosopo at estadista na si Thomas More ang ideya sa kanyang  akdang Utopia. Si Thomas Paine, isang pamphleteer na ang mga ideya ay nakatulong sa pag-udyok sa Rebolusyong Amerikano, ay nagmungkahi ng isang plano sa buwis kung saan ang mga kita ay magbibigay ng daloy ng kita ng gobyerno “sa bawat tao, mayaman o mahirap.” At iminungkahi ni Martin Luther King, Jr., ang "garantisadong kita" sa kanyang aklat na Where Do We Go from Here: Chaos or Community?  na nalathala noong 1967.

Magagawa ang lahat ng iyan kung mapapalitan ng uring manggagawa ang patakarang neoliberalismo na nagdulot, imbes na kasaganaan sana ng lipunan, ay kahirapan sa milyon-milyon, kundi man bilyong, mamamayan sa buong daigdig.

Kaya ang KPML, ngayong International Equal Pay Day, ay nakikiisa sa lahat ng manggagawa sa lahat ng bansa na panawagang Equal Pay for Equal Work at ipantay ang sahod ng kababaihan sa sahod ng kalalakihan! Ipatupad ang anim na oras na paggawa sa bansa! Pag-aralan ang Universal Basic Income, isabatas at ipatupad sa bansa! Wakasan na ang sistemang neoliberalismo na yumurak sa dignidad at pagkatao ng mamamayan!

Mga pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/equal-pay-day
https://en.wikipedia.org/wiki/Equal_pay_for_equal_work
https://www.investopedia.com/terms/b/basic-income.asp

Sabado, Setyembre 17, 2022

Pahayag ng KPML sa World Patient Safety Day

PAHAYAG NG KPML 
SA WORLD PATIENT SAFETY DAY
Setyembre 17, 2022

PANGALAGAAN ANG KALUSUGAN!
BAWAT PASYENTE'Y INGATAN!
MURANG GAMOT PARA SA MARALITA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa taunang pag-alala sa World Patient Safety Day (Pandaigdigang Araw ng Kaligtasan ng Pasyente) tuwing ika-17 ng Setyembre. Ayon sa World Health Organization (WHO), layunin ng araw na ito na itaas ang pandaigdigang kamalayan tungkol sa kaligtasan ng pasyente at magtaguyod ng nagkakaisang aksyon ng mga bansa  upang mabawasan ang pinsala sa pasyente. Ang kaligtasan ng pasyente ay nakatuon sa pagpigil at pagbabawas ng mga panganib, pagkakamali at pinsala na nangyayari sa mga pasyente sa panahon ng pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan.

Ang World Patient Safety Day ay isa sa 11 opisyal na pandaigdigang kampanya sa kalusugan ng publiko na itinakda ng World Health Organization (WHO), kabilang ang World Tuberculosis Day, World Health Day, World Chagas Disease Day, World Malaria Day, World Immunization Week, World No Tobacco Day, World Blood Donor Day, World Hepatitis Day, World Antimicrobial Awareness Week at World AIDS Day.

Mahalaga ang World Patient Safety Day upang maiwasan na ang mga nangyayaring pagkakamali noon, tulad ng pagkaiwan sa tiyan ng pasyente ng karayom o anumang kagamitan ng doktor, dahil nakaligtaan. Marami nang namatay sa COVID, ayon sa ulat ng Kagawaran ng Kalusugan, habang noong panahon ng pandemya ay nagsisiksikan sa mga ospital. Madalas pang kulang ang kama para sa mga pasyente, na kung magkaroon man ng kama ay wala sa kwarto kundi nasa pasilyo na. Nawa ang nakitang mga problema nito ay mabigyang kalutasan. 

Nawa'y magkaroon ng epektibo ngunit murang gamot para sa mga maralita. Maayos na pag-aasikaso sa mga pasyente, at huwag isapribado ang mga ospital upang ang kalusugan ay hindi ibatay sa tutubuin ng ospital kundi ang kalusugan ay serbisyo publiko.

Kalusugan, hindi tubo!
Ang kalusugan ay serbisyo, huwag gawing negosyo!

Biyernes, Setyembre 16, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day for the Preservation of the Ozone Layer

Pahayag ng KPML sa International Day for the Preservation of the Ozone Layer
Setyembre 16, 2022

PROTEKTAHAN ANG OZONE LAYER!
PROTEKTAHAN ANG KALIKASAN
AT KALUSUGAN NG MAMAMAYAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng International Day for the Preservation of the Ozone Layer (Pandaigdigang Araw para sa Pagpapanatili ng Ozone Layer). Ang tema na inihayag ng UN Environment Program for International Day for the Preservation of the Ozone Layer 2022 ay 'Global Cooperation Protecting Life on Earth'

Napakahalaga na protektahan ang buhay. Buhay ng tao, hayop, halaman at daigdig. At isa sa mga paraan ay ang hadlangan ang pagkabutas pa ng ozone layer. Ibig sabihin, ang mga dahilan ng pagkabutas nito ay huwag nating hayaang magpatuloy. Kaya nakikiisa ang KPML sa panawagang gumamit na ng renewable energy, at iwanan na ang pagsusunog ng fossil fuel at coal plants para sa enerhiya.

Dahil sinasala ng ozone layer ang karamihan sa mapaminsalang ultra-violet radiation mula sa araw, ang pagkilos na ito ay nagpoprotekta sa milyun-milyong tao mula sa kanser sa balat at katarata. Pinahintulutan nito ang mahahalagang ekosistema na mabuhay at umunlad. Pinabagal nito ang pagbabago ng klima: kung hindi ipinagbawal ang mga kemikal na nakakasira ng ozone, titingnan natin ang isang sakuna na pagtaas ng temperatura sa buong mundo na tinatayang 2.5°C pagsapit ng 2100.

Noong 1987, nagpulong sa Montreal ang mga kinatawan mula sa 24 na bansa at inihayag sa mundo na oras na upang ihinto ang pagsira sa ozone layer. Sa paggawa nito, ang mga bansang ito ay nangako sa kanilang sarili, sa pamamagitan ng Montreal Protocol on Substances that Deplete the Ozone Layer, na alisin sa mundo ang mga substance na nagbabanta sa ozone layer.

Noong 19 Disyembre 1994, idineklara ng UN General Assembly ang Setyembre 16 bilang International Day for the Preservation of the Ozone Layer, na ginugunita ang petsa kung kailan nilagdaan ang Montreal Protocol on Substances that Deplete the Ozone Layer noong 1987. Ang araw ay unang ipinagdiwang noong Setyembre 16, 1995.

Ang araw na ito ay pagpapaalala sa atin na dapat nating patuloy na alagaan ang ating kalikasan, lalo na ang ozone layer na sumasala sa radyasyon ng araw upang hindi tayo magkasakit. Patuloy tayong manindigan para sa ating kalikasan at protektahan ang ating daigdig para sa mga susunod na henerasyon.

Huwebes, Setyembre 15, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Democracy

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF DEMOCRACY
Setyembre 15, 2022

Ang demokrasya nga ba'y ano? At bakit dapat ipagdiwang ang International Day of Democracy (Pandaigdigang Araw ng Demokrasya), kung ang nangingibabaw pa rin ay pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao, lalo na sa panahong ito ng pag-iral ng neoliberalismo at lipunang kapitalismo?

May agam-agam ang maralita kung ang demokrasyang tinatamasa natin ay kalayaan lamang bumoto pag eleksyon? Kalayaang pumasok sa trabaho upang bumalik lamang kinabukasan kahit biktima ng kontraktwalisasyon?

Noong 2007, nagpasya ang United Nations General Assembly na ipagdiwang ang Setyembre 15 bilang International Day of Democracy, na layuning itaguyod ang mga prinsipyo ng demokrasya, at inimbitahan ang lahat ng miyembrong estado at organisasyon na gunitain ang araw sa isang naaangkop na paraan na nag-aambag sa pagtataas ng kamalayan ng publiko, habang ang mga demokrasya ay may mga karaniwang katangian, walang iisang modelo ng demokrasya at ang demokrasya ay hindi pag-aari ng alinmang bansa o rehiyon... Ayon pa sa UN, ang demokrasya ay isang unibersal na kahalagagan batay sa malayang pagpapahayag ng kagustuhan ng mga tao upang matukoy ang kanilang sariling pampulitika, pang-ekonomiya, mga sistemang panlipunan at kultural, at ang kanilang buong partisipasyon sa lahat ng aspeto ng buhay.

May ilang nagsasabing ang depinisyon ng demokrasya ay makikita sa Gettysburg speech ni Pangulong Abraham Lincoln ng Amerikam nang kanyang binanggit ang "government OF the people, BY the people, FOR the people" na sana nga'y nangyayari sa kasalukuyan. At hindi sana "government OFF the people, BUY the people, FOOL the people" na kadalasang nangyayari ngayon, lalo sa panahon ng pamamayagpag ng political dynasties sa ating bansa.

Mahigpit na naninindigan ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na ang tunay na demokrasya, na mula sa salitang Griyegong demos (mamamayan) at kratia (kapangyarihan, pamumuno), ay dapat pagsasakapangyarihan ng mamamayan. Ibig sabihin, dapat walang laksang naghihirap habang may mayayamang iilan lang walang naghaharing oligarkiya at dinastiyang pulitikal, hindi umiiral ang mga parasite o lintang manpower agency, tinatamasa ng manggagawa ang living wage, may sosyalisadong pabahay para sa maralita na hindi nakabatay sa market value, at natatamasa ng simpleng mamamayan ang hustisyang panlipunan. Hangga't naghahari ang iilan at mayorya ay naghihirap, hindi tunay na demokrasya ang umiiral.