PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF DEMOCRACY
Setyembre 15, 2022
Ang demokrasya nga ba'y ano? At bakit dapat ipagdiwang ang International Day of Democracy (Pandaigdigang Araw ng Demokrasya), kung ang nangingibabaw pa rin ay pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao, lalo na sa panahong ito ng pag-iral ng neoliberalismo at lipunang kapitalismo?
May agam-agam ang maralita kung ang demokrasyang tinatamasa natin ay kalayaan lamang bumoto pag eleksyon? Kalayaang pumasok sa trabaho upang bumalik lamang kinabukasan kahit biktima ng kontraktwalisasyon?
Noong 2007, nagpasya ang United Nations General Assembly na ipagdiwang ang Setyembre 15 bilang International Day of Democracy, na layuning itaguyod ang mga prinsipyo ng demokrasya, at inimbitahan ang lahat ng miyembrong estado at organisasyon na gunitain ang araw sa isang naaangkop na paraan na nag-aambag sa pagtataas ng kamalayan ng publiko, habang ang mga demokrasya ay may mga karaniwang katangian, walang iisang modelo ng demokrasya at ang demokrasya ay hindi pag-aari ng alinmang bansa o rehiyon... Ayon pa sa UN, ang demokrasya ay isang unibersal na kahalagagan batay sa malayang pagpapahayag ng kagustuhan ng mga tao upang matukoy ang kanilang sariling pampulitika, pang-ekonomiya, mga sistemang panlipunan at kultural, at ang kanilang buong partisipasyon sa lahat ng aspeto ng buhay.
May ilang nagsasabing ang depinisyon ng demokrasya ay makikita sa Gettysburg speech ni Pangulong Abraham Lincoln ng Amerikam nang kanyang binanggit ang "government OF the people, BY the people, FOR the people" na sana nga'y nangyayari sa kasalukuyan. At hindi sana "government OFF the people, BUY the people, FOOL the people" na kadalasang nangyayari ngayon, lalo sa panahon ng pamamayagpag ng political dynasties sa ating bansa.
Mahigpit na naninindigan ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na ang tunay na demokrasya, na mula sa salitang Griyegong demos (mamamayan) at kratia (kapangyarihan, pamumuno), ay dapat pagsasakapangyarihan ng mamamayan. Ibig sabihin, dapat walang laksang naghihirap habang may mayayamang iilan lang walang naghaharing oligarkiya at dinastiyang pulitikal, hindi umiiral ang mga parasite o lintang manpower agency, tinatamasa ng manggagawa ang living wage, may sosyalisadong pabahay para sa maralita na hindi nakabatay sa market value, at natatamasa ng simpleng mamamayan ang hustisyang panlipunan. Hangga't naghahari ang iilan at mayorya ay naghihirap, hindi tunay na demokrasya ang umiiral.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento