Miyerkules, Setyembre 21, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Peace

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF PEACE
Setyembre 21, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mamamayan ng daigdig sa pag-alala sa International Day of Peace o ang Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan. Sa maraming panig ng mundo ay puno ng mga alitan dahil sa relihiyon, usapin ng lahi, at pag-aagawan sa pribadong pag-aari, tulad ng mga lupain, teritoryo, at kalakalan.

Naniniwala ang KPML na mawawala ang mga alitang ito kung mababago ang sistema ng lipunan kung saan pagkakasundo ang nangingibabaw, na anuman ang pagkakaiba sa kulay ng balat at estado sa buhay ay may pagkakapantay sa kalagayan kaya mawawalan ng dahilan ang digmaan at alitan, kaya magkaroon ng kapayapaan. 

Dapat mawala na ang anumang batayan ng pagsasamantala ng tao sa tao, at nang mawala ang kaapihan ng maliliit. Magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung mawawala ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng kahirapan ng mayorya ng lipunan. Magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung ang uring manggagawa ang magpapatakbo sa lipunan. 

Sinabi na noon ni Gat Emilio Jacinto na “Iisa ang pagkatao ng lahat!” Kaya dapat walang pagsasamantala ng tao sa tao upang magkaroon ng tunay na kapayapaan sa mundo. 

Para sa asam nating kapayapaan: Baguhin at palitan ang bulok na sistemang umiiral!

Walang komento: