PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF AWARENESS ON FOOD LOSS AND WASTE REDUCTION
Setyembre 29, 2022
Stop Food Waste! For People and Planet!
Itigil ang Pag-aksaya ng Pagkain!
Para sa Tao at Planeta!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Day of Awareness on Food Loss and Waste Reduction o Pandaigdigang Araw ng Kamalayan sa Pagkawala ng Pagkain at Pagbabawas ng Basura. Ito na ang ikatlong pagkakataon na inaalala ang araw na ito mula noong una itong inalala noong Setyembre 29, 2020.
Sa ating bansa, halos walang makain ang maralita, na kung may pagkain mang mabibili ay kaymahal, dahil bukod sa isang kahig, isang tuka, ay wala halos pambili ng pagkain. Kaya marami ang nagtitiyaga sa pagpag o yaong mga tira-tirang pagkain sa mga restoran na huhugasan lang ay muling iluluto.
Ayon sa United Nations Environment Programme (UNEP), "Ang suplay ng pagkain sa maraming bansa ay nasa landas na aabutan ang pagsasaka at paggamit ng lupa bilang pinakamalaking kontribyutor sa greenhouse gases (GHGs). Ang pagpoproseso at pag-iimpake ng pagkain, kasama ng transportasyon at basura ng pagkain, ay nagtutulak sa food supply chain sa tuktok ng listahan ng mga tagabuga ng GHG sa buong mundo. Nabubuuo ang GHG sa bawat hakbang ng sistema ng suplay ng pagkain, hindi alintana kung ang pagkain na ginawa ay nasira. Sa partikular, ang mga naaksayang pagkain na nabubulok sa mga landfill ay gumagawa ng methane, isang malakas na greenhouse gas na may 84 na beses na lakas ng pag-init ng carbon dioxide sa loob ng 20 taon."
"Ang pagkawala at pag-aaksaya ng pagkain ay sumisira sa pagpapanatili ng ating mga sistema ng pagkain. Kapag ang pagkain ay nawala o nasayang, ang lahat ng mga mapagkukunan na ginamit upang makagawa ng pagkain na ito - kabilang ang tubig, lupa, enerhiya, paggawa at kapital - ay nasasayang. Bilang karagdagan, ang pagtatapon ng pagkawala ng pagkain at basura sa mga landfill, ay humahantong sa mga greenhouse gas emissions, na nag-aambag sa pagbabago ng klima. Ang pagkawala at pag-aaksaya ng pagkain ay maaari ring negatibong makaapekto sa seguridad ng pagkain at pagkakaroon ng pagkain, at makatutulong sa pagtaas ng halaga ng pagkain."
Bigyang pansin natin kung paano naaaksaya ang ating mga pagkain. At kung paano naman ang ekonomya ng pagkaing pagpag ay pansamantalang lumulutas sa problema ng gutom sa maraming tahanan ng mga maralita. Na dapat ay hindi pagpag ang kanilang kainin bilang tao, kundi ang mga pagkaing masustansya at bago. At hindi ang itinapon na ng mga mayayaman ay kukunin upang iluto upang gawing pagkain ng kapwa tao.
Dapat kahit sa pagkain ay maging tao tayo, na may dignidad at hindi api o pinagsasamantalahan.
Pinaghalawan:
https://www.unep.org/events/un-day/international-day-awareness-food-loss-and-waste-2022
https://www.un.org/en/observances/end-food-waste-day
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento