PAHAYAG NG KPML SA IKALABINTATLONG ANIBERSARYO NG BAGYONG ONDOY AT SA PANANALASA NG BAGYONG KARDING
Setyembre 26, 2022
Mag-ingat po tayo, mga kababayan, sa pananalasa ng matinding bagyong Karding sa kasalukuyan, habang nagdeklara naman ng walang pasok sa mga paaralan ang maraming lungsod.
Sa petsang ito'y magugunita rin natin ang biglaang paglubog ng maraming lungsod sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan dahil sa biglaang pananalasa ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009, labintatlong taon na ang nakararaan. Nabasa ang maraming kagamitan, lumubog sa baha ang maraming kabahayan, at marami ring namatay.
Ayon pa sa ulat, nagbuhos ang Bagyong Ondoy ng 334 milimetrong ulan sa unang anim na oras, ang pinakamataas na naitala na pag-ulan sa metropolis. Kumbaga, ang isang buwang bagyo ay naganap lang ng anim na oras na nagpabaha sa maraming lungsod at karatig lalawigan. Ang dating rekord ay 341 milimetro sa loob ng 24 oras noon pang 42 taon na ang nakararaan. Nilubog ni Ondoy ang hanggang 80% ng lungsod, at tinakpan ang mga lugar na hindi pa nakaranas ng pagbaha, napadpad ang mga tao sa mga bubungan at naghatid ng kamatayan at paghihirap sa ilang mayaman at laksa-laksang mahihirap. Kahit na humupa na ang tubig, ang Metro Manila at ang mga nasa labas na rehiyon ay nakitang hindi handa sa pangangasiwa ng mga natamaan ng bagyo, nasugatan, at pati sa kontaminasyon na dulot ng tubig-baha.
Sinasabi ng mga eksperto sa klima na kung hindi mapapag-usapan ang mga mapagpasyang solusyon, baka mas matindi pang unos ang darating, tulad ng naganap na Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Gayunpaman, ang mga industriyalisadong bansa, na siyang dahilan ng karamihan sa mga emisyon ng karbon sa mundo - ang pinakamalaking kontribyutor sa pagbabago ng klima - ay hindi pa rin talaga umaako ng responsibilidad at nagpapakita ng pamumuno tungo sa mga tunay na solusyon.
Sa paggunita sa Ondoy at habang nananalasa ang bagyong Karding, gunitain natin ang mga aral ng nakaraan. Nagbabago na ang klima. Napakaliit na panahon na lamang ang nalalabi upang magsagawa ng matitinding pagbabago sa mga aktibidad ng tao upang maiwasan ang panganib ng pabagu-bagong klima. Gayunpaman, hindi dapat sisihin ang pagkakagamit lamang ng fossil fuel; hindi ang tipo ng pagkukunan ng enerhiya kundi ang malawakan at matinding paggamit ng enerhiyang batay sa fossil fuel na nagmula sa isang ekonomikong sistemang pangunahing itinulak ng pagkakamal ng limpak-limpak na tubo. Sa ganitong lohika, may katangian ang sistemang kapitalismo na nagreresulta sa matinding pagbabago ng klima dahil sa emisyon ng GHG at pagkawasak ng natural na likas-yaman. Pagkat ang likas-yaman at ang mga karaniwang ginagamit sa araw-araw, tulad ng lupa, ay nagiging pribadong pag-aari ng iilan sa kapinsalaan ng higit na nakararami; ang patuloy at labis-labis na pagpiga sa kalikasan; at sobra-sobrang produksyon na lampas-lampas sa pangangailangan ng tao; ang maaksayang paggamit; paglawak ng pamilihan at pagkuha ng mga materyales; malawakang produksyon para sa pandaigdigang pamilihan na nangangailangan ng enerhiya para sa pagluluwas ng mga produkto. Kaya dapat ang sistemang kapitalismo’y palitan ng mas maunlad na sistemang di makasisira sa kalikasan at di yuyurak sa dangal ng kapwa tao nang dahil lang sa tubo.
Pag-isipan natin ang mga ito, habang nangangaligkig tayo sa ginaw sa pananalasa ng bagyong Karding. Mag-ingat tayo, at tiyaking nasa matataas na lugar ang ating mga mahahalagang kagamitan, tulad ng mga papeles o dokumento, upang kung bumaha man ay bakasakaling makaligtas ang mga iyon sa baha.
Magdeklara na ng Climate Emergency!
Magdamayan, magbayanihan, magtangkilikan, magtulungan!
Climate Justice Now! Baguhin ang sistema!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento