Sabado, Setyembre 17, 2022

Pahayag ng KPML sa World Patient Safety Day

PAHAYAG NG KPML 
SA WORLD PATIENT SAFETY DAY
Setyembre 17, 2022

PANGALAGAAN ANG KALUSUGAN!
BAWAT PASYENTE'Y INGATAN!
MURANG GAMOT PARA SA MARALITA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa taunang pag-alala sa World Patient Safety Day (Pandaigdigang Araw ng Kaligtasan ng Pasyente) tuwing ika-17 ng Setyembre. Ayon sa World Health Organization (WHO), layunin ng araw na ito na itaas ang pandaigdigang kamalayan tungkol sa kaligtasan ng pasyente at magtaguyod ng nagkakaisang aksyon ng mga bansa  upang mabawasan ang pinsala sa pasyente. Ang kaligtasan ng pasyente ay nakatuon sa pagpigil at pagbabawas ng mga panganib, pagkakamali at pinsala na nangyayari sa mga pasyente sa panahon ng pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan.

Ang World Patient Safety Day ay isa sa 11 opisyal na pandaigdigang kampanya sa kalusugan ng publiko na itinakda ng World Health Organization (WHO), kabilang ang World Tuberculosis Day, World Health Day, World Chagas Disease Day, World Malaria Day, World Immunization Week, World No Tobacco Day, World Blood Donor Day, World Hepatitis Day, World Antimicrobial Awareness Week at World AIDS Day.

Mahalaga ang World Patient Safety Day upang maiwasan na ang mga nangyayaring pagkakamali noon, tulad ng pagkaiwan sa tiyan ng pasyente ng karayom o anumang kagamitan ng doktor, dahil nakaligtaan. Marami nang namatay sa COVID, ayon sa ulat ng Kagawaran ng Kalusugan, habang noong panahon ng pandemya ay nagsisiksikan sa mga ospital. Madalas pang kulang ang kama para sa mga pasyente, na kung magkaroon man ng kama ay wala sa kwarto kundi nasa pasilyo na. Nawa ang nakitang mga problema nito ay mabigyang kalutasan. 

Nawa'y magkaroon ng epektibo ngunit murang gamot para sa mga maralita. Maayos na pag-aasikaso sa mga pasyente, at huwag isapribado ang mga ospital upang ang kalusugan ay hindi ibatay sa tutubuin ng ospital kundi ang kalusugan ay serbisyo publiko.

Kalusugan, hindi tubo!
Ang kalusugan ay serbisyo, huwag gawing negosyo!

Walang komento: