PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA MGA NAMATAY NA RESCUER SA KASAGSAGAN NG BAGYONG KARDING
Setyembre 30, 2022
PAGPUPUGAY SA LIMANG NAMATAY NA RESCUER!
MAGDEKLARA NA ANG PAMAHALAAN NG CLIMATE EMERGENCY!
CLIMATE JUSTICE, NOW!
Dapat na talagang magdeklara ng climate Emergency ang pamahalaan upang mas matutukan ang isyung ito sa lalong madaling panahon upang mapaliit natin ang tsansa ng mga kamatayan dulot ng mga bagyo.
Nitong nakaraan lamang, limang rescuer ang namatay sa Bulacan sa kasagsagan ng bagyong Karding. Ayon sa ulat ni Bise Gobernador ng Bulacan Alex Castro, nasawi ang limang rescuer mula sa PDRRMO (Provincial Desaster Risk Reduction and Management Office) sa gitna ng pagtupad sa kanilang tungkulin sa bayan ng San Miguel. "Sa kanilang paghahanda ng life boats ay rumagasa ang flash flood sa kanilang lokasyon na nagpaguho ng isang pader at siyang dahilan ng pagdaloy ng tubig baha na umanod sa ating mga rescuers." Ang mga rescuer ay nakilalang sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurreccion, at Narciso Calayag, Jr.
Nagpupugay ang KPML sa kabayanihan ng ating mga rescuers na namatay sa paggampan ng tungkuling iligtas ang ating mga kababayan sa pananalasa ng bagyo. Gayunpaman, hindi sapat ang papuri sa kanila, kundi pag-isipan at pag-usapan din ang nagaganap na pagbabago ng klima na nagdulot ng ganitong katitinding bagyo, na siyang dahilan ng kamatayan ng mga tulad nila.
Sa pananaliksik at pag-aaral ng KPML, dapat nang agarang kumilos ang pamahalaan at magdeklara ng climate emergency upang mas mapag-usapan sa pambansang antas ang mga nagaganap na ito. Sa ngayon, napapag-usapan sa pandaigdigang antas na nagbabago na ang klima, at noong Oktubre 2018 ay nagdeklara na ang mga siyentipiko mula sa United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) na kung hindi magagawan ng paraan ang pagbabago ng klima, sa 2030 ay magtutungo na tayo sa tinatawag nilang "point of no return".
Siyamnapu't isang awtor at review editor mula sa 40 bansa ang naghanda ng ulat ng IPCC (Intercontinental Panel on Climate Change) bilang tugon sa UNFCCCnoong pinagtibay nito ang Paris Agreement noong 2015. Ang buong pangalan ng ulat ay "Global Warming of 1.5°C, an IPCC special report on the impacts of global warming of 1.5°C above pre-industrial levels and related global greenhouse gas emission pathways, in the context of strengthening the global response to the threat of climate change, sustainable development, and efforts to eradicate poverty."
Kaya naninindigan at nananawagan ang KPML na bawasan na ang paggamit ng mga fossil fuel, natural gas, at coal plants, at tumungo na tayo sa paggamit ng mga renewable energy upang maiwasan natin ang mas matitinding delubyong kakaharapin pa natin. Sa ngayon ay dapat kumilos at magkaisa ang iba't ibang bansa sa buong daigdig sa pagdeklara ng climate emergency upang hindi natin maabot ang mas pag-iinit pa ng mundo sa 1.5 degrees celsius hanggang 2030.
Mga pinaghalawan:
https://www.rappler.com/nation/luzon/fallen-heroes-bulacan-mourns-rescuers-died-due-typhoon-karding/
https://www.ipcc.ch/2018/10/08/summary-for-policymakers-of-ipcc-special-report-on-global-warming-of-1-5c-approved-by-governments/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento