PAHAYAG NG KPML SA IKALIMAMPUNG ANIBERSARYO NG MARTIAL LAW SA PILIPINAS
Setyembre 21, 2022
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mamamayang nakikibaka sa paggunita sa karumal-dumal na panahon ng martial law sa Pilipinas.
Ayon sa datos, nasa 11,103 ang dokumentadong kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang naitala, batay sa dokumentasyon ng Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB). Ang HRVCB, na nilikha alinsunod sa Republic Act No. 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013, ay isang quasi-judicial body na ipinag-uutos ng batas "upang tumanggap, suriin, iproseso, at imbestigahan" ang mga claim sa reparation na ginawa ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Martial Law ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos. Sa ngayon ay may dokumentaryong may pamagat na "11,103" na batay sa panulat at direksyon nina Jeannette Ifurung at Mike Alcazaren, ay tumalakay sa kuwento ng mga nakaligtas sa Martial Law.
Noong Setyembre 21, 1972, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Proklamasyon Blg. 1081 na nagdedeklara ng batas militar sa buong bansa, na diumano ay tumutugon sa tumataas na "banta ng komunista" noong panahong iyon. Subalit mas nakita ang panggigipit sa mamamayan, at magarbong pamumuhay ng diktadura, na nakitang paglustay sa pera ng bayan, malawakang pang-aabuso sa karapatang pantao, panunupil sa mga batayang kalayaan sa pamamahayag, at walang humpay na katiwalian at pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan na nag-iwan sa malaking bahagi ng bansa sa kahirapan.
Sa ating paggunita sa ika-50 taon ng pagkadeklara ng Batas Militar, ipinaaalala natin sa lahat na ang kasaysayan ay hindi lamang koleksyon ng mga pangalan, petsa at lugar. Ito ay tungkol sa pakikibaka at paghahanap ng katotohanan sa likod ng nakaraan. Ito ay isang buhay na gabay para sa kinabukasan ng ating kabataan at ng ating bansa. Hindi ito katulad ng sinabi ng artistang si Ella Cruz na ang kasaysayan ay tsismis. Ang kasaysayan ay buhay na katotohanan ng mga namatay at nagpakasakit upang labanan ang karumal-dumal na panahon ng diktadurang Marcos.
At ngayong nakapwesto na ang anak ng diktador bilang pangulo, nanganganib ang kasaysayan. Tumindi ang pagkalat ng mga halibyong o fake news. Hawak ng bagong rehimen ang pambura upang pabanguhin ang mabantot nilang nakaraan. Subalit huwag tayong pumayag na baguhin nila ang ating kasaysayan. Lalo't higit ay huwag nating payagang wasakin nila ang mga rekord at nakaimbak na datos sa mga arkibo ng mga kabuktutan ng martial law.
Para sa KPML at iba pang organisasyong nakikibaka para sa karapatan at kagalingan ng mamamayan tungo sa isang lipunang makatao, alalahanin natin ang mga nagsakripisyo para sa kalayaan ng bayan mula sa kamay ng diktadura at kuko ng mga mapagsamantala. Huwag nating kalimutan ang mga nangawala at namatay, tulad nina Hermin Lagman, Liliosa Hilao, Lorena Barros, Jessica Sales, at marami pang ibang bumubuo ng 11,103 dokumentadong biktima ng kahayupan ng diktadura.
No to historical distortion!
Never again! Never forget!
Hustisya sa mga biktima ng martial law!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento