Linggo, Setyembre 18, 2022

Pahayag ng KPML sa International Equal Pay Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL EQUAL PAY DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG PANTAY NA SAHOD)
Setyembre 18, 2022

P750 MINIMUM WAGE, IPATUPAD!
6 HRS WORK PER DAY AT UNIVERSAL 
BASIC INCOME, ISABATAS, IPATUPAD!
NEOLIBERALISMO, WAKASAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga sahurang manggagawa sa buong mundo ngayong International Equal Pay Day o Pandaigdigang Araw ng Pantay na Sahod.

Ang International Equal Pay Day (A/RES/74/142) ay idineklara ng United Nations. Ang pagkamit ng pantay na suweldo ay isang mahalagang tungkong bato o milestone para sa karapatang pantao at pagkakapantay-pantay ng kasarian. Ang United Nations, kabilang ang UN Women at ang International Labor Organization (ILO) ay nag-aanyaya sa mga kasaping estado, kababaihan at pangmasang organisasyon, gayundin sa mga negosyo at organisasyon ng manggagawa at kapitalista, na isulong ang pantay na suweldo para sa trabaho ng pantay na halaga at ang pagpapalakas ng ekonomiya ng kababaihan.

Ang pantay na suweldo para sa pantay na trabaho (Equal pay for equal work) ay konsepto ng mga karapatan sa paggawa na ang mga indibidwal sa parehong lugar ng trabaho ay bibigyan ng pantay na suweldo. Ito ang karaniwang ginagamit sa konteksto ng sekswal na diskriminasyon, kaugnay ng agwat sa suweldo ng kasarian. Ang pantay na suweldo ay nauugnay sa buong hanay ng mga pagbabayad at benepisyo, kabilang ang pangunahing sahod, mga hindi bayad na suweldo, mga bonus at allowance. Ang ilang mga bansa ay kumilos nang mas mabilis kaysa sa iba sa pagtugon sa pantay na suweldo.

Sa ating bansa, bagamat ipinapanawagan na ipatupad ang Living Wage (Nakabubuhay na Sahod) na nakasaad sa Konstitusyon, ay nagkakasya pa tayo sa panawagang P750 Minimum Wage, Ipatupad! At upang madagdagan ang trabaho upang magkatrabaho rin ang mga walang trabahong maralita ay gawing anim na oras ang otso oras na paggawa. Kaya sa loob ng 24 oras na may tatlong shift ay magiging apat na shift na kung magiging anim na oras na paggawa. Ito'y karagdagang isang manggagawa sa 24 oras.

Ang Universal Basic Income (UBI) naman ay isang programang dapat ipatupad ng gobyerno kung saan ang bawat nasa hustong gulang na mamamayan ay tumatanggap ng isang takdang halaga ng pera nang regular. Ang mga layunin ng isang pangunahing sistema ng kita ay upang maibsan ang kahirapan at palitan ang iba pang mga programang panlipunan na nakabatay sa pangangailangan. Ang ideya ng unibersal na pangunahing kita ay nakakuha ng momentum sa U.S. habang patuloy na pinapalitan ng automation ang mga manggagawa sa pagmamanupaktura at iba pang sektor ng ekonomiya.

Ang ideya ng pagbibigay ng pangunahing kita sa lahat ng miyembro ng lipunan ay pinanawagan na ilang siglo na ang nagdaan. Binanggit ng 16th century English na pilosopo at estadista na si Thomas More ang ideya sa kanyang  akdang Utopia. Si Thomas Paine, isang pamphleteer na ang mga ideya ay nakatulong sa pag-udyok sa Rebolusyong Amerikano, ay nagmungkahi ng isang plano sa buwis kung saan ang mga kita ay magbibigay ng daloy ng kita ng gobyerno “sa bawat tao, mayaman o mahirap.” At iminungkahi ni Martin Luther King, Jr., ang "garantisadong kita" sa kanyang aklat na Where Do We Go from Here: Chaos or Community?  na nalathala noong 1967.

Magagawa ang lahat ng iyan kung mapapalitan ng uring manggagawa ang patakarang neoliberalismo na nagdulot, imbes na kasaganaan sana ng lipunan, ay kahirapan sa milyon-milyon, kundi man bilyong, mamamayan sa buong daigdig.

Kaya ang KPML, ngayong International Equal Pay Day, ay nakikiisa sa lahat ng manggagawa sa lahat ng bansa na panawagang Equal Pay for Equal Work at ipantay ang sahod ng kababaihan sa sahod ng kalalakihan! Ipatupad ang anim na oras na paggawa sa bansa! Pag-aralan ang Universal Basic Income, isabatas at ipatupad sa bansa! Wakasan na ang sistemang neoliberalismo na yumurak sa dignidad at pagkatao ng mamamayan!

Mga pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/equal-pay-day
https://en.wikipedia.org/wiki/Equal_pay_for_equal_work
https://www.investopedia.com/terms/b/basic-income.asp

Walang komento: