Sabado, Disyembre 31, 2022

Pahayag ng KPML sa Bisperas ng Bagong Taon

PAHAYAG NG KPML SA BISPERAS NG BAGONG TAON
Disyembre 31, 2022

HUWAG MAGPAPUTOK NG BARIL AT LABINTADOR!
HUSTISYA SA MGA NATAMAAN NG STRAY BULLET!
PANGALAGAAN ANG KALUSUGAN AT BUHAY NG KAPWA!
SALUBUNGIN ANG 2023 NG WALANG SUGAT AT MASAYA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagsalubong sa Bagong Taon 2023.

Ang hiling lang namin, sana'y wala nang magpaputok ng baril ngayong pagsapit ng Bagong Taon, lalo na'y kayrami nang namatay sa ligaw na bala tuwing sasapit ang Bagong Taon sa mga nakaraan. Halimbawa na riyan ang batang pitong taong gulang na si Stephanie Nicole Ella ng Kalookan, na namatay sa stray bullet noong Bagong Taon 2013. Nariyan din ang mga sanggol na sina Vhon Alexander Llagas at Rhanz Angelo Corpuz. Nasumpak naman sa Mandaluyong ang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer. Mabuti't nahuli agad ang suspek.

Nitong Bagong Taon 2021, namatay ang isang edad 12 babae sa Lanao del Norte, at nasaktan sa ligaw na bala ang isang edad anim na batang lalaki sa Santa Catalina, Negros Oriental, at isa pa mula sa Dagupan City sa Pangasinan. Isa namang pulis-Malabon ang kinasuhan dahil sa indiscriminate firing.

Wala na rin sanang magpaputok ng mga labintador at malalakas na paputok tulad ng plapla, Goodbye Philippines, Paalam Daliri, at marami pang iba, upang wala nang masaktan at maputulan pa ng daliri, na malaki ang epekto sa kinabukasan ng kabataan. Baka hindi sila matanggap sa trabaho, o kung nais nilang magsundalo o pulis pag naputulan na sila ng daliri. Sasagutin ba ng mga pabrika ng paputok ang gamot ng mga biktima ng paputok? Paano ang kinabukasan ng mga bata?

Pangalagaan natin ang ating kalusugan at buhay ng ating kapwa. Magpaingay na lang tayo sa pamamagitan ng torotot, busina ng sasakyan, pagkalansing ng mga tansan, at iba pang hindi makakasakit sa atin at sa ating kapwa. Salubungin natin ang 2023 nang maayos, malusog, walang sugat at masaya!

Pinaghalawan:
https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/new-year-casualty-stray-bullet-kills-12-year-old-philippine-girl
https://www.mindanews.com/top-stories/2021/01/girl-12-killed-by-stray-bullet-during-new-year-revelry-in-lanao-del-norte/
https://www.cnnphilippines.com/news/2021/1/1/New-Year-2021-stray-bullet-incident.html
https://newsinfo.inquirer.net/333953/shooter-seeks-forgiveness-for-death-of-4-year-old-boy
https://www.ucanews.com/news/girl-killed-by-new-years-eve-stray-bullet/66998
https://www.philstar.com/headlines/2015/01/02/1408601/stray-bullet-kills-girl-another-fights-life
https://www.manilatimes.net/2014/01/01/news/top-stories/infant-killed-by-stray-bullet/64437

Biyernes, Disyembre 30, 2022

Pahayag ng KPML sa ika-126 anibersaryo ng pagbitay kay Dr. Gat Jose Rizal

PAHAYAG NG KPML SA IKA-126 NA ANIBERSARYO NG PAGBITAY KAY DR. GAT JOSE RIZAL
Disyembre 30, 2022

GAT JOSE RIZAL, PAMBIHIRA, BAYANI NG LAHI;
NOBELISTANG BINITAY NG NAGHAHARING URI

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa sambayanang Pilipino sa paggunita sa kabayanihan ng ating bayaning si Gat Jose Rizal sa ika-126 na anibersaryo ng pagbitay sa kanya.

Ang Rizal Day, o Araw ni Rizal, ay pambansang araw ng paggunita sa buhay at mga nagawa ni José Rizal, isa sa mga pambansang bayani ng Pilipinas. Ginugunita, hindi ipinagdiriwang  tuwing Disyembre 30, ang anibersaryo ng pagbitay kay Rizal noong 1896 sa Bagumbayan (kasalukuyang Rizal Park) sa Maynila.

Inaresto si Rizal habang patungo sa Cuba sa pamamagitan ng Espanya at ikinulong sa Barcelona noong Oktubre 6, 1896. Pinabalik siya sa araw ding iyon upang litisin dahil nasangkot siya sa rebolusyon sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-ugnayan sa mga kasapi ng Katipunan. Gayunman, itinanggi niyang kasama siya sa paghihimagsik  at sinabing ang edukasyon ng mga Pilipino at ang kanilang pagkamit ng pambansang pagkakakilanlan ang mga kinakailangan upang kamtin ang kalayaan. Nilitis si Rizal sa harap ng korte-militar para sa paghihimagsik, sedisyon at pagsasabwatan, at dahil dito'y hinatulan siya ng kamatayan. Umaga ng Disyembre 30, 1896, siya'y binaril ng firing squad ng mga Pilipinong bahagi ng Spanish Army.

Bagamat may ilang nagsasabing American-sponsored hero si Rizal, ang kanyang dalawang nobela ang naglantad sa mga kabuktutan ng mga naghaharing uri ng kanyang panahon, ang kanyang panulat ang nagmulat upang mag-alsa ang sambayanan laban sa mga naghaharing uri - ang mga Kastila't mayayamang Pilipino. Sagisag siya ng pakikibaka laban sa mga mapaniil at mapagsamantala sa lipunan, dayuhan at mga kababayan man.

Sa ganitong punto, kasama ng mga bayaning sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Gat Macario Sakay, at iba pa, si Gat Jose Rizal ay halimbawa ng pagsisikap ng sambayanan na baguhin ang bulok na sistema, sa pamamaraan man ng paghihimagsik, o paraan ng panulat, upang mamulat ang bayan na sa sama-samang pagkilos ay makakamit din ang inaasam, di lamang kalayaan mula sa dayuhan at kababayang mapagsamantala, kundi kaginhawahan ng mamamayan.

Pinaghalawan:
https://loc.gov/rr/hispanic/1898/rizal.html
https://www.filipinaslibrary.org.ph/articles/rizals-last-hours/

Martes, Disyembre 27, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Epidemic Preparedness

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF EPIDEMIC PREPAREDNESS
Disyembre 27, 2022

MAGING HANDA SA EPIDEMYA!
MAAGAP NA TUGON AY PAGHANDAAN! 
PROTEKTAHAN ANG KALUSUGAN
NG BAWAT MAMAMAYAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa International Day of Epidemic Preparedness tuwing Disyembre 27.

Noong Disyembre 2019 ay sumulpot ang coronovirus disease of 2019 o COVID-19. Mula diumano sa Tsina ang virus na ito, at kumalat sa buong daigdig.

Dahil dito, noong Marso 2020 ay nagsimula na ang malawakang lockdown, at iba't ibang uri ng quarantine, sa ating bansa upang labanan ang COVID-19 at hindi magkahawaan. Walang labasan ng bahay. Maraming nagsarang pabrika. May mga nagprotesta dahil sa gutom, dahil hindi makapagtrabaho, dahil hindi makalabas ng tahanan. 

Marami sa ating mga mahal sa buhay ang nangawala na dahil sa malupit na pananalasa ng COVID-19. Milyun-milyong buhay ang nawala, at daan-daang milyong tao ang nagkasakit. Pinapanood na lang natin sa telebisyon, napapakinggan sa radyo, at nababasa sa mga pahayagan at sa social media, ang mga datos ng namatay, natamaan ng COVID-19, at mga gumaling. Ang pag-aaral ng mga estudyante ay naging online na, pati na ang mga pag-order ng mga pagkain.

Maraming binago ang pandemya. Kung dating kayraming bus sa EDSA na pwede kang ibaba kung saan, ito'y naging bus carousel na, at sa nakatakdang babaan at sakayan ka lamang makakababa o makakasakay. Kung dati, ang naka-facemask ay sinisita ng pulis dahil baka holdaper, lahat na ang obligadong mag-facemask, at ang hindi naka-facemask ay sinisita ng pulis.

Noong 1334-1353 ay nanalasa ang Black Death, na pumaslang ng 75-200 milyong katao. May New World Smallpox noong 1520 – early 1600s, na nakaapekto sa 25-56 milyong katao. Ang Spanish flu noong 1918-1920 na nasa 50-100 milyong katao ang namatay. Ang HIV/AIDS na nanalasa noong 1981 hanggang sa kasalukuyan ay tumama sa 27.2-47.8 milyong katao. At itong COVID-19 sa ating panahon, na tinatayang nasa 5-17 milyon na ang namatay.

Marahil, ang COVID-19 ay hindi ang huling epidemya o pandemyang kakaharapin ng sangkatauhan. Kaya dapat tayong maging handa. Noong Disyembre 7, 2020, itinalaga ng United Nations General Assembly, sa pamamagitan ng Resolusyon A/RES/75/27, ang Disyembre 27 bawat taon bilang International Day of Epidemic Preparedness o Pandaigdigang Araw ng Pagiging Handa sa Epidemya.

Sa araw na ito, mahigpit na nakikiisa ang KPML sa lahat ng mga nagdurusa at namatayan dahil sa epidemyang dulot ng COVID-19. Nawa'y maging handa tayo, maging ang iba't ibang pamahalaan sa buong mundo, mga lokal na pamahalaan o LGU, ospital, barangay, NGO, pamilya, at iba pa, sa paghahanda upang matugunan agad ang anumang pamndemya o epidemyang ating kakaharapin sa hinaharap.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/epidemic-preparedness-day
https://unis.unvienna.org/unis/en/pressrels/2022/unissgsm1293.html
gavi.org/vaccineswork/historys-seven-deadliest-plagues

Linggo, Disyembre 25, 2022

Pagbati ng KPML ngayong Disyembre 25

PAGBATI NG KPML NGAYONG DISYEMBRE 25

mula sa KPML, pagbating mapagpalaya
nawa'y magbigayan din tayong mga maralita
sana sa bulok na sistema tayo'y makawala
at matayo ang lipunang makatao't malaya

mabuhay kayo, mga kasama, mga kapatid
nawa sa dilim ng gabi'y di tayo mangabulid
dahil sa mapagsamantala, mapang-api't ganid
sana bulok na sistema'y tuluyan nang mapatid

sa twenty-twenty-three, magpakatatag pa sa laban
upang kamtin ang karapatan sa paninirahan
pati ang inaasam na hustisyang panlipunan
di para sa pansarili, kundi para sa bayan

halina't magpatuloy tayong maging prinsipyado
hanggang ating matayo ang lipunang makatao

`12.25.2022

* tingnan ang voice message sa fb page na:

Martes, Disyembre 20, 2022

Pahayag ng KPML sa International Human Solidarity Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN SOLIDARITY DAY
Disyembre 20, 2022

TUNAY NA PAGKAKAISA LABAN SA KAHIRAPAN!
ITABOY ANG KAHIRAPAN, HINDI ANG MAHIHIRAP!
NEOLIBERALISMO, WAKASAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Human Solidarity Day o Pandaigdigang Araw ng Pagkakaisa ng Tao tuwing Disyembre 20.

Ayon sa United Nations, ang Solidarity o Pagkakaisa ay tinukoy sa Millennium Declaration bilang isa sa mga mahahalagang bagay sa ugnayang pandaigdigan sa ika-21 siglo, kung saan ang mga nagdurusa o hindi nakikinabang ay marapat bigyan ng tulong ng mga higit na nakikinabang. Ito'y idineklara noong 22 Disyembre 2005, sa pamamagitan ng resolusyon 60/209. At sa pamamagitan naman ng resolusyon 57/265, itinatag ng General Assembly, noong 20 Disyembre 2002, ang World Solidarity Fund, na itinatag noong Pebrero 2003 bilang trust fund ng United Nations Development Programme. Ang layunin nito ay puksain ang kahirapan at isulong ang pag-unlad ng tao at panlipunan sa mga umuunlad na bansa, partikular sa mga pinakamahihirap na bahagi ng kanilang populasyon.

Ayon pa sa UN, ang International Human Solidarity Day ay:
- araw upang ipagdiwang ang ating pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba;
- araw upang paalalahanan ang mga pamahalaan na igalang ang kanilang mga pagtaya sa mga internasyonal na kasunduan;
- araw upang itaas ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagkakaisa;
- araw upang hikayatin ang debate sa mga paraan upang itaguyod ang pagkakaisa para sa pagkamit ng Sustainable Development Goals kabilang ang pagpuksa sa kahirapan;
- at araw ng pagkilos upang hikayatin ang mga bagong inisyatiba para sa pagpuksa sa kahirapan.

Mahalagang punto: Paglaban sa kahirapan ang diwa ng nasabing pagkakaisa.

Kaya sa araw na ito, mahalaga ang pagkakaisa upang tugunan at malutas ang kahirapan. Subalit dapat ay tugunan ito, hindi sa pagtaboy sa mga mahihirap, kundi sa paglutas sa kahirapan.

Subalit ayon sa maraming pag-aaral, ang ugat ng kahirapan ay ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. At upang mapawi ang kahirapan, dapat itong tanggalin sa kamay ng iilan upang maging pag-aari ng buong lipunan, upang walang naghihirap.

Matagal nang nakikibaka ang mga maralita laban sa karukhaan at sana'y matupad ito sa pamamagitan ng pagwawakas sa neoliberalismo at pagsasamantala ng tao sa tao. Palitan na ang bulok na sistema!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/human-solidarity-day
https://www.zeebiz.com/trending/news-international-human-solidarity-day-2022-date-theme-significance-and-history-213577

Linggo, Disyembre 18, 2022

Pahayag ng KPML sa International Migrants Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL MIGRANTS DAY
Disyembre 18, 2022

PAHALAGAHAN ANG MGA MIGRANTE!
KARAPATAN NG MIGRANTE, IPAGLABAN!
AMBAG NILA SA EKONOMYA, PAHALAGAHAN!
DISENTENG TRABAHO AT SAHOD SA MGA MIGRANTE!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Migrants Day o Pandaigdigang Araw ng Migrante tuwing ika-18 ng Disyembre.

Ayon sa pananaliksik, kinilala ng UN General Assembly noong 4 Disyembre 2000 ang lumalaking bilang ng mga migrante sa mundo, at idineklara Disyembre 18 bilang International Migrants Day (A/RES/55/93). Sa araw na iyon, noong 1990, pinagtibay ng Assembly ang International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of Their Families (A/RES/45/158).

Ang 132 Member States na lumahok sa High-level Dialogue on International Migration and Development, na isinagawa ng General Assembly noong Setyembre 14 at 15, 2006, ay muling nagpatibay ng ilang mahahalagang mensahe. Una, binigyang-diin nila na ang pandaigdigang migrasyon ay isang lumalagong penomenon na maaaring makagawa ng positibong kontribusyon sa pag-unlad sa mga bansang pinanggalingan at mga bansang destinasyon kung ito ay suportado ng mga tamang patakaran. Pangalawa, binigyang-diin nila na ang paggalang sa mga pangunahing karapatan at kalayaan ng lahat ng migrante ay mahalaga upang umani ng mga benepisyo ng internasyonal na migrasyon. Pangatlo, kinilala nila ang kahalagahan ng pagpapalakas ng internasyonal na kooperasyon sa internasyonal na migration sa bilateral, rehiyonal at pandaigdig.

Kinikilala sa nasabing araw ang kontribusyon ng mga migrante sa kanilang mga bagong bansa at komunidad, at itinatampok ang mga hamon na kanilang kinakaharap. Noong 2020, mahigit 281 milyong katao ang mga internasyonal na migrante habang mahigit 59 milyong katao ang internally displaced sa pagtatapos ng 2021, ang ulat ng UN.

Sa ating bansa, tinatayang nasa 1.83 milyon ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) o manggagawang Pilipino na nagtrabaho sa ibang bansa noong Abril hanggang Setyembre 2021. Maituturing silang migrante dahil sila'y nasa ibang bansa nagtatrabaho, habang nakikinabang ang Pilipinas sa kanilang mga remittances.

Sa araw na ito, kasabay ng anibersaryo ng KPML, kami'y taospusong nagpupugay sa lahat ng migrante, lalo na ang mga kapatid nating OFW, sa kanilang mga pagsisikap at sakripisyo upang kumita ng salaping pantustos sa kanilang pamilya! Ang kanilang kontribusyon sa ekonomya ng Pilipinas ay mahalaga. Muli, taospusong pagpupugay!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/migrants-day/background
https://psa.gov.ph/statistics/survey/labor-and-employment/survey-overseas-filipinos

Huwebes, Disyembre 15, 2022

Pahayag ng KPML sa ika-147 kaarawan ng bayaning si Gat Emilio Jacinto

PAHAYAG NG KPML SA IKA-147 KAARAWAN NG BAYANING SI GAT EMILIO JACINTO
Disyembre 15, 2022

PAGPUPUGAY SA UTAK NG KATIPUNAN, EDITOR NG KALAYAAN, PINUNO NG HUKBO, AT MAYKATHA NG KARTILYA NG KATIPUNAN 

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita ng bayan sa ikasandaang apatnapu't pitong (ika-147ng) kaarawan ng ating bayaning si Gat Emilio Jacinto (Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899).

Si Emilio Jacinto ay magaling magsalita (mahusay siya sa wikang Tagalog at Kastila) at matapang na binata, na kilala bilang kaluluwa at utak ng Katipunan, ang rebolusyonaryong organisasyong pinamunuan ni Supremo Gat Andres Bonifacio. Nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran. Lumipat siya sa Unibersidad ng Santo Tomas upang mag-aral ng abugasya, kung saan ang magiging presidente ng Pilipinas, si Manuel Quezon, ay kabilang sa kanyang mga kaklase. Sa kanyang maikling buhay, tumulong si Jacinto na pamunuan ang laban para sa kalayaan ng mga Pilipino mula sa Espanya.

Si Jacinto ay 19 taong gulang pa lamang nang dumating ang balita na inaresto ng mga Espanyol ang kanyang bayaning si Jose Rizal. Dahil doon, umalis ang binata sa paaralan at sumama kay Andres Bonifacio at iba pa upang bumuo ng Katipunan.

Si Jacinto ang naging patnugot ng Kalayaan, ang pahayagan ng Katipunan. Naging pinuno rin siya ng Hukbo sa Dakong Silangan ng Maynila.

Bilang manunulat, isinulat noon ni Jacinto sa kanyang akdang Liwanag at Dilim, "Iisa ang pagkatao ng lahat." Ang sinulat niyang iyon ay talagang nakapagmumulat sa atin kung paano ba tayo magpakatao at makipagkapwa. Iisa ang pagkatao ng lahat, na ibig sabihin, huwag kang maging sakim, mapangmata ng kapwa, mapang-api at mapagsamantala, dahil lang sa iyong katayuan sa buhay. Isinulat din niya ang Kartilya ng Katipunan, na nakapaloob sa dokumentong "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito."

Bago pa magkaroon ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) noong Disyembre 10, 1948, ay naisulat na ni Jacinto sa Kartilya ng Katipunan ang pananalitang ito: "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao."

Dahil sa kanyang mga ambag sa bayan, inaalala natin si Jacinto sa anim na araw mula Disyembre 10 (Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao) hanggang sa kanyang kaarawan.

Tunay ngang ang mga aral ng bayaning Jacinto’y gabay natin at ng mga susunod pang salinlahi. Halina't basahin natin ang Liwanag at Dilim, at iba pang akda ni Dimas Ilaw, sagisag-panulat ni Gat Emilio Jacinto, na kilala rin sa kanyang alyas na Pingkian, na ibig sabihin ay kislap ng pagkikiskisan ng dalawang bagay na maaaring magliyab.

Ang kanyang tulang A La Patria na nasa wikang Kastila at binubuo ng dalawampu't siyam na saknong na may tiglimang taludtod bawat saknong ay isinalin ng makatang Gregorio Bituin Jr. noong Agosto 2012 sa wikang Filipino, na may dalawampung pantig bawat taludtod. Ito'y maaaring makita sa kawing na: http://akdaniemiliojacinto.blogspot.com/2012/08/sa-inang-bayan-salin-ng-tula-ni-gat.html

Pagkatapos ng pagbitay kay Bonifacio, ipinagpatuloy ni Jacinto ang pakikibaka ng Katipunan. Tulad ni Heneral Mariano Álvarez, tumanggi siyang sumapi sa pwersa ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang pinuno ng pangkat ng Magdalo ng Katipunan. Nanirahan si Jacinto sa Laguna at sumapi rin sa milisya na lumaban sa mga Kastila. Nagkaroon ng malaria si Jacinto at namatay noong Abril 16, 1899, sa Brgy. Alipit, Santa Cruz, Laguna. Ang kanyang mga labi ay unang inilibing sa Brgy. San Juan, Santa Cruz, Laguna, at inilipat sa Manila North Cemetery makalipas ang ilang taon at pagkatapos ay inilipat ang kanyang labi sa Himlayang Pilipino Memorial Park sa Quezon City.

Siya ay ikinasal kay Catalina de Jesús, na buntis nang siya'y mamatay. Sa gulang na dalawampu't apat ay namatay si Jacinto.

Mabuhay si Gat Emilio Jacinto! Ang kanyang halimbawa ay mananatiling inspirasyon sa mga susunod na henerasyon.

* litrato mula sa google

Linggo, Disyembre 11, 2022

Pahayag ng KPML sa International Mountain Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL MOUNTAIN DAY O PANDAIGDIGANG ARAW NG KABUNDUKAN
Disyembre 11, 2022

2022 theme: WOMEN MOVE MOUNTAINS
2010 theme: Mountain minorities and indigenous peoples

PROTEKTAHAN ANG MGA BUNDOK AT PANGALAGAAN 
ANG SARIBUHAY O BIODIVERSITY NA NAROROON!
NAKAKALBONG BUNDOK AY TANIMAN NG PUNO!
TUTULAN ANG PAGMIMINA AT ILIGAL NA PAGTOTROSO
NA NAKAKASIRA SA ATING MGA KABUNDUKAN!
KARAPATANG PANTAO SA KABUNDUKAN, IPAGLABAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Mountain Day o Pandaigdigang Araw ng Kabundukan.

Ang Disyembre 11 bilang "International Mountain Day" ay itinalaga ng United Nations General Assembly noong 2003. Ang General Assembly ay "hinikayat ang pandaigdigang komunidad na ayusin ang mga kaganapan sa lahat ng antas sa araw na iyon upang patampukin ang kahalagahan ng napapanatiling pag-unlad ng bundok." Ang International Mountain Day ay ipinagdiriwang taun-taon na may iba't ibang temang nauugnay sa sustenableng pag-unlad ng kabundukan. Ang FAO ang organisasyon ng U.N. na inatasang  manguna sa pagdiriwang ng International Mountain Day. 

Ang tema para sa International Mountain Day 2010 ay "Mountain minorities and indigenous peoples." Nilalayon nitong itaas ang kamalayan tungkol sa mga katutubo at minorya na naninirahan sa mga kapaligiran sa bundok at ang kaugnayan ng kanilang kultural na pamana, tradisyon at kaugalian. Ngayong 2022, ang tema ng International Mountain Day ay "Women Move Mountains." Ipinapakita sa mga temang ito ang kahalagahan ng mga tagapangalaga ng kabundukan: ang mga liping minorya, lumad, at kababaihan.

Gayunpaman, napakaraming banta sa kabundukan, tulad ng pagmimina, iligal na pagtotroso, slash and burn farming, pangongolekta ng kahoy na panggatong, iligal na pangangaso, at pagpapalawak ng mga pamayanan ng tao bilang mga pangunahing nag-aambag sa pagkawala ng takip sa kagubatan. Ang mga problemang ito ay hindi natatangi sa Sierra Madre ngunit nakakaapekto rin sa iba pang mga bundok at protektadong lugar, tulad ng Masungi.

Ito pa ang ilan sa mga matataas na bundok sa ating bansa na dapat nating protektahan:
(1) Bundok Apo – Ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas.
(2) Bundok Dulang-Dulang – Pangalawa sa pinakamataas na bundok sa Pilipinas.
(3) Bundok Pulag – Pinakamataas na bundok sa Luzon.
(4) Bundok Kitanglad – Mapanghamon ang mga trail dito ngunit nag-aalok ng magagandang tanawin at mayamang biodiversity na ginagawang sulit ang iyong paglalakbay.
(5) Bundok Kalatungan – Ito ay nauuri bilang isang potensyal na aktibong bulkan at itinuturing na isa sa mga pinaka-mapanghamong bundok sa Pilipinas na akyatin.
(6) Bundok Tabayoc – Pangalawa sa pinakamataas na bundok sa Luzon.
(7) Bundok Piapayungan – Hanggang ngayon, ito ay nananatiling isa sa pinakamahirap na taluktok sa Mindanao.
(8) BundokR agang – Mt.Ragang ang pinakamataas na bundok sa Lanao Del Sur.
(9) Bundok Maagnaw – Pangatlong pinakamataas na tuktok sa hanay ng Kitanglad
(10) Bundok Timbak - sa Benguet, kung saan nagyeyelo o snow na rito sa panahon ng taglamig
(11) Sierra Madre - ang pinakamahabang bulubundukin sa Pilipinas. Sumasaklaw sa mahigit 540 kilometro, ito ay tumatakbo mula sa lalawigan ng Cagayan pababa sa lalawigan ng Quezon.

Dapat protektahan ng pamahalaan at ng mamamayan ang ating mga kabundukan, lalo na ang mga saribuhay o biodiversity na naririto. Huwag natin itong hayaan sa pagmimina, ilegal na pagtotroso at anumang gawaing nakakasira sa kalikasan!

Protektahan ang karapatan ng mga katutubo, mga tagabundok, at lahat ng naninirahan sa kabundukan! Pangalagaan natin ang ating kalikasan!

Pinaghalawan:
https://www.fao.org/international-mountain-day/en/
https://www.zenrooms.com/blog/philippines-mountains/
https://en.wikipedia.org/wiki/Mountain_Day

Sabado, Disyembre 10, 2022

Pahayag ng KPML sa International Human Rights Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN RIGHTS DAY
Disyembre 10, 2022

AYON SA UDHR AT KARTILYA NG KATIPUNAN:
LAHAT NG TAO'Y MAGKAKAPANTAY (EQUAL)
KARAPATANG PANTAO, IGALANG!
LIPUNANG MAKATAO, ITATAG!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng ika-74 na anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) na isang tungkong bato o milestone sa kasaysayan ng buong daigdig. Kaya ipinagdiriwang natin ang International Human Rights Day o Pandaigdigang Araw ng mga Karapatang Pantao tuwing Disyembre 10 bilang pagpupugay.

Pinili ang nasabing petsa upang parangalan ang pagpapatibay at proklamasyon ng United Nations General Assembly, noong 10 Disyembre 1948, ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR). Ang pormal na pagtatatag ng Pandaigdigang Araw ng Mga Karapatang Pantao ay naganap sa ika-317 Plenary Meeting ng General Assembly noong 4 Disyembre 1950, nang ideklara ng General Assembly ang resolusyon 423(V), na nag-aanyaya sa lahat ng miyembrong estado at anumang iba pang interesadong organisasyon na ipagdiwang ang araw ayon sa kanilang nakitang angkop.

Sa Art. 1 ng UDHR ay nasusulat: "All human beings are born free and equal in dignity and rights." At ating maaalala na sa ating kasaysayan mismo ay naisulat na ito. Mahigit 50 taon bago ang UDHR ay naisulat sa Kartilya: "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, LAHAT NG TAO'Y MAGKAKAPANTAY; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao." 

At limang araw matapos nito'y kaarawan naman ni Gat Emilio Jacinto (Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899), Bayani ng Pilipinas, Utak ng Katipunan, Editor ng Kalayaan, Pinunong Militar, at may-akda ng Kartilya ng Katipunan.

Basahin at namnamin natin ng buo ang UDHR, kasabay ng Kartilya ng Katipunan. Pagkat ang mga aral ng UDHR at ng Kartilya ng Katipunan ay mga dokumentong mahalagang maitimo natin, hindi lang sa kasalukuyang henerasyon, kundi sa mga susunod pang salinlahi upang igalang ng lahat ang karapatang pantao, at isabuhay ang mga nasasasaad sa Kartilya ng Katipunan. 

Mabuhay ang lahat ng mga HRDs (Human Rights Defenders)! Mabuhay ang Universal Declaration of Human Rights! Mabuhay ang Kartilya ng Katipunan! Magpatuloy tayong makibaka para sa isang lipunang pantay at makatao!

Biyernes, Disyembre 9, 2022

Pahayag ng KPML sa International Anti-Corruption Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL ANTI-CORRUPTION DAY
Disyembre 9, 2022

LABANAN ANG KATIWALIAN!
SERBISYO'Y HUWAG GAWING NEGOSYO!
PAGLINGKURAN NG TAPAT ANG BAYAN!
MGA NAKAW NA YAMAN SA KABAN NG BAYAN, IBALIK!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Anti-Corruption Day o Pandaigdigang Araw Laban sa Katiwalian tuwing ikasiyam ng Disyembre.

Noong 31 Oktubre 2003, pinagtibay ng UN General Assembly ang United Nations Convention against Corruption at hiniling na italaga ng Secretary-General ang United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) bilang secretariat para sa Convention's Conference of States Parties (resolution 58/4). Simula noon, 188 na partido ang nangako sa mga obligasyon ng Convention laban sa katiwalian, na nagpapakita ng halos unibersal na pagkilala sa kahalagahan ng mabuting pamamahala, pananagutan, at pangako sa pulitika.

Sa pananaliksik, ang kahulugan ng  korupsiyon, korapsiyon, katiwalian o pangungurakot (Ingles: corruption) ay tumutukoy sa kawalan ng integridad at katapatan sa pagseserbisyo sa publiko para sa sariling kapakinabangan. Nangyayari ito pag ang isang indibidwal na nasa posisyon sa pamahalaan o isang empleyado ng pamahalaan ay umaasal sa kanyang kapasidad bilang opisyal ng pamahalaan para sa hindi nararapat na sariling kapakinabangan.

Ayon sa Global Corruption Index 2022, ika-105 ang Pilipinas sa 196 na bansa at teritoryo. Noong 2021, ika-102 ang pwesto ng Pilipinas. May batas nga sa bansa laban sa katiwalian. Ito ang Republic Act No. 6713 o Kodigo ng Pag-aasal at mga Pamantayang Etikal para sa mga Publikong Opisyal at Empleyado(Ingles: Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).

Sa ating bansa, may mga tinatawag na hidden wealth na kinurakot sa kaban ng bayan. Dapat itong maibalik sa sambayanan! Hindi na tayo magpapalawig pa ng pagtalakay sa usaping ito dahil batid ito ng bayan!

Sa ganitong dahilan, ang KPML ay nananawagang dapat nang labanan ang anumang katiwalian o korupsyon sa pamahalaan. Dapat paglingkuran ng tapat ang bayan! At ang serbisyo sa tao ay huwag gawing negosyo!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/anti-corruption-day
https://www.bworldonline.com/top-stories/2022/11/21/488299/phl-ranking-in-corruption-index-declines/
https://tl.wikipedia.org/wiki/Batas_kontra_katiwalian_sa_Pilipinas

Biyernes, Disyembre 2, 2022

Pahayag ng KPML sa unang araw ng Urban Poor Solidarity Week

PAHAYAG NG KPML SA UNANG ARAW NG URBAN POOR SOLIDARITY WEEK
Disyembre 2, 2022

DAHIL SA LALONG TUMITINDING KAHIRAPAN, MATAAS NA PRESYO, NEOLIBERALISMO, AT BULOK NA SISTEMA, ANG URBAN POOR 
SOLIDARITY WEEK AY GAWIN NATING URBAN POOR PROTEST WEEK!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga maralita sa bansa sa pag-alala sa Urban Poor Solidarity Week o Linggo ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod.

Isinabatas ni dating Pangulong Cory Aquino noong Enero 30, 1989, sa pamamagitan ng Proclamation No. 367, na ang Disyembre 2 hanggang 8 ng bawat taon ay “Urban Poor Solidarity Week”.

Gayunpaman, hindi ba't mas nararapat lang nating tawwagin itong Urban Poor Protest Week sa hindi maampat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na hindi na kaya ng mga maralita, patuloy pa ring laganap ang kahirapan, patuloy pa ring nananalasa ang neoliberalismo, kung saan patuloy ang pagyaman ng dati nang mayayaman, habang patuloy na naghihirap ang laksa-laksang mahihirap, na hindi na makaahon sa kahirapan. Marapat lang baguhin na ang sistemang ito ng mas makataong sistemang nagsisilbi sa mamamayan at hindi sa iilan.

Nasa 6.5 milyon pa ang backlog sa pabahay, na mula sa mga nakalipas na administrasyonb hanggang ngayon ay hindi pa rin natutugunan.

Tumataas ang presyo ng mga bilihin dahil sa patuloy na pag-iral ng neoliberalismo sa ating bansa. Ito ay karaniwang nauugnay sa mga patakaran ng liberalisasyon sa ekonomiya, kabilang ang pribatisasyon, deregulasyon, globalisasyon, malayang kalakalan, monetarismo, pagtitipid, at mga pagbawas sa paggasta ng pamahalaan upang mapataas ang papel ng pribadong sektor sa ekonomiya at lipunan.

Ang neoliberalismo ay ang nangingibabaw na ideolohiyang tumatagos sa mga pampublikong patakaran ng maraming pamahalaan sa mga maunlad at papaunlad na bansa at ng mga internasyonal na ahensya tulad ng World Bank, International Monetary Fund, World Trade Organization, at maraming teknikal na ahensya ng United Nations, kabilang ang World Health Organization. Ang ideolohiyang ito ay nagsasabing ang hindi pakikialam ng estado sa mga aktibidad sa ekonomiya at panlipunan at ang deregulasyon ng mga merkado ng paggawa at pananalapi, gayundin ng komersyo at pamumuhunan, ay nagpalaya sa napakalaking potensyal ng kapitalismo upang lumikha ng isang hindi pa naganap na panahon ng panlipunang kagalingan sa populasyon ng mundo.

Tanggalin o pababain ang VAT sa maralita o maging ang E-VAT (expanded value added tax) na 12% sa lahat ng produkto, kundi mas buwisan ang mayayaman. Bakit ang biniling noodles ng mahirap ay kapareho ng buwis ng biniling noodles ng mayaman?

Tanggalin ang excise tax, na ipinapataw sa iba't ibang produkto at serbisyo, tulad ng alak at sigarilyo, na kadalasang ipinapataw sa mga gumagawa o manufacturer nito. Subalit pinapasan naman ng konsyumer kaya mahal ang produkto.

Tanggalin na ang Rice Tariffication Law, dahil imbes na suportahan natin ang ating mga magsasaka ay umaangkat na lang tayo ng murang bigas sa ibang bansa.

Tanggalin na ang Oil Deregulation Law, dahil ito ang isang dahilan kung bakit patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis. Ibinigay na ng pamahalaan, sa pamamagitan ng batas na ito, ang pagprepresyo ng langis sa mga kapitalista.

Trabaho para sa mga walang trabahong maralita! Trabahong regular, hindi kontraktwal sa mga manggagawa!

Kapwa maralita, magkaisa tayo sa Urban Poor Solidarity Week, subalit gawin natin itong Urban Poor Protest Week, upang sama-sama nating ipahayag na "Sobra na ang kahirapan, Tama na ang mataas na presyo ng mga bilihin, Palitan na ang Bulok na Sistema!"