Biyernes, Disyembre 2, 2022

Pahayag ng KPML sa unang araw ng Urban Poor Solidarity Week

PAHAYAG NG KPML SA UNANG ARAW NG URBAN POOR SOLIDARITY WEEK
Disyembre 2, 2022

DAHIL SA LALONG TUMITINDING KAHIRAPAN, MATAAS NA PRESYO, NEOLIBERALISMO, AT BULOK NA SISTEMA, ANG URBAN POOR 
SOLIDARITY WEEK AY GAWIN NATING URBAN POOR PROTEST WEEK!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga maralita sa bansa sa pag-alala sa Urban Poor Solidarity Week o Linggo ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod.

Isinabatas ni dating Pangulong Cory Aquino noong Enero 30, 1989, sa pamamagitan ng Proclamation No. 367, na ang Disyembre 2 hanggang 8 ng bawat taon ay “Urban Poor Solidarity Week”.

Gayunpaman, hindi ba't mas nararapat lang nating tawwagin itong Urban Poor Protest Week sa hindi maampat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na hindi na kaya ng mga maralita, patuloy pa ring laganap ang kahirapan, patuloy pa ring nananalasa ang neoliberalismo, kung saan patuloy ang pagyaman ng dati nang mayayaman, habang patuloy na naghihirap ang laksa-laksang mahihirap, na hindi na makaahon sa kahirapan. Marapat lang baguhin na ang sistemang ito ng mas makataong sistemang nagsisilbi sa mamamayan at hindi sa iilan.

Nasa 6.5 milyon pa ang backlog sa pabahay, na mula sa mga nakalipas na administrasyonb hanggang ngayon ay hindi pa rin natutugunan.

Tumataas ang presyo ng mga bilihin dahil sa patuloy na pag-iral ng neoliberalismo sa ating bansa. Ito ay karaniwang nauugnay sa mga patakaran ng liberalisasyon sa ekonomiya, kabilang ang pribatisasyon, deregulasyon, globalisasyon, malayang kalakalan, monetarismo, pagtitipid, at mga pagbawas sa paggasta ng pamahalaan upang mapataas ang papel ng pribadong sektor sa ekonomiya at lipunan.

Ang neoliberalismo ay ang nangingibabaw na ideolohiyang tumatagos sa mga pampublikong patakaran ng maraming pamahalaan sa mga maunlad at papaunlad na bansa at ng mga internasyonal na ahensya tulad ng World Bank, International Monetary Fund, World Trade Organization, at maraming teknikal na ahensya ng United Nations, kabilang ang World Health Organization. Ang ideolohiyang ito ay nagsasabing ang hindi pakikialam ng estado sa mga aktibidad sa ekonomiya at panlipunan at ang deregulasyon ng mga merkado ng paggawa at pananalapi, gayundin ng komersyo at pamumuhunan, ay nagpalaya sa napakalaking potensyal ng kapitalismo upang lumikha ng isang hindi pa naganap na panahon ng panlipunang kagalingan sa populasyon ng mundo.

Tanggalin o pababain ang VAT sa maralita o maging ang E-VAT (expanded value added tax) na 12% sa lahat ng produkto, kundi mas buwisan ang mayayaman. Bakit ang biniling noodles ng mahirap ay kapareho ng buwis ng biniling noodles ng mayaman?

Tanggalin ang excise tax, na ipinapataw sa iba't ibang produkto at serbisyo, tulad ng alak at sigarilyo, na kadalasang ipinapataw sa mga gumagawa o manufacturer nito. Subalit pinapasan naman ng konsyumer kaya mahal ang produkto.

Tanggalin na ang Rice Tariffication Law, dahil imbes na suportahan natin ang ating mga magsasaka ay umaangkat na lang tayo ng murang bigas sa ibang bansa.

Tanggalin na ang Oil Deregulation Law, dahil ito ang isang dahilan kung bakit patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis. Ibinigay na ng pamahalaan, sa pamamagitan ng batas na ito, ang pagprepresyo ng langis sa mga kapitalista.

Trabaho para sa mga walang trabahong maralita! Trabahong regular, hindi kontraktwal sa mga manggagawa!

Kapwa maralita, magkaisa tayo sa Urban Poor Solidarity Week, subalit gawin natin itong Urban Poor Protest Week, upang sama-sama nating ipahayag na "Sobra na ang kahirapan, Tama na ang mataas na presyo ng mga bilihin, Palitan na ang Bulok na Sistema!"

Walang komento: