Biyernes, Disyembre 9, 2022

Pahayag ng KPML sa International Anti-Corruption Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL ANTI-CORRUPTION DAY
Disyembre 9, 2022

LABANAN ANG KATIWALIAN!
SERBISYO'Y HUWAG GAWING NEGOSYO!
PAGLINGKURAN NG TAPAT ANG BAYAN!
MGA NAKAW NA YAMAN SA KABAN NG BAYAN, IBALIK!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Anti-Corruption Day o Pandaigdigang Araw Laban sa Katiwalian tuwing ikasiyam ng Disyembre.

Noong 31 Oktubre 2003, pinagtibay ng UN General Assembly ang United Nations Convention against Corruption at hiniling na italaga ng Secretary-General ang United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) bilang secretariat para sa Convention's Conference of States Parties (resolution 58/4). Simula noon, 188 na partido ang nangako sa mga obligasyon ng Convention laban sa katiwalian, na nagpapakita ng halos unibersal na pagkilala sa kahalagahan ng mabuting pamamahala, pananagutan, at pangako sa pulitika.

Sa pananaliksik, ang kahulugan ng  korupsiyon, korapsiyon, katiwalian o pangungurakot (Ingles: corruption) ay tumutukoy sa kawalan ng integridad at katapatan sa pagseserbisyo sa publiko para sa sariling kapakinabangan. Nangyayari ito pag ang isang indibidwal na nasa posisyon sa pamahalaan o isang empleyado ng pamahalaan ay umaasal sa kanyang kapasidad bilang opisyal ng pamahalaan para sa hindi nararapat na sariling kapakinabangan.

Ayon sa Global Corruption Index 2022, ika-105 ang Pilipinas sa 196 na bansa at teritoryo. Noong 2021, ika-102 ang pwesto ng Pilipinas. May batas nga sa bansa laban sa katiwalian. Ito ang Republic Act No. 6713 o Kodigo ng Pag-aasal at mga Pamantayang Etikal para sa mga Publikong Opisyal at Empleyado(Ingles: Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).

Sa ating bansa, may mga tinatawag na hidden wealth na kinurakot sa kaban ng bayan. Dapat itong maibalik sa sambayanan! Hindi na tayo magpapalawig pa ng pagtalakay sa usaping ito dahil batid ito ng bayan!

Sa ganitong dahilan, ang KPML ay nananawagang dapat nang labanan ang anumang katiwalian o korupsyon sa pamahalaan. Dapat paglingkuran ng tapat ang bayan! At ang serbisyo sa tao ay huwag gawing negosyo!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/anti-corruption-day
https://www.bworldonline.com/top-stories/2022/11/21/488299/phl-ranking-in-corruption-index-declines/
https://tl.wikipedia.org/wiki/Batas_kontra_katiwalian_sa_Pilipinas

Walang komento: