Martes, Disyembre 20, 2022

Pahayag ng KPML sa International Human Solidarity Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN SOLIDARITY DAY
Disyembre 20, 2022

TUNAY NA PAGKAKAISA LABAN SA KAHIRAPAN!
ITABOY ANG KAHIRAPAN, HINDI ANG MAHIHIRAP!
NEOLIBERALISMO, WAKASAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Human Solidarity Day o Pandaigdigang Araw ng Pagkakaisa ng Tao tuwing Disyembre 20.

Ayon sa United Nations, ang Solidarity o Pagkakaisa ay tinukoy sa Millennium Declaration bilang isa sa mga mahahalagang bagay sa ugnayang pandaigdigan sa ika-21 siglo, kung saan ang mga nagdurusa o hindi nakikinabang ay marapat bigyan ng tulong ng mga higit na nakikinabang. Ito'y idineklara noong 22 Disyembre 2005, sa pamamagitan ng resolusyon 60/209. At sa pamamagitan naman ng resolusyon 57/265, itinatag ng General Assembly, noong 20 Disyembre 2002, ang World Solidarity Fund, na itinatag noong Pebrero 2003 bilang trust fund ng United Nations Development Programme. Ang layunin nito ay puksain ang kahirapan at isulong ang pag-unlad ng tao at panlipunan sa mga umuunlad na bansa, partikular sa mga pinakamahihirap na bahagi ng kanilang populasyon.

Ayon pa sa UN, ang International Human Solidarity Day ay:
- araw upang ipagdiwang ang ating pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba;
- araw upang paalalahanan ang mga pamahalaan na igalang ang kanilang mga pagtaya sa mga internasyonal na kasunduan;
- araw upang itaas ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagkakaisa;
- araw upang hikayatin ang debate sa mga paraan upang itaguyod ang pagkakaisa para sa pagkamit ng Sustainable Development Goals kabilang ang pagpuksa sa kahirapan;
- at araw ng pagkilos upang hikayatin ang mga bagong inisyatiba para sa pagpuksa sa kahirapan.

Mahalagang punto: Paglaban sa kahirapan ang diwa ng nasabing pagkakaisa.

Kaya sa araw na ito, mahalaga ang pagkakaisa upang tugunan at malutas ang kahirapan. Subalit dapat ay tugunan ito, hindi sa pagtaboy sa mga mahihirap, kundi sa paglutas sa kahirapan.

Subalit ayon sa maraming pag-aaral, ang ugat ng kahirapan ay ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. At upang mapawi ang kahirapan, dapat itong tanggalin sa kamay ng iilan upang maging pag-aari ng buong lipunan, upang walang naghihirap.

Matagal nang nakikibaka ang mga maralita laban sa karukhaan at sana'y matupad ito sa pamamagitan ng pagwawakas sa neoliberalismo at pagsasamantala ng tao sa tao. Palitan na ang bulok na sistema!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/human-solidarity-day
https://www.zeebiz.com/trending/news-international-human-solidarity-day-2022-date-theme-significance-and-history-213577

Walang komento: