Sabado, Disyembre 10, 2022

Pahayag ng KPML sa International Human Rights Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN RIGHTS DAY
Disyembre 10, 2022

AYON SA UDHR AT KARTILYA NG KATIPUNAN:
LAHAT NG TAO'Y MAGKAKAPANTAY (EQUAL)
KARAPATANG PANTAO, IGALANG!
LIPUNANG MAKATAO, ITATAG!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng ika-74 na anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) na isang tungkong bato o milestone sa kasaysayan ng buong daigdig. Kaya ipinagdiriwang natin ang International Human Rights Day o Pandaigdigang Araw ng mga Karapatang Pantao tuwing Disyembre 10 bilang pagpupugay.

Pinili ang nasabing petsa upang parangalan ang pagpapatibay at proklamasyon ng United Nations General Assembly, noong 10 Disyembre 1948, ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR). Ang pormal na pagtatatag ng Pandaigdigang Araw ng Mga Karapatang Pantao ay naganap sa ika-317 Plenary Meeting ng General Assembly noong 4 Disyembre 1950, nang ideklara ng General Assembly ang resolusyon 423(V), na nag-aanyaya sa lahat ng miyembrong estado at anumang iba pang interesadong organisasyon na ipagdiwang ang araw ayon sa kanilang nakitang angkop.

Sa Art. 1 ng UDHR ay nasusulat: "All human beings are born free and equal in dignity and rights." At ating maaalala na sa ating kasaysayan mismo ay naisulat na ito. Mahigit 50 taon bago ang UDHR ay naisulat sa Kartilya: "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, LAHAT NG TAO'Y MAGKAKAPANTAY; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao." 

At limang araw matapos nito'y kaarawan naman ni Gat Emilio Jacinto (Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899), Bayani ng Pilipinas, Utak ng Katipunan, Editor ng Kalayaan, Pinunong Militar, at may-akda ng Kartilya ng Katipunan.

Basahin at namnamin natin ng buo ang UDHR, kasabay ng Kartilya ng Katipunan. Pagkat ang mga aral ng UDHR at ng Kartilya ng Katipunan ay mga dokumentong mahalagang maitimo natin, hindi lang sa kasalukuyang henerasyon, kundi sa mga susunod pang salinlahi upang igalang ng lahat ang karapatang pantao, at isabuhay ang mga nasasasaad sa Kartilya ng Katipunan. 

Mabuhay ang lahat ng mga HRDs (Human Rights Defenders)! Mabuhay ang Universal Declaration of Human Rights! Mabuhay ang Kartilya ng Katipunan! Magpatuloy tayong makibaka para sa isang lipunang pantay at makatao!

Walang komento: