Biyernes, Disyembre 30, 2022

Pahayag ng KPML sa ika-126 anibersaryo ng pagbitay kay Dr. Gat Jose Rizal

PAHAYAG NG KPML SA IKA-126 NA ANIBERSARYO NG PAGBITAY KAY DR. GAT JOSE RIZAL
Disyembre 30, 2022

GAT JOSE RIZAL, PAMBIHIRA, BAYANI NG LAHI;
NOBELISTANG BINITAY NG NAGHAHARING URI

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa sambayanang Pilipino sa paggunita sa kabayanihan ng ating bayaning si Gat Jose Rizal sa ika-126 na anibersaryo ng pagbitay sa kanya.

Ang Rizal Day, o Araw ni Rizal, ay pambansang araw ng paggunita sa buhay at mga nagawa ni José Rizal, isa sa mga pambansang bayani ng Pilipinas. Ginugunita, hindi ipinagdiriwang  tuwing Disyembre 30, ang anibersaryo ng pagbitay kay Rizal noong 1896 sa Bagumbayan (kasalukuyang Rizal Park) sa Maynila.

Inaresto si Rizal habang patungo sa Cuba sa pamamagitan ng Espanya at ikinulong sa Barcelona noong Oktubre 6, 1896. Pinabalik siya sa araw ding iyon upang litisin dahil nasangkot siya sa rebolusyon sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-ugnayan sa mga kasapi ng Katipunan. Gayunman, itinanggi niyang kasama siya sa paghihimagsik  at sinabing ang edukasyon ng mga Pilipino at ang kanilang pagkamit ng pambansang pagkakakilanlan ang mga kinakailangan upang kamtin ang kalayaan. Nilitis si Rizal sa harap ng korte-militar para sa paghihimagsik, sedisyon at pagsasabwatan, at dahil dito'y hinatulan siya ng kamatayan. Umaga ng Disyembre 30, 1896, siya'y binaril ng firing squad ng mga Pilipinong bahagi ng Spanish Army.

Bagamat may ilang nagsasabing American-sponsored hero si Rizal, ang kanyang dalawang nobela ang naglantad sa mga kabuktutan ng mga naghaharing uri ng kanyang panahon, ang kanyang panulat ang nagmulat upang mag-alsa ang sambayanan laban sa mga naghaharing uri - ang mga Kastila't mayayamang Pilipino. Sagisag siya ng pakikibaka laban sa mga mapaniil at mapagsamantala sa lipunan, dayuhan at mga kababayan man.

Sa ganitong punto, kasama ng mga bayaning sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Gat Macario Sakay, at iba pa, si Gat Jose Rizal ay halimbawa ng pagsisikap ng sambayanan na baguhin ang bulok na sistema, sa pamamaraan man ng paghihimagsik, o paraan ng panulat, upang mamulat ang bayan na sa sama-samang pagkilos ay makakamit din ang inaasam, di lamang kalayaan mula sa dayuhan at kababayang mapagsamantala, kundi kaginhawahan ng mamamayan.

Pinaghalawan:
https://loc.gov/rr/hispanic/1898/rizal.html
https://www.filipinaslibrary.org.ph/articles/rizals-last-hours/

Walang komento: