PAHAYAG NG KPML SA IKA-147 KAARAWAN NG BAYANING SI GAT EMILIO JACINTO
Disyembre 15, 2022
PAGPUPUGAY SA UTAK NG KATIPUNAN, EDITOR NG KALAYAAN, PINUNO NG HUKBO, AT MAYKATHA NG KARTILYA NG KATIPUNAN
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita ng bayan sa ikasandaang apatnapu't pitong (ika-147ng) kaarawan ng ating bayaning si Gat Emilio Jacinto (Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899).
Si Emilio Jacinto ay magaling magsalita (mahusay siya sa wikang Tagalog at Kastila) at matapang na binata, na kilala bilang kaluluwa at utak ng Katipunan, ang rebolusyonaryong organisasyong pinamunuan ni Supremo Gat Andres Bonifacio. Nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran. Lumipat siya sa Unibersidad ng Santo Tomas upang mag-aral ng abugasya, kung saan ang magiging presidente ng Pilipinas, si Manuel Quezon, ay kabilang sa kanyang mga kaklase. Sa kanyang maikling buhay, tumulong si Jacinto na pamunuan ang laban para sa kalayaan ng mga Pilipino mula sa Espanya.
Si Jacinto ay 19 taong gulang pa lamang nang dumating ang balita na inaresto ng mga Espanyol ang kanyang bayaning si Jose Rizal. Dahil doon, umalis ang binata sa paaralan at sumama kay Andres Bonifacio at iba pa upang bumuo ng Katipunan.
Si Jacinto ang naging patnugot ng Kalayaan, ang pahayagan ng Katipunan. Naging pinuno rin siya ng Hukbo sa Dakong Silangan ng Maynila.
Bilang manunulat, isinulat noon ni Jacinto sa kanyang akdang Liwanag at Dilim, "Iisa ang pagkatao ng lahat." Ang sinulat niyang iyon ay talagang nakapagmumulat sa atin kung paano ba tayo magpakatao at makipagkapwa. Iisa ang pagkatao ng lahat, na ibig sabihin, huwag kang maging sakim, mapangmata ng kapwa, mapang-api at mapagsamantala, dahil lang sa iyong katayuan sa buhay. Isinulat din niya ang Kartilya ng Katipunan, na nakapaloob sa dokumentong "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito."
Bago pa magkaroon ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) noong Disyembre 10, 1948, ay naisulat na ni Jacinto sa Kartilya ng Katipunan ang pananalitang ito: "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao."
Dahil sa kanyang mga ambag sa bayan, inaalala natin si Jacinto sa anim na araw mula Disyembre 10 (Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao) hanggang sa kanyang kaarawan.
Tunay ngang ang mga aral ng bayaning Jacinto’y gabay natin at ng mga susunod pang salinlahi. Halina't basahin natin ang Liwanag at Dilim, at iba pang akda ni Dimas Ilaw, sagisag-panulat ni Gat Emilio Jacinto, na kilala rin sa kanyang alyas na Pingkian, na ibig sabihin ay kislap ng pagkikiskisan ng dalawang bagay na maaaring magliyab.
Ang kanyang tulang A La Patria na nasa wikang Kastila at binubuo ng dalawampu't siyam na saknong na may tiglimang taludtod bawat saknong ay isinalin ng makatang Gregorio Bituin Jr. noong Agosto 2012 sa wikang Filipino, na may dalawampung pantig bawat taludtod. Ito'y maaaring makita sa kawing na: http://akdaniemiliojacinto.blogspot.com/2012/08/sa-inang-bayan-salin-ng-tula-ni-gat.html
Pagkatapos ng pagbitay kay Bonifacio, ipinagpatuloy ni Jacinto ang pakikibaka ng Katipunan. Tulad ni Heneral Mariano Álvarez, tumanggi siyang sumapi sa pwersa ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang pinuno ng pangkat ng Magdalo ng Katipunan. Nanirahan si Jacinto sa Laguna at sumapi rin sa milisya na lumaban sa mga Kastila. Nagkaroon ng malaria si Jacinto at namatay noong Abril 16, 1899, sa Brgy. Alipit, Santa Cruz, Laguna. Ang kanyang mga labi ay unang inilibing sa Brgy. San Juan, Santa Cruz, Laguna, at inilipat sa Manila North Cemetery makalipas ang ilang taon at pagkatapos ay inilipat ang kanyang labi sa Himlayang Pilipino Memorial Park sa Quezon City.
Siya ay ikinasal kay Catalina de Jesús, na buntis nang siya'y mamatay. Sa gulang na dalawampu't apat ay namatay si Jacinto.
Mabuhay si Gat Emilio Jacinto! Ang kanyang halimbawa ay mananatiling inspirasyon sa mga susunod na henerasyon.
* litrato mula sa google
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento