Martes, Disyembre 27, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Epidemic Preparedness

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF EPIDEMIC PREPAREDNESS
Disyembre 27, 2022

MAGING HANDA SA EPIDEMYA!
MAAGAP NA TUGON AY PAGHANDAAN! 
PROTEKTAHAN ANG KALUSUGAN
NG BAWAT MAMAMAYAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa International Day of Epidemic Preparedness tuwing Disyembre 27.

Noong Disyembre 2019 ay sumulpot ang coronovirus disease of 2019 o COVID-19. Mula diumano sa Tsina ang virus na ito, at kumalat sa buong daigdig.

Dahil dito, noong Marso 2020 ay nagsimula na ang malawakang lockdown, at iba't ibang uri ng quarantine, sa ating bansa upang labanan ang COVID-19 at hindi magkahawaan. Walang labasan ng bahay. Maraming nagsarang pabrika. May mga nagprotesta dahil sa gutom, dahil hindi makapagtrabaho, dahil hindi makalabas ng tahanan. 

Marami sa ating mga mahal sa buhay ang nangawala na dahil sa malupit na pananalasa ng COVID-19. Milyun-milyong buhay ang nawala, at daan-daang milyong tao ang nagkasakit. Pinapanood na lang natin sa telebisyon, napapakinggan sa radyo, at nababasa sa mga pahayagan at sa social media, ang mga datos ng namatay, natamaan ng COVID-19, at mga gumaling. Ang pag-aaral ng mga estudyante ay naging online na, pati na ang mga pag-order ng mga pagkain.

Maraming binago ang pandemya. Kung dating kayraming bus sa EDSA na pwede kang ibaba kung saan, ito'y naging bus carousel na, at sa nakatakdang babaan at sakayan ka lamang makakababa o makakasakay. Kung dati, ang naka-facemask ay sinisita ng pulis dahil baka holdaper, lahat na ang obligadong mag-facemask, at ang hindi naka-facemask ay sinisita ng pulis.

Noong 1334-1353 ay nanalasa ang Black Death, na pumaslang ng 75-200 milyong katao. May New World Smallpox noong 1520 – early 1600s, na nakaapekto sa 25-56 milyong katao. Ang Spanish flu noong 1918-1920 na nasa 50-100 milyong katao ang namatay. Ang HIV/AIDS na nanalasa noong 1981 hanggang sa kasalukuyan ay tumama sa 27.2-47.8 milyong katao. At itong COVID-19 sa ating panahon, na tinatayang nasa 5-17 milyon na ang namatay.

Marahil, ang COVID-19 ay hindi ang huling epidemya o pandemyang kakaharapin ng sangkatauhan. Kaya dapat tayong maging handa. Noong Disyembre 7, 2020, itinalaga ng United Nations General Assembly, sa pamamagitan ng Resolusyon A/RES/75/27, ang Disyembre 27 bawat taon bilang International Day of Epidemic Preparedness o Pandaigdigang Araw ng Pagiging Handa sa Epidemya.

Sa araw na ito, mahigpit na nakikiisa ang KPML sa lahat ng mga nagdurusa at namatayan dahil sa epidemyang dulot ng COVID-19. Nawa'y maging handa tayo, maging ang iba't ibang pamahalaan sa buong mundo, mga lokal na pamahalaan o LGU, ospital, barangay, NGO, pamilya, at iba pa, sa paghahanda upang matugunan agad ang anumang pamndemya o epidemyang ating kakaharapin sa hinaharap.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/epidemic-preparedness-day
https://unis.unvienna.org/unis/en/pressrels/2022/unissgsm1293.html
gavi.org/vaccineswork/historys-seven-deadliest-plagues

Walang komento: